bida ka

BIDA KA!: Martsa ng mga magniniyog

Para sa kaalaman ng lahat, ang bilyun-bilyong coco levy fund ay nagmula sa iba’t ibang uri ng buwis na ipinataw sa mga magniniyog mula noong 1971 sa bisa ng ilang mga Pre­sidential Decree.

Ang pondo ay inilagay sa pamamahala ng Philippine Coconut Authority (PCA) ngunit hindi naman nagamit para sa kapakanan ng mga magsasaka.

Pero nagamit ang pondo sa ibang bagay, gaya ng pagbili sa United Coconut Planters Bank at sa paglikha ng ilang mga kumpanya, tulad ng United Coconut Oil Mills, isang pede­rasyon o COCOFED, isang insurance company o ang COCOLIFE at marami pang iba.

Sa kabila nito, nanatili pa ring dukha ang mga magniniyog. Sa ulat ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS), kumikita ang mga magniniyog ng P16,842 hanggang P23,000 kada taon lamang, na malayo sa average na P61,000 na kita ng isang ­agricultural household sa bawat taon.

Ayon naman sa National Anti-Poverty Commission (NAPC), 41 porsiyento ng mga magniniyog ay kabilang sa mga mahihirap na pamilya sa bansa.

Noong 2013, nabigyan ng bagong pag-asa ang mga magniniyog nang idineklara ng Korte Suprema na pampublikong pondo ang coco levy funds at ibinigay sa pamahalaan ang ­lahat ng shares ng stocks at iba pang pondong may ­kaugnayan dito.

Subalit isang taon na ang lumipas mula nang ilabas ng Korte Suprema ang desisyon, wala pa ring malinaw na paraan kung paano gagamitin ang nasabing pondo.

Ito ang nagtulak sa mga magniniyog na maglakad mula Davao patungong Maynila. Nais nilang isulong ang pag­likha ng coco levy trust fund para tuluyan nang magamit ang ­nasabing pondo.

***

Nagkaroon naman ng bunga ang pagod at pawis ng mga magniniyog nang mismong si Pangulong Noynoy Aquino ang humarap at nakipagdiyalogo sa kanila.

Sa nasabing pulong, nagkasundo ang dalawang panig sa ilang isyu, tulad ng paggamit sa taunang interes ng coco levy fund sa mga programa para sa industriya.

Kung susumahin, P3 bilyon ang interes na magmumula 2012 hanggang 2014 ang magagamit para sa mga programa sa unang taon.

Upang hindi naman agad maubos ang P73 bilyong pondo, nais naman ng pamahalaan na lumikha ng isang trust fund na mangangailangan ng batas.

***

Bago pa man ang pulong ng mga magniniyog kay Pangu­long Aquino, naghain na tayo ng panukala na layong lumikha ng Coconut Levy Trust Fund upang makatulong sa pagpapaunlad ng industriya ng niyog sa bansa.

Kapag naisabatas, makatutulong ito upang maiangat ang industriya ng niyog pati na rin ang buhay ng mga magniniyog at kanilang mga pamilya.

Sa tulong ng nasabing pondo, gaganda na ang teknolohiya sa pagsasaka at lalakas ang kakayahan ng ating magniniyog na tugunan ang demand sa coco fiber, coco water, coconut oil at marami pang iba.

Nakalatag sa panukalang ito ang mga plano’t programa na magpapalago sa produksyon at kaalaman ng mga magsasaka.

Gagamitin din ang pondo para sa research, pagpapaunlad ng mga negosyong coconut-based, at pagpapatupad ng mga programa na magpapaangat sa kanilang kalagayan.

Sa kabuuan, layon nitong buhayin at gawing moderno ang industriya, palakasin ang produksyon at umakit ng mga mamumuhunan upang ito’y maging magandang pagmumulan ng kabuhayan.

Dahil sesertipikahan ni Pangulong Aquino bilang urgent ang panukalang lilikha ng coco levy trust fund, kaunting panahon na lang ang hihintayin ng mga magniniyog at matitikman na rin nila ang bunga ng kanilang pinaghirapan.

Hinihikayat ko kayo na makibahagi sa pagmartsa ng mga magniniyog tungo sa kaunlaran ng lahat ng Pilipino, lalo na ang mga naghihirap sa kanayunan!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Ospital para sa batang Pinoy

Sa ganitong uri ng transaksyon, isang salita ang pinanghahawakan at tiwala sa kausap ang kailangan.

Ngunit hindi ganito ang nangyari sa usapang kaliwaan sa pagitan ng National Housing Authority (NHA) at Department of Health (DOH) na pinasok noon pang 1992.

Nagkasundo noon ang DOH at NHA na magpalitan ng kani-kanilang ari-arian sa Cebu at Quezon City na may sukat na 5.9 ektarya at 6.4 ektarya, ayon sa pagkakasunod.

Subalit isang bahagi lang ng kasunduan ang naipatupad dahil habang naipamahagi na ng NHA ang Cebu property sa pamamagitan ng socialized housing, hindi naman nailipat sa DOH ang pagmamay-ari ng lupain sa Quezon City.

Sa salitang kanto, parang nagkaroon ng malaking panggu­gulang sa sitwasyong ito. Habang naipamudmod na ng NHA ang lupaing ipinagpalit para sa ari-ariang kinatitirikan ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC), wala namang napala ang DOH sa transaksyon.

