Bam Aquino Column

Senate Bill No. 176: Poverty Through Social Entrepreneurship (PRESENT) Act

This measure provides the framework for the planning and implementation of a National Poverty Reduction Through Social Entrepreneurship (the “PRESENT”) Program. The PRESENT Bill provides a nurturing environment for the growth and burgeoning of strong and innovative Social Enterprises as tools to reduce poverty.

A “Social Enterprise” or “SE” as defined in the proposed bill, refers to a social mission- driven organization that conducts economic activities providing goods and/or services directly related to its primary mission of improving the well-being of the poor, basic and marginalized sectors and their living environment. A social enterprise explicitly declares and pursues poverty reduction as its principal objective by purposefully rendering both transactional and transformational services. An SE engages and invests in the poor to become effective workers, suppliers, clients and/or owners and ensures that a substantive part of the wealth created by the enterprise is distributed to or benefits them.

In addition to reinvesting its surplus or profits back to the enterprise to sustain the fulfillment of its social mission, a SE also uses its surplus or profits and mobilizes other resources to assist the poor to become partners in SE or value chain management and governance and to become partners in community, sectoral and societal transformation.

This is in line with Article XII, Section 1 of the Philippine Constitution which states:

Section 1. The goals of the national economy are a more eqilitable distribution of opportunities, income, and wealth; a sustained increase in the amount of goods and services produced by the nation for the benefit of the people; and an expanding productivity as the key to raising the quality of lifefor all, especially the under-privileged.

The challenge for Social Enterprises is how to become an effective poverty reduction tool. In the face of this challenge, government must play a supportive role to ensure that the appropriate systems, structures, and resources needed to support Social Enterprises are put in place. Government must help these new breed of entrepreneurs to acquire resources, build successful organizations, and achieve significant positive impact. 

A nation’s economy is not stagnant – a new social investment models, ways of doing business, and impact measurement tools continually arise. These changes at times distort and blur the once clear boundaries among the traditional nonprofit, for-profit, and public sectors. It is time that a Social Enterprise be officially recognized and defined in order for the government to be able to give it adequate support. 

In view of the foregoing, approval of this bills is earnestly sought.

PDFicon DOWNLOAD SBN 176

BIDA KA!: Ipaglaban ang SK

Mga bida, isa sa mainit na pinag-uusapan ngayon ay ang pagpapaliban ng halalang pambarangay at Sangguniang Kabataan (SK) na nakatakda sa Oktubre.

Argumento ng iba, katatapos lang ng pambansang eleksiyon noong Mayo masyadong maikli ang panahon ng paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) para sa barangay at SK elections.

Nais naman ng ilang mambabatas na ipagpaliban ang halalan ng dalawang taon at gawin na lang sa 2018 upang mapaghandaan ito nang husto.

May lumitaw ring panukala na tuluyan nang i-abolish ang barangay council at SK dahil wala raw itong pakinabang at walang naitutulong sa mga komunidad.

***

Bilang isa sa mga nagsulong ng Republic Act No. 10742 o SK Reform Act bilang co-author at co-sponsor noong 16th Congress sa Senado, hindi ko matatanggap ang panukalang ipagpaliban ng dalawang taon ang halalan o buwagin nang tuluyan ang SK.

Kaya nga natin isinulong ang mga reporma sa SK upang mailayo ito sa dating sistema na puno ng katiwalian at walang nagawa para sa kapakanan ng mga kabataan.

Sayang naman ang mga ikinasang reporma kung hindi natin agad ito maipatutupad sa lalong madaling panahon o kung wala nang SK para magpatupad nito.

Huwag tayong magpadalus-dalos sa ating desisyon. Bakit hindi natin bigyan ng pagkakataong maikasatuparan ang mga repormang ito at tingnan kung ito’y magiging epektibo para sa kasalukuyang henerasyon.

***

Bilang kauna-unahang batas na mayroong anti-dynasty provision, malaking panghihinayang kung hindi natin makikitang naipatupad ang SK Reform Act.

Sa ilalim ng batas, bawal nang tumakbo bilang SK officials ang mga kamag-anak ng halal na opisyal, hanggang sa tinatawag na second level of consanguinity.

Itinaas na rin natin ang edad ng SK officials patungong 18 hanggang 24 taong gulang, upang magkaroon sila ng legal na pananagutan sa kanilang mga aksiyon.

Upang mahasa ang kanilang kaalaman sa pagganap ng tungkulin, obligado na ang mga SK official na dumaan sa leadership training programs.

Makatutulong na rin ang tinatawag na Local Youth Deve­lopment Council (LYDC) sa pagbalangkas ng mga programa’t proyekto para sa mga kabataan.

Sa pamamagitan ng LYDC, mabibigyan ang mas mara­ming grupo ng kabataan na lumahok, makialam at bantayan ang kanilang kapakanan.

