Bam Aquino Column

BIDA KA!: Pagbisita sa Batanes

Mga Bida, sa unang pagkakataon ay nakabisita ako sa isla ng Batanes.

Sa lugar na ito nagkatotoo ang mga tanawin na dati’y sa postcard lang natin nakikita. Talagang napakaganda ng Batanes.

Nagtataka nga ako at bakit ngayon­ lang ako nakapunta sa lugar na ito. Naghintay pa ako ng apatnapung taon para makabisita rito.

Dito, nagtatagpo ang mga bundok, burol at karagatan sa iisang lugar. Sa dami kong napuntahang tourist spots sa Pilipinas at iba’t ibang bahagi ng mundo, hindi pa ako nakakita ng ganito kagandang lugar.

Kapag binuksan mo ang radyo, paminsan-minsan ay mga programang Taiwanese ang iyong maririnig.

Sa ganda ng lugar, napakalaki ng potensiyal ng Batanes na maging isa sa pinakamagandang tourist destination sa bansa.

***

Bilib ako sa determinasyon ng mga taga-Batanes na protektahan ang kalikasan. Mas pinili nilang panatilihin ang ganda at kaayusan ng kanilang lugar kaysa dagsain ng maraming turista.

Maraming turista ang hindi natutuwa sa napakamahal na biyahe papuntang Batanes. Ngunit para sa ilang Ivatan, ito’y isang paraan para protektahan ang kalikasan laban sa malawakang komersiya­lisasyon na dulot ng pagdagsa ng maraming turista sa lugar.

Hindi rin hinahayaan ng mga Ivatan ang pagtatayo ng mala­laking hotel at gusali upang maprotekahan ang kanilang lugar.

 

Alam din nila ang limitasyon ng kanilang lugar, pagdating sa mahahalagang imprastruktura, tulad ng drainage, sewage system at pati na kuryente.

***

Dahil kakaunti lang ang tao sa Batanes, lahat sila’y magkakakilala. At dahil magkakakilala, napakababa ng crime rate sa lugar.

Mayroon ngang tindahan doon na walang kahera at walang bantay. Maaari mong iwan ang iyong bayad sa counter para sa iyong pinamili.

Hindi rin naka-lock ang mga bahay at mga sasakyan dahil wala silang pangamba sa kanilang kapaligiran.

Hanga rin ako sa tibay ng mga Ivatan laban sa lupit ng ­kalikasan. Ang Batanes ay paboritong ruta ng mga bagyo ngunit hindi na sila natitinag dito.

Natutuhan nilang makibagay at humanap ng mga paraan upang hindi maramdaman ang epekto nito, tulad ng pagtatayo ng matibay na tahanan, upang malampasan ang hagupit ng bagyo na ilang henerasyon na nilang nararanasan.

***

Buhay na buhay rin ang maliliit na negosyo sa lugar, sa tulong na rin ng Negosyo Center sa munisipalidad.

Wala kang makikita na malalaking tindahan sa lugar at kadalasan, ang mga negosyo’y nasa loob lang ng mga bahay, tulad ng tindahan at mga restaurant.

Isa na rito ang Gino’s Pizza na dinarayo ng parehong mga taga-Batanes at mga turista dahil bukod sa masarap na pizza, mainit din ang kanilang pagtanggap sa mga bisita.

May iba naman na ginawang “Home-Tel” o home hotel ang kanilang mga bahay para sa mga turistang dumarating sa lugar.

***

Maraming nagsasabi na ang Batanes ay “parang nasa ibang bansa” ngunit hindi ko gusto ang ganitong paglalarawan at pananaw.

Naniniwala ako na ang Batanes ay maaaring magsilbi bilang napakagandang imahe ng Pilipinas sa buong mundo.

Ang Batanes ay napakagandang ehemplo pagdating sa pag-aalaga ng kalikasan, pagiging matibay sa gitna ng pagsubok, pagsuporta sa maliliit na negosyo at maayos na pakikitungo sa mga bisita, maging Pilipino man o dayuhan.

Kahit ito’y isang nakapaliit na munisipalidad, ipinakita ng Batanes na kaya rin nilang gumawa ng malalaking bagay para sa ikagaganda ng kalikasan.

NEGOSYO, NOW NA!: Kuwento ni Aling Almira (1)

Mga kanegosyo, noong unang linggo ng Abril ay nagtungo tayo sa Cabana­tuan, Nueva Ecija para magsalita sa graduation ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST).

Bago po ako nagtungo sa graduation ng NEUST, dumaan ako sa Negosyo Center sa siyudad na makikita sa ikalawang palapag ng CAL Bldg. sa General Tinio Street.

Ito’y isa sa limang Negosyo Centers sa makikita sa lalawigan. Mayroon din tayong Negosyo Center sa Palayan City, Cabiao, San Jose at Gapan. Nakatakda ring magbukas ngayong taon ang isa pang Negosyo Center sa Science City of Munoz.

***

Sa aking pagbisita sa Negosyo Center sa Cabanatuan, nakausap natin ang mga business counselor na nagbibigay ng payo sa mga negosyante na humihingi ng tulong.

