BIDA KA!: Exodus ng ATCs
Mga Bida, marahil nagtataka kayo na kahit maraming eroplano na umaalis at dumarating sa bansa, wala tayong nababalitaan na anumang insidente ng banggaan sa himpapawid.
Ito’y dahil sa magandang trabaho ng ating air-traffic controllers (ATCs) na nagsisilbing mata ng mga piloto sa kanilang pag-takeoff at pag-landing sa mga paliparan ng bansa.
Ang mga ATC ang siyang nagsasabi sa mga piloto kung anong direksiyon ang tatahakin sa kanilang paglipad at pagbaba. Kahit gaano pa kagaling ang isang piloto, kailangan pa rin niya ng ATC para sa ligtas na biyahe.
***
Dahil sa kanilang sensitibong trabaho, dumadaan sa masusing training at pag-aaral ang mga ATC bago mabigyan ng lisensiyang magmando sa control towers ng ating mga paliparan.
Sa Pilipinas, ang kakayahan ng ATCs ay hinahasa sa Civil Aviation Training Center bago mabigyan ng lisensiya at maitalaga sa iba’t ibang air traffic control facilities sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Subalit, kahit na mayroon nang lisensiya ang isang ATC, kailangan pa rin nilang sumailalim sa isa pang training para makakuha ng rating at tuluyang makapagbigay ng gabay sa mga piloto.
Kadalasan, dalawa hanggang tatlong taon ang inaabot bago makakuha ng rating at maging ganap na ATC.
Sa ngayon, nasa 500 ang ATC sa hanay ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nagpapanatiling ligtas sa ating himpapawid.
***
Kaya naalarma ako nang makarating sa akin na may limang ATCs na nagtungo sa ibang bansa para sa mas magandang trabaho.
Nang alamin ko ang dahilan ng pag-alis, kakulangan ng seguridad sa trabaho at benepisyo ang itinuturong dahilan kaya nag-alsa balutan ang mga nasabing ATC.
Ang nakakatakot pa nito, marami pang nagbabalak na umalis para magtrabaho bilang ATC sa ibang bansa kapag hindi nagbago ang kanilang mga kalagayan sa CAAP.
Sino nga naman ang hindi maaakit sa suweldo na aabot sa P100,000 kada buwan, na limang beses o higit pang mas malaki sa kanilang tinatanggap mula sa CAAP?
***
Ayon sa isang source, mula nang itatag ang CAAP noong 2008 ay walang ATC ang nabigyan ng appointment o naging regular employee.
Sa ngayon, 195 sa 500 ATCs o 40 porsiyento ng ating mga ATCs ay job-order ang status. Ibig sabihin, anumang oras ay maaari silang mawalan ng trabaho.
Ang masakit pa nito, kinukuha sila bilang mga air traffic controller assistant ngunit ang trabahong ginagampanan nila ay tulad ng regular na empleyado ng ATC kapag nabigyan ng rating.
***
Hindi agad matutugunan ng CAAP ang malaking bakanteng naiwan sa pag-alis ng limang ATC dahil sa mahabang oras na kailangan para makakuha ng rating.
Ibig sabihin nito, ang tungkulin na naiwan ng lima ay ipapasa sa mga kasalukuyang ATC. Kailangan na nilang magtrabaho ng mas mahabang oras para hindi maantala ang operasyon ng mga paliparan.
Ang mas mahabang oras ng trabaho ay magreresulta sa stress para sa ating ATCs. Sa trabaho kung saan kaligtasan ang prayoridad, kailangan nang maayos na katawan at pag-iisip upang maiwasan ang mga aksidente.
***
Nasabay pa ang problemang ito sa ATC ngayong unti-unti nang umaangat ang industriya ng turismo sa bansa. Kaya hiling ko sa Department of Transportation and Communications at sa CAAP na solusyunan agad ang problemang ito bago pa tayo maubusan ng ATCs.
Kapag tuluyan nang lumala ang panibagong brain drain na ito, babagal ang operasyon ng ating airports at maaapektuhan ang turismo ng bansa.
Mga Bida, kailangan nating bantayan ‘di lang ang mga ATC, kundi pati na rin ang ating mga weathermen, doktor, guro, engineer, skilled construction workers at iba pang professional na ‘di magsiliparan sa ibang bansa.
First Published on Abante Online
Recent Comments