BIDA KA!: Gabay sa mga tupa
Mga bida, isa ako sa mga nakarinig sa Pastoral Letter na inilabas ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) nang ako’y magsimba noong Linggo.
Gaya ng maraming Katolikong nagsimba noong Linggo, napukaw ang aking atensiyon sa nilalaman ng nasabing sulat na nakatuon sa nangyayaring extrajudicial killing (EJK) sa kasalukuyan.
Ito ay ilan sa bahagi ng binasa ng kura paroko ng aming simbahan:
Minamahal na Bayan ng Diyos, Labis kaming nababahala, kaming inyong mga Obispo, sa maraming namamatay at pinapatay sa pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot o droga.
Totoong malaking problema ang droga. Dapat itong sugpuin at pagtagumpayan. Pero ang lunas ay wala sa pagpatay ng mga pinaghihinalaang gumagamit o nagtutulak ng droga.
Hindi lang kami nababahala sa mga pinatay. Nakakabahala ang kalagayan ng mga pamilya ng mga nasawi. Mas lalong pinahirapan ang buhay nila.
Nakakabahala rin ang takot na naghahari sa maraming lugar ng mahihirap. Marami ang nasasawi na hindi naman droga ang dahilan. Hindi na napananagot ang mga pumapaslang.
Mas lalong nakakabahala ang pagiging manhid ng marami sa ganitong katiwalian.
Itinuturing na lang na ito ay normal, at ang masama pa ay iniisip ng marami na nararapat lang daw itong gawin.
Nakikiisa kami sa layuning pagbabago na hinahangad ng marami nating mga kababayan.
Ngunit ang pagbabago ay dapat gabayan ng katotohanan at katarungan.
***
Ang hakbang na ito ng Simbahang Katolika ay bahagi ng katungkulan nitong alalayan ang mga tupa, lalo na sa mga ganitong panahong kailangan natin ng tamang paggabay.
Sa pagtalakay ng sulat ukol sa giyera kontra droga at sa EJKs, hinihikayat nito ang lahat na suriin ang kanilang karakter at kaugalian at timbangin ang mga nangyayari sa ating bayan.
Habang binabasa ng aming kura paroko ang sulat, batid ko na malalim na nakikinig ang mga nasa loob ng simbahan, senyales na ramdam naming lahat ang kahalagahan at bigat ng nilalaman nito.
Sa pagwawakas ng kanyang homily, naikuwento pa ng aming kura paroko ang nangyaring pagpatay sa isang drug surrenderee sa tapat ng kanyang bahay na nasasakupan ng aming parokya.
***
Habang patuloy ang ating matinding drug war, alalahanin natin ang sabi ng CBCP Pastoral Letter, “Kapag sinang-ayunan o pinabayaan natin ang patuloy na pagpapapatay sa mga itinuturing nalulong sa droga at mga nagtutulak nito, kasama na tayong mananagot sa pagpatay sa kanila.”
Recent Comments