Walang dapat ipangamba dahil sa mga repormang ipinasok natin sa bagong SK, ibang-iba na ito sa ating nakasanayan noon na madalas ay paliga ng basketball at beauty contest ang proyekto para sa mga kabataan.

***

Noong Martes, lumabas na ang committee report ng Senado na nagpapaliban sa SK elections sa Oktubre 2017.

Sa una, nanghihinayang tayo sa pagpapaliban na ito ngunit mas maganda na ito kaysa sa panukalang gawin ang halalan sa 2018.

Isa pa, tiniyak din sa atin ni Sen. Sonny Angara na tututulan ng Senado ang anumang pagkilos na buwagin ang SK.

Maaaring gamitin ng COMELEC ang dagdag na panahon upang mapaghandaan nang husto ang SK, gaya ng pagpapalawig ng registration at paghikayat sa ating mga kabataan na tumakbo.

Bigyan natin ng pagkakataon ang SK na humubog ng mga bagong bayani mula sa ating mga kabataan na tutulong sa pagpapalakas ng ating mga komunidad.

Article first published on Abante Online

NEGOSYO, NOW NA!: Negosyo mula sa bente pesos

Mga kanegosyo, una sa lahat, humihingi ako ng paumanhin sa matagal na pagkawala ng kolum na ito.

Ilang buwan din tayong nawala dahil tumayo ako bilang campaign manager ni vice president Leni Robredo noong nakaraang halalan.

Kasabay nito, pansamantala ring nahinto ang ating programa sa radyo – ang Status Update – sa DZXL 558.

Sa ating pagbabalik, nais kong ibalita na nagbabalik tayo sa radyo bilang co-host ni Cheska San Diego sa programang Go Negosyo sa Radyo – sa DZRH 666 KHZ — sa pakikipagtulungan ng Go Negosyo at MBC.

Mapakikinggan ito tuwing Biyernes, mula alas-dos hanggang alas-tres ng hapon. Mapanonood din ito sa livestream sa dzrhnewstelevision.tv.

Sa nasabing programa, pinalitan natin si Mon Lopez, na itinalaga ni Pangulong Duterte bilang kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI).

***

Kabilang sa mga naging panauhin namin sa programa ang mag-asawang Rosiell at Rudy de Leon, may ari ng Bianca and Nica’s Ice Candy Factory.

Maganda ang istorya ng mag-asawa dahil sinimulan at pinalaki nila ang negosyo gamit lang ang bente pesos na puhunan.

Kung titingnan ngayon, malayo ang kalagayan sa buhay ng mag-asawa nang simulan nila ang negosyo noong 2011.

Walang trabaho noon si Rudy at naubos na ang kanilang ipon sa bangko. Nag-aaral din ang dalawa nilang anak, kaya desperado na si Rosiell sa paghahanap ng ikabubuhay.

Hawak ang bente pesos na natitira nilang pera noon, naisip ni Rosiell na magtinda ng yelo dahil sila lang ang may refri­gerator sa kanilang lugar noon sa Antipolo.

Ginastos ni Rosiell ang bente pesos para bumili ng 100 pirasong plastic ng yelo. Nang maibenta ito, lumago ang kanilang puhunan sa P300.

Ginamit naman ito ni Rosiell para bumili ng sangkap sa paggawa ng 100 piraso ng ice candy. Ibinenta niya ito sa ha­lagang limang piso kaya lumago sa P500 ang kanilang kita.

Dito na nagsimulang lumaki ang negosyo ng mag-asawa, na ipinangalan nila sa dalawang anak.

Ayon kay Rudy, nakuha nila ang ideya na magtinda sa paaralan mula sa kanilang mga anak.

Upang pumatok sa mga bata ang kanilang produkto, itinakda nila sa tatlong piso ang presyo ng ice candy at dinagdagan pa ang flavor.

Nagbunga naman ang hakbang na ito dahil sa unang buwan, kumita ang mag-asawa ng P400,000 sa eskuwelahan ng kanilang mga anak.

Sa sumunod na dalawang taon, umakyat sa labintatlo ang mga eskuwelahan na naaabot ng kanilang produkto.

Sa kasalukuyan, nagbebenta na ang Bianca and Nica’s Ice Candy Factory ng 24 flavors sa mahigit 100 paaralan sa National Capital Region at sa lalawigan ng Rizal.

Ang kuwento nina Rosiell at Rudy ay magandang inspirasyon at aral sa mga nais magnegosyo. Walang imposible sa pagnenegosyo, basta’t tama ang lokasyon at swak ang ibebentang produkto sa merkado.

BIDA KA!: Patok pala ang K to 12

Mga bida, kasabay ng kontrobersiyal na pagdinig ukol sa extrajudicial killings (EJK) sa bansa, tahimik na nagsagawa ng hearing ang Se­nate Committee on Education, Arts and Culture noong Lunes.

Habang siksikan ang session hall sa Senado ng mga panauhin at mga mi­yembro ng media, naging laman naman ng Laurel room ang mga opis­yal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa edukasyon.