Nakadaupang-palad din natin ang mga may-ari ng ilang negosyo sa lalawigan, kabilang na si Aling Almira Beltran, na kilalang gumagawa ng bags at iba pang produkto gamit ang iba’t ibang disenyo ng beads sa siyudad ng San Jose.

Kasal si Aling Almira kay Mang Reynaldo Beltran at nabiyayaan sila ng tatlong anak na babae.

Natutong magnegosyo si Aling Almira noong siya’y Grade 6 pa lang. Sa impluwensiya ng mga kapitbahay, naengganyo siya at ang kapatid na si Laarni na gumawa ng bags, bracelet at key chains gamit ang beads.

Ibinibenta ng magkapatid ang mga natatapos nilang produkto sa paaralan at sa palengke.

Ang napagbentahan, ginagamit nilang pandagdag sa gastos sa bahay at kanilang pag-aaral.

 

Nakadalawang taon lang si Almira sa kolehiyo bago lumipat sa kursong Computer Secretarial sa Central Luzon State University. Pagkatapos, nakilala niya si Mang Reynaldo at sila’y nagpakasal.

Noong 2012, nadestino si Mang Reynaldo sa Antique kaya napilitan silang lumipat doon.

Pagkatapos ng ilang taon, bumalik sila sa San Jose City at ipinagpatuloy ang paggawa ng beaded bags at mga bagong produkto tulad ng cellphone holders at coin purse.

***

Noong 2014, nagpasya si Aling Almira na tumigil sa paggawa ng beaded bags at sinubukan ang suwerte sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Namasukan siya bilang domestic helper sa Riyadh.

Makalipas ang siyam na buwang pagtatrabaho sa Gitnang Silangan, malaking pagsubok ang tumama kay Aling Almira nang akusahan siyang may relasyon sa driver ng kanyang amo.

Kahit walang katotohanan ang akusasyon, nakulong si Aling Almira nang hindi nalalaman ng kanyang pamilya.

Kabilang sa mga kinumpiska ng amo ay ang kanyang cellphone kaya hindi siya makatawag sa pamilya sa Pilipinas upang ipaalam ang kanyang sinapit.

Nalungkot man sa nangyari, pero hindi pa rin pinanghinaan ng loob si Aling Almira. Noong June 28, 2015, sa tulong ng kapwa Pilipino na nakalaya noong araw na iyon, nakapagpadala siya ng sulat sa pamilya.

Habang nakakulong, ginamit ni Aling Almira ang oras para magtrabaho sa loob ng piitan.

Limang buwan din siyang naging tagalinis at tatlong buwan na nag-volunteer sa paggawa ng handicraft, tulad ng key chain, gamit ang Swarovksi bilang pangunahing materyales.

Sa susunod nating kolum, ipagpapatuloy natin ang kuwento ng pagbangon ni Aling Almira mula sa mabigat na pagsubok.

***

Ang Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act ang kauna-unahan kong batas bilang senador noong 16th Congress.

Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

BIDA KA!: BIR memo at micro business

Mga Bida, isa sa mga ­batas na nagsusulong ng kapakanan ng maliliit­ na negosyante ay ang ­Barangay Micro Business Enterprise (BMBE) Act of 2002.

Sa ilalim ng BMBE Act of 2002, maraming benepisyo ang nakalinya para sa tinatawag na micro entrepreneurs, o iyong mga negosyong may ari-ariang ‘di lalampas sa P3 milyon­ ang halaga, upang matulu­ngan ­silang umasenso.

Kabilang dito ang exemption sa income tax mula sa kita ng ­operasyon ng negosyo. Hindi rin sila saklaw ng Minimum Wage Law at mabibigyan pa ng tulong sa pautang para sa dagdag na ­puhunan.

Pero sa huling tala, kakaunti lang ang bilang ng micro ­enterprises sa bansa ang nakarehistro bilang BMBEs.

Ito’y dahil sa kakulangan ng impormasyon sa lokal na ­antas at sa mahigpit na requirements na hinihingi ng local ­government units at ilang ahensiya ng pamahalaan, lalo na sa aspeto ng pagbubuwis.

***

Ito ang isa sa mga nais nating baguhin nang isulong natin ang pagsasabatas ng Republic Act 10644 o Go Negosyo Act, ang una sa aking 17 batas sa panahon ko bilang chairman ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship noong 16th Congress.

Inamyendahan ng RA 10644 ang BMBE Act of 2002 kung saan inilagay ang Negosyo Centers bilang tanging may ­kapangyarihan na mag-isyu ng BMBE certification.

Ngayon, mas madali nang kumuha ng BMBE certification ang mga kababayan nating micro entrepreneurs sa mahigit 470 Negosyo Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Malaking tulong din ang inilabas na memorandum ng ­Bureau of Internal Revenue (BIR) kamakailan upang mapabilis ang proseso para sa ating micro enterprises.

 

Sa memo ni BIR Commissioner Caesar Dulay, binibigyan ng pahintulot ang mga nasasaklawan ng BMBE na magsumite ng income tax returns (ITR) sa mga Revenue District Offices (RDO) kahit walang buwis na babayaran.

Sa tulong ng bagong panuntunang ito, mas mabilis na para sa micro enterprises na maghain ng ITR sa lahat ng tanggapan ng BIR.

