Bam Aquino Column

BIDA KA!: Libreng wi-fi sa paaralan

Mga bida, bilang chairman ng Senate Committee on Education, Arts and Culture ngayong 17th Congress, bahagi ng aking tungkulin ay tingnan ang kalagayan ng mga pampublikong paaralan at state colle­ges and universities (SUCs) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ito’y upang mapakinggan ang hinaing ng mga estudyante at ma­laman ang pangangailangan ng mga paaralan, tulad ng kakulangan ng silid-aralan, upuan, aklat at iba pang mga kagamitan.

Mahalagang malaman ang mga pangangailangang ito upang maisama at mabigyan ng karampatang pondo sa pambansang budget.

***

Kamakailan, dinalaw natin ang Alegria National High School nang magtungo tayo sa Bacolod City.

Natutuwa naman tayo sa mainit na pagtanggap ng mga estudyante, guro at mga magulang sa ating pagdating.

Ininspeksiyon natin ang mga silid-aralan at iba pang pasi­lidad ng paaralan at nagsagawa ng round table discussion sa mga pinuno ng paaralan at student leaders upang malaman ang kanilang pangangailangan.

Sa nasabing round-table discussion, nabigyan ng pagkaka­taon ang mga estudyante na magsalita at maiparating ang mga kailangan sa pag-aaral.

Isang Grade 10 ang tumayo at nagsabi na isa sa pinaka­malaking pangangailangan nila ay silid-aralan, na sa ngayon ay siksikan kaya nahihirapan silang mag-aral.

Isa pang binanggit ng estudyante ay ang kakulangan ng computer at internet sa kanilang paaralan na magagamit sa paggawa ng assignment.

 

Kahit pa kulang ang mga libro, kung may internet ay magagamit nila ang pinakamahusay at world-class na mater­yales para sa edukasyon.

***

Kabilang ang Alegria National High School sa 74% ng public schools na walang internet connection, batay sa data mula sa Department of Education (DepEd).

May sapat na pondo naman ang DepEd para i-connect ang mga paaralan sa internet ngunit dahil kulang ang imprastruktura at signal ng internet, hindi sila mabigyan ng magandang koneksiyon.

Nakababahala ang numerong ito dahil mahalaga ang connectivity sa internet sa pagtuturo at pagkuha ng karunungan.

Kaya sa ginawa nating pagdinig sa Senate Bill No. 1050 o ang panukala kong lagyan ng libreng internet ang public schools at SUCs sa buong bansa, hinikayat natin ang DepEd, Department of Information and Communications (DICT) at telecommunication companies na maglatag ng plano upang matugunan ang problema.

Sa ating pagdinig, humingi ako ng roadmap mula sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor kung paano mabibigyan ang 100% ng public schools at SUCs ng libreng internet connection.

Sa paglalagay ng internet sa mga paaralan, masusuportahan ang pag-aaral sa pamamagitan ng learning materials at online information.

Sa ilalim ng panukala, aatasan ang bagong tatag na Department of Information and Communications Technology (DICT) na bigyan ng malakas na internet connection ang mga estudyante, faculty members at iba pang non-teaching personnel.

Ang internet connection na ito ay dapat ilagay sa isang lugar kung saan makakasagap ng malakas na signal ang lahat.

Kumbinsido ako na dapat sanayin ang mga estudyante sa responsableng paggamit ng internet upang mapabilis ang pag-unlad ng kanilang kaalaman at maging produktibong mamamayan sa hinaharap.

NEGOSYO, NOW NA!: Puhunan at collateral

Mga kanegosyo, sino ba ang hindi nakakakilala kay Cleveland Cavaliers superstar LeBron James.

Noong high school pa lang si LeBron, nais siyang regaluhan ng ina ng mamahaling sasakyan na Hummer, na nagkakahalaga ng $50,000, para sa kanyang ika-18 taong kaarawan.

Dahil walang pambili, lumapit si Gloria James sa isang bangko sa Ohio at nangutang. Ang ginamit na collateral? Ang milyun-milyon na kikitain pa lang ng anak kapag ito’y naging NBA player na.

Isipin niyo, tinanggap na collateral ng bangko ang pera na hindi pa nahahawakan ni LeBron. Ang tinignan nila ay ang talento ni LeBron at ang posibilidad na ito’y magiging NBA player.

Ito’y dahil pinapayagan sa Amerika na gawing collateral ang tinatawag na movable assets.

Kabilang sa tinatawag na movable assets ay kagamitan, sasakyan at mga hinihintay na bayad mula sa mga kliyente, o sa kaso ni James, ang kanyang kikitain sa hinaharap.

***

Iba ang sitwasyon sa Pilipinas.

Ipalagay natin na si Mang Cardo, na nagtitinda ng parol sa Pampanga, ay nakakuha ng kontrata para sa isangdaan na parol ngayong kapaskuhan.

