Bam Aquino Column

BIDA KA!: Libreng edukasyon sa kolehiyo

Mga bida, bago ako naging senador at social entrepreneur, ako’y tumayo bilang student leader noong ako’y nag-aaral pa. Bilang student leader, ipinaglaban namin ang karapatan at kapakanan ng mga kapwa estudyante.

Kaya nang umupo ako bilang chairman ng Committee on Education sa pagsisimula ng 17th Congress, ginawa kong prayoridad ang mga panukalang nagsusulong ng kapakanan ng mga mahihirap nating estudyante.

Isa sa mga panukalang inihain ko ay ang Senate Bill No. 177, na layong magbigay ng libreng tuition sa mga estudyante sa state universities and colleges (SUCs).

Kapag naisabatas ang panukala, ito’y katuparan ng matagal kong pangarap noong ako pa’y student leader.

***

Noong Lunes, lumapit na sa katotohanan ang pangarap na ito matapos aprubahan sa bicameral conference committee ang pinal na bersiyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Sa bahagi ng Senado, tinutukan namin ang pagbibigay ng libreng tuition sa state universities and colleges at ito ang lumabas sa aming bersiyon.

Napaganda pa ang panukala nang isama ang bersiyon ng Kamara, kung saan nililibre na rin ang iba pang bayarin gaya ng miscellaneous fee.

Ibig sabihin nito, halos libre na ang edukasyon sa SUCs pati na sa local universities and colleges o LUCs.

Oras na maratipikahan ng bawat sangay ng Kongreso, ito’y ipadadala na sa Malacanang para sa pirma ni Pangulong Duterte.

 

***

Maraming estudyanteng nangangailangan ang matutulungan ng panukalang ito kapag naging batas.

Isa na rito si Ronald Kenneth Corpus, na kumukuha ng Bache­lor of Science in Civil Engineering sa Nueva Ecija University of Science and Technology. Isa si Ronald sa ating mga nakausap sa pagdalaw namin sa iba’t ibang SUCs sa buong bansa.

Si Ronald ay may kakaibang kondisyong medikal kung saan unti-unting kinakain ang kanyang joint at ligament.

Sa kanyang kondisyon, hirap siya kumilos kaya wala siyang magawa kahit gustuhin man niyang magtrabaho.

Kailangan ni Ronald ng therapy ngunit hindi ito kaya ng kanyang ina, na nagtatrabaho lang sa school canteen.

Pinagkakasya lang ng kanyang ina ang kinikitang dalawandaang piso kada araw sa pangangailangan sa bahay at sa pag-aaral ni Ronald at isa pa niyang kapatid.

Sa ngayon, nagbabayad si Ronald at kanyang kapatid ng tig-P7,000 bawat semester o kabuuang P14,000.

Sa tulong ng panukalang ito, ang nasabing halaga ay magagamit nila sa ibang bagay, tulad ng pagpapagamot ni Ronald at sa iba pang mahalagang pangangailangan ng pamilya.

Magiging malaking tulong din ito kay Janice Jaranilla, isang AB English student sa Pangasinan State University.

Maliban sa gastos sa pag-aaral, problema rin ni Janice ang araw-araw na pamasahe dahil sa kanyang kondisyon bilang person with disability (PWD).

Umaabot sa isandaang piso bawat araw ng gastos ni Janine sa pamasahe at limandaang piso kada linggo naman sa pagkain. Ulila na si Janine at umaasa lang sa kapatid na taga-Bolinao para sa kanyang gastusin sa pag-aaral.

Nakakatanggap si Janine ng P2,000 kada semester mula sa tanggapan ng mayor bilang ayuda sa kanyang pag-aaral. 

Ito’y mapupunta na lang sa kanyang gastusin sa pamasahe at pagkain kung malilibre na ang kanyang pag-aaral sa SUC.  Malaking gaan din ito sa kanyang kapatid na may sarili ring pamilya na binubuhay.

***

Dalawa lang sina Ronald at Janice sa maraming matutulungan ng panukalang ito.

Sa pamamagitan nito, magkakaroon sila at marami pang kagaya nilang nangangailangan ng pagkakataon para makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng edukasyon.

Magsisilbing daan ito upang makakuha sila ng magandang trabaho na malaki ang kita na magbibigay ng magandang kinabukasan sa kanila at sa kanilang mga pamilya.

BIDA KA!: Foreign Affairs

Mga Bida, panibagong ingay na naman ang ginawa ng pamahalaan noong nakaraang linggo matapos ihayag ni Pangulong Duterte na hindi na tatanggap ang bansa ng aid o tulong mula sa European Union (EU).

Sa desisyong ito ng gobyerno, mawawala ang tulong na aabot sa 250 million Euros o P13.8 bilyon, na dapat sana’y mapupunta sa ilang komunidad ng mga kapatid nating Muslim.

Ang dahilan sa pagtanggi ng pamahalaan sa ayuda ng EU? Dahil daw may mga kondisyon ang EU na nanghihimasok sa isyu ng human rights at pagpapairal ng batas sa bansa.

Dapat ba natin itong ikasama ng loob? Hindi ba’t trabaho ng ating pamahalaan ang pairalin ang batas at protektahan ang karapatang pantao ng mga Pilipino?