Ngayon, kabado ang opisyal ng PCMC dahil nasimulan nang ipagbili ng NHA ang isang bahagi ng lupain sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), na isa ring ahensya ng pamahalaan.

Dahil hindi pa hawak ng PCMC ang titulo ng lupa, hindi matuluy-tuloy ang balak na private-public partnership na sana’y magpapaganda sa ospital na nagseserbisyo sa 70,000 batang pasyente kada taon, na karamihan ay galing sa mahihirap na pamilya.

Upang maplantsa na ang gusot na ito, naghain tayo ng Senate Resolution 266 na layong pagsama-samahin sa iisang mesa ang mga kaukulang ahensya gaya ng NHA at DOH at resolbahin ang isyu ng pag-aari sa PCMC.

Sa huling pagdinig ng Senate Committee on Health ukol sa aking resolusyon, humarap si NHA general manager Chito Cruz at iba pang mga opisyal ng ahensya upang sagutin ang isyu.

Dumalo rin ang mga opisyal at mga empleyado ng PCMC, sa pangunguna ni executive director Julius Lecciones, upang ibigay ang kanilang panig, kasabay na rin ng hiling na resolba­hin na ang isyu.

Sa pagdinig, iginiit ng NHA na kanila pa rin ang ari-ariang kinatatayuan ng PCMC dahil hindi nagkaroon ng buong pagpa­patupad ng kasunduan.

Subalit sinabi ni Cruz na handa ang NHA na ilipat ang ari-arian sa DOH kung maglalabas ang Department of Justice (DOJ) ng opinyong legal na nagsasabing dapat ipatupad ang naunang kasunduan.

Mahalaga ang tiwala sa isang usaping kaliwaan. Nagti­tiwala ang magkabilang partido sa isa’t isa na tutuparin nila ang kanilang mga ipinangako.

Nagtitiwala tayo na magagawan ng paraan ng NHA ang isyung ito pagkatapos ilabas ng DOJ ang kanilang opinyon upang maging magandang pamasko ito hindi lang para sa opisyal at empleyado ng PCMC kundi pati na rin sa mahihirap na batang Pinoy na nakikinabang sa libre at de-kalidad na serbisyo.

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Bigyang pansin ang mga nurse

Kaso ngayon, may malaki ta­yong problema dahil nasa 500,000 na ang bilang ng walang trabahong nurses sa bansa, ayon na rin sa tala ng Party List na Ang NARS.

Kaya ang ating mga nurse, kumakapit na lang sa patalim at napipilitang mangibang-bansa para sa trabahong hindi nila pinaghandaan o pinag-aralan tulad ng pagiging factory worker o ‘di kaya’y domestic helper.

Ang iba, napipilitang pumasok sa mga pribadong ospital kahit wala pa sa minimum wage ang bayad dahil na rin sa kahirapan sa buhay.

Ang iba naman na nagtatrabaho sa pamahalaan, hanggang ngayon ay naghihintay pa rin sa pangakong hatid ng Republic Act No. 9173 o mas kilala bilang The Philippine Nursing Act of 2002, na iniakda ng namayapang senador na si Juan Flavier.

Sa ilalim ng batas na ito, lahat ng entry-level nurse na papasok sa mga pampublikong ospital ay bibigyan ng suweldong katumbas ng salary grade 15 o P24,887 kada buwan.

Sa kabila ng pagkakaroon ng Republic Act 9173, marami pa rin sa ating mga entry-level nurse ang hindi natitikman ang nasabing suweldo at nasa salary grades 11 hanggang 14.

Kaya naman kabi-kabila ang hinaing ng ating mga bidang nurse. Panawagan nila sa pamahalaan, ipatupad na ang nasabing batas para na rin sa kanilang kapakanan.

***

Mga Bida, nagkaroon ako ng pagkakataong alamin ang puno’t dulo kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin nasusunod ang batas na ito.

Sa pagdinig ng Committee ng Civil Service at Government Reorganization ukol sa isyu, tinanong natin ang Department of Health (DOH) kung bakit hindi pa rin naibibigay sa mga pampublikong nurse ang suweldong itinatakda ng batas.

Sa huling impormasyon mula sa DOH, mangangailangan ng dagdag na P450 million para maipatupad ang suweldong itinakda ng Republic Act No. 9173.

Sa paliwanag ni DOH Undersecretary Teodoro Herbosa, bigo ang ahensiya na ipatupad ang batas dahil sa kawalan ng pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM).

Ayon pa kay Herbosa, kung mabibigyan sila ng karampatang pondo ng DBM, handa silang ipatupad ang nasabing batas.

Inamin naman ng kinatawan ng DBM na tali ang kanilang mga kamay sa pagpapatupad ng salary grade 15 sa entry-level nurses dahil nakasisira raw ito sa hierarchy para sa mga posisyong may kinalaman sa medikal.

Kaya hiniling natin sa DBM at DOH na gawin ang mga nararapat na pagkilos upang maipatupad na ang nasabing batas.

***

Maliban sa pagsusulong natin ng salary grade 15 para sa mga pampublikong nurse, naghain din ako ng panukala na maglagay ng isang registered nurse sa bawat public school sa bansa.