Dahil malaking pera ang kailangan para matugunan ang mga order, kinakailangan niya ng puhunan.

 

Subalit kung wala siyang lupain o bahay, na tinatawag na immovable assets, na puwedeng gamiting collateral, hindi siya papautangin ng bangko kahit pa sigurado na ang pagbenta ng kaniyang mga parol.

Kahit pa subukan niyang gawing collateral ang kanyang kontrata at kikitain kapag natugunan ang lahat ng order, hindi papayag ang bangko.

***

Maraming maliliit na negosyo ang nakararanas ng ganitong problema.

Nais nilang magtayo o di kaya’y magpalawak ng kanilang negosyo ngunit hindi maisakatuparan dahil sa kawalan ng puhunan.

Lumalapit na rin sila sa mga bangko ngunit umuuwing luhaan dahil sa kawalan ng ari-arian na puwedeng gamiting collateral.

***

Ito ang problemang nais solusyunan ng inihain nating Senate Bill No. 354 o Secured Transactions Act, na ngayo’y dinidinig na ng Committee on Banks.

Sa panukalang ito, maaari nang gamitin bilang collateral sa loan ang movable assets, maliban sa lupa o iba pang tinatawag na “immovable assets” tulad ng sasakyan, equipment, inventory, at mga kontrata at receivables.

Hindi rin dapat mangamba ang mga bangko dahil may mga nakalatag na proteksiyon ang panukala upang mabawasan ang kanilang credit risk.

Kapag naisabatas, magkakaroon na ng pagkakataon ang MSMEs na makakuha ng loan sa mga bangko na magagamit nila sa pagpapalago ng negosyo.

BIDA KA!: Sama-sama tayo kontra negatrolls

Mga bida, tatlong mabibigat at kontrobersiyal na paksa ang tinutukan sa pagdinig ng Committee on Education noong Martes.

Ang tatlong ito ay binansagan naming — sex, drugs at trolls — na nakatuon sa pagtuturo ng reproductive health, panganib ng iligal na droga at responsableng paggamit ng social media sa mga paaralan.

Napag-alaman natin sa Department of Education (DepEd), kasalukuyan nang isinasailalim sa review ang mga modules para sa reproductive health na gagamitin sa mga curriculum sa ilalim ng K to 12 program.

Sa bahagi naman ng iligal na droga, nakatakda namang magsagawa ang DepEd ng mandatory random drug testing sa mga estudyante upang mabatid kung gaano na ba kalalim ang problema ng droga sa mga paaralan.

Subalit tiniyak naman sa atin ng DepEd na confidential ang resulta ng testing at hindi ito gagamitin upang kondenahin o i-kickout ang mga estudyanteng makikitang positibo sa iligal na droga.

Maliban pa rito, magkakaroon din ang DepEd ng drug intervention program para sa mga estudyanteng makikitang gumagamit ng iligal na droga upang maibalik sila sa tamang landas.

Nabigyang diin din ang kahalagahan ng pagbuo ng mga grupo na magsisilbing gabay sa mga estudyante upang mailayo sila sa panganib kontra droga.

***

Pagdating sa pagdinig ukol sa responsableng paggamit ng social media, nabatid natin na malawak na ang problema ng “trolling”, “cyber bullying” at talamak na pagkalat ng maling impormasyon sa internet.

Nagsimula lang ang problemang ito sa nakalipas na isa’t kalahating taon at ito’y hindi lang problema sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sabi nga ni Maria Ressa ng Rappler, mabilis ang pagkalat ng impormasyon sa internet, lalo na sa mga kilalang social media sites gaya ng Facebook.

Dahil karamihan ng gumagamit ng social media ay tumatayo nang journalist, hindi na nasasala kung totoo o hindi ang balita na kanilang pino-post, kaya naman mabilis ang pagkalat ng maling impormasyon.

Bukod pa rito, nakakaalarma na rin ang mabilis na pagkalat ng galit, pagmumura at pagbabanta sa social media laban sa kapwa tao.

Ang nakakabahala rito, sinabi ng isang psychologist na ang mga negatibong laman ng social media, kasama ang tinatawag na “cyber bullying”, ay malaki ang epekto sa ating mga estudyante.

Kapag madalas nababasa at nakikita ng bata ang mga masasamang salita sa social media, sinabi ng psychologist na ito’y magiging tama sa kanyang paningin kapag nagtagal.

***

Nakita ng DepEd na kailangan nang tugunan ang problemang ito kaya isinama nila sa curriculum para sa Grade 11 at 12 ang pagtuturo ng responsableng paggamit ng social media.

Dahil mabilis ang pagkalat ng maling impormasyon at iba’t ibang negatibong bagay sa social media, hindi ito kaya ng DepEd at kailangan ng tulong ng lahat upang ito’y masugpo.