Mabuti na lang at nakadalo sa pagdinig ang mga kapwa ko senador na sina Sherwin Gatchalian, Joel Villanueva, Nancy Binay at Alan Peter Cayetano, na tulad ko ay may mga isinusulong ding mga adbokasiya na may kinalaman sa edukasyon.

Sabi nga ng isa nating panauhin na si Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones, hindi kasi seksi ang paksa ng ating pagdinig kung ihahambing sa mabentang isyu ng extrajudicial killings.

Hindi man kasing sexy ng EJK, kung titimbangin ay napa­kahalaga ang ating dinidinig na isyu, lalo pa’t kinabukasan ng ating mga kabataan ang nakasalalay rito.

Kabilang sa mga sinilip ng kumite na ating pinamumunuan ang estado ng K to 12 program sa bansa, na todong ipinatupad ngayong taon.

Naisama rin sa agenda ang iba’t ibang panukalang nagpapa­lakas sa edukasyon sa bansa, kasama na ang nauna na­ting tinakalay sa kolum na ito na Senate Bill No. 170 (Trabaho Center in School Act), Senate Bill No. 172 (Abot Alam Act of 2016) at Senate Bill No. 173 (Free Education for Public School Teacher’s Children Act).

***

Unang natuon ang usapan sa K to 12 program, na inaasahan ng marami na sasablay dahil sa umano’y pahirap na dala nito sa mga estudyante at mga magulang.

Ngunit taliwas sa tantiya ng karamihan, pumatok pala ang K to 12 program dahil mahigit 1.5 milyon ang nag-enroll sa Senior High Schools (SHS) para sa school year 2016-2017.

Sa kabuuang 1,517,610 SHS enrollees, 1,460,970 ay nakakumpleto ng Grade 10, 54,262 ang Balik-Aral students at 2,378 ay nakapasa sa Accreditation and Equivalency (A&E) examination.

Ang 1,460,970 ay 98 porsiyento ng kabuuang bilang ng nagtapos ng Grade 10 na nagpasyang magpatuloy sa SHS.

Ibig sabihin nito, walang katotohanan ang mga ulat sa pahayagan na malalayo at mahihirapan ang mga estudyante na puntahan ang iba’t ibang senior high schools sa bansa.

Sa mataas na bilang ng nag-enroll, patunay ito na sasamantalahin ng mga Pilipino ang pagkakataong  mag-aral basta’t naririyan ang libreng edukasyon at tuluy-tuloy na tulong ng pamahalaan.

Kasabay naman ng mataas na bilang ng nag-enroll, naririyan rin ang hamon ng kakulangan ng classroom at gurong may sapat na kasanayan sa ilalim ng K to 12 program.

Ngunit sa pangunguna ni Sec. Briones ng DepEd, tiwala ako na malalampasan ang mga pagsubok na ito.

***

Isa rin sa mga nabigyang pansin sa pagdinig ang panukala nating bigyan ng scholarship ang mga anak ng public school teachers sa lahat ng SUCs sa buong bansa

Ang panukalang ito ay pagkilala sa kabayanihan ng ating public school teachers na patuloy na nagsisilbi sa mamamayan sa kabila ng maliit na suweldo.

Ito, at iba pa nating mga panukala, ay isinumite na natin sa DepEd para sa kanilang komento at pagbabago, kung mayroon man, upang maisama sa pinal na bersiyon.

Bilang chairman ng education committee, tiwala ako na magiging mabunga ang susunod na tatlong taon sa tulong na rin ng masisipag na opisyal ng DepEd at CHED at mga senador na kaisa ko sa pagnanais na pagandahin ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Article first published on Abante Online

BIDA KA!: Edukasyon at agham

Mga bida, sa pagsisimula ng 17th Congress, naipagkatiwala sa atin ang dalawang kumite sa Senado — ang Education at Science and Technology.

Mula sa pagbabantay ng kapa­kanan ng ating micro, small and medium enterprises at kabataan noong 16th Congress, mga isyu tungkol sa edukasyon, agham at teknolohiya ang ating bibigyang pansin sa susunod na tatlong taon.

Bago pa man pormal na naibigay sa atin ang Committee on Education, nakapaghain na tayo ng apat na panukalang batas na may kinalaman sa edukasyon.

Pangunahin dito ang Senate Bill No. 177 o ang Free Higher Education for All Act, na layong gawing libre ang pag-aaral sa state universities at colleges sa buong bansa.

***

Ang panukalang ito ay alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas na tungkulin ng pamahalaan na itaguyod ang karapatan ng mamamayan na mabigyan ng de-kalidad na edukasyon sa lahat ng antas.

Nakakaalarma ang nakuha nating datos mula sa Commission on Higher Education (CHED) na dalawa sa limang high school graduates, o 40 porsiyento, ang hindi nakakatungtong ng kolehiyo dahil sa mataas na tuition fee at iba pang gastusin.

