Bida Ka!: Dalawang Trapiko
Mga Bida, dalawang isyu ng pagsisikip ng trapiko ang naging tampok sa ating mga gawain noong Lunes.
Noong umaga, naimbitahan tayo sa pirmahan ng memorandum of agreement sa pagitan ng Department of Science and Technology (DOST) at PLDT upang mapaganda at mapabilis ang “trapiko” ng government websites.
Ang kasunduan sa pagitan ng PLDT at DOST ang isa sa mga bunga ng ginagawa nating pagdinig sa Senado ukol sa mabagal at mahal na Internet sa bansa.
Sa nasabing kasunduan, magkakaroon na ng koneksyon ang PLDT sa PHOpenIX. Karamihan niyan sa ating data sa mga website ng ating pamahalaan ang hindi na lalabas ng bansa.
Mas mabilis na ang pagbubukas at access ng publiko sa karamihan, kung hindi man, sa lahat ng government websites na kabilang sa PHOpenIX.
Ang isang isyu pa na matutugunan nito ay ang pagprotekta ng data ng ating pamahalaan kung saan hindi na rin ito lalabas pa ng bansa.
Ang ating mga personal ding impormasyon na inilalagay sa mga website ng pamahalaan ay mananatili na lamang dito.
Hindi pa ito ang buong-buong IP Peering na isa sa ating itinutulak. Ngunit, isa na rin itong malaki at magandang simula tungo sa pag-uugnay at mas mabilis na pagbubukas at paggamit ng lahat ng mga website dito sa ating bansa.
***
Kinahapunan, bumiyahe tayo mula Quezon City papuntang Senado sa Pasay para imbestigahan ang problema ng trapiko sa Metro Manila at ang epekto nito sa ating ekonomiya.
Noong nakaraang buwan, naghain tayo ng resolusyon para silipin ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan upang maresolba ito.
Mahalagang matugunan natin ang problema ng trapiko dahil 2.4 bilyong piso ang nawawala sa ekonomiya ng bansa araw-araw dahil dito.
Kapag hindi ito naresolba, malulugi ang ekonomiya natin ng P6 bilyon kada araw pagsapit ng 2030.
Mga Bida, napakalaking pera ang nawawala sa atin araw-araw dahil sa walang hanggang biyahe. Magagamit natin ang perang ito para sa ating pamilya, mga komunidad at mga programa ng ating bansa.
Layon nating mapag-usapan ang mga solusyon sa trapik ngunit hindi nakarating ang mga opisyal ng pamahalaan na may kinalaman dito.
Nagkataon na kasabay ang pagpapatupad ng kanilang eksperimento na gamitin ang Highway Patrol Group na siyang magtitimon sa trapiko.
Sa Lunes, Sept. 14, itutuloy natin ang imbestigasyon kung saan nangako silang makadadalo upang mag-ulat kung nakatulong nga ang kanilang eksperimento para maibsan ang trapiko sa EDSA.
Masaya pa rin tayo dahil nagsama-sama na ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at nagpaplano na sila para mapadali ang biyahe natin araw-araw.
Maganda ang pokus ng inter-agency campaign na ito dahil pinagtutuunan ng pansin ang kapakanan ng ating mga pasahero at hindi ng mga taong may pribadong sasakyan.
Nabatid sa hearing na 70 porsiyento ng pampublikong sasakyan ay gumagamit lamang ng 20 porsiyento ng kalsada na siyang nakakadagdag ng pagsikip ng ating mga kalsada.
Bigyan natin ng pagkakataon ang mga nasabing eksperimento at baka makaambag ito sa pagbabawas ng oras at pagod natin sa biyahe araw-araw.
Huwag natin kaagad husgahan, bagkus, makiisa tayong lahat sa mga programa na siyang layong magpapaganda sa buhay ng lahat.
Mula Pasay pauwi nang Quezon City, bumiyahe lang tayo ng isang oras na kay laking ginhawa kumpara sa dating isa’t kalahating oras na biyahe pauwi. Maging ang ating anak na si Rory ay nagulat sa pagdating natin nang ganoon kaaga!
Patuloy ninyo kaming samahan sa pagbabantay para ang dalawang isyu ng trapiko, sa Metro Manila at sa Internet, ay magawan ng solusyon para sa ikagaganda ng buhay nating lahat!
First published on Abante
Recent Comments