Kaya naman sumang-ayon ang DepEd na maki­pagtulungan sa iba’t ibang pribadong grupo upang labanan ang trolls at cyber bullying sa social media at maitaguyod ang tamang pagkilos at pag-uugali sa social media.

Umasa tayo na sa pagkilos na ito, magkakaroon tayo ng isang lipunan na mas makatao at maayos ang pakikitungo sa isa’t isa at may respeto sa ideya at paniniwala ng kapwa tao.

NEGOSYO, NOW NA!: Bawas sakit ng ulo para sa maliliit na negosyante

Mga kanegosyo, mali­ban sa Go Negosyo Act, isinulong din natin ang pagpasa ng iba pang batas na tutulong sa paglago ng ating micro, small and medium enterprises.

Noong 16th C­ongress, ang inyong lingkod ang co-author at principal sponsor ng Youth E­ntrepreneurship Act o Republic Act No. 10679.

Pangunahing layunin ng batas na ito na bawasan ang lumalaking bilang ng kabataang walang trabaho sa bansa sa pamamagitan ng paglalagay ng module ng financial literacy at pagnenegosyo sa curriculum ng elementary, se­condary at tertiary schools sa buong bansa.

Sa tulong ng batas na ito, mabibigyan ang mga kabataang nais magsimula ng negosyo ng access sa financing, training, market linkages at iba pang tulong na kaila­ngan sa pagpapatakbo ng negosyo.

Naging batas din ang Republic Act 10693 o Microfinance NGOs Act, na ating iniakda at inisponsoran.

Layunin naman nito na suportahan ang MFI NGOs, na nagpapautang sa mga nais magnegosyo nang walang hinihinging kolateral sa mababang interes.

 Kabilang sa suportang bigay sa MFI NGOs ay access sa mga programa at proyekto ng pamahalaan, technical assistance at mas magaang buwis.

Isa pang panukala natin na naging batas ay ang Credit Surety Fund (CSF) Cooperative Act, na ngayo’y kilala na bilang Republic Act 10744.

Sa batas na ito, lilikha ng pondo na maaaring gamiting kolateral ng mga negosyanteng miyembro ng kooperatiba, microfinance institution at partner NGOs.

***

 

Ngayong 17th Congress, kahit naitalaga tayo bilang chairman ng Committee on Education at Science and Technology, tuloy pa rin ang ating adbokasiyang tulungan ang mga MSMEs sa bansa.

Kamakailan lang, inihain natin ang Senate Bill No. 169 na layong patawan ng mas mababang buwis ang mga maliliit na negosyo.

Ngayon, mainit ang usapin ng pagpapababa ng personal income tax ng mga manggagawa at inaasahan natin na ito’y maipapasa sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Subalit naniniwala rin ako na kasabay ng pagsusulong ng pamahalaan ng mababang personal income tax, dapat ding tutukan ng pamahalaan ang kapakanan ng maliliit na negosyo upang sila’y umunlad at lumago.

Mahalagang mabigyan din ng kaukulang pansin ang maliliit na negosyo dahil makatutulong sila sa pagbibigay ng hanapbuhay at kabuhayan sa maraming pamilyang Pilipino.

Sa panukalang ito, mas mababang buwis ang sisingilin sa maliliit na negosyo, maliban pa sa simpleng proseso sa paghahain ng buwis.

Sa ilalim ng panukala, lahat ng maliliit na negosyo ay hindi muna pagbabayarin ng income tax sa loob ng unang tatlong taon ng operasyon mula sa petsa ng pagkakatayo. Pagkatapos, sisingilin na sila ng mas mababang buwis.

Ang maliliit na negosyo na kumikita ng mababa sa P300,000 ay hindi sisingilin ng income tax habang 10 porsiyentong income tax naman ang kukunin sa kumikita ng P300,000 hanggang P10,000,000.

Isinusulong din nito ang pinasimpleng book keeping, special lane at assistance desk para sa MSEs, exemption sa tax audit, taunang paghahain ng tax returns at pagbabayad nang hulugan.

Sa ngayon, mga kanegosyo, ang Pilipinas ay pang-126 sa 189 ekonomiya pagdating sa tinatawag na Ease of Paying Taxes, batay sa pag-aaral ng PWC at World Bank.

Panahon na upang ito’y baguhin. Alisin na ang mabigat na pasanin sa ating maliliit na negosyante sa pagpapasimple ng proseso sa pagbabayad ng buwis.

Kapag simple na lang ang sistema ng pagbubuwis, kumbinsido tayo na mas malaki ang tsansa ng maliliit na negosyante na lumago at makalikha ng kabuhayan para sa mas maraming Pilipino.

