bida ka

BIDA KA!: Si Nanay Coring at si Injap

Mga Bida, ngayong nasa ­huling bahagi na tayo ng buwan ng Marso, maraming estudyante ang magtatapos, bilang tagumpay nila sa hamon ng silid-aralan nang ilang taon.


Tutuloy na sila sa kanilang paglalakbay upang matupad ang kanilang mga pangarap.

May mga kuwento ako tungkol sa mga Pilipinong nagpun­yagi na maaari nilang gamiting gabay tungo sa magandang kinabukasan.

***

Ilang dekada na ang nakakaraan, mahirap lang ang ­pamilya ni Nanay Coring at kaya sa murang edad pa lang, tumulong na siya sa kanyang pamilya sa pagbebenta ng suka, saging at bakya sa isang palengke sa Sta. Cruz, Laguna.

Nang nakapagtapos ng high school, pumasok siya bilang tindera sa isang bookstore sa Escolta.

Doon niya nakilala ang kanyang magiging asawa at partner sa negosyo.

Sa puhunang P120 lang, itinayo nina Nanay Coring at ng kanyang asawa ang sariling tindahan ng school supplies at ­libro sa isang maliit na puwesto.

Sa pagdating ng mga Hapon, napilitan silang mag-iba ng paninda tulad ng sabon, kendi at tsinelas upang hindi pagdudahan ng mga dayuhan ang ibinebenta nilang libro.

Nang bombahin ng mga Amerikano ang buong Escolta, kasamang nasunog ang tindahan nina Nanay Coring. Subalit hindi siya nasiraan ng loob at muling binuhay ang negosyong bookstore sa kanto ng Avenida at Soler.

Dahil sa pagsisikap ni Nanay Coring o Socorro Cancio ­Ramos, nagtuluy-tuloy ang paglago ng kanilang negosyo. Ngayon, mayroon nang 85 na sangay sa buong bansa ang bookstore na kilala ng lahat bilang National Bookstore.

***

Ibabahagi ko rin ang kuwento ng isang batang entrepreneur mula Iloilo City.

Noong 2003, nangarap si Injap na magbukas ng negosyo kaya nagpasya siyang magtayo ng restaurant na nagbebenta ng inasal – isang uri ng barbeque na kilala sa Visayas – sa isang mall.

Mula sa maliit na espasyo, maraming tumangkilik nang kanyang inasal at nakapagbukas siya ng halos 400 sangay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ngayon, si Edgar “Injap” Sia ang isa sa pinakabatang ­bilyonaryo sa bansa matapos bilhin ng Jollibee ang “Mang Inasal” sa halagang tatlong bilyong piso.

Ilang dekada man ang pagitan sa kuwento nina Nanay ­Coring at Injap, pareho ang naging susi sa kanilang tagumpay – kasipagan, pagpupunyagi at pagiging malikhain.

***

Mga Bida, maraming kabataan na naman ang madadagdag sa hanay ng mga naghahanap ng trabaho.

Sa mga kuwento natin, natuklasan nating may mga alternatibong hakbang para kumita.

Kaysa magkaroon ng boss, mas maganda nga naman kung ikaw ang boss sa iyong sariling negosyo. Basta maganda ang ideya mo at pairalin ang kasipagan, mas malaki ang inyong pagkakataong umasenso.

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Kuwentong snatcher

Mga Bida, habang tuluy-­tuloy ang ating pagtatrabaho ukol sa mga adbokasiya at mga panukalang batas sa Senado, diretso pa rin ang pagtutok ng Blue Ribbon Committee sa PDAF scam.

Gaya ng parating sinasabi ng isang sikat na broadcaster, ‘di natin tatantanan ang isyu hanggang lumabas ang buong katotohanan. Ito ang pangako natin sa taumbayan na siyang biktima sa katiwaliang ito.

Kamakailan, sa kasagsagan ng pagdinig ay nakipag­kuwentuhan sa akin ang isang youth leader.

Sabi niya, “Kuya, ang mga snatcher, madudungis, madudumi at mukhang palabuy-laboy sa lansangan. At ang nanakawin sa iyo, siguro cellphone o wallet mo lang.”

“Pero ang mga sangkot sa iskandalo sa PDAF, ang aayos tingnan, malilinis, mababango at nakatira sa mga mansyon. Iyon pala ay bilyun-bilyon ang ninakaw sa kaban ng bayan,” dagdag pa ng youth leader.

Nakuha ko agad ang punto ng youth leader. Dapat tayong maging mapanuri sa lahat ng tao, lalo na iyong mga tini­tingala sa lipunan.

Gaya na lang ng sinasabing utak sa PDAF scam na si Janet Lim Napoles. Isa siyang iginagalang na miyembro ng alta-­sosyedad. Iyon pala, ang perang winaldas niya ay mula pala sa pinaghirapan ng taumbayan.

Nariyan din si Delfin Lee, ang may-ari ng ilang mala­laking condominium units at subdivisions sa Kamaynilaan at ­kalapit-lalawigan.

Sa estado niya sa buhay, hindi mo maiisip na sangkot pala siya sa pagkawala ng halos pitong bilyong pisong pondo ng Pag-IBIG.

Kaya mga Bida, maging mapagbantay tayo sa lahat ng ating nakakasalamuha.

***

May isa pa akong kuwento tungkol sa mga snatcher.

Ang grupo ni Rustie Quintana ay notoryus na mga ­snatcher at gangster sa Cagayan de Oro.

