BIDA KA!: Bida ang PWDs
Mga bida, isa sa mga isinulong natin noong 16th Congress ay ang kapakanan ng Persons with Disabilities (PWDs).
Tumayo tayo bilang co-author ng Republic Act 10754 o ang batas na nag-aalis ng VAT sa mga may kapansanan.
Maliban sa pag-alis ng VAT, binibigyan din ng batas ng insentibo sa buwis ang sinumang may kamag-anak na PWDs, hanggang sa tinatawag na fourth civil degree.
***
Ngayong 17th Congress, naitalaga man tayo bilang chairman ng Committee on Education at Science and Technology, patuloy pa rin ang ating hangaring bantayan ang kapakanan ng mga kapatid nating PWDs.
Sa huling ulat ng Philippine Statistics Authority, tinatayang nasa 1.5 milyon ang PWDs sa buong bansa.
Kamakailan, naghain tayo ng Senate Bill No. 1249 na layong amyendahan ang Republic Act 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons upang mabigyan ng dagdag na trabaho ang PWDs.
Kapag naisabatas ang panukalang ito, aatasan ang mga ahensiya ng pamahalaan na maglaan ng dalawang porsiyento ng kabuuan nilang empleyado para sa PWDs.
Aatasan naman ang mga pribadong kumpanya na kunin mula sa PWDs ang isang porsiyento ng kanilang mga empleyado.
Ang panukalang ito ay magbibigay sa ating PWDs ng kabuhayan, benepisyo at trabaho tulad ng iba pang kuwalipikadong empleyado at mas malaking papel sa lipunan.
Bukod pa rito, lalawak pa ang kaalaman ng publiko ukol sa karapatan ng PWDs.
***
Isinumite rin natin ang Senate Bill No. 356 na nagbibigay ng Philhealth coverage sa ating PWDs.
Binuo natin ang panukala upang mabigyan ng kaukulang serbisyong pangkalusugan ang lahat ng mga nangangailangan sa lipunan, lalo na ang PWDs.
Sa pagbibigay ng Philhealth coverage sa PWDs, naniniwala tayo na malapit nang matupad ang hangarin nating matugunan ang lahat ng pangangailangan ng mahihirap na Pilipino.
Sa panukala, aamyendahan ang Republic Act 7277 o ang “Magna Carta for Persons with Disability” upang maidagdag ang PWDs sa mga sakop ng Philhealth coverage.
***
May mga panukala rin tayo para sa mga kababayan nating may problema sa pandinig ang Senate Bill No. 966 at Senate Bill No. 967.
Sa Senate Bill No. 966 o Filipino Sign Language Act, isinusulong nating maideklara ang Filipino Sign Language (FSL) bilang pambansang sign language ng mga kababayan nating may diperensiya sa pandinig.
Kapag naisabatas, ang FSL ay magsisilbing opisyal na wikang gagamitin ng pamahalaan sa lahat ng transaksyon sa mga kababayan nating may diperensiya sa pandinig. Itatakda rin ng panukala na gamitin ang FSL sa mga paaralan, trabaho at sa broadcast media.
Ang FSL din ang gagamiting opisyal na wika para sa mga kapatid nating may suliranin sa pandinig sa lahat ng public hearing at iba pang transaksyon sa mga hukuman, quasi-judicial agencies at iba pang uri ng hukuman.
Nagbago man tayo ng komite, tuloy pa rin ang ating pagtatrabaho para maisulong ang kapakanan at karapatan ng mga kapatid nating PWDs.
Recent Comments