BIDA KA!: Magkaisa kontra kahirapan

Mga bida, tayo po ay naanyayahan noong Lunes sa paglulunsad ng Angat Buhay: Partnership Against Poverty program ng Office of the Vice President.

Sa nasabing pagtitipon, 50 local government units (LGUs) at mahigit 400 lokal at dayuhang development partners ang dumalo.

Layunin ng programang ito na patibayin ang ugnayan at pagtutulungan sa pagitan ng LGUs, non-government organizations (NGOs), civil service organizations (CSOs), lokal at internasyonal na aid agencies, iba’t ibang organisasyon at pribadong sektor.

Sa pahayag ni Vice President Leni Robredo, ito ang kanyang munting kontribusyon sa pagpapaunlad ng bansa at sa laban kontra kahirapan.

Sa pagtatapos ng nasabing event, nakakuha ng halos 600 pledges para sa iba’t ibang proyekto ng mga dumalong LGU, kabilang na ang proyekto kontra kahirapan at iba pang panga­ngailangan ng komunidad.

Tunay ngang mahalaga ang pagkakaisa ng lahat ng sektor upang tuluyan nang matuldukan ang kahirapan sa lipunan.

Ang nasabing pagtitipon ay isang magandang halimbawa na kung magtutulungan ang lahat, kaya nating mapagtagumpayan ang matagal nating pakikibaka kontra kahirapan.

***

Noong 16th Congress, ang aking tanggapan ay tumutok sa pagpapalago ng ating micro, small and medium enterpri­ses (MSMEs) upang maiahon ang ating mga kababayan mula sa kahirapan.

Isinulong natin ang pagpasa ng ilang batas upang matupad ang adbokasiya nating ito, kabilang na ang kauna-una­han kong batas bilang senador – ang Go Negosyo Act – na naipasa noong 2014.

 

Layunin ng batas na ito na tulungan ang ating MSMEs at mga kababayan natin na nais magsimula ng sariling negosyo na umasenso.

Sa Negosyo Center, maaaring lumapit ang mga negosyante para makakuha ng puhunan nang walang collateral mula sa iba’t ibang financing institutions.

Sa huling bilang, nasa 280 na ang Negosyo Centers sa buong bansa, na pinatatakbo ng Department of Trade and Industry (DTI) kasama ang pribadong sektor na naglalaan ng oras upang tulungan ang ating mga kababayan na nais magnegosyo.

Target ng DTI na uma­bot sa 300 ang Negosyo Centers sa Pilipinas bago matapos ang taon upang maabot pa ang mas marami nating kababayan na nangangarap magkaroon ng sariling negosyo.

***

Ngayon namang 17th Congress, tayo’y itinalaga bilang chairman ng Committee on Education, na isa pang mahalagang aspeto upang makaahon ang ating mga kababayan sa kahirapan.

Kabilang sa ating mga isinusulong ay ang pagpapalakas ng Alternative Learning System (ALS) na isa ring prayoridad na programa ng Department of Education (DepEd) at ng pamahalaang Duterte.

Sa pamamagitan nito, mabibigyan ng pagkakataon ang mga out-of-school youth at mga kababayan nating nais magtapos ng Grade 6 ngunit walang pagkakataon dahil sa edad at kahirapan na makapag-aral.

Isa pang mahalagang panukala na nais nating maipasa ay ang Senate Bill No. 170 na layong maglagay ng Trabaho Centers sa bawat Senior High School (SHS) sa buong bansa.

Ito’y bahagi ng ating pagnanais na mabigyan ng trabaho ang SHS graduates na nais nang maghanapbuhay para makatulong sa pamilya.

Tututok ang Trabaho Center sa tatlong mala­king bagay na kailangan ng mga naghahanap ng trabaho – career counseling services, employment facilitation at industry matching.

Mahalagang matiyak na ang mga graduates ng SHS ay may sapat na kaalaman at kakayahan na akma sa mga bakanteng trabaho sa merkado.

Maganda ring alam ng SHS graduates ang mga bakanteng trabaho na maaari nilang paghandaan sa lugar kung saan sila nakatira.

Sa ganitong paraan, matutugunan ang jobs mismatch, na isa sa sinisisi sa mataas na antas ng youth unemployment.

Sa tulong ng negosyo, trabaho at edukasyon, ako’y naniniwala na ma­laki ang tsansa ng mahihirap nating kababayan na umasenso sa buhay.

NEGOSYO, NOW NA!: Si Aling Danilla – Bagong bida sa negosyo (2)

Mga kanegosyo, kahit chairman na tayo ng Committee on Education at Science and Technology ngayong 17th Congress, hindi pa rin natin iniiwan ang isa sa pangunahin nating adbokasiya sa Senado, ito ay ang pagtulong sa mga negosyanteng Pilipino, lalo na ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Kung inyong maaalala,­ ang kauna-unahang batas na naipasa natin bilang senador noong 16th Congress ay ang Go Negosyo Act o Republic Act 10667, na naisabatas noong July 15, 2014.

