Bam Aquino Column on Abante

NEGOSYO, NOW NA!: Problema sa Tax

Mga Kanegosyo, sa mga nakalipas na linggo, sinasagot natin ang mga katanungang ipinapadala sa atin ng ating mga kababayan ukol sa kanilang karanasan sa pagnenegosyo.
Ito pa ang isang sulat na mula sa isang negos­yanteng PWD:

Kanegosyong Bam,

Good day po. I’m a PWD with chronic illness (lupus with pulmonary hypertension). Tanong ko lang po kung ano pong klaseng annual tax exemption po iyong P25,000 na isinusulong ninyo? Ito po ba ay para sa income tax?

Sana isama ninyo na rin iyong municipal/local tax para sa pagkuha ng business permit. Ang laki po kasi ng binabayaran ko po — P4,417 tax bracket para sa P100,000 gross sales para sa computer shop dito sa Montalban, Rizal. Ngunit hindi naman po umaabot ng P100,000 ang 4 units na pinapa-rent ko po.

Halos hindi na nga po kumikita ang shop ko lalo na’t ‘di na ganoon ka-in demand ang mga Internet shop ngayon. Pinaalam ko na rin po ito sa OIC ng BPLO sa amin.

Iyong P4,417 at iba pang binabayaran pa po para sa business permit ay makakatulong po para maipambili po sana ng aking mga gamot, medical laboratories at medical check-up. Sana ma­bigyan n’yo po ng aksyon ito.

Maraming salamat at more power po!

 

Sa ating letter sender, marami pong salamat! Tama kayo na ang inihain nating panukala ay la­yong rebisahin ang Magna Carta for PWDs.

Nais nating bigyan ng taunang P25,000 tax exemption sa income tax ang mga PWDs at sa mga pamilyang may PWD dependents.
Layon nating mapa­gaan ang hamon na inyong hinaharap sa pang-araw-araw.

Kapag naisabatas na ito, bibigyan ang PWDs ng exemption sa value added tax, maliban pa sa income tax, para mailagay ang naipon sa panggastos sa wheelchairs, hearing aids, nurses at caregivers, learning disability tutors at marami pang iba.

Hinahangaan ko ang mga kababayan nating PWDs na kahit mas mahirap ang kanilang kinalalag­yan, patuloy pa rin silang lumalaban para sa kanilang mga pangarap at sa kanilang mga pamilya.

***

Subalit, mga Kanegos­yo, ibang usapin pagda­ting sa municipal at local taxes sa mga negosyo. Mayroong awtonomiya at kapangyarihan ang sanggunian ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng Local Government Code at National Internal Revenue Code na magtakda kung magkano ang kanilang business tax, na depende sa klasipikasyon nila  kung sila’y 1st class municipality, 2nd, 3rd at iba pa.

Maaari nating pag-aralan at makipagtulungan sa mga LGUs kung sobra-sobra na ang buwis na sinisingil ng ating lokal na pamahalaan upang makahain tayo ng mga panukala na siyang magpapagaan sa ating mga negosyo.

***

Mga Kanegosyo, tuluy-tuloy tayo sa pagsagot sa inyong mga katanungan. Mag-e-mail lang sa negosyonowna@gmail.com, mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino, o makinig tuwing Miyerkules, 11:00 a.m.-12:00 p.m. sa RMN Manila DZXL 558 sa ating programang “Status Update”.

Pangarap natin ang inyong tagumpay sa inyong pagnenegosyo!

 

First Published on Abante Online

 

NEGOSYO, NOW NA!: Expertise

Mga Kanegosyo, noong nakaraang linggo, tinalakay natin ang kaha­lagahan ng ­integridad sa pagnenegosyo — na ang pagiging tapat sa pag­pa­patakbo nito at ang hindi panloloko ng mga mamimili at supplier ang isa sa mga susi para magtagal at maging matagum­pay ang ating mga negos­yo.

Ngayong linggo nama­n, pag-usapan natin ang tungkol sa ­pagiging bihasa natin sa ­larangan na ating papasukin upang mas maging malaki ang bentahe ng itatayo ­nating negosyo o pagkaka­ki­taan.

Mas mahirap kasing magsimula at umasenso kung wala tayong alam o mangangapa pa sa negosyong itatayo. Baka mas matatagalan ang pag-a­ngat ng negosyo kung hindi kabisado ang linya ng papasukin.

Halimbawa, kung ang linya natin ay may ­kaalaman sa ­computer ngunit laundry shop ang ating papasukin, mas maraming detalye ang kailangang ­pag-aaralan bago magkaroon ng gamay sa pagpapatakbo ng isang laundry shop.

Sa isang artikulo sa Forbes.com, isa sa mga website na tumatalakay sa matatagumpay na negosyo, ang pagiging bihasa sa larangan ay ang pinakamalaking sandata ng isang entrepreneur.

Sa paliwanag ng nagsulat na si Kevin Ready, isang negosyante, manunulat at marketing specialist, kapag bihasa na tayo sa larangang pinasok, makakabisado na ang pasikot-sikot nito at mas madali nang malusutan ang kahit anong uri ng problema.

Maliban dito, ­dahil alam na ang sistema ng pagpapatakbo sa negos­yo, mas madali nang mailalatag at mapagha­handaan ang mga plano’t programa para sa hinaharap.
Magiging kabisado na rin ang galaw ng merkado; mas madali nang makapag-adjust sa mga produkto o serbisyo na ipapasok.

Puwede rin namang pumasok sa mga negosyong wala tayong karanasan. Mas magiging malaki nga lang ang kailangang habulin.

***

Natapos ni Dra. Vicky Belo ang Bachelor of Science sa UP Diliman noong 1978 at nakumpleto ang kanyang degree sa Medicine and Surgery sa University of Sto. Tomas noong 1985.

Nagtrabaho muna siya ng isang taon bilang resident doctor sa Makati Medical Center bago pinursige ang kanyang diploma sa Dermatology mula sa Institute of Dermatology sa Bangkok, Thailand noong 1990.

Pagbalik niya ng Pilipinas, sinimulan niya ang pangarap na magtayo ng sariling clinic para sa liposuction at laser sa isang 44-metro kuwadradong espasyo sa Medical Towers sa Makati.

Malaking sugal ang ginawa niya dahil noong mga panahong iyon, bihira lang ang mayroong ganitong uri ng klinika sa bansa at kakaunti pa lang ang may interes na suma­ilalim sa tinatawag na enhancement.

Sa una, mabagal ang dating ng kliyente dahil puro mayayaman lang ang nagpupunta sa clini­c niya.
Ngunit ­dalawang ling­go ang nakalipas mula nang buksan niya ang klinika, bumisita ang isang sikat na singer na kanyang naging regular na kliyente at modelo.

Kumuha rin siya ng isang publicist na isa ring kilalang TV host upang ipakilala sa madla ang kanyang klinika.
Mula noon, sabi nga nila, the rest is history. Dahil eksperto si Dra. Belo sa kanyang negosyo, maraming serbisyo ang kanyang nailabas para sa merkado.

Dalawampu’t limang taon ang nakalipas, malayo na ang narating ng Belo Medical Group. Ito na ang itinuturing bilang numero unong medical aesthetic clinic sa bansa.
Mula sa maliit na klinika sa Makati, nga­yon ay mayroon nang siyam na klinika sa Metro Manila at tig-isang klinika sa Cebu at Davao.

Basta’s bihasa sa larangan na papasukin, hindi na mangangapa at kadalasan, mas magiging mabilis pa ang pag-angat ng negosyo!

 

First Published on  Abante Online

 

 

Scroll to top