Marami naman sa mga nakapagtapos ng high school ay kaila­ngang mamili kung magtatrabaho ba para makatulong sa pamilya o para makapag-aral ang ibang mga kapatid sa kolehiyo.

Nakakapanghinayang naman kung hindi makakatungtong sa kolehiyo ang isang estudyante dahil sa kahirapan.

Ito sana ang magbibigay ng pagkakataon sa kanila para maiahon sa kahirapan ang kanilang pamilya. Mas maganda ang tsansang umasenso at kumita ng malaki kapag mayroong natapos na kurso sa kolehiyo.

Kapag naisabatas na ang panukala, mas marami nang kabataang Pilipino, lalo na ang mahihirap, ang makakatuntong sa kolehiyo.

***

Inihain ko ang Free Education for Children of Public School Teachers Bill o ang Senate Bill No. 173. Layon nitong bigyan ng scholarship ang mga anak ng public school teachers sa lahat ng SUCs sa bansa.

Sa panukalang ito, bibigyan ng subsidy o tulong ang mga guro na sasagot sa 100 porsiyento ng tuition fee at iba pang bayarin sa miscellaneous kapag nag-enrol ang kanilang mga anak sa SUCs.

Kailangan lang makapasa sa mga kuwalipikasyon ng panukala ang mga anak ng public school teachers bago mabigyan ng libreng edukasyon sa SUCs.

Pakay ng panukalang ito na bawasan ang pasanin ng ating public school teachers, na malaki ang isinakripisyo, tulad ng malaking suweldo, para lang mabigyan ng edukasyon ang mahihirap nating mga kababayan.

***

May isinumite rin tayong Sente Bill No. 170 o ang Trabaho Center in Schools Bill, kung saan magtatayo ng Trabaho Center na tutulong sa Senior High School graduates na gusto nang magtrabaho para makahanap ng papasukan.

Sa ilalim nito, maglalagay ng Trabaho Centers sa mga paaralan upang tulungan ang Senior High School graduates sa ilalim ng K to 12 program na ayaw nang magtuloy ng kolehiyo at nais nang magtrabaho. Sa ibang bansa, ang Trabaho Centers ay tinatawag na Job Placement Office.

Tututok ang Trabaho Center sa tatlong pangunahing bagay — career counseling services, employment facilitation at industry matching – na mahahalagang elemento para makahanap ng trabaho.

Alalahanin natin na ang mga Senior High School ay mabibigyan na ng certification mula sa TESDA.

***

Inihain ko rin ang Senate Bill No. 172 o ang Abot Alam Bill na tutugon naman sa pangangailangan ng mga kabataang Pinoy na may edad pito hanggang 24 na hindi nag-aaral.
Ito’y lilikha ng isang programa na magbibigay ng edukasyon sa bawat Pilipino, lalo na ang out-of-school youth (OSY).

Sa tulong ng Abot Alam na ipinatupad ng nakaraang administrasyon, halos kalahati ang nabawas sa bilang ng mga kabataang hindi nag-aaral.

Kapag naisabatas natin ito, umaasa ako na mababawasan pa ang bilang ng OSY sa bansa.

***

Nagpalit man tayo ng kumite, hindi pa rin natin nakakalimutan ang iba pa nating adbokasiya, gaya ng pagsusulong ng kapakanan ng MSMEs at iba pang problema ng bansa.

Asahan niyo na hindi magbabago ang ating masigasig na pagtatrabaho para sa mga bidang Pilipino.

 

Article first published on Abante Online

 

BIDA KA!: Habag, Hindi Pagpag

Mga bida, isa sa pinakamalaking problema na kinakaharap ng bansa ay kagutuman.

Sa huling ulat ng Social Weather Stations (SWS), tumaas ang bilang ng pamilyang nakaranas ng pagkagutom mula 2.6 milyon sa huling bahagi ng 2015 patungong 3.1 milyon sa unang bahagi ng kasalukuyang taon.

Ito ang dahilan sa likod ng paghahain ko ng Senate Bill No. o Zero Food Waste Act sa pagsisimula ng 17th Congress.

Dalawa ang layunin ng batas na ito — ang mawakasan ang pag-aaksaya ng pagkain at at makatulong upang bawasan ang lumalaking problema ng kagutuman sa bansa.

***

Isinusulong ng panukala na bawasan ang pag-aaksaya ng pagkain sa pamamagitan ng pagbigay ng mga supermarket, restaurant sa sobra nilang pagkain sa tinatawag na food-distribution charities o “food banks” para ipamahagi sa mahihirap na pamilyang Pilipino.

Sa kabilang dulo, ang mga tira-tirang pagkain ay ipapadala sa mga composting at waste management plant kung saan ito’y gagamiting compost.

Walang dapat ipag-alala ang mga tatanggap ng pagkain mula sa food banks dahil isang National Zero Food Waste Scheme ang isasagawa, sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa programang ito, titingnan ang kalidad ng mga pagkain mula sa food manufacturers, supermarkets, restaurants, cafeterias at hotels at food banks.