Layon ng Senate Bill No. 2366 na tiyaking nababanta­yan ang kalusugan at pangangailangan sa nutrisyon ng mga Pi­lipinong mag-aaral.

Nabatid kasi na dahil dalawampung porsiyento ng populasyon ng bansa ay mahihirap, maraming mag-aaral ang nagkakaroon ng problema sa kalusugan.

Naaapektuhan ang kanilang kakayahang matuto dahil marami sa kanila ang hindi nakakapasok sa klase dahil may iba’t ibang sakit.

Kapag nagkaroon ng isang nurse sa bawat pampublikong paaralan, mabibigyang halaga ang kalusugan at nutrisyon sa paghubog sa mga mag-aaral na Pilipino.

Maliban pa rito, kapag naisabatas ang panukala ay maka­tutulong ito para mabawasan ang bilang ng mga walang trabahong nurse sa bansa.

Kaya bahagi tayo sa pagkilos para matulungan ang ating mga nurse dahil mahalaga sila sa pagpapanatili ng magandang kalusugan ng ating lipunan!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: RescYouth

Pagkatapos tumama ng bagyong Yolanda, ilang oras din tayong na­ging bulag sa tunay na kondisyon sa ground zero.

Maliban kasi sa putol ang linya ng mga kuryente at telepono, nasira rin ang lahat ng uri ng komunikasyon kaya walang makalabas na anumang impormasyon.

Galit ang aking naramdaman dahil gusto ko mang magpahatid ng agarang tulong, wala tayong ideya sa tunay na sitwasyon sa mga nasabing lugar.

Nakahinga lang ako nang maluwag makalipas ang ilang araw nang makatanggap tayo ng impormasyon mula mismo sa ating mga kaibigan sa mga nasabing lugar.

Kaya hindi na tayo nag-aksaya ng panahon. Agad nakipag-ugnayan ang ating tanggapan sa mga kaibigan, shipping companies at Department of Social Welfare and Development para mabilis na makapaghatid ng tulong.

Sa karanasang ito, doon ko nakita na kahit ano pa ang pangyayari – maging ito man ay gawa ng kalikasan, Act of God o likha ng tao – kayang malampasan kung magtutulung-tulong ang lahat.

Mas mabilis ang paghahatid ng tulong at mas madali ang pagbangon kung tayo’y magsasama-sama at kikilos sa isang direksyon.

***

Ito ang ideya sa disaster risk reduction (DRR) consultation at workshop na ginawa ng aking tanggapan kamakailan sa Balamban, Cebu.

Tinaguriang ‘RESCYouth: Responsive, Empowered and Service-Centric Youth,’ ang dalawang araw na workshop ay ginawa sa RAFI Kool Adventure Camp at nilahukan ng humigit-kumulang 100 kabataan mula sa iba’t ibang organisasyon sa buong bansa.

Sa nasabing workshop, nagtipon ang iba’t ibang grupo ng mga kabataan na bihasa sa DRR at nagkaroon ng palitan ng ideya at mungkahi ukol sa mga makabagong sistema at mga programa tuwing may kalamidad.

Sa workshop ding ito, nabigyan ng sapat na kaalaman ang mga kalahok na puwede nilang ibahagi sa kani-kanilang komu­nidad upang magamit nila sa paghahanda at habang may kalamidad o anumang pinsala.

Nagbahagi si Mang Tani Cruz, ang meteorologist ng GMA News, kung paano nila kinukuwento ang mga isyu ng climate change sa taumbayan at ang mga epekto nito.

Tinalakay naman ni Mayor Sandy Javier kung ano ang mga ginawa nilang hakbang para mapaghandaan ang Bagyong Yolanda sa Javier, Leyte, kabilang ang forced evacuation para mailigtas ang lahat ng tao sa kanilang komunidad.

Ikinuwento ni Mark Lawrence Cruz ng Gawad Kalinga ang pagtitipon ng mga miyembro ng komunidad para sa kanilang relief operations at nang masiguradong lahat ay mabigyan nang aga­rang tulong.

Naging mabunga ang nasabing workshop dahil mula sa palitan ng ideya at mungkahi, ang mga kalahok ng mga programang makatutulong para mapaganda pa ang kasalukuyang sistema pagdating sa DRR.

Nangako naman ang mga kalahok na dadalhin ang mga programang ito sa kani-kanilang organisasyon at mga komunidad para maipakalat sa mas marami pang tao.

Maliban pa rito, nagkaroon din ng mas matibay na ugnayan ang mga organisasyon, lalo na sa palitan ng kaalaman at impormasyon pagdating sa DRR.

Ang mga nasabing grupo ang gagamiting sentro ng suporta ng aming tanggapan tuwing may kalamidad.

***

Kabilang sa mga lumahok sa workshop ay ilang grupo na ma­laki ang ginampanang papel sa rescue at relief operations noong Bagyong Yolanda.

Kabilang dito ang Rescue Assistance Peacekeeping Intelligence Detail o RAPID, na naging first responders sa Tacloban City.

Malawak na ang karanasan ng RAPID pagdating sa rescue at relief operations. Isa sila sa mga grupong tumulong nang magbanggaan ang dalawang barko sa Cebu noong 2013.

Tuwing may sunog, inaasahan din ang mabilis na pagresponde at paghahatid ng tulong ng RAPID.

