Bam Aquino on Balikbayan Boxes

Bida Ka!: Protektahan ang mga Balikbayan Box

Mga Bida, nanggagalaiti sa galit ang milyun-milyong overseas Filipino workers (OFWs) sa bagong patakaran ng Bureau of Customs (BOC) na buwisan at inspeksyunin ang balikbayan box na ipinapadala nila sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Sa social media sites, kanya-kanyang pahayag ng galit ang ating mga kababayan sa ibang bansa, hindi lang sa planong pagbubuwis kundi pati sa ginagawang pagbulatlat sa ipinapadala nilang package.

Batay sa mga larawang naka-post sa Facebook, makikita ang umano’y pagkalkal sa iniinspeksyong balikbayan box.
Marami ring OFWs ang nagreklamo na nawala ang ibang laman ng kanilang balikbayan box.

Mga Bida, hindi natin masisi ang ating mga kababayan sa ibang bansa kung ganito ang kanilang nararamdaman sa bagong patakaran.

Marami sa kanila, ilang buwan o taon ang binubuno para mapuno ang isang balikbayan box. Todo ang kanilang pagtitipid para malagyan lang ng tsokolate, de-lata, kendi o ‘di kaya’y damit ang kahon para may maipadala sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Ang katwiran naman ng BOC ay may ilang tiwali na ginagamit ang balikbakan box para makapagpuslit ng mga mamahaling gamit nang hindi nagbabayad ng anumang buwis sa pamahalaan.

May iba ring nagpupuslit umano ng armas at droga sa balikbayan box kaya nagdoble sila ng paghihigpit sa inspeksyon.

Totoo man o hindi, hindi pa rin ito katanggap-tanggap sa ating OFWs dahil dagdag na buwis ang kaakibat ng planong inspeksiyong ito ng ahensiya.

***

Marami ang hindi nakakaalam na ang puno’t dulo ng problemang ito ay isang patakarang nakapaloob sa Tariff and Customs Code of the Philippines na huling binago noon pang 1957.

Ito ay ang tinatawag na de minimis, o ang pinakamaliit na ha­laga na puwedeng buwisan sa ipinapadalang balikbayan box o package ng ating mga kababayang OFW.

Sa ngayon, sampung piso lang ang de minimis sa bansa! Ito’y batay sa Tariff and Customs Code of the Philippines na huling i­namyendahan noon pang 1957.

Ito ang pinakamababang de minimis threshold sa ASEAN. Sa buong ASEAN, mga Bida, ang average de minimis ay nasa isandaang dolyar na.

Noong August 26, 2014, inihain natin ang Senate Bill No. 2373, na layong amyendahan ang Section 709 ng Tariff and Customs Code of the Philippines para itaas ang halaga ng de minimis patungong P10,000.

Sa paraang ito, mas mabilis at mas mura na ang pagpapadala ng balikbayan boxes at iba pang package ng OFWs, mga negos­yante at iba pang patungong Pilipinas.

Dahil mas mabilis na ang proseso, mas mabibigyang pansin ng BOC ang pagbabantay sa mga mahahalagang produkto para mapalakas ang koleksyon ng ahensiya.

***

Isa pa sa inirereklamo ng ating mga kababayan ay ang pagkasira o pagkawala ng laman ng ipinadala nilang balikbayan box matapos dumaan sa pag-inspeksyon ng Customs.

Hindi ito katanggap-tanggap, mga Bida. Hindi dapat pahirapan ang OFWs sa pamamagitan ng pagsusuri sa kanilang ipinadala na kadalasa’y nagreresulta sa pagkasira o ‘di kaya’y pagkawala ng mga produkto na kanilang binili para sa mahal sa buhay.

Sa ating palagay, ang dapat binibigyan ng atensiyon ng Customs ay ang malalaking smuggling sa bansa, tulad ng pagpupuslit ng agricultural products at mamahaling sasakyan.

Kaya kasabay ng pagtataas sa de minimis, dapat na ipagpatuloy ang pagsasamoderno ng sistema sa Customs upang mas ma­ging mabilis at maayos ang pag-iinspeksyon, bilang suporta sa mga pamilya ng OFWs.

Ngayong natuon na ang atensiyon ng buong bansa sa isyu ng balikbayan box, tiwala tayo na uusad na ang panukala na­ting itaas ang de minimis.

Gawin natin ito bilang nararapat na suporta sa ating OFWs na siyang matibay na haligi ng ating ekonomiya at mga bagong ba­yani ng ating panahon.

 

First Published on Abante Online

 

 

Scroll to top