Sa ilalim rin nito, magtatakda ng panuntunan sa pagkolekta, paglalagak at pamamahagi ng pagkaing ibibigay sa food banks.

Ito rin ang magsisilbing tulay sa food banks at local go­vernment units (LGUs) upang makaabot sa mga komunidad ang programa.

Magkakaroon din ng tinatawag na Self-Sufficiency Program na magbibigay sa mahihirap ng training kung paano magpatakbo ng food banks at iba pang uri ng kabuhayan upang hindi umasa sa donasyon.

***

Sa kabila ng napakagandang layunin ng panukalang ito, umani po tayo ng maraming batikos sa social media, na resulta ng pambabaluktot ng ilang tao sa nilalaman ng ating bill.

Sa kanilang mga inilalabas sa social media, pinapalitaw ng aking mga kritiko na isinusulong ko raw sa panukala ang pagpapakain sa mahihirap ng “Pag-Pag”. Nais kong linawin, hindi kailanman naging intensiyon ng Zero Food Waste Act na ipakain sa mga kapus-palad ang tira-tirang pagkain ng mga restaurant, hotel at iba pang negosyo na may kinalaman sa pagkain.

Kapag naisabatas ito, magsasama-sama ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at non-government organization (NGOs) upang tiyakin na malinis at ligtas ang pagkain na mula sa mga supermarket at restaurant at ipamimigay sa mga kapus-palad.

Sayang naman ang napakagandang progra­mang ito na ipinatutupad na sa ilang mauunlad na bansa gaya ng Japan, Italy, South Korea, Malaysia at France, kung saan ito’y itinuturing na best practice kung masisira lang ng pamumulitika, kasinungalingan at pangwawalanghiya ng ibang tao.

Mga bida, suportahan niyo ako sa labang ito upang mabawasan ang kagutuman sa bansa.

Article first published on Abante Online

BIDA KA!: Unang SONA

Mga bida, noong Lunes napakinggan natin ang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rody Duterte, 26 na araw matapos maupo bilang ika-16 na pinuno ng bansa.

Isa’t kalahating oras ang haba ng talumpati ni Pangulong Duterte, na sumentro sa iba’t ibang isyung mahalaga sa bansa at inaantaba­yanan ng taumbayan.

Mula sa iligal na droga, pagnenegosyo, kalikasan, katiwalian, mabilis na serbisyo sa pamahalaan, isyu sa China, problema sa Internet, kapayapaan at kagutuman, natalakay ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA.

Malinaw ring nailatag ng Pangulo ang mga direktiba sa mga ahensiya ng pamahalaan at ang direksiyon ng mga plano na nangangailangan ng tulong ng mga mambabatas.

Kasama rito ang pagbuo ng isang pederal na sistema ng pamahalaan at pagbababa ng buwis ng mamamayan.

***

Sinabayan ng Pangulong Duterte ang talumpati ng kanyang trademark na mga biro at punchline na nagbigay-tuwa sa mga mambabatas at iba pang mga panauhin na nagtipon sa plenaryo ng Kamara.

Sa kabila ng mga birong ito, ramdam natin na seryoso si Pangulong Duterte sa kanyang mga binitiwang kataga, lalo na nang ikuwento niya ang mga taong natutulog sa kalsada habang naghihintay na magbukas ang ahensiya ng gobyerno na nasa isang mall.

Maaalala ang speech ng Pangulo sa pagbabahagi niya ng personal na karanasan at ‘di pagsunod sa script na nasa teleprompter.

***

Nagpapasalamat din tayo kay Pangulong Duterte sa pagbanggit niya sa ilang mga adbokasiya na isinusulong natin sa Senado.

Kabilang na rito ang pagpapabilis ng proseso sa pagkuha ng mga papeles sa pamahalaan, pagpapaganda sa serbisyo ng Internet, pagpapababa ng buwis, pagtulong sa entrepreneurs at pagpapaganda ng sistema ng edukasyon sa bansa.

Mga bida, hindi naman lingid sa inyo na isinusulong na natin ang mabilis at abot-kayang Internet sa bansa noon pang 16th Congress.

Sa direktiba ni Duterte sa bagong tatag na Department of Information and Communication Technology na bumuo ng isang National Broadband Plan, inaasahan nating gaganda ang serbisyo ng Internet sa bansa.

Marami rin tayong naipasang batas na sumusuporta sa micro, small and medium enterprises at nagtataguyod ng ease of doing business sa 16th Congress, tulad ng Philippine Competition Act, Go Negosyo Act ar Youth Entrepreneurship Act.

Ang mga batas na ito ay makatutulong sa hangarin ni Pangulong Duterte na pabilisin ang proseso ng pagnenegosyo at paigtingin pa ang serbisyo sa ating micro, small at medium enterprises, na siyang haligi ng ating ekonomiya.

