BIDA KA!: Davao City bombing
Mga bida, napakaespesyal po ng Davao City para sa akin at sa aking pamilya.
Kilala po ako at ang aking pamilya bilang tubong Tarlac ngunit sa mga hindi nakakaalam, ang akin pong ina at ang kanyang angkan ay mula Davao.
Ang aking lolo na si Segundo Aguirre ay naging principal ng University of Mindanao. Ang lola ko naman na si Victoria Aguirre ay naging chairperson ng Filipino Department sa nasabing unibersidad.
Sa Davao po lumaki at nagtapos ang aking ina. Sa Davao po niya nakilala ang aking ama habang sila ay nagtatrabaho sa Davao branch ng SGV. Davao po ang setting ng kanilang love story at sa Davao rin sila ikinasal.
Sa aking paglaki, pumupunta kami sa Davao para bisitahin ang aking lolo at lola at hanggang ngayon, mayroon pa rin kaming mga kamag-anak na nakatira sa tinaguriang “Crown Jewel of Mindanao”.
***
Nang malaman namin na sila’y ligtas, ang kaba na aming naramdaman ay unti-unti na naging galit.
Nagdurugo ang aking puso dahil ang karumal-dumal na pangyayaring ito ay gawa ng mga Pilipino sa kapwa Pilipino.
At pinili pa nila ang lugar na dinadagdsa ng mga nagde-date, mga pamilyang namamasyal at kung saan nagtatagpo ang mga magkakaibigan.
Kabilang dito si Ruth Merecido, isang dalagang ina na nagtatrabaho bilang therapist. Nasawi rin si Pipalawan Macacua, isang senior education official of CHED sa ARMM na isang masugid na sumusuporta sa usapang pangkapayapaan sa Mindanao.
Ilan lang sila sa mga nasawi noong gabi ng Biyernes nang punitin ng isang malakas na pagsabog ang kasiyahang nangyayari sa lugar na iyon.
***
Sa aking privilege speech noong Lunes, binanggit ko na ngayon ang panahon upang tayo’y magpalakas ng puwersa sa pamamagitan ng suporta sa ating mga pulis at militar.
Subalit magagawa lang nila ito kung ibibigay natin ang lahat ng kanilang kailangan para imbestigahan, hulihin at papanagutin sa batas ang mga nasa likod ng pagsabog.
Ikalawa, kailangan na nating mas maging mapagbantay sa ating kapaligiran laban sa anumang banta sa ating buhay.
Subalit hindi lang tayo dapat maging alerto sa mga naiwanang bag o kahina-hinalang kilos ng sinuman.
Higit sa lahat, dapat tayong mas maging mapagbantay sa mga maling impormasyon na kumakalat sa Internet at sa ating lipunan.
Nakalulungkot dahil may ilang grupo na nagpapakalat ng maling balita na ginagamit ang insidenteng ito upang lalo pang paghati-hatiin ang mga Pilipino.
Dahil nakataya rito ang ating buhay at sistema ng pamumuhay, dapat nating timbangin ang mga impormasyon na ating natatanggap kung ito ba’y totoo o malaking kasinungalingan.
Ikatlo at pinakamahalaga sa lahat, dapat tayong magkaisa.
Ang layunin ng terorismo ay maghasik ng lagim at lagyan ng malaking dibisyon ang ating bansa.
Kapag hinayaan natin na tayo’y magkahati-hati, mananalo ang terorismo sa ating bansa.
Ngayon, higit sa lahat, dapat tayong magsama-samang kumilos upang tiyakin na hindi na mauulit ang nasabing insidente.
Sa madaling salita, isantabi natin ang pulitika at ibigay ang lahat ng kanilang kailangan upang masugpo ang banta ng terorismo sa bansa.
Marami nang nalampasang pagsubok ang mga Pilipino — mula sa mga bagyo, lindol, baha at iba pang kalamidad. At ito’y dahil sa ating pagkakaisa.
Ito rin ang gamitin nating susi upang tayo’y makabuo nang mapayapa at ligtas na lipunan.
***
Mga Bida, makipagkuwentuhan kay Sen. Bam sa fb.com/BenignoBamAquino o sa e-mail bidakacolumn@gmail.com!
Recent Comments