Sa ilalim ng Negosyo Act, magkakaroon ng Negosyo Center ang lahat ng lalawigan, siyudad at munisipalidad sa buong bansa na siyang magbibigay ng iba’t ibang tulong upang mapalago ang ating MSMEs.

Dalawang taon ang nakalipas, nais kong ibalita sa inyo na 270 na ang Negosyo Centers sa buong Pilipinas. Inaasahan natin na ito’y lalampas sa 300 bago matapos ang taong kasalukuyan.

Ngayon, mas marami nang Negosyo Centers na puwedeng lapitan ang mga negosyante para makakuha ng puhunan nang walang collateral­ mula sa iba’t ibang ­financing institutions.

Makakakuha na rin ng iba pang tulong ang ating mga negosyante, tulad ng training, mga payo sa pagtatayo ng negosyo, pagpapatakbo, product development, marketing, access sa merkado at iba pang suporta.

Isa sa mga nakinabang sa tulong ng Negosyo Center ay ang mag-asawang Melvin at Myrna Rojo, dating OFWs sa Brunei na ngayo’y may-ari ng ‘Myrnz Creation Philippines’ na gumagawa ng masarap na cake sa Iloilo City.

Ngunit isa lang ang mag-asawang Rojo sa libu-libong mga nego­syante na natulungan ng Negosyo Centers.

Sa mga susunod nating kolum, ilalahad natin ang mga kuwento ng tagum­pay ng mga negosyanteng lumapit at natulungan ng Negosyo Centers.

***

 

Unahin natin ang kuwento ng tagumpay ng Lemunada de Concepcion, na mula sa aking bayan sa Concepcion, Tarlac.

Ang Concepcion Calamansi Growers and Rice Cooperative, na pinamumunuan ni Nemencio Calara. Noong 2013, nagsimula silang magtanim ng kalamansi na ginagawa nilang juice.

Sa una, limitado lang ang kanilang nagagawang produkto at naaabot na merkado dahil sa kakulangan ng pasilidad at kaalaman upang ito’y maipakilala at maipakalat sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Noong December 2015, nabigyan ng pagkakataon ang koopera­tiba na palakasin ang produksiyon at benta ng kanilang mga produkto nang magbukas ang Negosyo Center sa munisipyo­ ng Concepcion.

Sa tulong ng Nego­s­yo­­ Center, nakakuha sila ng kasanayan sa product development kung paano mapaganda ang kanilang produktong calamansi juice, mula sa packaging hanggang sa produksyon.

Nabigyan din sila ng technical support sa paggawa ng calamansi juice at kailangang kagamitan para gumawa nito, sa pamamagitan ng shared service facilities ng Department of Trade and Industry (DTI).

Malaki rin ang naitulong ng Negosyo Center sa pagpapakilala ng Lemunada de Concepcion sa iba’t ibang bahagi ng munisipalidad, pati na rin ng buong lalawigan.

Ngayon, ibinalita sa amin ni Ginoong Calara na patok na Lemunada de Concepcion sa merkado. Dagsa na rin ang alok sa kanilang dalhin ito sa iba pang parte ng lalawigan.

Isa ang Concepcion Calamansi Growers and Rice Cooperative at ang produkto nilang Lemunada de Concepcion sa mga Bagong Bida sa Negosyo, sa tulong ng Negosyo Center.

Kung mayroon kayong ideya sa negosyo, huwag na kayong mag-atubiling lumapit sa Negosyo Center sa inyong lugar. Malay niyo, kayo na ang susunod nating tampok sa Bagong Bida sa Negosyo.

BIDA KA!: Trabaho Centers

Mga bida, isa sa mga isinusulong natin sa Senado ay matugunan ang problema ng kawalan ng hanapbuhay ng ating mga kababayan, lalo na ng mga kabataan.

Sa Hulyo 2015, nasa 6.5% ng mga Pilipino ang walang trabaho habang 21% ang underemployed o mayroong trabaho ngunit mas mababa ang antas at sahod kum­para sa kanilang kakayahan. Kasama rin sa underemployed ang mga umaasang makahanap ng full-time na trabaho ngunit part-time lang ang kanilang mahanap.

Pagdating naman sa tinatawag na youth unemployment, nasa 15.7% ng mga kabataan ang walang hanapbuhay sa bansa.

Isa sa mga pangunahing dahilan na itinuturo rito ay ang jobs mismatch o ang kawalan ng sapat na kaalaman at kasanayan sa mga naghihintay na trabaho sa merkado.

***

May kanya-kanyang programa ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan, tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Education (DepEd) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang masolusyunan ang problemang ito.