Ngayong 17th Congress, naghain tayo ng 100 panukalang batas at resolusyon ukol sa iba’t ibang isyu, kabilang ang pagpapaganda ng sistema ng edukasyon at reporma sa pagbubuwis sa pamamagitan ng Personal Tax Reform at Corporate Tax Reform bills.

Ngayong malinaw na ang direksiyon na nais tahakin ng Duterte administration, tiwala tayo na maisasabatas ang mga panukalang ito, para na rin sa kapakanan ng publiko.

Nagpalit man ng liderato ang Senado, tuluy-tuloy pa rin tayo sa pagtatrabaho para sa ating mga bida.

Palagi kong sinasabi na magkakaiba man ang aming mga partido, pagbubuklurin pa rin kami ng aming pagnanais na pagsilbihan ang taumbayan.

Article first published on Abante Online

BIDA KA!: Isang Simpleng Parangal sa ating Big Brother

Mga bida, isa sa mga hinahangaan at tinitingala kong personalidad ay si dating Education Sec. Bro. Armin Luistro, isa sa pinakamasipag na miyembro ng Gabinete sa nakaraang administrasyon.

Nagsimula si Bro. Armin bilang religion teacher sa De La Salle Lipa noong dekada otsenta. Mula noon, umangat siya sa posisyon at naging pinuno ng walong institusyon ng De La Salle bilang pangulo at CEO ng De La Salle Philippines (DLSP).

***

Noong 2010, sa unang pagkakataon ay sumabak si Bro. Armin sa paglilingkod sa gobyerno nang italaga siyang kalihim ng Department of Education (DepEd).

Agad napasabak sa mga hamon si Bro. Armin. Sinalubong siya ng katakut-takot na problema, gaya ng kakulangan na 61.7 milyon sa libro, 2.5 milyon sa upuan, 66,800 silid aralan at 145,827 guro.

Maliban pa rito, si Bro. Armin din ang naatasan sa preparasyon at paglalatag ng kontrobersiyal na K to 12 Program.

***

Hindi naman nagpatinag si Bro. Armin sa mga gabundok na problema na sinalo ng Aquino government na kailangan niyang tugunan.

Hinarap niya ang mga problemang ito para na rin sa kapakanan ng milyun-milyong estudyante sa buong Pilipinas.

Sa gitna ng batikos sa kanyang bawat kilos at galaw, epektibo at tahimik na nagampanan ni Bro. Armin ang tungkulin.

Sa isang panayam kay Bro. Armin bago siya bumaba sa puwesto, sinabi niyang nabura ang backlog sa silid aralan nang makapagpatayo ang ahensiya ng 118,000 bagong classrooms mula 2010 hanggang 2016.

Maliban dito, may 66,000 pang classrooms ang kasalukuyan nang itinatayo kaya aakyat sa 185,000 ang silid aralan na naipatayo sa ilalim ng dating administrasyon.

Nasolusyunan din ang kakulangan sa guro sa pagkuha ng mahigit 258,000 guro mula 2010 hanggang 2016.

Isinulong din ni Luistro ang pagpapaganda ng pasilidad, paglalagay ng internet at ICT at makabagong modules para mapaganda ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Pinangunahan din ni Luistro ang maayos na pagpapatupad ng K to 12 Program, kabilang ang pagsisimula ng unang batch ng Grade 11 noong Hunyo.

Nabawasan din ng halos kalahati ang bilang ng out-of-school youth sa bansa sa pamamagitan ng Abot Alam Program.

Dahil nakita kong epektibo ang nasabing programa, isinumite ko ang Senate Bill No. 172 o ang Abot Alam Bill upang maipatupad ito sa buong bansa.

Kapag naisabatas, tutugon ito sa pangangailangan ng mga kabataang Pinoy na may edad pito hanggang 24 na hindi nag-aaral sa paglikha ng programa na magbibigay ng edukasyon sa bawat Pilipino, lalo na ang out-of-school youth (OSY).

***

Naisip ko na bakit hindi ipinagmamalaki ni Bro. Armin ang kanyang mga nagawa.

Pero naalala ko ang kanyang binanggit noon na ito’y tungkulin natin bilang lingkod-bayan at hindi dapat mag-antay ng anumang kapalit at mga papuri dahil ito’y para sa pangangailangan at kapakanan ng taumbayan.

Maliban pa rito, palagi ko ring naririnig na sinasabi ni Bro. Armin na kahit maraming batikos sa pagganap niya ng tungkulin na makapaglingkod sa kapwa, lalo siyang napapalapit sa Diyos.

Ang tagumpay ni Bro. Armin sa kabila ng mabigat na hamon ay nagbibigay sa akin ng inspirasyon upang pagbutihin pa ang paglilingkod sa taumbayan.

Umaasa tayong marami pang Bro. Armin ang lilitaw at magsisilbi sa pamahalaan.

Article first published on Abante Online

 

BIDA KA!: Makilahok sa SK elections

Mga bida, umpisa bukas (Biyernes) hanggang ika-30 ng Hulyo, gagawin ang pagpapatala para sa eleksiyon ng mga bagong opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa Oktubre 31.

