BIDA KA!: Pak! Pak! Pak…
Pero sumama pa rin ako para matuto, kung sa kasamaang palad ay nagkaroon ng sitwasyon na kailangan kong humawak ng baril, marunong ako.
Sa una, tinuruan ako ng mga basics – tulad ng tamang paghawak, pag-asinta at tindig sa pagpapaputok ng baril.
Nang malaman ko na ang tamang kilos sa pagpapaputok, pumuwesto na ako sa harap ng aking target bago kinalabit ang gatilyo.
Umalingawngaw sa gun range ang ilang putok.
Pak! Pak! Pak…
Lumapit sa akin ang ilan sa aking mga kaibigan at sinabing tama ang aking porma sa paghawak ng baril at may pulso raw ako sa pagpapaputok. Dagdag pa nila, maganda raw ang aking “grouping”.
Pinayuhan pa nila ako na ipagpatuloy ang pagsasanay sa pagpapaputok ng baril upang ako’y mahasa pa.
***
Mga Bida, pagkatapos ng aming pagpunta sa gun range, mayroon akong mga napagmunihan.
Una sa lahat, kapag may hawak ka palang baril, tataas talaga ang adrenaline mo. Bibilis ang tibok ng puso mo at may mararanasan kang release sa pagpapaputok ng baril.
Doon ko rin naintindihan kung bakit maraming mahilig sa baril at magpapaputok ng baril.
Mga Bida, doon ko rin naisip na kapag may baril ka, napakadali palang pumatay ng tao.
***
Mga Bida, nitong mga nakaraang araw, marami ang nagtatawag ng all-out war. May mga sikat na tao na nagtatawag na atakihin na ang mga nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay sa Fallen 44.
Kung babasahin natin ang mga komento sa Facebook, makikita mo ang galit ng karamihan at ang paghingi ng digmaan bilang paghiganti at pagkamit ng hustisya.
“Ubusin na ang mga walang-hiyang iyan!” sabi sa post ng isang Facebook user.
“Iganti natin ang mga SAF 44. Patayin na ang mga armadong grupo sa Mindanao,” ayon pa sa isang komento sa Facebook.
***
Mga Bida, ang daming nagsusumigaw at nagtatawag ng all-out war. Ngunit tayo, gaya nang binabanggit natin noon, tutol tayo rito.
Humihingi tayo ng hustisya. Nais nating makulong ang mga taong may kinalaman sa pagkamatay ng ating kapulisan pero malinaw sa atin na hindi solusyon ang all-out war sa ating problema. Hindi rin ito magdadala ng hustisya sa ating mga kasama sa kapulisan.
Madaling magsalita sa harap ng media. Madaling mag-status update sa Facebook o Twitter. Pero sa huli, hindi naman tayo ang mga sundalo na pupunta roon at makikipagbakbakan.
Hindi tayo ang mag-iiwan ng pamilya para makipagbakbakan sa Mindanao.
Hindi tayo ang may pamilya sa ARMM na baka paulanan ng mortar ang kanilang barangay.
***
Kung babalikan natin ang paghawak ng baril, madaling kalabitin ang gatilyo. Ngunit hindi ibig sabihin noon ay gagamitin natin ang baril at papatay ng tao.
Dahil nga madali ang paggamit ng baril, dapat mas maingat tayo sa paggamit nito para sa karahasan.
Madali lang sa atin na magsalita dahil hindi tayo ang mapeperhuwisyo.
Dahil nga madali ang magsalita, dapat mas maingat tayo sa pagbibitiw ng ating salita.
Para sa ating may boses at madaling magsalita, kailangan nating mag-isip muna nang maigi bago tayo magbitiw ng salita at maghikayat ng isang digmaan.
Mga Bida, para sa aming mga pinuno, ang lakas ng pag-uudyok na magsagawa ng all-out war.
Subalit kailangan nating isipin kung ito ang tamang solusyon – kung ito ba ang tamang daan tungo sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao at sa ating bansa.
First Published on Abante Online
Recent Comments