Susi sa mabilis na pagtugon ng RAPID ang pagkakaroon nila ng ugnayan sa Philippine National Police (PNP).

Dumalo rin sa workshop ang Hayag Youth Organization na na­kabase sa Ormoc City.

Mula nang itatag noong 1985, naging mis­yon na ng grupo ang magturo ng swimming, disaster preparedness, first aid at maging open water safety training sa mga kabataan sa lungsod.

Kaya nang tumama ang Bagyong Yolanda, walang naitalang namatay sa hanay ng mga kabataan sa Ormoc City na lumahok sa programa ng Hayag.

Dahil sa programa ng Hayag na ‘Langoy sa Kaluwasan’, kinilala sila bilang isa sa Ten Outstanding Youth Organizations (TAYO) noong nakaraang taon.

***

Naniniwala ako na kapag tayo’y nagsama-sama, matatalo natin ang pinakamalalaking problema sa ating bayan, ma­ging ito man ay kalamidad o sakuna.

Kapag natugunan na natin ang problema sa kalamidad, maaari na tayong kumilos para solusyunan ang iba pang suliranin tulad ng gutom, kawalan ng edukasyon at kahirapan.

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Alaala ng Bagyong Yolanda

Aabot naman sa halos P100 bil­yon ang halaga ng ari-ariang sinira ni ‘Yolanda’, kabilang na ang mga mahalagang imprastruktura at kabuhayan ng libu-libong katao.

Nag-iwan man ng malaking pinsala ang Yolanda, hindi nito nagiba ang tapang, pag-asa at pananalig sa Diyos ng mga Pilipino.

Katunayan, sampung araw lang pagkatapos ng hagupit ni Yolanda, nagsagawa agad ang daan-daang residente ng Tolosa, Leyte ng isang prusisyon.

Bitbit ang iba’t ibang imahen ng Sto. Niño, nagpakita ang mga residente ng matibay na pananampalataya at bagong pag-asa sa harap ng matinding pagsubok na kanilang nararanasan.

Kinilala ang larawang ito ng Time Magazine bilang isa sa pinakamagandang kuha noong nakaraang taon at nagwagi rin ito bilang ‘photo of the year’ sa iba’t ibang kumpetisyon.

Ngunit higit pa rito, ang larawang iyon ay tumatak at nagsilbing magandang inspirasyon sa mga Pilipino para magtulung-tulong at muling tumayo.

***

Sa paghagupit ng bagyong Yolanda, muling umusbong ang diwa ng pagtutulungan at bayanihan na likas sa ating mga Pili­pino.

Maliban sa pamahalaan, kabi-kabilang korporasyon at non-government organization ang nagpaabot ng tulong upang maibalik sa normal ang kalagayan ng mga nasalanta ng Yolanda.

Halimbawa na rito ang Project Bagong Araw, sa pamumuno ng programang Hapinoy, na aking itinayo ilang taon na ang nakalipas.

Dalawa sa mga natulungan ng programang ito ay sina Aling Weni ng Palo, Leyte at Aling Rena ng Tacloban, na parehong nawalan ng kabuhayan sa pagtama ng bagyo.

Noong una, parang pinagsakluban ng langit at lupa ang dalawa. Nag-aalala kung paano bubuhayin ang kani-kanilang pamilya ngayong nawala na ang kanilang pagkukunan ng ikabubuhay.

Sa tulong ng Project Bagong Araw, nabigyan ng pagkakataon sina Aling Weni at Aling Rena na maitayo ang kani-kanilang kabuhayan.

Maliban sa puhunan, nagkaroon pa sila ng dagdag na kaa­la­man sa tamang pagpapatakbo ng negosyo na kanilang nagamit para mapalago ang kanilang mga tindahan.

Sa kasalukuyan, nabayaran na ni Aling Weni ang lahat ng kanyang utang at ngayo’y nagsisimula na ng e-loading business. Gamit ang kanyang natutunan, si Aling Rena naman ay unti-unti nang nakakapag-ipon para sa planong Internet café.

Sina Aling Weni at Aling Rena ay dalawa lang sa magandang halimbawa ng pagiging matatag sa harap ng matinding pagsubok. Napatunayan lang na kaya ng sinuman na makatayo sa sariling paa sa pamamagitan ng tamang suporta at pagkakataon.

***

Matinding pagsubok man ang tumama sa bansa, hindi pa rin nagiba ang mala-pader na dibdib ng mga Pilipino.

Sa katunayan, humanga ang maraming dayuhan at international organization sa katatagan ng mga nasalanta ng Yolanda.

‘Ika nga ni CNN reporter Anderson Cooper: “Can you imagine the strength it takes living in a shack, to be sleeping on the streets next to the body of your dead children? Can you imagine that strength? I can’t. And I’ve seen that strength day in and day out here in the Philippines.”

Marami pang kailangang gawin para maibalik sa normal ang buhay sa mga lugar na binayo ni Yolanda.

Kailangang magtulungan at magsama-sama ang lahat ng mga sektor – pambansa at lokal na mga pamahalaan, mga negos­yante, mga simbahan at mga socio-civic organizations – upang mas mapabilis pa ang rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan.