***

Sa aking pagbisita sa Iligan kamakailan, nagkaroon ng mukha ang mga grupo na nakakatanggap ng tulong mula sa EU.

Habang nag-aalmusal, nilapitan ako ng ilang grupo ng mga Muslim na nakakakuha ng grant mula sa EU.

Ayon sa grupo, nakakakuha sila ng tulong mula sa EU para idokumento ang pag-aalis ng landmines sa Mindanao. Sa kanilang kasunduan ng EU, popondohan ang kanilang pagkilos hanggang 2018.

Subalit dahil sa pasyang ito ng gobyerno, wala nang kalina­wan kung matutuloy pa ang kanilang ginagawa.

***

 

Kamakailan lang din, ipinabatid ni Pangulong Duterte na pinagbantaan siya ng giyera ng China kung itutuloy ng Pilipinas ang paghahabol sa mga islang pinag-aagawan sa West Philippine Sea.

Kung totoo, napakabigat ng binitiwang salita ng pangulo ng China ngunit walang naging reaksiyon ang ating pamahalaan ukol sa nakababahalang banta mula sa bansa na itinuturing ng ating Pangulo bilang isang matibay na kaalyado.

Nabahala naman si Justice Antonio Carpio sa kawalan ng sagot o opisyal na pagkilos ng pamahalaan ukol dito. Ayon kay Carpio, maaari itong dalhin ng Pilipinas ang binitiwang banta ng China sa United Nations tribunal.

Sa kabila ng bantang ito, tuloy pa rin ang pagtanggap ng Pilipinas ng ayuda mula sa China. Hindi ba dapat ito’y salungat sa posisyon ng gobyerno sa EU.

Habang kinondena natin ang EU sa umano’y panghihimasok nito sa usapin ng bansa kapalit ng kanilang tulong, tinanggap naman natin ang tulong at loan na alok ng China sa kabila ng kanilang panghihimasok sa ating teritoryo.

Ano ba ang mas mabigat? Ang kuwestiyunin ang ating karapatang pantao at pagpapatupad ng batas o ang pasukin at agawin ang teritoryo na matagal nang atin?

***

Ilang beses ko nang ipinaalala sa liderato ng Committee on Foreign Affairs ng Senado ang aking resolusyong silipin ang direksiyon ng ating foreign policy ngunit bumagsak lang ito sa mga binging tainga.

Mahalagang magkaroon ng pagdinig upang malaman ng taumbayan kung saan patutungo ang tinatahak na daan ng pamahalaan pagdating sa ugnayang panlabas.

NEGOSYO, NOW NA!: Negosyong techie

Mga kanegosyo, isa sa mga dahilan kung bakit isinusulong ko ang libreng internet sa mga pampublikong lugar sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay puwede itong pagkunan ng trabaho at pagsimulan ng negosyo.

Kapag naratipikahan ng dalawang sangay ng Kongreso ang pinal na bersiyon ng panukala, pirma na lang ni Pangulong Duterte ang kailangan upang ito’y ma­ging batas.

Kapag mayroong internet ang isang Pilipino, naririyan ang oportunidad para makakita ng hanapbuhay, makapagsimula ng online business o iba pang negosyo na may kinalaman sa teknolohiya.

Ganito ang nangyari kina Gian Javelona ng OrangeApps Inc. at Juan Miguel ‘JM’ Alvarez ng Potatocodes, dalawang technopreneur o negosyante na gumagamit ng teknolohiya sa kanilang negosyo.

Masuwerte tayo at nakasama natin sila sa prog­ramang ‘Go Negosyo sa Radyo’ noong Miyerkules kung saan ibinahagi nila ang kuwento ng kanilang tagumpay.

Sa kuwento ni JM, sinimulan niya ang Potatocodes noong 2014 sa edad na 20-anyos. Isa sa mga hamon na kanyang naranasan ay ang kawalan ng karanasan. Ngunit naisipan pa rin niyang gumawa ng mobile app sa sariling pagsisikap at pag-aaral.

Nagbunga naman ang pagtitiyaga ni JM dahil nakabuo siya ng app matapos ang isang buwang pag-aaral. Isa sa mga mobile app na na-develop niya ay ang FormsPH, na kanyang ipinamamahagi nang libre at ngayo’y may 15,000 downloads na.

Ayon kay JM, ginawa niyang libre ang Forms­PH bilang mensahe sa mga kapwa millenials na gumawa ng solusyon sa halip na magreklamo nang magreklamo. Ngayon, nakatutok ang serbisyo ng Potatocodes sa paggawa ng website.

Para kay JM, hindi dapat isipin ang kabiguan at hindi rin dapat gamiting dahilan ang kakulangan ng kaalaman para hindi maabot ang isang bagay.

***

 

Sa parte naman ni Gian, sinimulan niya ang OrangeApps gamit lang ang laptop at cellphone. Ayon kay Gian, naisip­an niyang simulan ang kompanya at gumawa ng app para sa enrollment matapos pumila ng tatlo hangggang apat na oras para maka-enroll.

