BIDA KA!: Kalayaan sa pagpili ng lider
Mga bida, matapos ipagpaliban ng ilang taon, nakatakda nang gawin ang halalang pambarangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa ika-23 ng Oktubre.
Puspusan na ang paghahanda ng Comelec para sa nasabing halalan. Nasa kasagsagan na rin ang pagpapatala upang maabot ang target na 55 milyong botante, kabilang ang mga bagong botante sa SK.
Dapat noon pang ika-31 ng Oktubre ng nakaraang taon nakatakda ang halalan ngunit inilipat ngayong taon matapos maisabatas ang Republic Act No. 10742 o SK Reform Act.
***
Biglang nagkaroon ng agam-agam ang pagsasagawa ng halalan kasunod ng pahayag ni Pangulong Duterte na plano niyang ipagpaliban ang eleksiyon at magtalaga na lang ng mga bagong barangay chairman at iba pang mga opisyal ng barangay.
Katwiran ng Pangulo, nasa 40 porsiyento ng barangay captains sa buong bansa ay may kaugnayan sa ilegal na droga at baka mauwi sa narco-politics kapag itinuloy ang halalan.
Ano ba ang basehan ng pahayag na ito ng Pangulo? Mayroon bang intelligence report na nagsasabi na ganito talaga ang bilang ng mga kapitan ng barangay na sangkot sa droga? May pangalan na ba sila ng mga kapitan na sabit dito?
Kung may katibayan nga na ganito karami ang kapitan na sangkot sa ilegal na droga, dapat ipalasap sa kanila ang buong puwersa ng batas. Dapat silang alisin sa puwesto, kasuhan at patawan ng kaukulang parusa.
Kung wala namang matibay na katibayan para suportahan ang pahayag na ito ng Pangulo, bakit kailangang itigil ang halalan sa mga barangay?
Bakit kailangang alisan ng karapatan ang taumbayan na mamili ng susunod na lider sa kanilang mga komunidad?
Ito ang mga katanungan na kailangang bigyang linaw ng pamahalaan.
***
Kung legal na argumento naman ang ating pagbabatayan, kailangan munang magpasa ang Kongreso ng batas upang maipagpaliban ang darating na halalan at mabigyan ang Pangulo ng kapangyarihang magtalaga ng mga bagong opisyal ng barangay.
Sa Senado, sinalubong ng pagtutol ang plano. Kahit mga mambabatas na kilalang kaalyado ni Pangulong Duterte, sama-samang binatikos at kinontra ang balak ng Palasyo.
Kahit saan kasing anggulo tingnan, malinaw na ito’y na paglabag sa Saligang Batas, na gumagarantiya sa karapatang ito ng mga Pilipino.
***
Payo natin sa Malacañang, kung mayroon silang matibay na ebidensiya laban sa mga opisyal ng barangay na sangkot sa ilegal na droga, gawin nila ang nararapat sa ilalim ng batas upang mapapanagot ang mga ito.
Naririyan ang puwersa ng kapulisan na magagamit ng pamahalaan upang labanan ang ilegal na gawaing ito hanggang sa lebel ng mga barangay.
Subalit hindi nila dapat idamay sa labang ito ang karapatan ng taumbayan na pumili ng mga susunod na lider na sa tingin nila’y makatutulong sa pagpapaangat ng kanilang kalagayan sa buhay at pag-asenso ng komunidad.
Ibinigay sa atin ng Saligang Batas ang karapatang ito bilang bahagi ng diwa ng isang demokratikong bansa.
Sagrado ang karapatang ito at hindi maaaring alisin ninuman, kahit sikat pa siyang pinuno ng bansa.
Gaano man ka-popular ang isang lider, hindi niya maaaring saklawin ang lahat ng kapangyarihan.
May kapangyarihan ding ibinibigay ang Saligang Batas sa taumbayan — ang pumili ng mga lider na kanilang naisin.
Mahalagang galing sa taumbayan ang mandato ng mga mauupong opisyal upang magkaroon sila ng pananagutan sa mga nagluklok sa kanila sa puwesto.
***
Sa pagboto, walang mahirap at walang mayaman. Kahit ano ang estado mo sa buhay, bilyonaryo ka man o ordinaryong manggagawa, iisa lang ang bilang ng ating boto.
Sa panahon lang ng eleksiyon nagkakapantay-pantay ang kalagayan sa buhay ng mga Pilipino.
Tuwing halalan, nagkakaroon din ng pagkakataon ang taumbayan upang makaganti sa mapang-api o tiwaling pulitiko.
Ito’y isang karapatan na kailanma’y hindi maaaring ipagkait sa atin ng gobyerno, lalo na kung gagamit ng dahilan na walang sapat na katibayan.
Recent Comments