***

Ngayong 17th Congress, tuluy-tuloy pa rin ang pagbabantay natin sa kapakanan ng maliliit na negosyante bilang bahagi ng ating adbokasiya na tulungan ang micro, small and ­medium enterprises (MSMEs) sa bansa.

Kamakailan lang, inihain ko ang Senate Bill No. 169 o ang Small Business Tax Reform Act, na layong patawan ng mas mababang buwis at iba pang benepisyo ang mga maliliit­ na negosyo, maliban pa sa pagpapadali ng proseso sa iba pa nilang pangangailangan para makatayo sa sariling paa at ­tuluyang umasenso.

Sa ilalim ng panukala, lahat ng maliliit na negosyo ay hindi muna pagbabayarin ng income tax sa loob ng unang tatlong taon ng operasyon mula sa petsa ng pagkakatayo. Pagkatapos, sisingilin na sila ng mas mababang buwis sa mga susunod na taon.

Hindi sisingilin ng income tax ang mga maliliit na negosyo­ na kumikita ng mababa sa P300,000 habang sampung ­porsiyentong income tax naman ang kukunin sa kumikita ng P300,000 hanggang P10,000,000.

Kapag naisabatas, magiging simple ang proseso ng bookkeeping at magkakaroon na ng special lane at assistance desk para sa MSEs, maliban pa sa exemption sa tax audit, taunang paghahain ng tax returns at pagbabayad nang hulugan.

Maliban sa pagtulong sa ating micro enterprises, kailangan din nating pabilisin ang proseso sa pagbubuwis ­dahil napag-iiwanan na ang Pilipinas sa aspetong ito.

Sa pag-aaral ng PWC at World Bank, ang Pilipinas ay pang-126 sa 189 ekonomiya pagdating sa tinatawag na Ease of Paying Taxes. Kung gagawing simple ang sistema ng pagbubuwis sa bansa, mas malaki ang tsansa ng ating mga maliliit na negosyo na umasenso.

Ang pag-asensong ito ay magreresulta sa pag-angat ng buhay at dagdag na kabuhayan para sa mas maraming Pilipino.

BIDA KA!: BIR memo at micro business

Mga Bida, isa sa mga ­batas na nagsusulong ng kapakanan ng maliliit­ na negosyante ay ang ­Barangay Micro Business Enterprise (BMBE) Act of 2002.

Sa ilalim ng BMBE Act of 2002, maraming benepisyo ang nakalinya para sa tinatawag na micro entrepreneurs, o iyong mga negosyong may ari-ariang ‘di lalampas sa P3 milyon­ ang halaga, upang matulu­ngan ­silang umasenso.

Kabilang dito ang exemption sa income tax mula sa kita ng ­operasyon ng negosyo. Hindi rin sila saklaw ng Minimum Wage Law at mabibigyan pa ng tulong sa pautang para sa dagdag na ­puhunan.

Pero sa huling tala, kakaunti lang ang bilang ng micro ­enterprises sa bansa ang nakarehistro bilang BMBEs.

Ito’y dahil sa kakulangan ng impormasyon sa lokal na ­antas at sa mahigpit na requirements na hinihingi ng local ­government units at ilang ahensiya ng pamahalaan, lalo na sa aspeto ng pagbubuwis.

***

Ito ang isa sa mga nais nating baguhin nang isulong natin ang pagsasabatas ng Republic Act 10644 o Go Negosyo Act, ang una sa aking 17 batas sa panahon ko bilang chairman ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship noong 16th Congress.

Inamyendahan ng RA 10644 ang BMBE Act of 2002 kung saan inilagay ang Negosyo Centers bilang tanging may ­kapangyarihan na mag-isyu ng BMBE certification.

Ngayon, mas madali nang kumuha ng BMBE certification ang mga kababayan nating micro entrepreneurs sa mahigit 470 Negosyo Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Malaking tulong din ang inilabas na memorandum ng ­Bureau of Internal Revenue (BIR) kamakailan upang mapabilis ang proseso para sa ating micro enterprises.

 

Sa memo ni BIR Commissioner Caesar Dulay, binibigyan ng pahintulot ang mga nasasaklawan ng BMBE na magsumite ng income tax returns (ITR) sa mga Revenue District Offices (RDO) kahit walang buwis na babayaran.

Sa tulong ng bagong panuntunang ito, mas mabilis na para sa micro enterprises na maghain ng ITR sa lahat ng tanggapan ng BIR.

***

Ngayong 17th Congress, tuluy-tuloy pa rin ang pagbabantay natin sa kapakanan ng maliliit na negosyante bilang bahagi ng ating adbokasiya na tulungan ang micro, small and ­medium enterprises (MSMEs) sa bansa.

Kamakailan lang, inihain ko ang Senate Bill No. 169 o ang Small Business Tax Reform Act, na layong patawan ng mas mababang buwis at iba pang benepisyo ang mga maliliit­ na negosyo, maliban pa sa pagpapadali ng proseso sa iba pa nilang pangangailangan para makatayo sa sariling paa at ­tuluyang umasenso.

Sa ilalim ng panukala, lahat ng maliliit na negosyo ay hindi muna pagbabayarin ng income tax sa loob ng unang tatlong taon ng operasyon mula sa petsa ng pagkakatayo. Pagkatapos, sisingilin na sila ng mas mababang buwis sa mga susunod na taon.