Nagdisenyo siya ng app gamit ang website at mobile kung saan mapapatakbo ng isang paaralan ang operasyon nito sa online enrollment, tuition fee monitoring, at schedule ng mga klase.

Isa sa mga naging hamon sa pagsisimula niya ay kung paano makukuha ang tiwala ng mga paaralan na gumawa ng app para sa kanila. Unang nagtiwala kay Gian ay ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) hanggang sa ito’y nasundan pa ng iba pang unibersidad.

Nang tanungin kung bakit ito ang napili niyang pangalan sa kompanya, sinabi ni Gian na “kung may Apple, gusto ko magkaroon ng Orange”.

Ayon kay Gian, ang pangunahing nagtulak sa kanya para simulan ang kompanya ay ang pagnanais na mapabuti ang sistema.

Para kay Gian, mas mabuting unahin muna ang pangarap dahil susunod na rito ang kita.

Nagsisilbi ring inspirasyon ni Gian ang pagkakataong makapagbigay ng trabaho sa mas maraming tao sa pamamagitan ng kanyang kompanya.

***

Mga kanegosyo, ano ang pagkakatulad nina Gian at JM? Pareho silang nag­hanap ng solusyon sa mga problema na kanilang naranasan at kinaharap.

Maliban pa rito, pareho rin silang natuto sa panonood ng YouTube kung paano mag-code o mag-program. Si JM, inabot lang ng isang buwan para matutong gumawa ng app.

Ito ang tatak ng isang entrepreneur. Naghaha­nap ng so­lusyon sa mga problema at nagbibigay ng sagot sa mga panga­ngailangan sa kanyang kapaligiran.

Sa paghahanap nila ng solusyon sa problema, nakapagsimula sila ng negosyo na parehong nagdala sa kanila tungo sa tagumpay.

BIDA KA!: Internet for all

Mga Bida, napakahalaga na ng papel ng internet sa buhay ng mga Pilipino.

Ginagamit ang internet sa pag-aaral ng mga estudyante, sa paghahanap ng trabaho, pagpapakilala ng mga maliliit na negosyante sa kanilang mga produkto online at sa pakikipag-usap sa ating mga mahal sa buhay na nasa malayong lugar.

Kaya isinulong natin ang panukalang Free Internet in Public Places Act, bilang chairman ng Committee on Science and Technology, upang matugunan ang pangangailangang ito ng ating mga kababayan nang hindi na kailangang gumastos para lang makakonek sa internet.

Kabilang sa mga lugar na lalagyan ng libreng internet ang mga tanggapan ng pamahalaan at mga pampublikong paaralan, transport terminals, ospital at library.

Noong Lunes, naaprubahan na sa bicameral conference committee ang pinal na bersiyon ng panukala. Matapos ratipikahan ng dalawang sangay ng Kongreso, ipadadala na ito sa Malacañang para sa pirma ni Pangulong Duterte.

***

Sa bicameral conference committee, naatasan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na bilisan na ang programa sa lalong madaling panahon para mapakinabangan na ng ating mga kababayan.

Napag-usapan na mamadaliin ng DICT ang mga lugar na mayroon nang imprastruktura ng internet ngayong taon at sa susunod na taon.

Ngunit inamin ng DICT na matatagalan pa ang paglalatag nito sa mga lugar na kulang pa sa imprastruktura.

Dalawa ang naisip na paraan upang masolusyunan ang problemang ito. Una, ay ang pagpapalakas ng kumpetisyon sa merkado.

 

Magagawa ito sa pamamagitan ng pagkumbinse sa iba pang telcos na pumasok sa merkado at makipagsabayan sa mga higanteng internet service providers.

Sa ganitong sitwasyon, lalakas ang kumpetisyon sa merkado at magkakaroon ng tagisan ang mga telcos pagdating sa pagandahan ng serbisyo at pababaan ng presyo. Resulta, gaganda ang kalidad ng internet sa presyong abot-kaya ng publiko.

Ikalawang solusyon ay ang pagtatayo ng gobyerno ng sarili nitong imprastruktura, lalo na sa malalayong lugar na hindi naaabot ng koneksiyon ng internet, sa pamamagitan ng National Broadband Plan (NBP).

Suportado natin ang programang ito subalit aabutin pa ng tatlong taon upang ito’y mailatag at makumpleto.

***

Isa sa mga probisyong inilagay sa Free Internet in Public Places Act ay ang pagpapadali ng proseso sa pagkuha ng permit sa pagpapatayo ng telco ng cell site at iba pang imprastruktura ng internet.

Madalas kasing reklamo ng telcos, inaagiw at inaabot ng siyam-siyam ang pagkuha ng permit, lalo na sa local government units, kaya nauudlot ang plano nilang maglagay ng dagdag na imprastruktura para mapaganda ang kanilang serbisyo. Sa ilalim ng Free Internet in Public Places Act, matutugunan na ang reklamong ito dahil pitong araw lang ang kailangan sa proseso sa pagkuha ng permit sa local government units (LGU) para sa cell site, tower at iba pang kailangang imprastruktura para mapalakas ang internet.

***

Mga Bida, sa probisyong ito ng Free Internet in Public Places Act, wala nang puwedeng idahilan ang mga telco para hindi mapaganda ang kanilang serbisyo.