Dahil sa kanilang mga kalokohan, ilang beses nang nag­labas-masok si Rustie at ang mga kasama niya sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga juvenile delinquent.

Nangangarap na magbago, minsang umakyat si Rustie ng puno at tinanaw ang Xavier University-Ateneo de Cagayan, sabay malakas na sinabing “balang araw ay mag-aaral ako ­diyan.”

Malakas na tawanan lang ang tinanggap ni Rustie mula sa kapwa batang kalye, ngunit hindi nasira ang kanyang loob at ipinangako sa sarili na gagawing katuparan ang kanyang ­pangarap.

Nabigyan ng pagkakataong mabago ang buhay ni Rustie at ng kanyang mga kasama nang tulungan sila ng youth organization sa Cagayan de Oro na may pangalang Dire Husi.

Sa ilalim ng programang “Arts Ville,” tinitipon ang mga batang kalye at tinuturuan sila ng sining upang mailayo sila sa bisyo at kriminalidad patungo sa kanilang pagbabago.

Nanalo sina Rustie at ang Dire Husi ng Ten Outstanding Youth Organization (TAYO) Awards dahil sa kanilang misyon noong 2012.

Nang parangalan sila sa Malacañang, lumapit sa akin si Rustie at sinabing, “Kuya hindi ko akalain na makakaabot ako dito sa Malacañang at makakamayan ang Presidente.”

Kamakailan lang, napag-alaman kong si Rustie ay kumukuha ng kursong business management sa paaralang pina­ngarap niyang pasukan — ang Xavier University-Ateneo de Cagayan.

Mga Bida, patunay lang ito na walang imposible sa mundo basta’t determinadong magbago ang isang tao.

Kaya hindi tayo dapat maging mabilis sa paghusga. Hindi porke’t marumi, masama na. Hindi dahil malinis manamit, matino na.

May kasabihan nga, hindi lahat ng kumikinang ay ginto. Mayroon din namang nakakatanso.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Rags to Riches

Mga Bida, naaalala ko pa noong 2006, ipinatawag kaming magkakaibigan ni Fr. Javy Alpasa at ipinakilala sa mga nanay ng Payatas, Quezon City.

Nang kami’y bumisita sa lugar, naikuwento ng mga nanay ang kanilang gawain sa isang araw.  Wala silang trabaho noon kaya sila’y nag-aalaga lamang ng kanilang mga anak.  At nauuwi ang kanilang araw sa tsismisan.

Ang tanging pinagkukunan nila ng kita noon ay ang pananahi nila ng mga retaso at gawing mga basahan.

Sa bawat basahang nagagawa nila, piso ang kanilang kita; sa isang araw, walong basahan ang kanilang nagagawa.  Kaya naman walong piso lamang ang kinikita ng isang nanay sa isang araw.

***

Naisip naming palakihin ang kanilang merkado.  Nagpasya kaming tulungan sila sa pamamagitan ng backward at forward integration.

Sa forward integration, tinulungan namin ang mga nanay na maibenta ang kanilang produkto sa mga supermarket at bazaar upang madagdagan ang kanilang kita.

Sa ilalim naman ng backward integration, kinonekta namin sila sa mga pabrika na pinagkukunan ng retaso para sa paggawa nila ng produkto.  Dahil dito ay mas marami nang suplay ng retaso, kaya’t mas marami rin ang nagagawa nilang basahan.

Mula piso, kumikita na sila ng 17 piso kada basahan; sa isang araw, 136 na piso na ang kanilang naiuuwi. ‘Di hamak na mas malaki na iyon kaysa sa 8 piso bawat araw, ‘di ba, mga Bida?

Ngunit ginusto pa naming maging mas malaki at mas regular ang kita ng mga nanay sa Payatas.

***

Isa sa mga kaibigan namin ang nagbigay ng suhestiyon na ipa­kilala si Rajo Laurel sa mga nanay.  Isa si Rajo sa mga pinakasikat na fashion designer sa bansa.

‘Di namin akalain na magiging interesado si Rajo sa mga nanay ng Payatas at sa kanilang basahan.

***

Nang makita ni Rajo ang mga retaso, sinabi niyang hindi basahan ang kanyang nakikita rito kundi magagandang bag na puwedeng gamitin ng mga sosyal.

Dito na nagsimula ang Rags2Riches.

Ngayon, ang mga ginagawang bag ng mga nanay sa Payatas ay ibinebenta na sa mga sikat na tindahan, ‘di lang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bahagi rin ng mundo tulad ng New York, UK at Japan.

Dahil sa tagumpay na ito, nagkaroon na ng regular na kita ang mga nanay. Kinailangan na nilang magbukas ng bank account at mayroon na silang savings program para sa kanilang kinabukasan.

Maliban pa rito, nagwagi rin ang Rags2Riches ng mga parangal sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Kahanga-hanga, ‘di ba mga Bida?

***

Ang nangyari sa Rags2Riches ang isa sa ating mga inspirasyon sa paghahain ng Social Enterprise Bill, isang panukalang nagtutulak ng tunay na pag-asenso para sa lahat, sa pamamagitan ng dagdag na suporta para sa mga social enterprises.

Ang “social enterprise” ay tumutukoy sa isang negosyo na direktang tumutulong sa mahihirap.

Kapag naaprubahan ang panukalang ito, maglalatag ng suporta ang pamahalaan para makapagpatayo ng mas marami pang social enterprise tulad ng Rags2Riches na magbibigay ng mas malaking kita para sa mahihirap.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top