Hindi sisingilin ng income tax ang mga maliliit na negosyo­ na kumikita ng mababa sa P300,000 habang sampung ­porsiyentong income tax naman ang kukunin sa kumikita ng P300,000 hanggang P10,000,000.

Kapag naisabatas, magiging simple ang proseso ng bookkeeping at magkakaroon na ng special lane at assistance desk para sa MSEs, maliban pa sa exemption sa tax audit, taunang paghahain ng tax returns at pagbabayad nang hulugan.

Maliban sa pagtulong sa ating micro enterprises, kailangan din nating pabilisin ang proseso sa pagbubuwis ­dahil napag-iiwanan na ang Pilipinas sa aspetong ito.

Sa pag-aaral ng PWC at World Bank, ang Pilipinas ay pang-126 sa 189 ekonomiya pagdating sa tinatawag na Ease of Paying Taxes. Kung gagawing simple ang sistema ng pagbubuwis sa bansa, mas malaki ang tsansa ng ating mga maliliit na negosyo na umasenso.

Ang pag-asensong ito ay magreresulta sa pag-angat ng buhay at dagdag na kabuhayan para sa mas maraming Pilipino.

NEGOSYO, NOW NA!: Pagtatanim ng tubo at Internet shop

Mga kanegosyo, kilala si Pasencia Iglesia o Nanay Pasing bilang masipag at tapat na Barangay Kagawad sa Brgy. Banay-Banay, Bayawan City, Negros Oriental.

Sa Negros Occidental isinilang si Nanay Pasing ngunit lumipat sa Negros Oriental nang nasa ika-apat na baitang na siya sa elementarya.

Doon na rin natapos ni Nanay Pasing ang high school bago niya nakilala ang mister na si Jonnary.

Upang mabuhay ang apat nilang anak, nagnegosyo ang mag-asawa ng baboy at nagtanim ng tubo, na siyang pangunahing pananim ng Negros.

Naging maayos naman ang takbo ng negosyo ng mag-asawa ngunit noong 2007, matinding pagsubok ang tumama sa kanilang pamilya at kabuhayan.

Matinding tagtuyot o El Niño ang tumama noon sa rehiyon, na nakaapekto nang husto sa kanilang tubuhan.

Sinikap nilang isalba ang mga pananim subalit karamihan sa mga ito ay hindi na napakinabangan dahil natuyo sa sobrang init.

Sa una, sinubukan munang manghiram ng mag-asawa sa buyer ng kanilang tubo para maisalba ang kabuhayan.

Makalipas ang isang taon, naibangon ng mag-asawa ang negosyo at nabayaran ang lahat ng kanilang utang.

***

 

Makalipas ang ilang taon, muli na namang nalagay sa alanganin ang tubuhan ni Nanay Pasing nang magkulang ang pambili nila ng abono.

Eksakto naman na kabubukas lang ng CARD sa kanilang lugar at inanyayahan siyang sumali ng kaibigan.

Dahil sa ganda ng patakaran, maliban pa sa iba’t ibang benepisyo gaya ng tulong sa pagpapa-aral sa kanyang mga anak, nahikayat si Nanay Pasing na sumali.

Ginamit ni Nanay Pasing ang nahiram na pera bilang pambili ng abono, na siyang muling nagbigay daan sa pagbangon ng kanilang negosyo.

***

Napansin din ni Nanay Pasing ang problema ng kanyang anak sa pag-aaral dahil walang computer shop sa kanilang lugar.

Kailangan pang dumayo ng kanyang anak sa ibang barangay para makagawa ng assignments sa paaralan.

Naisipan ni Nanay Pasing na magtayo ng Internet shop sa kanilang lugar. Sa tulong ng pautang ng CARD, naumpisahan niya ang maliit na computer shop sa kanilang barangay.

Kamakailan lang, nagdagdag pa si Nanay Pasing ng labinlimang computer sa shop na pinatatakbo ng anak na si Joy.

Sa tulong ng CARD, nagsimula na rin ang pagpapatayo sa isa pang negosyo ng mag-asawa — ang Muscovado Milling, na makatutulong sa pagpapalakas ng kanyang negosyong tubo.

Mula sa pagtatanim ng tubo hanggang sa kanilang Internet shop, naging katuwang ni Nanay Pasing ang CARD sa paglalakbay tungo sa pag-asenso.

***

Itinuturing na pinakamalaking microfinance institution sa bansa, nagpapautang ang CARD-MRI ng puhunan sa mga nais magsimula ng negosyo nang walang kolateral at sa mababang interes.

Mayroon na silang iba’t ibang sangay sa Pilipinas, na makikita sa kanilang website na www.cardmri.com at www.cardbankph.com.

***

Ang Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act ang kauna-unahang batas ko bilang senador noong 16th Congress. Layunin nito na maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

BIDA KA!: Tatlong sikreto

Mga Bida, kamakailan ay naanyayahan ako bilang guest speaker sa graduation ng dalawang state universities sa Tacloban, Leyte.