Wala na silang puwedeng palusot dahil mas mabilis na ang paglalatag nila ng kailangang imprastruktura para sa mas mabilis at murang internet.

Kapag ito’y naisakatuparan kasabay ng kumpletong implementasyon ng NBP, maraming Pilipino ang makikinabang sa libre at de-kalidad na koneksiyon sa internet sa mga pampublikong lugar sa buong bansa.

NEGOSYO, NOW NA!: Umasenso sa basura

Mga kanegosyo, pa­milyar ba kayo sa kasa­bihang ‘may pera sa basura’?

Nagkatotoo ang kasa­bihang ito kay Aling Pamfila Menor Mariquina, na tubong Boac, Marinduque.

Ang pagbili ng mga babasagin at plastic na bote at iba pang kalat ng mga kapitbahay ang na­ging tulay ni Aling Pam­fila tungo sa tagumpay.

***

Isinilang si Aling Pamfila sa Boac noong Hunyo 29, 1955. Sa batang edad, natuto na si Aling Pamfila na maghanap-buhay.

Sinasabayan ni Aling Pamfila ang pag-aaral ng pagtitinda ng kakanin sa kanilang lugar upang may maipambaon at makatulong sa gastusin sa bahay.

Dahil sa hirap, elementarya lang ang natapos ni Aling Pamfila at napilitan nang tumi­gil sa pag-aaral. Nana­tili na lang siya sa bahay upang tumulong sa mga ­gawain. Kung minsan, naglalako siya ng kakanin para may maidag­dag sa kanilang panga­ngailangan.

Nang tumuntong siya sa edad na 15, ­lumuwas si Aling Pamfila sa Maynila upang mamasukan bilang katulong. Kahit sanay sa gawaing bahay, nahirapan pa rin si Aling Pamfila dahil malayo sa pamilya.

Matapos ang ilang buwan, lumipat si Aling Pamfila sa Tanay at doon namasukan bilang alalay ng dentista.

Nang makaipon, nagbalik si Aling Pamfila sa Marinduque at nagtayo ng maliit na sari-sari store sa kanilang lugar.

 

Ngunit nagkaproblema si Aling Pamfila dahil sa halip na makabenta, puro utang ang ­ginawa ng kanyang mga kapitbahay. Dahil walang maibayad ang mga nangutang, agad ding nagsara ang kanyang munting negosyo.

 ***

Noong 1987, muling nagpasya si Aling Pamfila na subukang muli ang pagnenegosyo upang makatulong sa asawa sa gastos sa bahay at apat nilang anak.

Gamit ang isandaang pisong puhunan, nagsi­mula siyang magbenta ng sigarilyo, palamig, at biskwit. Unti-unti niyang inipon ang kinita hanggang sa makapagtayo muli ng sari-sari store.

Noong 1998, nakilala ni Aling Pamfila ang CARD. Noong una’y ayaw siyang pasalihin ng asawa ngunit nang ipaliwanag niya ang mga benepisyo at oportunidad na maaaring ibigay ng CARD, naintindihan ito ng mister at pinayagan na siyang sumali.

Naging masaya at makabuluhan para kay Aling Pamfila ang pagsali sa CARD dahil hindi lamang pinansiyal na tulong ang naibigay sa kanya nito kundi pati determinasyon na mapaunlad pa ang negosyo.

Ginamit ni Aling Pamfila ang nautang na P3,000 sa CARD bilang pandagdag sa kanyang tindahan. Inipon niya ang kita ng tindahan at ipi­nambili ng ilang baboy.

Noong 2006, naisipan ni Aling Pamfila na magsimula ng isang junk shop sa kanilang lugar dahil nakita niya na madali itong pagkakitaan at maraming kapitbahay niya ang makikinabang.

Ginamit niya ang pe­rang ipinahiram ng CARD bilang pambili ng kala­kal. Kasabay ng ­paglago ng kanyang negosyo, tumaas din ang panga­ngailangan ni Aling Pamfila sa kapi­tal, na agad namang ipi­nagkaloob sa kanya ng CARD nang walang anumang kola­teral.

Sa tulong ng kanyang negosyo, nakapagpagawa rin si Aling ­Pamfila ng dalawang boarding house at nakapagpundar ng rental business kung saan nagpapaupa siya ng videoke, upuan, at mesa para sa mahahalagang okasyon.

Nakabili siya ng ma­raming lupa sa kanilang lugar na may mga tanim na niyog at napatapos ang apat niyang anak sa kolehiyo.

Sa kasalukuyan, hinu­hubog ni Aling ­Pamfila ang kanyang mga anak sa pagpapatakbo ng kani­lang negosyo, sa tulong na rin ng mga seminar na ibinibigay ng CARD.

***

Itinuturing na pinakamalaking microfinance institution sa bansa, nagpapautang ang CARD-MRI ng puhunan sa mga nais magsimula ng negos­yo nang walang kolateral at sa mababang interes.

Mayroon na ­silang iba’t ibang sangay sa Pili­pinas, na ­makikita sa kanilang ­website na www.cardmri.com at ­www.cardbankph.com.