Ngunit napag-alaman natin sa hearing ng Committee on E­ducation na ang kalahati ng solusyon ay ginagawa na ng DepEd at TESDA habang ang ilang bahagi naman ay ginagampanan na ng DOLE.

Ang kulang lang ay kung paano mapag-uugnay ang mga prog­ramang ito, ang mga paaralan, at ang pribadong sektor upang lalong maging epektibo sa pagtugon sa problema sa kawalan ng hanapbuhay at jobs mismatch.

Isa sa mga nakikita nating solusyon dito ay ang paglalagay ng Trabaho Center sa bawat Senior High School (SHS) sa bansa na nakapaloob sa aking Senate Bill No. 170.

Sa tulong ng nasabing panukala, mapag-uugnay ang pri­badong sektor na nangangailangan ng empleyado at ang mga programa sa edukasyon at training ng iba’t ibang paaralan para sakto ang kaalaman at kasanayan ng mga graduates sa nag­aantay na trabaho.

 

***

Natutuwa naman tayo at nagpahayag ng buong suporta ang iba’t ibang ahensiya at pribadong stakeholders sa aking pa­nukala nang magsagawa tayo ng hearing ukol sa Trabaho Centers kamakailan.

Kapag ito’y naisabatas, magkakaroon ng Trabaho Center o job placement centers sa bawat Senior High School sa bansa na tutulong sa SHS graduates na makahanap ng trabaho na akma sa kanilang kaalaman.

Sa pagtaya, nasa 50% ng Senior High School students ay hindi na tutuloy sa kolehiyo at maghahanap na ng trabaho pagka-graduate.

Dito na papasok ang Trabaho Center, na siyang tututok sa tatlong malaking bagay — career counseling services, employment facilitation at industry matching.

Mahalagang masiguro na ang magtatapos sa ilalim ng K to 2 program ay may sapat na kaalaman at kakayahan upang tugunan ang kailangang trabaho sa merkado.

Maganda rin kung alam ng SHS graduates ang kalagayan ng job market sa lugar kung saan sila nakatira, kung anu-ano ang mga oportunidad sa kanilang paligid at trabaho na maaari nilang pasukan.

Sa ganitong paraan, matutugunan ang jobs mismatch, na isa sa sinisisi sa mataas na antas ng youth unemployment.

Maliban dito, hindi masasayang ang pagod ng ating mga guro, estudyante, at pati ng kanilang mga magulang.

Pagtapos ng Senior High School, dapat may angkop na trabahong naghihintay para sa mga nagtapos.

Kasabay ng pagtatapos ng unang batch ng Grade 12 sa 2018, umaasa tayo na nakapuwesto na rin ang ating Trabaho Centers upang mabigyan sila ng agarang tulong para makakita ng trabahong pasok sa kanilang kaalaman at kasanayan.

NEGOSYO, NOW NA!: ‘Mentor Me’ program

Mga kanegosyo, isa sa mga mahalagang tulong na makukuha ng isang nagsisimula sa negosyo ay ang turo at gabay mula sa isang subok o kilalang negosyante.

Makailang ulit na na-ting binanggit sa ating kolum na ang pagkakaroon ng tamang mentorship ay daan tungo sa matagumpay na negosyo.

Ito ang layunin ng Department of Trade and Industry (DTI) nang simulan nito ang ‘Mentor Me’ program tatlong buwan na ang nakalilipas.

Sa aming panayam kay DTI Assistant Secretary Bles Lantayona sa programang Go Negosyo sa Radyo sa DZRH kamakailan, mayroon nang dalawang pilot area ang nasabing programa sa Laguna at Mandaluyong.

Sa paliwanag ni ASEC Bles, napakahalaga ang gabay at payo na makukuha ng isang papausbong na negosyante mula sa mentor na bihasa at may malawak na karanasan sa pagnenegosyo.

Kabilang sa mga mentor na nagbibigay ng tulong ay mga matagumpay na entrepreneurs at mga negos­yante na may puso na ibahagi ang kanilang kaalaman at formula sa tagumpay sa mga bagong negosyante.

Ayon kay ASEC Bles, malaking tulong ang karunungang bigay ng ‘mentor’ o iyong mga nagtuturo sa mga ‘mentee’ o iyong mga tuturuan para magtagumpay.

Sa tulong ng magaling na mentor, magkakaroon din ng inspirasyon ang isang mentee upang masundan ang yapak ng nagtuturo.

Mahalaga rin ang pagkakaroon ng unawaan o rapport sa pagitan ng mentor at mentee kaya tinitiyak ng DTI na naipaparating nang tama ng isang mentor ang kailangang kaalaman sa mga tinuturuan.