Sa aking speech sa graduation ng Eastern Visayas State Univer­sity (EVSU) at Leyte Normal University (LNU), ibinahagi natin ang magandang balita na nakapasa na sa Senado ang Senate Bill No. 1304 o Affordable Higher Education for All.

Sa harap ng mga magtatapos, binigyang diin ko na ang panu­kalang ito ay magbibigay sa lahat ng Pilipino ng pagkakataong makatapos sa kolehiyo at magkaroon ng magandang kinabukasan.

Masaya namang tinanggap ng mga nagtapos pati na ng kanilang mga magulang ang aking ibinalita. Karamihan kasi sa kanila ay may anak o kapatid na hindi pa nakakatapos o ­tutuntong pa lang sa kolehiyo.

Umaasa tayo na sa pagpapatuloy ng sesyon sa Mayo, ­lalabas na rin ang bersiyon ng Kamara upang masimulan na ang bicameral conference committee.

Matapos maratipikahan ang pinal na bersiyon, ito’y dadal­hin na sa Malacañang para sa pirma ng Pangulo. Nais nating ­tiyakin na ito’y maipatutupad pagsapit ng 2017-18 school year.

Kapag naisabatas, magiging libre na ang tuition sa ­lahat ng SUCs at palalakasin nito ang lahat ng Student ­Financial ­Assistance Programs (StuFAP), para makatulong sa mas maraming estudyante na nais magtapos ng kolehiyo sa ­pribadong institusyon.

***

Ibinahagi ko rin sa mga nagtapos ang tatlong mahaha­lagang sikreto bilang pabaon na maaari nilang magamit at ­paghugutan ng aral sa panibagong yugto ng kanilang buhay paglabas nila sa EVSU at LNU.

Sa panahon ngayon, uso ang cellphone, tablet at social ­media na ating ginagamit sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang tao sa ating buhay.

 

Subalit, madalas nakukuntento na lang tayo na rito na lang nakikita at nakakausap ang ating pamilya, mga kaibigan at iba pang mahal sa buhay.

Ang unang sikreto ay huwag mamuhay sa harapan lang ng screen ng cellphone o tablet at mamuhay nang walang anumang filter.

Mas maganda kung makakausap natin nang harapan at ­hindi sa gadget o online ang mga mahalagang tao sa ating buhay. Huwag nating sayangin ang pagkakataon na maranasan ang mundo nang labas sa cellphone camera at social media.

Tanggalin natin ang mga harang na iyan. Huwag po ­nating hayaan na mayroong balakid sa pagitan natin at sa mahal ­natin sa buhay.

Ikalawang sikreto naman ay ang sikreto sa tagumpay.

Paano tayo magtatagumpay kung nasanay tayo sa ­katwiran na ‘Pwede Na’ Makapasa lang, maka-graduate lang. Puwede na ‘yan!

Ngunit hindi puwede ang ganitong pananaw sa buhay. Kaya po nating pagbutihin at kaya nating pagandahin. Kaya po natin basta’t handa tayong magtrabaho at gawing bahagi ng ating buhay ang tinatawag na excellence.

Sa ganitong paraan, mas malaki ang tsansa nating magtagumpay sa buhay.

Ikatlo ay ang sikreto sa kaligayan. Sabi ng iba, pera, pag-ibig o ‘di kaya’y mga naabot sa buhay ang sikreto ng ­kaligayahan.

Sabi ng isang scientist, hindi pera, pag-ibig o mga narating sa buhay ang pagmumulan ng kaligayahan kundi ang pagiging mabait at pagkalinga sa ating kapwa.

Kapag tayo’y nagpapakita ng kabaitan at pag-­aalaga sa ating mga kasama sa araw-araw, ito ang ­panahon na nagbi­bigay sa atin ng totoong kasiyahan sa ating puso at kaluluwa.

Nakita kong tumu­tungo naman ang mga ­graduate at nakikinig sa aking munting pabaon sa kanila.

Sinabi ko rin na ang mga tumulong sa kani­lang makapagtapos — mula sa mga guro, magulang, at mga ­kaibigan — ay naririyan pa rin at nagnanais ng kanilang tagumpay sa buhay.

Mga Bida, ang mga sikretong ito ay hindi lang para sa mga magtatapos kundi para sa ating lahat upang tayo’y mas maging matagum­pay na Pillipino.

NEGOSYO, NOW NA!: Benepisyo ng rehistradong negosyo

Mga kanegosyo, binuksan ang Negosyo Center sa Cabiao, Nueva Ecija noong ika-21 ng Marso ng nakaraang taon.

Matatagpuan sa munisipyo ng Cabiao, ito ay isa sa 29 na Negosyo Centers na makikita sa Region III o Central Luzon.

Maituturing pang bago ang Negosyo Center sa Cabiao ngunit marami-rami na rin silang natulungang negosyante, lalo na sa aspeto ng pagpaparehistro ng negosyo.

Kabilang na rito si Emidio Collado, na noong pang 2007 sa negosyo ng paggawa ng furniture sa Cabiao su­balit hindi niya ito mapalago dahil sa patagong operasyon.

***

Dahil walang kaukulang papeles ang negosyo, li­mitado lang ang nakukuhang kliyente ni Mang Emidio. Hindi rin siya makasali sa mga trade fair at exhibit kung saan maaari siyang makapasok sa bagong merkado.