***

Ang Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act ang kauna-una­hang kong batas bilang senador noong 16th Congress. Layunin nito na maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

BIDA KA!: Lulusot ba si Napoles?

Mga Bida, naalala niyo pa ba ang pagbuhos ng galit ng taumba­yan ukol sa isyu ng maanomalyang paggamit ng P10 bilyong pork barrel fund?

Apat na taon ang nakalipas, ­libu-libo katao ang lumabas sa kalsada upang tuligsain ang katiwaliang ito kung saan nawaldas ang kaban ng bayan at napunta lang sa bulsa ng mga tiwaling pulitiko.

Imbes na pakinabangan ng totoong nangangailangan, si Napoles lang at kanyang mga kasabwat lang ang nakinabang sa salaping dapat sana’y nagamit sa pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa taumbayan.

Sino ba ang makakalimot sa mga larawan ng mga kaanak ni Napoles na nakahiga sa bathtub na puno ng pera?

Habang maraming tao ang nagugutom, nakasuot ang mga miyembro ng pamilya ni Napoles ng maluluhong damit at alahas habang nakasakay sa mamahaling sasakyan sa ibang bansa.

Habang maraming Pilipino ang walang bubong na masisilungan, ang isang miyembro ng pamilya ni Napoles ay naka­tira sa mamahaling condominium katabi ang mga sikat na ­celebrity at personalidad sa Amerika.

Kaya naman nagsaya ang taumbayan nang mailagay sa likod ng rehas na bakal si Janet Lim Napoles, ang sinasabing mastermind sa katiwaliang ito bunsod ng kabi-kabilang kaso ng plunder. Para sa atin, ito’y isang napakalaking panalo ­laban sa katiwalian.

Maliban sa santambak na kasong pandarambong, noong 2015 ay nahatulan si Napoles ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo sa serious illegal detention ng kanyang dating aide na si Benhur Luy.

Nabuhay ang tiwala ng taumbayan sa sistema ng hustisya sa bansa. Sa wakas, may malaking isda nang nabilanggo ­dahil sa katiwalian.

***

 

Ilang buwan ang lumipas, nag-iba ang ihip ng hangin dahil kamakailan lang, pinawalang-sala ng Court of Appeals (CA) si Napoles sa kasong serious illegal detention.

Ang masakit dito, administrasyon pa, sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General, ang kumilos para maabsuwelto itong si Napoles sa kasong maglalagay sa kanya nang habambuhay sa bilangguan.

May ilang abogado ang nagsabing hindi pa rin lusot si Napoles sa kasong plunder na kanyang kinakaharap. Anila, walang epekto ang desisyon ng CA sa asunto at patuloy pa ring maghihimas ng malamig na rehas na bakal itong sa Napoles.

Para naman sa ibang abogado at legal experts, malaki ang epekto nito sa kasong plunder ni Napoles. Sa desisyon ng CA, sinabi nilang humina ang kredibilidad ni Luy bilang pangunahing saksi at posibleng makalusot si Napoles sa kaso.

Sa gitna ng palitan ng legal na opinyon, lumutang ang bali­tang sweetheart deal sa pagitan ng pamahalaan at Napoles upang siya’y maging state witness. Ngunit mariin na itong itinanggi ng Malacañang.

***

Tulad ko, napapakamot din ba kayo ng ulo sa nangyaring ito?

Hindi mo talaga maiwasang magtaka at mapailing na lang sa nangyaring ito kay Napoles na binansagang “Pork Barrel Queen”.

Nagsikap ang nakaraang administrasyon upang mapapanagot ang mga nagwaldas ng salapi ng taumbayan, sa pangu­nguna ni Napoles.

Ngunit sa isang iglap lang, nasayang ang kanilang pagod nang mapawalang-sala itong si Napoles.

Mapapakamot ka talaga ng ulo sa nangyaring ito.

NEGOSYO, NOW NA!: Madramang buhay ni Aling Susan

Mga kanegosyo, si Aling Susan Bantilla ay tubong Padada, Davao del Sur. Kung pakikinggan ang kuwento ng kanyang madramang buhay, puwede itong gawing telenovela na siguradong susubaybayan ng mara­ming Pilipino.

Itinakwil si Aling ­Susan ng mga magulang dahil sa kagustuhan niyang mag-aral. Paniwala kasi ng kanyang mga magulang, hindi na sila kailangang mag-aral dahil pag-aasawa lang ang kanilang kahahantungan.

Sa pagpupumilit niyang makatapos sa kolehiyo, pinalayas siya ng mga magulang at napi­li­tang mangibang-­bayan. Sa kanyang pagsisikap, nakatapos si Aling ­Susan ng kursong Bachelor of Science in Agriculture Business.

Makalipas ang ilang taon, nakapag-asawa si Aling Susan at nabiya­yaan ng tatlong anak. Ngunit nasira ang kanyang pamilya nang su­mama sa isang kulto ang kanyang asawa at dinala sa bundok ang tatlo nilang anak.

Sa kuwento ni Aling Susan, plano ng ­kanyang mister na ihandog sa pinuno ng grupo ang ka­nilang bunso na noo’y sanggol pa lang. Mabuti na lang at nailigtas ni Aling Susan ang kanyang mga anak ngunit hindi ang asawa. Mula noon, hindi na niya ito nakita.