Ang pag-asa na mangyayari ang mga ito ay maaaninag natin sa puso ng mga Pilipinong nasalanta na patuloy sa paglaban at pagkayod para sa kanilang mga pamilya.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Made in Taiwan

Mga Bida, kamakailan, binisita ko ang Taiwan, kasama ang ilang opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI), upang pag-aralan ang mga sistema at tulong na ginagawa ng pamahalaan para sa kanilang mga negosyante.

Sa Taiwan, tinitiyak ng pamahalaan na natutugunan ang mga pa­ngangailangan ng maliliit na negosyo o micro, small at medium enterprises (MSMEs) na siyang pinakamalaking haligi ng kanilang malakas na ekonomiya.

Kasama ang DTI, dinalaw namin ang Small and Medium Enterprise Agency (SMEA), ang ahensiya ng pamahalaan na siyang nangunguna sa pagsuporta sa 1.3 milyong SMEs.

***

Ayon sa mga nakausap namin, mayroon silang call center, local service, regional at national desk na parang one-stop-shop kung saan maaaring makuha ang lahat ng kailangang tulong.

Halos pitumpung porsiyento ng kanilang natutulungan ay pawang maliliit na negosyo na simple lang ang pangangaila­ngan.

Kadalasan, ang mga tanong na kanilang nakukuha sa mga ito ay may kinalaman sa pagkuha ng puhunan, permit at kung saan puwedeng ibenta ang kanilang mga produkto.

Pinaglalaanan naman ng todong tulong at pagtutok ang 25 porsiyento ng negosyo na pasok sa kategoryang small at medium.

Mula sa pagtatayo, pagbibigay ng puhunan at pag-uugnay sa merkado, ibinibigay ng pamahalaan ang sapat na tulong upang matiyak ang kanilang tagumpay hanggang sa world market.

Ang huling limang porsiyento naman ay tinatawag na ‘high flyers’ na siyang ginagamit na modelo na gagabay sa mga papasimulang negosyo.

***

Sa pagpapatibay ng mga SMEs, patuloy ang paglago ng ekonomiya ng Taiwan.

Kung susumahin ang kinikita ng buong Taiwan at hahatiin ito sa bawat mamamayan, lumalabas na ang bawat Taiwanese ay may kitang $20,000 kada taon.

Kung susumahin naman ang kinikita ng buong Pilipinas at hahatiin ito sa bawat mamamayan, lumalabas na ang bawat Pili­pino ay may kita lamang na $2,800 kada taon.

Kung porsiyento ang titingnan, mas marami ring Taiwanese ang nagtatrabaho sa MSME sector, nasa 78 percent kum­para sa 62 percent lang sa Pilipinas.

Sa mga numerong ito, patunay lang na hindi pangmahirap ang pumasok sa maliliit na negosyo o mga MSME gaya ng paniwala ng iilan. Maaari rin itong maging pundasyon ng isang first-world country tulad ng nangyari sa Taiwan.

***

Sa Taiwan, nakita ko na walang nararamdamang pangamba o alinlangan ang mga negosyante.

Kapag ikaw ay negosyante sa Taiwan, alam mo kung saan ka pupunta, alam mo kung ano ang tamang gagawin at aasa kang may tutulong sa pagresolba ng iyong mga problema.

Malayo ito sa sitwasyong umiiral sa Pilipinas. Balot ng pa­ngamba at alinlangan ang mga negosyante natin bunsod na rin ng kakulangan ng suporta.

Ito ang nais kong burahin ngayong naisabatas na ang iniakda kong Go Negosyo Act.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Saludo sa Peacekeepers

Mga Bida, bumalik na sa bansa noong Linggo ang 84 na sundalong Pinoy na nagsilbing peacekeepers ng United Nations sa Golan Heights.

Pagdating sa airport, isang heroes’ welcome ang iginawad sa kanila ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ipinamalas nilang katapangan habang ginagampanan ang tungkuling panatilihin ang kapayapaan sa nasabing lugar.

Nag-iwan ng magandang tatak sa buong mundo ang mga kababa­yan nating sundalo nang hindi sila matinag sa harap ng nakaambang panganib sa kanilang buhay mula sa mga rebeldeng Syrian.

Patunay ito na hanggang ngayon, nananalaytay pa rin sa ating mga ugat ang katapangan na ipinamalas ng ating mga ninuno sa paglaban sa mga dayuhang mananakop.

Sa kasaysayan, kilala ang mga Pilipino na hindi sumusuko sa anumang laban kahit higante pa ang kalaban.  Tulad ni Lapu-Lapu na buong tapang na nilabanan ang mga Kastila na pinamunuan ni Ferdinand Magellan.

Kasama rin sina Andres Bonifacio at Apolinario Mabini, at iba pang mga bayani na buong tapang na hinarap ang mga mananakop at ibinuwis ang buhay para sa bayan at para sa kalayaan.

***

Sa kaalaman ng lahat, ang mga Pinoy peacekeepers ay may mahalagang papel sa hangarin ng United Nations na panatilihin ang kapayapaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sa huling bilang, nasa 700 military at police personnel mula sa Pilipinas ang nakakalat sa peacekeeping missions sa Cote d’Ivoire, Haiti, India-Pakistan, Liberia at Middle East.

Sa Golan Heights, katuwang ng UN ang mga sundalong Pinoy upang matiyak na nasusunod ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Syria at Israel.

