NEGOSYO, NOW NA!: Si Aling Danilla – Bagong bida sa negosyo (2)
Mga kanegosyo, kahit chairman na tayo ng Committee on Education at Science and Technology ngayong 17th Congress, hindi pa rin natin iniiwan ang isa sa pangunahin nating adbokasiya sa Senado, ito ay ang pagtulong sa mga negosyanteng Pilipino, lalo na ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Kung inyong maaalala, ang kauna-unahang batas na naipasa natin bilang senador noong 16th Congress ay ang Go Negosyo Act o Republic Act 10667, na naisabatas noong July 15, 2014.
Sa ilalim ng Negosyo Act, magkakaroon ng Negosyo Center ang lahat ng lalawigan, siyudad at munisipalidad sa buong bansa na siyang magbibigay ng iba’t ibang tulong upang mapalago ang ating MSMEs.
Dalawang taon ang nakalipas, nais kong ibalita sa inyo na 270 na ang Negosyo Centers sa buong Pilipinas. Inaasahan natin na ito’y lalampas sa 300 bago matapos ang taong kasalukuyan.
Ngayon, mas marami nang Negosyo Centers na puwedeng lapitan ang mga negosyante para makakuha ng puhunan nang walang collateral mula sa iba’t ibang financing institutions.
Makakakuha na rin ng iba pang tulong ang ating mga negosyante, tulad ng training, mga payo sa pagtatayo ng negosyo, pagpapatakbo, product development, marketing, access sa merkado at iba pang suporta.
Isa sa mga nakinabang sa tulong ng Negosyo Center ay ang mag-asawang Melvin at Myrna Rojo, dating OFWs sa Brunei na ngayo’y may-ari ng ‘Myrnz Creation Philippines’ na gumagawa ng masarap na cake sa Iloilo City.
Ngunit isa lang ang mag-asawang Rojo sa libu-libong mga negosyante na natulungan ng Negosyo Centers.
Sa mga susunod nating kolum, ilalahad natin ang mga kuwento ng tagumpay ng mga negosyanteng lumapit at natulungan ng Negosyo Centers.
***
Unahin natin ang kuwento ng tagumpay ng Lemunada de Concepcion, na mula sa aking bayan sa Concepcion, Tarlac.
Ang Concepcion Calamansi Growers and Rice Cooperative, na pinamumunuan ni Nemencio Calara. Noong 2013, nagsimula silang magtanim ng kalamansi na ginagawa nilang juice.
Sa una, limitado lang ang kanilang nagagawang produkto at naaabot na merkado dahil sa kakulangan ng pasilidad at kaalaman upang ito’y maipakilala at maipakalat sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Noong December 2015, nabigyan ng pagkakataon ang kooperatiba na palakasin ang produksiyon at benta ng kanilang mga produkto nang magbukas ang Negosyo Center sa munisipyo ng Concepcion.
Sa tulong ng Negosyo Center, nakakuha sila ng kasanayan sa product development kung paano mapaganda ang kanilang produktong calamansi juice, mula sa packaging hanggang sa produksyon.
Nabigyan din sila ng technical support sa paggawa ng calamansi juice at kailangang kagamitan para gumawa nito, sa pamamagitan ng shared service facilities ng Department of Trade and Industry (DTI).
Malaki rin ang naitulong ng Negosyo Center sa pagpapakilala ng Lemunada de Concepcion sa iba’t ibang bahagi ng munisipalidad, pati na rin ng buong lalawigan.
Ngayon, ibinalita sa amin ni Ginoong Calara na patok na Lemunada de Concepcion sa merkado. Dagsa na rin ang alok sa kanilang dalhin ito sa iba pang parte ng lalawigan.
Isa ang Concepcion Calamansi Growers and Rice Cooperative at ang produkto nilang Lemunada de Concepcion sa mga Bagong Bida sa Negosyo, sa tulong ng Negosyo Center.
Kung mayroon kayong ideya sa negosyo, huwag na kayong mag-atubiling lumapit sa Negosyo Center sa inyong lugar. Malay niyo, kayo na ang susunod nating tampok sa Bagong Bida sa Negosyo.
Recent Comments