Lumipat si Aling Susan at mga anak sa Tacurong sa Sultan Kudarat. Doon niya nakilala ang lalaki na muling nagpatibok ng kanyang puso at tumayong ama ng kanyang mga anak.

Subalit noong Nob­yembre 23, 2009, nada­may ang kanyang asawa sa mga napaslang sa Maguindanao Massacre sa Maguindanao. Sa imbes­tigasyon, napagkamalan ang kanyang asawa na kasama ng mga pulitiko kaya ito pinaslang.

Sa nangyaring ito, naiwan si Aling Susan na walang katuwang sa pagtataguyod sa kanyang mga anak.

***

Isang araw, inalok siya ng kaibigan na du­malo sa seminar ng CARD sa kabilang lugar. Matapos ang ilang ­beses na pagdalo, noong 2010 ay nagmiyembro na si Aling Susan at ­ginamit ang unang loan na P5,000 para makapagsimula ng sariling negosyo.

 

Ginamit niya ang nautang na pambili ng magaganda at imported na bulaklak at iba’t iba pang halaman at nagsimula ng maliit na flower shop. Sa kanyang pagsisikap at sa gabay na rin ng mga semi­nar ng CARD, napalago niya ang negosyo.

Nagkaroon na rin siya ng dalawang puwesto na kumikita ng hindi bababa sa P30,000 kada linggo.

Maliban sa pagpapatayo ng sarili niyang bahay, nakapagpatayo rin siya ng paupahang apartment at nakabili na rin ng videoke na kanyang pinaparentahan sa tulong ng dagdag na loan mula sa CARD.

Ngunit ang pinakamalaking biyaya para kay Aling Susan ay ang mapag-aral ang kanyang mga anak sa magandang paaralan at maibigay ang lahat nilang panganga­ilangan. Nagkaayos na rin sila ng kanyang mga magulang na matagal niyang hindi nakita at nakausap.

Bilang pagtanaw ng utang na loob sa tulong ng CARD, sumasama si Aling Susan sa mga semi­nar kung saan ibina­bahagi niya ang kanyang buhay at karanasan sa pagnenegosyo.

***

Itinuturing na pinakamalaking microfinance institution sa bansa, nagpapautang ang CARD-MRI ng puhunan sa mga nais magsimula ng negos­yo nang walang kolateral at sa mababang interes.

Mayroon na silang iba’t ibang sangay sa Pili­pinas, na ­makikita sa kanilang website na www.cardmri.com at www.cardbankph.com.

***

Ang Republic Act No. 10644 o Go Negos­yo Act ang kauna-una­han kong batas bilang senador noong 16th Congress. Layunin nito na maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad, at lalawigan sa buong bansa.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa ­inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

BIDA KA!: Sikretong piitan

Mga Bida, sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS), lumabnaw ang pagtanggap ng ­publiko sa giyera ng pamahalaan kontra ilegal na droga.

Noong Disyembre 2016, nasa 77 porsiyento ng respondent ng SWS ang nagsabing sila’y kuntento sa nasabing kampanya ng gobyerno.

Paglipas ng tatlong buwan o noong Marso 2017, 66 porsiyento na lang ng mga Pilipino na sumusuporta sa laban kontra sa ipinagbabawal na gamot.

Hindi puwedeng biruin ng pamahalaan ang labing-isang puntos na pagbaba sa satisfaction ­rating. Bagaman marami pa ring sumusuporta sa giyera kontra ilegal na droga, kitang-kita na nababawasan na ang pagtanggap ng publiko rito.

***

Isa sa maituturong dahilan ng pagbagsak ng satisfaction rating ng kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga ay ang unti-unting pagkawala ng tiwala ng publiko sa ating kapulisan dahil sa ilang insidente ng pag-abuso sa tungkulin.

Noong Oktubre 2016, nadawit ang ilang pulis sa Angeles City sa pagdukot at pagpatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo, na binigti sa loob mismo ng Camp Crame, ilang metro ang layo sa tanggapan ni PNP chief Ronald dela Rosa.

Sa salaysay ng ilang mga pulis na dawit sa pagpatay, ang unang impormasyon na ipinaabot sa kanila ay isang drug ­suspect ang Koreano at lehitimo ang kanilang gagawing paghuli­ rito.

Noong Nobyembre 2016, napatay ng ilang tauhan ng ­Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa ­Region 8 si Albuera Mayor Rolando Espinosa habang nakapiit­ sa Baybay provincial jail.

Nangyari ang pagpatay habang nagsisilbi ng search ­warrant ang mga pulis dahil may itinatago umanong baril ang ­alkalde sa kanyang selda. Ngunit lumitaw sa imbestigasyon na “rubout” ang nangyari at kinasuhan ang mga pulis na sangkot sa pagpatay.

 

Hindi pa rito kasama ang libu-libong kaso ng pagpatay na may kinalaman sa ilegal na droga ngunit kinategorya ng PNP bilang “deaths under investigation”.

***

Kamakailan naman, isang lihim na selda ang natuklasan ng mga tauhan ng Commission on Human Rights (CHR) sa isang istasyon ng pulis sa Tondo, Manila.

