Bida

BIDA KA!: Yolanda at Ruby

Marami ring mga residente ang nasawi dahil sa pagtanggi nilang lumikas sa mas ligtas na lugar sa kabila ng banta ng storm surge.

Nakadagdag din sa problema ang kakulangan ng relief goods at pangunahing bilihin kaya naging talamak ang looting sa iba’t ibang tindahan sa mga naapektuhang lugar.

Naging bigo naman ang ibang mga lokal na pamahalaan na pigilin ang pagnanakaw sa mga tindahan dahil kulang sa paghahanda.

Mabagal din ang paghahatid ng tulong at iba pang mga pangangailangan sa mga biktima ng bagyo bunsod na rin ng kakulangan ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya, national government at local government units.

Ang mapait na karanasang ito ay naging aral sa lahat, mula sa mga opisyal ng pamahalaan, sa mga nakaligtas sa bagyo at maging sa mga organisasyon na tumutulong tuwing may kalamidad.

Dala ang aral na natutunan mula sa Yolanda, kinailangan na maging mas handa na ngayon ang lahat nang maibsan ang trahedya tuwing may kalamidad.

***

Kaya nang pumutok ang balitang tatama sa bansa ang ­super bagyong Ruby noong mga nakaraang linggo ay todo agad ang ginawang paghahanda ng pamahalaan, LGUs, pati na rin ang iba’t ibang sektor.

Nagpatupad agad ang LGUs ng preemptive evacuation sa mga lugar na lubhang maaapektuhan ng bagyo, gaya ng mga kabahayan sa tabing dagat at mabababang lugar.

Marami sa mga maaapektuhan ang kusa nang umalis sa kanilang mga tirahan. Ang iba namang ayaw lumisan kahit na nakatira sa mga mapa­nganib na lugar ay nai-forced evacuation ng kanilang lokal na pamahalaan dahil na rin sa pangambang maulit muli ang nangyari sa bagyong Yolanda.

Maaga ring tinukoy ang iba’t ibang evacuation centers na puwedeng pagdalhan sa dagdag pang evacuees na maaapek­tuhan ng bagyo. Ang mga simbahan ay nagbukas din upang magsilbing pansamantalang tuluyan ng mga lilikas.

Sa bahagi naman ng pamahalaan ay nagposisyon na sila ng maraming relief goods sa mga lugar na direktang tatamaan ng bagyo.

Tiniyak nilang nasa lugar ang mga relief goods kung saan hindi mababasa at masisira, at madaling maipamimigay pagkatapos ng kalamidad upang mabigyang serbisyo kaagad ang mga nasalanta.

Tiniyak na rin ng Department of Trade and Industry (DTI) na sapat ang supply ng pangunahing bilihin upang maiwasan ang pagtaas ng presyo sa mga nasalantang lugar.

Ikinasa na rin ng pamahalaan ang tropa ng militar at pulisya sa mga tindahan at iba pang commercial establishments upang hindi na maulit pa ang nangyaring looting noong nakaraang taon.

Malaki rin ang ginampanang papel ng media sa paghahatid ng tamang impormasyon sa publiko ukol sa galaw ng bagyo sa pamamagitan ng diyaryo, radyo, telebisyon at maging ang social media.

***

Nag-iwan man ang Ruby ng pinsala at iilang patay, naging maliit lang ito kung ihahalintulad sa grabeng epekto ng Yolanda. Ito’y dahil sa maaga at sama-samang paghahanda ng mga Pilipino.

Dahil dito, umani ng papuri mula sa United Nations ­Office for Disaster Risk Reduction ang naging pagkilos ng bansa sa bagong Ruby.

Tinawag pa ni UNISDR chief Margareta Wahlstrom na ‘excellent job’ ang ginawang paghahanda ng bansa kay Ruby.

Walang katotohanan ang paniniwalang hindi kayang ­labanan ang kalikasan. Kaya natin ito sa pamamagitan ng maaga at nagkakaisang paghahanda ng lahat ng sektor.

Kaya naman pala nating mga Pilipino na mas maging handa, mas maging alisto at mas bukas sa pakikipagtulungan. Imbes na ubusin natin ang oras sa pangungutya, kaya naman pala na­ting mag-isip at gumawa ng mga solusyon para sa ating bansa.

Sana’y gawin na nating bahagi ng kultura ang ganitong klase ng pagkilos para na rin sa kaligtasan ng lahat.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top