Suwerte naman at nakadalo si Mang Emidio sa Design Mission na isinagawa ng aming tanggapan sa Negosyo Center Cabiao noong May 12, 2016.

Sa kanyang pagdalo, nakakuha si Mang Emidio ng mga bagong ideya sa disenyo ng ginagawang kasangkapan.

Mula noon, naging aktibo na siyang kalahok sa iba pang seminar ng Negosyo Center Cabiao.

Noong June 21, 2016, nagpasya si Mang Emidio na pormal nang iparehistro ang negosyo sa tulong ng Negosyo Center.

 

Isang buwan ang nakalipas, lumabas na ang papeles ng negosyo ni Mang Emidio bilang BMBE o Barangay Micro-Business Enterprise. Pagkatapos, agad din siyang nakakuha ng tax identification number (TIN).

Pagkatapos maparehistro ang negosyo, agad naglagay si Mang Emidio ng display area sa harap ng kanyang bahay upang maipakita ang mga ginawa niyang kasangkapan.

***

Matapos naman ang serye ng konsultasyon sa Negosyo Center-Cabiao, noong Sept. 20, 2016 ay lumabas na ang flyer na ginawa ng isang business counselor para sa negosyo ni Mang Emidio.

Ang mga flyer na ito ay ipinamamahagi sa Negosyo Centers sa Cabanatuan City, Cabiao at Gapan City. Inilagay din ang flyer sa FB account ng Negosyo Center-Cabiao upang makita ng mas marami pang tao.

Ayon kay Mang Emidio, lubos ang kanyang pasasalamat sa tulong na ibinigay ng Negosyo Center-Cabiao sa kanyang negosyo.

Mula nang maparehistro niya ang negosyo at sa dagdag pang ayuda ng Negosyo Center-Cabiao, tumaas ang benta ni Mang Emidio at nadagdagan pa ang order para sa ginagawa niyang furniture.

***

Mga kanegosyo, huwag nang magdalawang-isip pang iparehistro ang negosyo dahil malaki ang maitutulong nito tungo sa pag-asenso.

Kung gagawing patago ang operasyon para makatakas sa mga obligasyon at bayarin sa gobyerno, magiging bonsai lang ang negosyo at wala nang pagkakataon pang lumago.

Bukas ang pintuan ng halos 500 Negosyo Center sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa mga nais magparehistro ng negosyo.

***

Ang Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act ang kauna-unahang batas ko bilang senador noong 16th Congress. Layunin nito na maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

BIDA KA!: Kalayaan sa pagpili ng lider

Mga bida, matapos ipagpa­liban ng ilang taon, nakatakda nang gawin ang halalang pambarangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa ika-23 ng Oktubre.

Puspusan na ang paghahanda ng Comelec para sa nasabing halalan. Nasa kasagsagan na rin ang pagpapatala upang maabot ang target na 55 milyong botante, kabilang ang mga bagong botante sa SK.

Dapat noon pang ika-31 ng Oktubre ng nakaraang taon nakatakda ang halalan ngunit inilipat ngayong taon ­matapos maisabatas ang Republic Act No. 10742 o SK ­Reform Act.

***

Biglang nagkaroon ng agam-agam ang pagsasagawa ng halalan kasunod ng pahayag ni Pangulong Duterte na ­plano niyang ipagpaliban ang eleksiyon at magtalaga na lang ng mga bagong barangay chairman at iba pang mga opisyal ng barangay.

Katwiran ng Pangulo, nasa 40 porsiyento ng barangay captains sa buong bansa ay may kaugnayan sa ilegal na droga at baka mauwi sa narco-politics kapag itinuloy ang halalan.

Ano ba ang basehan ng pahayag na ito ng Pangulo? Mayroon bang intelligence report na nagsasabi na ganito talaga ang bilang ng mga kapitan ng barangay na sangkot sa droga? May pangalan na ba sila ng mga kapitan na sabit dito?

Kung may katibayan nga na ganito karami ang kapitan na sangkot sa ilegal na droga, dapat ipalasap sa kanila ang buong puwersa ng batas. Dapat silang alisin sa puwesto, kasuhan at patawan ng kaukulang parusa.

Kung wala namang matibay na katibayan para suporta­han ang pahayag na ito ng Pangulo, bakit kailangang itigil ang halalan sa mga barangay?

Bakit kailangang alisan ng karapatan ang taumbayan na mamili ng susunod na lider sa kanilang mga komunidad?

 

Ito ang mga katanungan na kailangang bigyang linaw ng pamahalaan.

***

Kung legal na argumento naman ang ating pagbaba­tayan, kailangan munang magpasa ang Kongreso ng batas upang maipagpaliban ang darating na halalan at mabigyan ang ­Pangulo ng kapangyarihang magtalaga ng mga bagong ­opisyal ng barangay.

Sa Senado, sinalubong ng pagtutol ang plano. Kahit mga mambabatas na kilalang kaalyado ni Pangulong Duterte, ­sama-samang binatikos at kinontra ang balak ng Palasyo.

Kahit saan kasing anggulo tingnan, malinaw na ito’y na paglabag sa Saligang Batas, na gumagarantiya sa karapatang ito ng mga Pilipino.