Ayon kay ASEC Bles, nakatakda na ring simulan ang ‘Mentor Me’ program sa Zamboanga, Iloilo, Cebu, Cavite, Tacloban, Cagayan de Oro City, General Santos City, Davao City, Baguio, Tarlac at Lanao de Norte.

 

***

Isa sa mga mentee na nakapanayam namin ay si Jay Menes, isang stage performer na naengganyong magnegosyo na kabilang sa mga unang batch ng mga dumaan sa ‘Mentor Me’ program.

Sa kuwento ni Jay, aksidente lang ang pagkakapasok niya sa ‘Mentor Me’ program sa Negosyo Center sa Mandaluyong.

Balak lang kumuha ni Jay ng business permit ngunit naalok ng isang taga-Negosyo Center na sumali sa programa. Sa una, akala ni Jay na isang beses lang ang seminar ngunit tumagal ito ng 12 Biyernes.

Kakaiba ang karanasan si Jay sa ‘Mentor Me’ program dahil nabigyan siya ng daan upang mailabas ang kanilang mga ideya sa negosyo at maranasan ang praktikal na aplikasyon at totoong nangyayari sa merkado.

Para kay Jay, sulit ang 12 Biyernes na kanyang pinagdaanan sa ‘Mentor Me’ program dahil marami siyang natutunan sa iba’t ibang aspeto ng negosyo.

***

Natutuwa tayo sa pagbuhos ng suporta ng DTI sa Go Negosyo Act, ang kauna-unahang batas na aking naipasa noong 16th Congress.

Sa ngayon, mayroon nang 270 Negosyo Centers sa buong bansa, ang huli’y binuksan sa Capas, Tarlac kamakailan.

Ang mga Negosyo Center na ito ay handang tumulong upang matugunan ang pangangailangan ng mga papausbong na entrepreneurs at matatagal nang negosyante para sa lalo pa nilang pag-asenso.

BIDA KA!: Pinoy freelancers

Mga bida, dumarami na ang freelancers sa buong bansa.

Wala silang mahabang kon­trata sa isang kumpanya at nagtatrabaho lang para sa isang parti­kular na proyekto.

Ang bayad naman nito ay naka­depende sa kasunduan sa pagitan ng freelancer at nagpagawa ng trabaho.

Dahil mas kontrolado ng freelancer ang kanyang oras at kondisyon ng trabaho, marami sa ating mga kababayan ang naeengganyong pumasok bilang freelancer.

***

Kabilang na rito si Marvin, isang freelance professional photographer at video editor.

Bilang freelancer, maraming kumukuha sa serbisyo ni Marvin, mula sa paggawa ng simpleng video o photo ­coverage sa kasal at iba pang malalaking event.

Maganda man ang bayad bilang freelancer, ngunit inaangal ni Marvin na ilang ulit na rin siyang naloko at hindi nabayaran ng mga kliyente.

May ilang sitwasyon na inabot ng taon bago siya mabayaran kahit tapos na niya ang kanyang bahagi sa kasunduan.

Sa sitwasyon naman ni Paolo, marami siyang nakukuhang kliyente na nagpapagawa ng graphics at iba pang disenyo para sa kanilang kumpanya, website at mga produkto.

 

Problema naman ni Paolo, may ilang kliyente na nanghi­hingi ng official receipt na nakukuha lamang sa BIR kung ­nakarehistro siya bilang isang negosyo.

Nahihirapan siyang makatugon sa maraming requirements ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at dahil doon, kailangan niyang tanggihan ang ibang proyekto at trabaho.

Ang masaklap na karanasang ito nina Marvin at Paolo ay karaniwan nang nangyayari sa mga Pinoy freelancers.

***

Mga bida, ito ang dahilan kung bakit inihain natin ang Senate Bill No. 351 na layong protektahan ang karapatan at kapakanan ng freelancers, ngayong isa na silang lumalaking sektor sa bansa.

Naniniwala ako na ngayong dumarami na ang freelancers sa bansa, nararapat lang na sila’y protektahan ng pamahalaan at tulungan sa mabilis na pagkuha ng kailangang dokumento sa pamahalaan, lalo na sa BIR.

Kapag naisabatas ang panukala, may kapangyarihan na ang freelancers na hingin sa employer ang mga nararapat na bayad at benepisyo sa ilalim ng kanilang kasunduan.

Kapag tumanggi ang employer na bayaran ang free­lancer para sa serbisyong ibinigay, maaaring maghain ng reklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE), na puwedeng magpataw ng multa na aabot sa P250,000 kapag napatuna­yang hindi tumupad sa usapan ang isang panig.

May dagdag pang multa sa bawat araw na nabigong bayaran ng employer ang freelancer. Magkakaroon din ng karapatan ang freelancer na magsampa ng civil case upang mahabol ang bayad para sa kanyang serbisyo.

