Bam Aquino speech on Kian Loyd Delos Santos

Privilege speech of Sen. Bam Aquino on death of 17-year-old Kian Delos Santos

“Ian, isara mo na ang tindahan at matulog ka na.”

Kung alam lang sana ni Lola Violeta na iyan na ang huling masasabi niya sa kaniyang apo, siguro po iba ang nabigkas nito.

Bumaba si Ian upang isara ang sari-sari store ng pamilya at naglinis muna bago matulog.

Kung alam lang po sana ni Ian kung anong tadhana ang nag-aantay sa kanya, siguro po hindi na siya nagkusang loob.

Mr. President and dear colleagues, as someone who has worked in the youth sector for more than a decade and as someone, who, like all of us here, pushed for more access to education for our Filipino youth, the unnecessary death of Ian Delos Santos was difficult to accept.

Noong nabalitaan ko na sa Oplan Galugad ng PNP, may Grade 11 student na – kitang kita naman sa CCTV footage – na kinaladkad patungong isang sulok at pinatay na walang pakundangan, nanghina po ang aking loob at napaisip ako.

Paano tayo umabot sa ganito? Ito na ba ang ‘new normal’ ng ating bansa, especially sa mga mahihirap na barangay sa ating bayan?

Many of us here, surely, felt the same way.

Marami po sa mga kababayan natin ang una, nalungkot, at pagkatapos, nagalit, sa nangyari kay Ian at sa kaniyang pamilya.

Kian Loyd Delos Santos, better known as Ian, to his friends, is a 17-year old Grade 11 student from Our Lady of Lourdes Senior High School.

Si Ian ay pangatlo sa apat na anak.

Sari-sari store owner ang kaniyang amang si Zaldy at nagtatrabaho sa Riyadh bilang OFW ang kaniyang ina na si Lorenza.

“Kapit lang, Ma, makakauwi ka na. Malapit na ako matapos sa pag-aaral,” pangako po ni Ian.

Mabuti po siyang anak. Araw-araw, gumigising ng maaga si Ian upang magbenta ng school supplies sa mga estudyante at magulang na naglalakad papunta sa paaralang malapit sa kanila.

“Kilala si Ian na nagbebenta – nagbebenta ng school supplies sa mga dumadaan sa aming tindahan, hindi droga,” giit po ng kaniyang ama.

Masipag rin po siyang estudyante.

“Sabay-sabay tayong magtatapos ng high school,” hayag ni Ian nang bumuo siya ng study group kasama ng kaniyang mga kaklase.

Si Ian ay masayahin at malambing, magaling sumayaw – according sa kanyang barkada, mahilig sa FLIPTOP, at idol ang Filipino battle rapper na si Bassilyo.

Higit sa lahat, si Ian ay mapagmahal na kaibigan. Ramdam na ramdam ko po ang pagmamahal ng kanyang mga kaibigan nung nakasama ko sila kahapon sa burol ni Ian. Ang ilan po sa kanila ay kasama natin ngayong hapong ito.

“Naglalaba ka nanaman? Sabi ko sa ‘yo maupo ka lang eh,” lagi pong nasasabi ni Ian sa kaniyang kaibigang si Erica. At siya na po ang magtatapos ng labada ni Erica.

Sabi naman ni Ian kay Lennard, ang kanyang best friend, “Pumasok ka na, Gol! Miss na kita.”

“Awang awa si Ian sa akin noong inopera ako,” kwento ni Lennard, “Wala siyang pambili ng pagkain, pero binenta niya ang kaniyang mga damit para makabili lang ng prutas para sa akin. Pinilit kong pumasok agad para kay Ian, para makabawi ako sa kanya. Miss na daw niya ako.”

Ramdam na ramdam ng mga kaibigan ni Ian ang kaniyang pagmamahal.

Mr. President, hangarin sana ni Ian na i-ahon ang kanyang pamilya mula sa kahirapan.

Nangarap si Ian maging pulis, ngunit sa kaduluduluhan, mga pulis rin po ang kumuha ng kanyang buhay. Isang tama ng bala sa likuran, dalawa sa kanyang tenga, patunay, sabi sa kanyang autopsy, na binaril sya habang nakahandusay sa lupa.

Ang sigaw niya po sa kabila ng kahirapan sa buhay, “Laban lang!”

Ngunit, Mr. President, hindi siya nanlaban. Hindi po sya nanlaban. Hindi po sya nanlaban, Mr. President.

Noong Miyerkules, ikalabing-anim ng Agosto, alas otso bente kuwatro ng gabi, pinatay ng mga pulis si Kian Lloyd Delos Santos na walang kalaban-laban, sa ngalan po ng gera kontra droga.

“Tama na po! Tama na po! May test pa ako bukas!”, narinig ng mga testigo na sabi daw po ni Ian habang sya’y kinakaladkad patungong isang madilim na sulok sa looban ng Caloocan.

Kung kinilala sana ng mga pulis na ‘yon ang Ian na kilala natin ngayon –

Ang Ian na gumigising ng maaga upang matulungan ang ama para magbenta ng school supplies;

Ang Ian na tumutulong kay Erica tuwing Sabado sa kanyang gawaing bahay;

Ang Ian na nagbenta ng damit para lang makabili ng prutas para sa kanyang kaibigang si Lennard na bagong opera;

Ang Ian na may talento sa pagsayaw at pam-bato ng kanilang klase sa mga folk dancing competition;

Ang Ian na nagsisikap makapagtapos ng pag-aaral at nangarap makapasok sa PNPA.

Kung yon po sana ang nakilala nila

at hindi isang ang sinasabi ho nilang drug addict o drug courier na sa tingin po ng iba ay hindi naman tao at walang karapatang mabuhay, siguro po buhay pa si Ian ngayon — nangangarap at nagsisikap, nagpapasaya at tumutulong sa kanyang mga kaibigan at kapamilya.

Mr. President, thousands of Filipinos have died in the name of this current drug war we have. Just last week, there were 81 recorded killings.

Collateral damage include children as young as 4 years old… killed in the hands of those who have sworn to serve and protect.

Kung wala pong CCTV footage, Ian’s case would have been reduced to a statistic under the label of Legitimate Police Operations.

Ilan pa po ba ang kailangang mamatay bago natin harapin ang isang napakasakit na katotohanan – na ang ating pag asa sa karahasan bilang pangunahing solusyon sa problema ng droga at iba pang problema ng ating bayan ay hindi magdudulot ng kabutihan sa ating bayan, bagkus magdudulot lamang ng mas marami pang mga bangkay at mas marami pang mga pamilyang wasak at nagdurusa.

There must be other ways, Mr. President. There has to be other solutions to our drug menace – solutions through education, through a stronger justice system, through rehabilitation, through an upstanding and outstanding police force, through proper and legal enforcement procedures, through anti-poverty efforts and programs that provide jobs and livelihood.

Solutions, Mr. President, na in fairness, itinataguyod natin sa Senado sa mga batas, polisiya at programa na sinusulong ng bawat isa sa atin dito.

Ngayon po na magkakaisa ang Senado sa paghahanap ng katarungan para kay Ian, huwag rin po nating kalimutan ang iba pang naging biktima ng collateral damage, mistaken identity at mga biktima ng mga extra-judicial killings.

Mr. President, we need to put an end to these killings. We need to hold persons in positions of power and authority accountable to the Filipino people.

Para po kay Kian, para po sa ating kabataan, para sa ating bayan.

Salamat po, Mr. President.

Scroll to top