***

Payo natin sa Malacañang, kung mayroon ­silang matibay na ebidensiya laban sa mga opisyal ng ­barangay na sangkot sa ilegal na droga, gawin nila ang nararapat sa ilalim ng batas upang mapapanagot ang mga ito.

Naririyan ang puwersa ng kapulisan na maga­gamit ng pamahalaan upang labanan ang ilegal na gawaing ito hanggang sa lebel ng mga barangay.

Subalit hindi nila dapat idamay sa labang ito ang karapatan ng taumbayan na pumili ng mga ­susunod na lider na sa tingin nila’y makatutulong sa pagpapa­angat ng kanilang kalagayan sa buhay at pag-­asenso ng komunidad.

Ibinigay sa atin ng Saligang Batas ang ­karapatang ito bilang bahagi ng diwa ng isang demokratikong bansa.

Sagrado ang karapatang ito at hindi ­maaaring alisin ninuman, kahit sikat pa siyang pinuno ng ­bansa.

Gaano man ka-popular ang isang lider, hindi niya maaaring saklawin ang lahat ng kapangyarihan.

May kapangyarihan ding ibinibigay ang Saligang Batas sa taumbayan — ang pumili ng mga lider na kanilang naisin.

Mahalagang galing sa taumbayan ang mandato ng mga mauupong opisyal upang magkaroon sila ng pananagutan sa mga nagluklok sa kanila sa puwesto.

***

Sa pagboto, walang mahirap at walang mayaman. Kahit ano ang estado mo sa buhay, bilyo­naryo ka man o ordinaryong manggagawa, iisa lang ang ­bilang ng ating boto.

Sa panahon lang ng eleksiyon nagkakapantay-pantay ang kalagayan sa buhay ng mga Pilipino. ­

Tuwing halalan, nagkakaroon din ng pagkakataon ang taumbayan upang makaganti sa mapang-api o ­tiwaling pulitiko.

Ito’y isang karapatan na kailanma’y hindi ­maaaring ipagkait sa atin ng gobyerno, lalo na kung gagamit ng dahilan na walang sapat na katibayan.

NEGOSYO, NOW NA!: Isdaan sa Dumaguete

Mga kanegosyo, dahil sa pagtulong sa kanyang pamilya, hindi na nagkaroon ng oras si Aling Josefina Llorente para sa sarili.

Tubong Negros Oriental, nakapagtapos si Nanay Josefina ng 2nd year college. Pagkatapos, inilaan na niya ang oras sa pagtatrabaho para sa pa­ngangailangan ng pamilya, kabilang ang anim pang kapatid.

Maliban dito, isa rin siyang aktibong miyembro ng Simbahang Katoliko na nagtuturo ng katesismo sa mga kabataan. Dahil dito, hindi na siya nakapag-asawa.

***

Matapos ang ilang taong pagtatrabaho sa iba’t ibang employer, nagpasya siyang magtayo ng sari­ling negosyo sa edad na 55.

Una niyang sinubukan ang pagtitinda ng necklace accessories ngunit hindi ito nagtagal dahil ‘di pumatok sa mamimili.

Sunod niyang pinasok ang pagtitinda ng chorizo o longganisa ngunit dahil sa kakulangan sa puhunan, hindi na niya ito naipagpatuloy.

Nang dumating ang CARD sa Dumaguete noong 2009, nakita ni Aling Josefina na malaki ang naitulong nito sa kanyang pinsan upang magpatayo ng negosyo.

Kaya hindi nagdalawang-isip na sumali si Aling Josefina at nakakuha ng puhunan para sa naisip niyang negosyo  ang pagtitinda ng isda  dahil wala pang ganito sa kanyang bayan.

Nakakuha si Aling Josefina ng puhunang P4,000 mula sa CARD na kanyang ginamit upang bumili ng iba’t ibang uri ng isda, tulad ng galunggong, tuna at tilapia.

 

Makalipas ang walong taon, napalago na ni Aling Josefina ang kanyang negosyo. Ngayon, kumikita siya ng tatlumpung libong piso kada linggo dahil walang kakumpitensiya sa kanyang lugar.

Kinailangan na ring kumuha ni Aling Josefina ng dagdag na tauhan para makatulong sa pagtitinda sa dami ng bumibili sa kanya.

***

Kahit lumago na ang negosyo, patuloy pa ring umaasa si Aling Josefina sa CARD para sa iba niyang pangangailangan.

Sa walong taon niya bilang miyembro, labinlimang beses na siyang nakahiram sa CARD, kabilang na ang loan para sa pagpapaayos ng bahay ng kanyang pamilya.

Plano pa niyang kumuha ng dagdag na loan para sa pinaplanong tindahan ng pabango.

***

Sa tagal niya sa pagnenegosyo, natutuhan ni Aling Josefina na gamitin nang tama ang hawak na pera.

Aniya, mahalagang maglaan ng pera para sa iba’t ibang gastusin na may kinalaman sa pang-araw-araw na operasyon, tulad ng kuryente at pambayad sa mga tauhan.

Natutuhan din ni Aling Josefina na magtabi para sa kinabukasan ng kanyang pamilya, na hanggang ngayon ay kanyang nasusuportahan sa tulong ng CARD.

