NEGOSYO, NOW NA!: Kumpitensiyang Patatas
Mga Kanegosyo, noong nakaraang linggo, tinalakay natin kung paano nagsimula sina JoeMag, ang may ari ng matagumpay na negosyong Potato Corner.
Nang nagsisimula pa lamang sila, naharap siya sa isang mabigat na desisyon – ang iwanan niya ang kanyang trabaho o sumuong sa walang kasiguraduhang pagnenegosyo.
Dahil sa pagmamahal sa pamilya at nais na magtagumpay, sumugal siya at naging negosyante.
Sulit naman ang kanyang ginawa dahil nabawi nila ang kanilang puhunan pagkatapos ng isang buwan pa lamang.
***
Ipagpapatuloy natin ngayon ang kuwento nina JoeMag, mga Kanegosyo, lalo na at hindi lang tagumpay ang kanilang naranasan.
Sa pagsikat nila, dumami rin ang nagtayo ng Potato stands sa bansa. Aniya, sa loob ng dalawang taon, 200 kakumpitensiya ang nagtayo ng katulad nilang nanegosyo.
Marami rin ang nagtanong sa kanila kung sila ba ay nag-fafranchise dahil bilib sila sa potensyal ng negosyo. May mga nag-alok na rin ng lugar kung saan maaari silang maglagay ng stand.
Pinag-aralang mabuti nilang magkakaibigan kung anong stratehiya ang pinakamainam sa lumalaking negosyo at lumalawak na kumpetesiyon.
Nagdesisyon sila na franchising ang susunod na hakbang para lalong mapalago at mapatibay ang negosyo.
***
Maraming hinarap na hamon ang Potato Corner nang magsimula na silang mag-franchise.
Una rito ay kung sino ang magpapatakbo sa kumpanya. Dahil nga apat silang magbabarkadang nagsimula ng Potato Corner, nagkaroon ng mga gusot at hindi pagkakaintindihan, tulad sa pamumuno.
“Two heads running a business is a monster,” sabi ni JoeMag.
Napakahalagang maayos ang mga may ari para hindi magulo ang negosyo. Nagkasundo sila na iisa lang ang magpapatakbo ng negosyo sa araw-araw para hindi magulo.
Naging malaking hamon din ang pagpasok nila sa franchising. Malaki ang pagkakaiba ng pagpapatakbo ng franchising doon sa company-owned.
Una, kailangang maging tapat at transparent sa lahat ng transaksiyon dahil maraming franchisees ang nakatutok sa operasyon. Naniniwala silang karapatan ito ng franchisee dahil sila’y maituturing na ring may-ari ng kumpanya.
Nauubos din ang oras nila sa pakikipag-usap sa franchisees. Dahil sila’y mga may-ari ng kumpanya, mas gusto nilang kausap ang may-ari rin gaya ni JoeMag.
Idinidiin niya na sa franchising, mahalagang matutukan ang kapakanan ng franchisees dahil sa malaki nilang tulong para mapaangat at manatiling tumatakbo ang negosyo.
May panahon pa sa kasaysayan ng Potato Corner na hindi sila sumuweldo para matugunan lang ang pangangailangan ng mga franchisee.
Sa kabila ng hirap sa merkado, malaki ang pasasalamat nila sa franchising. Sabi nga niya, kung hindi sila sumugal sa franchising, baka nagsara na agad ang Potato Corner.
Makalipas ang 23 taon, mayroon nang 500 tindahan ang Potato Corner sa Pilipinas at 100 sa labas ng bansa, kabilang ang United States, Indonesia, Panama, Singapore at Thailand.
Kaya mga Kanegosyo, huwag matakot sa kumpetisyon. Ituloy lang ang laban sa pagnenegosyo!
Recent Comments