Nang alisin ang book shelf, nagulat ang marami nang ­tumambad ang 12 katao na nagsisiksikan sa loob ng isang madilim at maduming piitan.

Sa pahayag ng pulisya, nahuli ang labindalawa sa magkakahiwalay na drug operation sa Tondo. Pero wala sa record ng pulisya ang kanilang pagkakaaresto at hindi pa rin sila nasasampahan ng anumang kaso.

Bintang naman ng ibang nakakulong, hiningian sila ng ­malaking halaga ng ilang mga pulis kapalit ng kanilang ­kalayaan.

Kaugnay nito, naghain ako ng isang resolusyon para ­imbestigahan ang natuklasang sikretong piitan sa Maynila.

Nais ng imbestigasyong ito na tiyaking hindi na mauulit pa ang pag-abusong nangyari sa loob mismo ng istasyon ng pulis at matiyak na protektado ang karapatan ng mga nakabilanggo sa mga pasilidad ng ating kapulisan.

Tandaan na hanggang hindi napatutunayang nagkasala­ ng hukuman, ang mga suspect sa kustodiya ng pulisya ay ­itinuturing pa ring inosente sa ilalim ng batas.

Umaasa tayo na ang sikretong piitan ay isa lamang isolated case. Kung mapatutunayang talamak na ang ganitong sistema sa ating mga istasyon ng pulis, napakatinding pag-abuso na iyan.

Natutuwa naman tayo at pumayag si Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na magsagawa ng pagdinig ukol sa isyu.

***

Ilang beses na tayong nanawagan sa PNP na linisin ang kanilang hanay upang hindi mabahiran ng duda at takot ang kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga.

Maganda ang layunin ng kampanyang ito ngunit nagiging negatibo sa mata ng publiko dahil sa pag-abuso ng kapulisan na siya dapat nagpapatupad ng batas at nagbibigay proteksiyon sa mamamayan.

Sa kampanya ng pamahalaan kontra droga, magandang katuwang ang kapulisan na malinis ang imahe. Kung ito ang susubukang abutin ng PNP, tiyak na makukuha nila ang buong suporta ng publiko.

BIDA KA!: Relasyong Pilipinas-Japan

Mga Bida, habang naka-­session break ang Senado, napabilang ako sa opisyal na delegasyon na inimbitahan ng House of Councillors ng Japan para sa dalawang araw na pagbisita at pagpupulong.

Kasama rin sa delegasyon na bumiyahe patungong Tokyo sina Senate President Koko Pimentel at Sen. Panfilo Lacson.

Layunin ng pagbisi­tang ito ang palakasin ang relasyon sa pagitan ng mga mambabatas ng Pilipinas at Japan, pag-usapan ang maiinit na isyu at mapaigting pa ang pagtutulungan sa pagitan ng dalawang bansa.

Ang House of Diet ng Japan ay nahahati sa dalawang ­sangay. Una rito ang House of Representatives na katumbas ng Kamara sa Pilipinas. Ang House of Councillors naman ang itinuturing na Senado ng Japan.

Sa aming pakikipag-usap kay President Date Chuichi, ang pinuno ng House of Councillors na katumbas ni Senate President Pimentel, nakita namin ang kahalagahan ng pakikitu­ngo ng Pilipinas sa ibang mga bansa, lalo na ang mga kapitbahay natin sa Asya.

Ilan sa mga napag-usapang isyu ay ang patuloy na pagganda­ ng relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa ­paglipas ng panahon.

Isa ang Pilipinas sa pinakamatinding naapektuhan ng ­digmaang inilunsad noon ng Japan pitong dekada na ang naka­lipas. Pagkatapos ng giyera, tuluy-tuloy ang pagkilos ng Japan upang manumbalik ang ating relasyon.

Sa ngayon, masasabing nakapaganda na ng ugnayan sa pagitan ng Japan at Pilipinas.

***

Ilang taon ang nakalipas, isa tayo sa mga punong-abala nang bumisita ang mga miyembro ng House of Councillors­ sa Pilipinas.

 

Sa kanilang pagdalaw noon, napag-usapan kung paano mapapadali ang pagkuha ng visa ng mga Pilipinong ­turista para makabiyahe sa Japan.

Nagbunga naman ang pag-uusap na ito dahil marami nang turistang Pilipino ang bumibisita sa Japan. Kailangan mo lang tumingin sa Facebook at Instagram.

Ikalawang napag-usapan ang pagpayag ng Japan para makapagtrabaho ang mga Pilipinong nurse at caregivers sa kanilang bansa.

Nagpapatuloy pa ang diskusyon sa ngayon ngunit sa aking pagkakaalam, Pilipino ang isa sa mga gusto nilang nasyonalidad para mag-alaga sa kanilang matatanda.

Batay sa talaan, marami sa mga mamamayan ng Japan ay matatanda na habang karamihan naman ng mga Pilipino ay mga bata pa.

***

Pinag-usapan din ang pagpasok ng investment ng Japan sa atin. Kilala ang Japan sa kanilang makabagong teknolohiya­ ngunit tulad ng aking nabanggit, matatanda na ang karamihan sa kanilang mamamayan kaya kakaunti na lang ang may ­kakayahang magtrabaho para ito’y maisakatuparan.