***

Itinuturing na pinakamalaking microfinance institution sa bansa, nagpapautang ang CARD-MRI ng puhunan sa mga nais magsimula ng negosyo nang walang kolateral at sa mababang interes.

Mayroon na silang iba’t ibang sangay sa Pilipinas, na makikita sa kanilang website na www.cardmri.com at www.cardbankph.com.

***

Ang Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act ang kauna-unahang batas ko bilang senador noong 16th Congress.

Layunin nito na maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

BIDA KA!: Ginhawang hatid ng libreng tuition sa mga state U at colleges (SUCs)

Mga bida, maliban sa mahihirap na nais makatapos sa kolehiyo, isa pang nais suportahan ng Affordable Higher Education for All Act ay ang mga magulang na hindi sapat ang kinikita upang maitawid ang pag-aaral ng mga anak.

Sa botong 18-0, nakapasa sa Senado ang Affordable Higher Education for All Act na ang isa sa mga pangunahing layunin ay magbigay ng libreng tuition sa state colleges at universities (SUCs).

Ang inyong lingkod ang tumayong sponsor at co-author ng nasabing panukala, na layon ding palakasin ang scholarship programs ng pamahalaan sa mga nais namang magtapos sa pribadong educational institutions.

Inaasahan naming maipapasa ito sa House of Representatives at maisasabatas bago magsimula ang susunod na school year.

***

Mga bida, kadalasan, marami sa mga estudyante sa SUCs ay mga anak ng karaniwang empleyado na pinagkakasya lang ang buwanang kita para makatapos sa pag-aaral sa kolehiyo.

Kabilang na rito sina Carolyn Dale Castaneda ng Mountain Province Polytechnic State College, Cristina Jane Rentino ng Aklan State University at Clodith Silvosa ng Davao del Norte State College.

Iba’t iba man ang pinanggalingang lugar sa Pilipinas, iisa lang ang sitwasyon ng tatlong estudyante na sumasalamin din sa kalagayan ng marami pang estudyante sa ating SUCs.

Nasa 4th year na ng kursong BS Teacher Education si Carolyn. Noong nagtatrabaho ang kanyang ina bilang teller, nag-aaral siya sa St. Louis University sa Baguio.

Nang pumanaw ang ina sa liver sclerosis, naiwan ang kanilang ama bilang tanging bumubuhay sa pamilya bilang geodetic engineer na may P30,000 suweldo kada buwan.

 

Dalawa sa mga kapatid ni Carolyn ay nasa kolehiyo na at ang isa ay nasa junior high school. Dahil kapos sa pera, napilitan si Carolyn na lumipat sa Mountain Province Polytechnic State College, kung saan ang tuition ay P4,000.

Mura man ang tuition ni Carolyn, kailangan namang maglaan ng kanyang ama ng P10,000 para sa tuition ng dalawa pa niyang kapatid. Kung susumahin, kalahati ng kita ng ama ay napunta na sa tuition pa lang. Paano pa ang kanilang pagkain at iba pang gastusin sa araw-araw?

***

Tulad ni Carolyn, si Cristina ay nasa ikaapat na taon na sa kursong BS Education.

Ang kanyang ina ay accountant sa Aklan State University at ang kanyang ama ay technician sa Agricultural Training Institute. Sumusuweldo sila ng kabuuang P45,000 kada buwan.

Nasa P4,000 lang ang tuition si Cristina ngunit umaabot naman sa P50,000 ang bayarin sa eskuwela ng iba pa niyang kapatid.

Kaya napilitang mangutang sa kooperatiba, bangko at ma­ging sa mga kaibigan at katrabaho ang kanyang mga magulang upang matustusan ang kanilang pag-aaral.

Sa dami ng utang, kinailangang maghigpit ng sinturon ang pamilya. Naapektuhan ang panggastos sa kanilang tahanan, pati na sa mga pangangailangan sa eskuwelahan.

***

Sa sitwasyon ni Clodith, nanay lang niya ang nagtatrabaho sa pamilya dahil may prostate cancer ang ama. Sa suweldong P35,000 ng ina bilang Senior Aquaculturist sa Provincial Agriculturist Office nabubuhay ang pamilya.

Nasa P10,000 ang tuition ni Clodith habang P1,000 naman ang gastos ng kanyang kapatid sa pag-aaral.

Nauubos ang suweldo ng kanyang ina sa pagpapagamot sa amang maysakit at sa iba pang gastusin sa bahay.

Para makatulong, nagtatrabaho si Clodith bilang student assistant para matustusan ang kanyang pang-araw-araw na allowance.

***

Naniniwala ang tatlo na napakalaking tulong ang Affordable Higher Education for All Act sa pagpapagaan ng kanilang kalagayan sa buhay.

Sa halip nga naman na ibayad sa tuition, magagamit ng pamilya ang pera sa iba pang mahalagang gastusin at pangangailangan sa bahay.

Ito ang ginhawang hatid ng Affordable Higher Education for All Act sa mga magulang na hindi sapat ang kita upang mapagtapos sa kolehiyo ang mga anak.

Kaya siguraduhin po natin na mapirmahan ito ng pangulo at maisabatas and libreng tuition sa ating mga state universities and colleges (SUCs).

Scroll to top