Layon ng panukala na gawing simple para sa freelancers ang pro­seso pagdating sa pagpapatala sa BIR at gawin na lang itong taunan.

Mabibigyan din sila ng tax exemption sa unang tatlong taon kung ang kanilang taxable income at hindi lalampas sa P300,000 at 10 porsiyento kung ang taxable income naman ay nasa pagitan ng P300,000 hanggang P10 milyon bawat taon.

***

Kung hindi natin bibigyan ng karampatang ­suporta ang sektor na ito, sayang ang oportunidad, lalo na ang pagkaka­taong mabigyan ng kabuhayan ang marami nating kababayan.

Oras nang tulungan natin ang mga kababayan nating freelancers na umasenso!

BIDA KA!: Aral ng kasaysayan

Mga bida, marami sa atin ay pamilyar na sa kasabihang “ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan”.

Madalas, ikinakabit ang kasabi­hang ito sa utang na loob sa ­kapwa ngunit ito’y maiuugnay rin sa ­kasaysayan.

Mahalaga na alam natin ang nilalaman ng ating kasaysayan, maging mabuti man ito o masama, upang matuto tayo sa karanasan ng nakaraan.

Kung ito ma’y masama, ang aral ng nakaraan ay magsisilbing paalala sa atin na huwag nang hayaang ito’y mangyari muli.

Sa ibang bansa sa Europa, gaya ng Germany, itinuturo ang holocaust na madilim na bahagi ng kanilang kasay­sayan sa mamamayan upang magsilbing gabay sa kasalukuyan at ­susunod na henerasyon.

May panukala pa silang inilatag upang tiyaking tama at batay sa katotohanan ang mga itinuturo ukol sa malawakang pagpatay sa mga Hudyo.

Dito sa atin, nakasaad sa Section 27 ng Martial Law Victim Reparation Act of 2013 na dapat magtulungan ang CHED at DepEd sa pagpapakalat ng impormasyon ukol sa Martial Law upang hindi na ito muling mangyari.

***

Ito ang isa sa pangunahing dahilan kaya tayo naghain ng resolusyon upang alamin kung paano itinuturo ang Martial Law sa ating mga paaralan.

Ginawa natin ang hakbang matapos tayong tumanggap ng balita na hindi tama at kulang ang impormasyong nakalagay sa mga aklat sa mga eskuwelahan.

 

Hindi nakalagay rito ang libu-libo katao na namatay, pinahirapan o bigla na lang nawala o ang sampung bilyong dolyar na ninakaw sa kaban ng bayan.

Maliban pa rito, may tangka rin sa Internet na baguhin ang kasaysayan at palitawin na ang Martial Law ay isa sa pinakamagandang panahon sa ating bansa.

Ang masakit nito, marami sa ating mga kabataan ang ­naniniwala sa mga maling kuwento sa Internet dahil na rin sa kawalan ng sapat na kaalaman sa nangyari noong panahon ng Martial Law.

***

Sa pagdinig noong Martes, natutuwa tayo sa ibinalita ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor ­Briones, na isa ring biktima ng Martial Law, na kasalukuyan nang ­inilalatag ng ahensiya ang bagong curriculum na bahagi ng K to 12 program.

Sa nasabing pagbabago, ilalatag na ang mas kumpetong larawan ng ating kasaysayan, kung saan makikita ng ating mga kabataan ang lahat ng aspeto ng mga nangyari sa naka­lipas, lalo nang katiwalian at pag-abuso na nangyari noong Martial Law.

Ang mga pagbabagong ito ay bunga ng pagtutulungan ng mga personalidad mula sa iba’t ibang larangan, mula sa kasaysayan gaya ng National Historical Commission of the ­Philippines at Commission on Human Rights.

May panawagan din ang DepEd na sa mga susunod na pagbuo ng bagong curriculum at mga aklat na ukol sa kasay­sayan, magtulung-tulong ang iba’t ibang historian, mga abogado at iba pang may alam sa batas upang mabuo ang mas akmang nangyari sa nakalipas.

Ayon sa DepEd, ginagawa nila ang lahat upang mapa­dali ang paglabas ng mga bagong libro na nag­lalaman ng mga bagong detalye ukol sa ating kasaysayan, hindi lang ng Martial Law, kun’di ng iba pang pag-abuso na nangyari sa mga nakalipas na ­panahon.

Kapag kumpleto na ang paglalabas ng DepEd ng mga aklat na naglalaman ng bagong impormasyon ukol sa kasaysayan, magkakaroon ang mga kabataan ng matibay na pundasyon ng kaalaman.

Sa tulong nito, mas madali nilang masusuri at masasala ang nakikita nila sa Internet kung ito ba’y may katotohanan o pawang kasinungalingan lang.

Sabi nga, sa anumang larangan, lamang ang may alam.

Scroll to top