Kung ikaw ay mamamayan ng Pilipinas, residente sa barangay na iyong tinitirhan ng hindi bababa sa anim na buwan at 15 anyos ang edad ngunit hindi sa 30 taon ang edad sa araw ng halalan, maaari kang magparehistro at makaboto sa SK.

Sa mga interesado, maaaring magtungo sa tanggapan ng election officer ng Commission on Elections (COMELEC) sa siyudad o munisipalidad kung saan kayo nakatira at doon magpatala.

Maaari ring bumisita sa website ng COMELEC para sa karagdagang impormasyon. (comelec.gov.ph)

***

Dati, ang SK ay kilala lang sa pagpapaliga ng basketball, beauty contest at iba’t ibang proyekto na hindi mabisa sa pag­hubog sa kabataan.

Nakakalungkot ding sabihin na may mga sitwasyon na ang SK ay nagsilbi ring ‘breeding ground’ sa katiwalian ng ilang mga opisyal.

Ito ang dahilan kung bakit isinulong natin, bilang chairman ng Committee on Youth, ang pagreporma sa SK sa pamamagitan ng batas, na ngayo’y kilala na bilang SK Reform Act o Republic Act No. 10742.

Bilang co-author at co-sponsor ng RA 10742, nais nating burahin ang negatibong impresyon sa SK at gawin itong daan upang tulungan ang mga kabataan na maging produktibong miyembro ng lipunan.

Excited na ako para sa darating na SK elections, dahil dito unang masusubukan at maipatutupad ang mga pagbabago na isinulong natin sa ilalim ng nasabing batas.

***

Isa sa malaking pagbabago sa SK ay ang pagpapataas ng edad ng mga opisyal na maaaring tumakbo. Mula sa dating 15 hanggang 17-anyos, ngayon nasa 18 hanggang 24-anyos na ang puwedeng kumandidato.

Layon nito na bigyan ng legal na karapatan ang mga opisyal na pumirma sa mga kontrata at magkaroon ng pananagutan sa kanilang mga pagkilos, kung nagkaroon man ng pag-abuso o anomalya.

Sa batas na ito, mula 15 hanggang 30 anyos ang maaaring lumahok sa SK elections matapos nating iayon ang depinisyon ng kabataan na nakasaad sa iba pang mga batas.

Maliban pa rito, matitiyak na may kakayahan ang mga bagong SK official dahil kailangan nila sumailalim sa mandatory training programs bago manungkulan.

Habang ginagampanan nila ang bagong tungkulin, may mga nakalinyang iba pang training program na magbibigay sa kanila ng dagdag na kaalaman.

Sa ilalim ng batas, itatatag ang Local Youth Development Council (LYDC), isang konseho na susuporta sa SK at titiyak na mayroong aktibong partisipasyon ng mga kabataan.

Ang LYDC ay bubuo ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang youth organizations sa komunidad gaya ng student councils, simbahan at youth faith groups at community-based youth groups.

***

Ngunit ang pinakamahalagang aspeto ng batas ay ang tinatawag na anti-dynasty provision. Sa kasaysayan, ito ang kauna-unahang batas na mayroong probisyon na lumalaban sa mga dinastiya sa bansa.

Sa probisyong ito, hindi na puwedeng tumakbo sa anumang SK position ang pamilya o kamag-anak ng sinumang halal na public official — mula national, provincial, city/municipality at barangay levels — hanggang sa tinatawag na second degree of consanguinity and affinity.

Sa tulong nito, mabibigyan ang mas maraming kabataan na maglingkod sa kapwa nila kabataan sa pamamagitan ng pagtakbo sa SK.

Kung kayo ay student leaders ngayon sa inyong eskwelahan, youth leaders sa non-government organization, mga kabataang lider sa ating simbahan, pag-isipan po nating tumakbo sa SK.

Samantalahin natin ang pagkakataong ito. Ma­ging bahagi tayo sa malaking pagbabagong ito sa sistema na magbibigay lakas at tututok sa kapakanan ng mga kabataan.

Sayang din ang mapangahas na batas kung wala ring tutugon sa hamon nito na baguhin ang sistema.

Sabi nga natin, ang uso ngayong kataga dahil kay President Duterte ay “Change is Coming”. Sana nga maging ganap ang change na mangyari sa ating SK.

Article first published on Abante Online

 

BIDA KA!: Kuwento ni Rustie

Mga bida, sa ilang taon kong pagsasagawa ng Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) Awards, isa sa mga kahanga-ha­ngang tao na nakilala ko ay si Rustie Quintana.

Napakaganda ng istorya ni Rustie. Katunayan, ang kuwento niya ay naitampok pa sa isang episode ng drama series sa telebisyon.

Si Rustie ay dating batang kalye, rugby boy at nagpagamit pa bilang “courier” ng mga nagbebenta ng droga sa kanilang lugar sa Cagayan de Oro.