Kung titingnan, parang madali lang ang misyon ng ating mga kababayan sa Golan Heights ngunit nalagay sa bingit ng alanganin ang kanilang buhay nang salakayin ng mga rebeldeng Syrian ang dalawang posisyon ng UN noong Agosto 28.

Agad nailigtas ang ating mga Pinoy peacekeepers sa Position 68 ngunit nagkaroon ng matinding tensiyon sa Position 69 nang mabihag ng mga rebelde ang apatnapu’t apat na sundalong Fiji at hiniling ang pagsuko ng ating mga kababayan.

Inutusan ng commander ng United Nations Disengagement Observer Force ang apatnapung Pinoy peacekeepers na iwagayway ang puting bandila ng pagsuko at ibigay ang kanilang armas sa rebeldeng Syrian.

Ang hindi alam ng commander na wala sa bokabularyo ng mga Pilipino ang salitang pagsuko.  Nanatiling matigas ang ating mga kababayan at nakipagpalitan ng putok sa mga rebelde na aabot sa mahigit isandaan ang bilang sa loob ng ilang oras.

Sa paghupa ng palitan ng putok, hindi pa rin nawalan ng tapang at diskarte ang ating mga sundalong Pilipino. Sa gitna ng mga nagpapahingang mga rebelde, matapang nilang sinuong ang panganib kahit batid na isang maliit na pagkakamali ay katumbas ng kanilang buhay.

Buo ang loob, nagawang dumaan ng ating mga kababayan sa gitna ng panganib hanggang makarating sa ligtas na lugar.

Kapuri-puri ang ipinakitang tapang ng ating mga Pilipinong sundalo at ito’y nararapat na kilalanin at ipagmalaki nating lahat.

Kaya agad kong inihain ang Senate Resolution No. 877 upang papurihan at kilalanin ang ipinakitang katapangan ng ating mga kababayan sa pagtupad ng tungkulin.

Sa panahon kung saan kay hirap maniwalang may kabutihan pa sa bansa dahil sa mga iskandalong nagaganap, mayroon pa rin tayong mga bayaning puwedeng tingalain.

Mula sa mga sundalong nakikipagsapalaran para sa kapa­yapaan, sa mga kabataan at mga social entrepreneur na nasa mga komunidad, sila ay nasa kanayunan, nasa mga lugar na nasalanta ng bagyo, tahimik silang kumikilos at nakikibahagi sa pagbabago na hindi man lang naibabalita sa mga pahayagan.

Sa gitna ng kaguluhang nararanasan natin ngayon, nagsisilbing simbolo ng kabayanihan ang ating Pinoy peacekeepers.

Sila ang ating real life action heroes.

Kilalanin natin sila. Suportahan. Pasalamatan.

Sa ating Filipino peacekeepers, saludo kaming lahat sa inyong katapangan at patuloy kayong magsilbing inspirasyon sa milyun-milyon nating kababayan.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Never again!

Mga Bida, sa ngayon marami ang nagsisikap na baguhin ang kasaysayan at ang nangyari sa panahon ng diktaduryang Marcos at Martial Law.

Sa YouTube lang, nagkalat ang iba’t ibang propaganda na nais ilarawan na isang masayang panahon sa kasaysayan ng Pilipinas ang Batas Militar, na ibinaba apatnapu’t dalawang taon na ang nakalipas ngayong linggong ito.

Sinasabi ng mga nagpapakalat ng maling propaganda, ang dalawampung taong diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang pinakamagandang panahon sa kasaysayan dahil napakatahimik at napakaunlad ng bansa.

Ang nakakalungkot, may mga kabataang nakukumbinsi at napapaniwala ng mga nasabing mapanlinlang na propaganda sa Internet.

Sa kabila nito, hindi pa rin mabubura ang mga totoong kuwento ng mga dumanas ng torture at iba pang uri ng pagpapahirap sa ilalim ng Martial Law.

Dagdag pa rito ang talamak na korupsiyong nangyari at paggahasa sa kaban ng taumbayan.

Sa pagtala, halos 15,000 ang pinatay, pinahirapan o nawala na lang at hindi na nakita pa mula 1972 hanggang 1981.

Isa na rito si dating kongresista at ngayo’y Commission on Human Rights (CHR) chairperson Etta Rosales.

Sa kuwento ni Rosales, dinala siya at lima pang kasama ng ilang military agents sa isang safehouse sa Pasig at doon pinahirapan at isinailalim sa interogasyon ng isang buwan.

Si dating Bayan Muna congressman Satur Ocampo ay isang reporter ng Manila Times bago sumali sa underground movement para labanan ang rehimeng Marcos nang ideklara ang Martial Law.

Nang mahuli siya ng militar noong 1976, isinailalim si Ka Satur sa matinding pagpapahirap, kabilang na ang pagkuryente at pagpaso sa kanya ng sigarilyo.

Mula naman nang pabalikin ni Marcos sa Pilipinas noong 1977, hindi na muling nakita pa ni Priscilla Mijares ang asawang si Primitivo, na isang mamamahayag.

Si Primitivo ay kilalang malapit sa pamilya Marcos ngunit bumaligtad nang ipadala siya sa Amerika. Tumestigo pa siya sa US Congress ukol sa talamak na paglabag sa karapatang pantao sa bansa.