Dito papasok ang bentahe ng Pilipinas dahil karamihan sa ating mga mamamayan ay mga bata pa at may sapat na ­kakayahan at kaalaman upang mabuo ang mga teknolohiyang ito.

Sa pamamagitan ng mga bagong factory at pagawaan na ilalagay ng Japan sa Pilipinas, madadagdagan ang mga bagong trabaho para sa mas marami nating kababayan.

***

Sa pagdalaw naming iyon, natuklasan natin na maraming larangan kung saan puwedeng magtulungan at magkaisa ang Japan at Pilipinas.

Kabilang na rito ang isyu ng seguridad at kapayapaan.­ Luma­bas sa aming pag-uusap ang pangamba ng ­Japan ukol sa banta­ ng North Korea habang parehas tayong may pangamba sa mga pangyayari sa West Philippine Sea.

Sa sitwasyong ito, kitang-kita na hindi na puwedeng pairalin ang pag-iisip na kayang mamuhay nang mag-isa ang Pilipinas sa mundo dahil bahagi tayo ng komunidad ng mga bansa.

May kasabihan nga, “no man is an island”. Kailangan natin ang mga kapwa bansa upang makatuwang sa mga mahahalagang bagay. Ang bawat kilos natin ay may epekto sa kanila at ganoon din naman sila sa atin.

NEGOSYO, NOW NA!: Kuwento ni Aling Almira (2)

Mga kanegosyo, ga­ya nang aking naipangako, itutuloy natin ang kuwento ni Aling Almira Beltran, na aking nakilala nang bumisita ako sa Negosyo Center sa Cabanatuan City kamakailan.

Ang karanasan ni Aling Almira ay magandang inpirasyon para sa mga kababayan nating nais magsimula ng negosyo.

Napagtagumpayan ni Aling Almira ang ma­tinding dagok sa ­kanyang buhay at ngayo’y isa nang may-ari ng matagumpay na Almira’s Beads Work na nakabase sa San Jose, Nueva Ecija.

***

Habang ­nagtatrabaho sa bilangguan, ­kumita si Aling Almira ng 150 ­riyals bilang allowance para sa kanyang mga pa­ngangailangan. Sa kan­yang pagsisikap, naka­ipon siya ng 1,700 riyals na katumbas ng P23,500 noon.

Makalipas ang wa­long buwang pag­kabilanggo, nabigyan ng par­don si Aling ­Almira at nagbalik sa ­Pilipinas noong February 24, 2016.

Agad siyang nagtu­ngo sa OWWA upang ipaalam ang nangyari sa kanya sa Riyadh. Nakuha naman niya ang isang buwang suweldo mula sa OWWA na nagkakaha­laga ng P15,000.

Ginamit niya ang ipon para buhayin ang kanyang negosyong bea­ded bags. Namili siya ng sampung libong ­pisong halaga ng mater­yales sa Quiapo at kumuha ng hu­lugang ­sewing machine.

***

Nabalitaan ni Aling Almira na may bubuksang Pasalubong Center sa San Jose kaya agad siyang lumapit kay Darmo Escuadro, Tourism ­Officer ng siyudad, upang malaman ang requirements para makapag-display siya ng mga produkto sa Center.

 

Kasabay nito, ­lumapit si Aling Almira sa ­Negosyo Center sa siyudad noong July 28, 2016 para magparehistro ng business name at iba pang dokumento tulad ng Mayor’s Permit at BIR registration.

Dahil kumpleto na sa papeles, nakapag-display na si Aling Almira ng mga produkto sa Pasalubong Center at nakasama pa sa ilang trade fair ng DTI sa lalawigan.

Noong August 10, 2016, kumita si Aling Almira ng P6,140 sa Gatas ng Kalabaw Trade Fair sa San Jose City. Sumali rin siya sa Diskuwento Caravan ng DTI at kumita ng P4,440.

Sa anim na araw na trade fair sa Science City of Munoz, nakapag-uwi si Aling Almira ng P9,955. Noong Nobyembre ng nakaraang taon, kumita siya ng kabuuang P22,980.

Maliban sa pagpaparehistro at pagpapakilala ng kanyang produkto sa merkado, tinulungan din ng Negosyo Center si Aling Almira na ­lumago ang kaalaman sa pag­ne­negosyo.

Inimbitahan siya sa iba’t ibang seminar na tumatalakay sa iba’t ibang aspeto ng pagnenegosyo, tulad ng Effective Business Negotiation and Selling Technique, Pro­duct Development, Simple Bookkeeping, Business Continuity Planning at Personal Finance.

Sa tulong ng Negosyo Center, nagkaroon si Aling Almira ng bagong lakas upang ipursige ang kanyang pangarap na magkaroon ng sa­riling negosyo.

Sa nga­yon, pinag-aaralan na ni Aling Almira kung paano maibebenta ang kanyang produkto sa ibang bansa.

***

Ang Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act ang kauna-una­han kong batas bilang senador noong 16th Congress.

Layunin nitong mag­lagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa ­inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

Scroll to top