Dahil sa kanyang kalokohan, ilang beses naglabas-masok si Rustie sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga juvenile delinquent.

Sandali ring nakulong si Rustie sa Lumbia City Jail at pinaamin sa kasalanang hindi niya ginawa para lang mailipat sa Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) sa Gingoog City.

Sa nasabing center, dalawang taong nanatili si Rustie at sumailalim sa rehabilitasyon. Nang makalabas, inalis lahat ang anumang record niya.

Kung nahatulan sana si Rustie sa pagiging drug courier, ang parusa sanang ipinataw sa kanya ay labin­dalawa hanggang dalawampung taong pagkabilanggo at multang P12,000 hanggang P20,000.

Paglabas ni Rustie ng center, nagsimula ang tuluy-tuloy na pagbabago ng kanyang buhay. Nakatulong din sa pagbabago ni Rustie ang isang youth organization sa Cagayan de Oro na may pangalang ‘Dire Husi’.

Tinitipon ng ‘Dire Husi’ ang mga batang kalye at tinuturuan sila ng sining upang mailayo sila sa bisyo at kriminalidad patungo sa kanilang pagbabago.

Sa tulong nito, nabago ang takbo ng buhay ni Rustie. Nakatuntong pa nga siya sa Malacañang nang igawad ni Pangulong Noynoy Aquino ang parangal sa ‘Dire Husi’ bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) noong 2012.

Kamakailan lang, na­balitaan kong natapos na ni Rustie ang kursong Development Communications sa Xavier University-Ateneo de Cagayan.

Kung hindi nabigyan si Rustie ng pagkakataong makapagbagong buhay, siguradong dalawang lugar lang ang kanyang kina­hantungan – bilangguan o libingan.

***

Muling bumalik sa akin ang kuwento ni Rustie ngayong umiinit na naman ang isyu ng pag-amyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act o Republic Act 9344 as amended.

Ngayon, may mga panukalang ibaba ang age of criminal liability mula 15-anyos patungong siyam na taong gulang.

Katwiran ng mga nagsusulong na ibaba ang age of criminal liability, nagagamit ang mga batang may edad 15 taong gulang pababa sa paggawa ng krimen at nakakalusot dahil hindi maaaring kasuhan. Hindi ko mailarawan sa aking isipan ang nasabing sitwasyon.

Hindi katanggap-tanggap na ang isang siyam na taong gulang na bata ay papatawan ng parusa na para sa isang matanda.

Baka sa halip na magbagong buhay ay posibleng humantong din sa pagiging kriminal ang mga batang ikukulong kasama ng iba pang masasamang loob.

Isa pa, sa kalunus-lunos na kondisyon ng ating mga bilangguan at detention centers, baka lalo lang mapariwara ang mga batang bilanggo sa halip na magbagong-buhay.

Lalala pa ang sitwasyon kapag nagtagumpay ang mga nagsusulong na ibaba ang age of criminal liability at death penalty.

Kapag nangyari ang dalawang senaryo, posibleng kabilang sa mga bibitayin ay batang siyam na taong gulang na gagawa ng karumal-dumal na krimen kapag sila’y nilitis bilang nasa wastong gulang at hindi menor-de-edad.

***

Naniniwala tayong napakaganda ng layunin ng Juvenile Justice and Welfare Act, basta’t naipa tutupad lang nang tama.

Sa halip na ikulong, ang mga batang 15 taong gulang pababa na may problema sa batas ay ilala gak sa kustodiya ng mga magulang o ipasok sa isang youth care facility o ‘Bahay Pag-asa’.

Sa ‘Bahay Pag-asa’, mabibigyan sila ng panibagong pagkakataon upang makapagbagong buhay nang walang takot at trauma na dulot ng pagkabilanggo.

Pinapatawan din ng mabigat na parusa ng Juvenile Justice and Welfare Act ang mga taong gumagamit ng mga bata sa paggawa ng krimen at ilegal na aktibidad.

Sa halip na pagtuunan ng pansin ang pagpapababa ng tinatawag na age of criminal liability, mas maiging bigyang pansin ang pagpapaganda ng pasilidad ng ating juvenile centers.

Kung mahuhubog sila at magagabayan sa tamang landas, muli silang makakabalik sa lipunan na may positibong pananaw sa buhay at malaki ang maitutulong upang maging produktibong mamamayan ng bansa.

Ganito ang eksaktong nangyari kay Rustie.

Tuwing naaalala ko ang kuwento ni Rustie, nananatiling buo ang aking pag-asa na kayang magbago ng mga kabataang naliligaw ng landas, basta’t panatilihin lang na bukas ang pinto ng pagkakataon para sa kanila.

Kung mayroon mang butas ang batas, puwedeng pag-usapan, pag-aralan at hanapan ng akmang solusyon.

Huwag tayong magpadalus-dalos sa pagkilos dahil baka sa halip na makabuti, lalala pa ang problema.

Article first published on Abante Online

Scroll to top