BIDA KA!: Di na-pick up
Mahaba at mabunga ang naging usapan. Tumagal ng mahigit isang oras ang aming pag-uusap sa mahahalagang isyu na bumabalot sa ating mga kabataan.
Sa bandang dulo ng usapan, isang mag-aaral ng Ateneo de Davao ang nagbahagi ng kanyang pananaw at hinaing ukol sa Mamasapano tragedy at sa kapayapaan sa Mindanao.
Hindi napigilan ni Amara na mapaluha habang naglalahad ng kanyang emosyon ukol sa panawagang “all-out war” sa Mindanao na isinusulong ng maraming sektor kasunod ng nangyaring trahedya sa Mamasapano.
Ayon sa kanya, karamihan sa mga taga-Mindanao ay tutol sa all-out war. Marami rin sa kanila ay aktibo sa mga forum at iba’t ibang proyekto na nagsusulong ng kapayapaan sa rehiyon.
Subalit ang ikinasasama ng kanyang loob, hindi man lang nabigyan ng espasyo sa traditional media, gaya ng diyaryo, radyo at telebisyon, ang ginagawa nilang pagsisikap na maisulong ang kapayapaan.
Wala akong nasabi kay Amara kundi sumang-ayon sa kanya.
Noong umagang iyon, bumisita ako sa isang local radio station doon at ang tambad ng anchor sa akin ay kung bakit daw ako tahimik sa isyu ng Mamasapano.
Mga Bida, nabigla ako sa tanong dahil nang mangyari ang trahedya ay agad tayong naglabas ng mga pahayag na sumusuporta sa paghahanap ng katarungan para sa mga namatayan at ang pagpapatuloy ng pagsulong ng kapayapaan sa Mindanao.
Kaso, hindi nagiging mabenta ang ganitong posisyon sa media, kaya ‘di ito na-pick up.
Mukhang mas naging mabenta ang pagtawag ng “all-out war” noong mga nakaraang linggo.
Ngunit, nagtitiwala pa rin ako sa iba’t ibang sektor na huhupa rin ang galit ng taumbayan, manunumbalik ang tiwala sa isa’t isa at hihingi rin ng kapayapaan para sa lahat ng Pilipino.
***
Sa ngayon, dalawa ang hinahanap na posisyon mula sa mga mambabatas. Ito ay kung pabor o tutol sa Bangsamoro Basic Law.
Ang mas popular na pagsagot sa tanong ay simpleng “oo” o “hindi” lamang.
Ngunit, mga Bida, kahit na gusto kong sumagot nang ganoon, ang usapin ng BBL ay hindi ganoon kasimple.
Ang pagtalakay sa BBL ay hindi nangyayari sa mga paaralan na “finished or not finished, pass your paper” tulad ng gustong mangyari ng ilang sektor.
Tungkulin naming mga senador at kongresista na pag-aralan ang mga panukalang ipinapasa sa amin, gaya ng BBL.
Mahalagang mahimay ang bawat probisyon ng BBL upang ito’y maging epektibong batas na totoong makatutugon sa isyu ng kapayapaan at pag-unlad ng Mindanao.
Dapat ding silipin ang ilang mga sensitibong probisyon ng panukala upang malaman kung ito ba’y alinsunod sa ating Saligang Batas.
Kabilang na rito ang pagkakaroon ng Bangsamoro ng sariling grupo na mamamahala sa halalan at pag-alis sa saklaw ng Commission on Audit (COA), Office of the Ombudsman, Civil Service Commission (CSC), Commission on Human Rights (CHR), at ang Philippine National Police (PNP) sa kanilang mga teritoryo.
Kamakailan lang, may ilang miyembro ng indigenous peoples organizations ang dumalaw sa ating tanggapan na humihinging matiyak na kasama ang kanilang karapatan sa mga lupaing masasakop ng Bangsamoro.
Mahalaga na maitulak natin ang mga pagbabago sa BBL na magpapatibay sa batas upang ito’y maging isa sa mga susi sa paghahatid ng kapayapaan sa Mindanao.
Inaanyayahan ko kayo na basahin ang mga panukala ng BBL at samahan kami na siguraduhing matutugunan ang pangangailangan ng ating mga Pilipino sa rehiyon at sa buong bansa!
First Published on Abante Online
Recent Comments