Ilan lang sila, mga Bida, sa mga naperwisyo at nasalanta noong panahon ng Batas Militar.

Mismong pamilya namin, nakaranas din ng pagpapasakit noong panahon ng Batas Militar. Senador noon ang aking tiyunin na si Ninoy Aquino ngunit walang pakundangan siyang ipi­nadampot ni Marcos sa mismong araw na idineklara ang Martial Law. Itinuring si Ninoy noon bilang Prisoner No. 1.

Huwag nating kalimutan, mga Bida, na walong taon siyang ikinulong bago siya pinatay noong 1983. Isa lang siya sa napakaraming taong pinahirapan noong panahong iyon.

Maliban sa mga human rights violations na nangyari, marami ang nakakalimot na ayon sa datos ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), nasa $10 bilyon ang nanakaw ni Marcos noong siya’y nasa poder noong 1980’s.

Mga Bida, ang halaga ng $10 bilyon sa panahon natin ngayon ay $4.29 bilyon.  Sa pera natin, mga Bida, iyan ay may katumbas na PhP 144.74 bilyon. Sa halagang iyan, tila nagmistulang barya ang mga nanakaw ni Napoles at iba pang opisyales.

Ang tanong lagi ng pamilya namin noong panahong iyon, ang mga mismong nakaranas lang ba ng kalupitan noon ang siyang kontra sa Martial Law?

Ang iba pang tao, kahit alam nilang may nangyayaring masama ngunit hindi sila tuwirang naapektuhan, ay tinanggap na lang ba nila ang mga pangyayari noon?

Mga Bida, masasabi rin natin na ang Martial Law ay umabot ng 20 taon dahil sa panahong iyon, nawalan ng boses at tapang ang taumbayan. Maraming tao ang inaresto, pinatay at naglaho na lang ngunit walang ginawa ang taumbayan.

Hindi ko alam kung ito’y sa takot o dahil ayaw nilang maperwisyo, nagbulag-bulagan na lang sila sa totoong nangyayari.

Mabuti na lang, mga Bida, pagkatapos pinaslang si Tito Ninoy, nagising ang taumbayan at nagdesisyon na patalsikin ang diktadura at hagkan ang demokrasya.

Ngayon, mga Bida, nagkaroon na ng ebolusyon ang taumbayan. Mas handa na tayong tumayo at lumaban kahit hindi tayo tuwirang naaapektuhan ng isang bagay.

Tulad na lang sa PDAF scam, nagtipun-tipon ang taumbayan upang ito’y batikusin hanggang sa ito’y maalis sa pambansang pondo.

At mga Bida, handa akong tumaya na sa panahon natin ngayon ay hindi na ulit papayag ang mga Pilipino sa pagkitil sa ating mga karapatan at pagbalasubas sa ating lipunan.

Tinataya ko, mga Bida, na kahit papaano natuto na ang Pilipino at hindi na ulit papayag na mapasailalim sa mga korap, hayok sa kapangyarihan at mapang-abuso.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Kalbaryo sa MRT

Mga Bida, tiyak na marami sa atin ang nakaranas nang maghintay ng ka-meeting sa isang mall ng 40 minuto o higit pa.

Dahil malamig ang paligid at maraming paglilibangan, hindi natin alintana ang pagtakbo ng oras habang hinihintay ang pagdating ng ating kausap.

Kabaligtaran nito ang sitwasyon ng libu-libong kataong nagtitiyagang pumila para lang makasakay sa MRT araw-araw.

Sa gitna ng mainit na araw o malakas na ulan, walang magawa ang kawawa nating mga kababayan kundi pumila upang mas mabilis na makarating sa kanilang paroroonan.

Sa pagtaya ng Light Rail Authority (LRA), nasa pagitan ng 30 hanggang 40 minuto ang hihintayin ng isang pasahero para makasakay sa MRT-3.

Kung mamalasin, mas matagal pa rito ang paghihintay kapag nagkaroon ng aberya, na madalas nangyayari ngayon dahil na rin sa kalumaan ng tren pati na rin ng sistema.

Sa kabila nito, tinitiis pa rin ng ating mga kababayan ang 40 minutong pagpila kaysa magkaugat na sa grabeng trapik sa EDSA.

Kung isasama nga ang 30 minutong biyahe sa oras ng paghihintay, kung galing sa Quezon City, nasa Makati o ‘di kaya’y Pasay ka na sa loob lang ng 70 minuto.

Mas mabilis pa rin ito kumpara sa dalawa hanggang tatlong oras na bubunuin kapag sumakay ka ng bus sa EDSA.

***

May pag-asa pang maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan na umaasa sa MRT sa kanilang pagbiyahe.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services kamakailan, sinabi ng isang LRA official na kung makukumpleto lang ang lahat ng kailangang rehabilitasyon, sampung minuto na lang ang hihintayin ng mga pasahero para makasakay.

Ang problema, dalawang taon bago makumpleto ang nasabing rehabilitasyon na mangangailangan ng P6.8 billion.

Sa nasabing rehabilitasyon, bibili ng mga bagong bagon, papalitan na ang mga depektibong riles at ilang mahahalagang bahagi sa sistema.

Ngunit mas tatagal pa ang paghihintay kung magtatagal pa ang alitan sa pagitan ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at Metro Rail Transit Corporation (MRTC), ang pribadong kumpanya na nagpapatakbo sa MRT.

Ang sigalot sa pagitan ng DOTC at MRTC ay nagiging hadlang sa hangarin ng pamahalaan na mapaganda ang sistema ng MRT-3.

Araw-araw nang nagdurusa ang taumbayan sa pagpila ng apatnapung minuto, hindi katanggap-tanggap na paghintayin pa sila ng dalawang taon.

Kung may kailangang ayusin sa sistema, huwag na nating hintayin pa ang 2016 bago ito pondohan.

Ngayon pa lang, simulan na ang proseso para ito’y maayos na sa lalong madaling panahon.

Utang natin sa taumbayan ang mabigyan sila ng maayos at mabilis na sistema ng transportasyon.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Maging bayani

Mga Bida, noong Lunes, ­ipinagdiwang natin ang ­National Heroes Day at ginunita ang ma­raming mga bayani na nagbuwis ng kanilang buhay upang matamasa ang kalayaan na ating taglay sa ngayon.

Nagkataon din na sa buwang ito, ginunita rin natin ang pagpanaw ng dalawang tao na malapit sa akin na siyang nagtulak sa ating mga Pilipino para lumaban tungo sa muling pagbalik ng ­demokrasya sa bansa.

Una rito ang ating tiyahin na si Corazon “Cory” ­Aquino, ang itinuturing na ina ng demokrasya na nagsilbing ­inspirasyon ng milyun-milyong Pilipino para harapin ang mga tangke at armadong sundalo sa EDSA noong 1986.

Limang taon na ang nakalilipas mula nang pumanaw si Tita Cory ngunit hanggang ngayon, nananatili pa rin sa puso’t isip ng mga Pilipino ang ginawa niyang kabayanihan para sa atin.

***

Noong Agosto 21 naman, ginunita rin natin ang ika-31 taon ng pagpanaw ng asawa niyang si Ninoy, na siyang nagsindi ng apoy sa damdamin ng mga Pilipino para makamit ang tunay na kalayaan.

Masaya at tahimik na ang buhay ni Tito Ninoy noon sa Amerika kasama si Tita Cory at kanyang mga anak.

Subalit kahit milya-milya ang layo niya sa Pilipinas, patuloy pa ring narinig ni Ninoy ang sigaw para sa tunay na kala­yaan ng kanyang mga kababayan.

Kaya kahit alam niyang may nakaambang panganib sa kanyang buhay, bumalik pa rin si Tito Ninoy sa Pilipinas upang ituloy ang laban para sa kababayan na ilang taon nang dumaranas ng hirap.

Sabi niya, “the Filipino is worth dying for.”

Isang bala ang tumapos sa hangarin niya nang lumapag sa tarmac ng Manila International Airport (MIA) ang ­eroplanong sinakyan niya.

Ang pagkamatay ni Tito Ninoy ay tila naging gasolina na nagpaliyab sa damdamin ng mga Pilipino.

Ito ang naging mitsa upang simulan ang laban para sa ­tunay na kalayaan na ating nakamit tatlong taon ang nakalipas sa pamamagitan ng People Power I.

***

Dalawang taon na rin ang nakalipas mula nang tayo’y iwan ni dating Interior Secretary Jesse Robredo.

Ngunit nawala man si Secretary Jesse sa ating piling, ­naiwan naman niya sa ating alaala ang larawan ng isang tapat at malinis na paglilingkod-bayan.

Noong 1988, si Secretary Jesse ang naging pinakabatang mayor sa Pilipinas sa edad na 29 nang mahalal s­iyang alkalde ng Naga City.

Hindi naging hadlang ang kanyang batang edad para ­umpisahan ang mga kailangang reporma sa lungsod. Kasabay ng pagbura sa mga ilegal na sugal at iba pang bisyo, binuhay rin niya ang ekonomiya ng Naga na naging first-class city sa ilalim ng kanyang termino.

Nang maging DILG chief, si Secretary Jesse ang nagsi­mula ng ‘anti-epal’ campaign sa pagbabawal ng paglalagay ng billboard na nagtataglay ng pangalan ng mga lokal na opisyal.

Tumatak din sa isip ng taumbayan ang ‘tsinelas leadership’ ni Secretary Jesse na nagpakita ng kanyang pagiging simple at kahandaang sumabak sa anumang sitwasyon sa kahit ano pang panahon.

Kaya sa 2016, gamitin nating pamantayan ang ‘matino at mahusay’ sa pagpili na susunod na pinuno ng bansa.

***

Kahit hindi man tayo magbuwis ng buhay para sa bayan, lahat tayo ay maaaring maging bayani tulad nina Tito Ninoy, Tita Cory at Secretary Jesse.

Kailangan lang nating gawin ang ating makakaya para ­tulungan ang bansa upang makamit ang pag-asenso para sa ­lahat ng Pilipino.

Huwag din tayong mangimi na tulungan ang ating kapwa, hindi lang sa oras ng kanilang pangangailangan, kundi sa ­lahat ng panahon.

Sa paraang ito, maipapakita natin sa mga bayani na sulit ang ginawa nilang sakripisyo para sa atin.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top