BIDA KA!: Paluwagin ang masikip
Mga Bida, isa sa mainit na usapin nitong mga nagdaang araw ang isyu ng port congestion o pagsisikip ng Port of Manila.
Noon pa pala nararanasan ang problemang ito ngunit ngayon lang nabigyan ng todong pansin nang magpahayag ng pangamba ang maraming negosyante. May mga nagsasabi na ito ang dahilan sa pagtaas ng presyo ng ilang mahahalagang bilihin.
Mga Bida, kung wala kayo sa Maynila, ang isyu rito ay may kinalaman sa pisikal na kondisyon ng pantalan ng Maynila. Libu-libong container ngayon ang nakatambak sa pantalan kaya wala nang magalawan ang mga truck.
Dahil sa bagal ng paglabas ng container mula sa Port of Manila, wala na ring mapaglagyan ang mga bagong dating na container.
Maihahambing ang sitwasyong ito sa pagsalok ng tubig sa balde gamit ang tabo. Hindi mababawasan ang laman ng timba kung malakas at tuluy-tuloy ang tulo ng tubig mula sa gripo.
Hindi tulad ng ibang problema na wala sa ating mga kamay ang dahilan at solusyon, ang suliraning ito ay kontrolado natin at kayang resolbahin, basta’t sama-sama ang lahat ng sektor.
***
Kaya agad akong nagpatawag ng imbestigasyon upang malaman ang punu’t dulo ng problema at makapaglatag ng agarang solusyon at pangmatagalang plano.
Noong nakaraang linggo nga, nagsama-sama sa iisang kuwarto ang iba’t ibang sangay ng gobyerno at pribadong sektor para talakayin ang problema.
Sa nasabing pulong, naglatag ng ilang short-term na solusyon para pansamantalang maibsan ang pagsisikip.
Kabilang dito ang pagtatrabaho ng mga ahensya ng gobyerno tuwing Sabado, Linggo at umaga ng Lunes, at mas maagang pagbubukas ng mga bangko na malapit sa pantalan para agad masimulan ang mga transaksyon.
Sa bahagi naman ng Maynila, nagbukas na sila ng bagong lanes para mas mabilis ang labas-masok at pagbiyahe ng mga trak na dala ang mga container.
Naglaan naman ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) zones ng lugar para paglagyan ng mga container na nasamsam ng Bureau of Customs at mga basyong container na nakatengga lang sa pantalan.
Kasabay ng mga pansamantalang solusyon na ito, nangako naman ang mga ahensiya ng pamahalaan, sa pangunguna ni Trade Secretary Gregory Domingo, na maglalatag ng pangmatagalan na plano at solusyon.
***
Dahil nga patuloy ang paglago ng ating ekonomiya, marapat lang na magkaroon ng pangmatagalang plano upang hindi na muling mangyari ang problemang ito.
Isa sa tinitingnang solusyon ay ang Port of Batangas at Port of Subic ngunit maliit lang ang kapasidad ng dalawang pantalang ito. Hindi makakayanan ng mga ito ang dagsa ng pumapasok na mga container.
Kasama rin sa pinag-aaralang remedyo ay ang pagsasaayos ng pagpapatakbo ng Port of Manila at pagtatayo ng isa pang port na mangangailangan ng bilyun-bilyong piso.
Kasabay ng paglaki ng ekonomiya ay ang pag-aayos ng ating pantalan kaya ito ay dapat masuportahan.
Ngayong ginugunita natin ang ika-31 anibersaryo ng pagkamatay ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., natanong ako ng isang reporter kung paano ako makakatugon sa pamanang alaala at tagumpay ng aking Tito.
Ang sabi ko, ngayong ako’y isang senador na, maipapakita ko ito sa patuloy na pagtatrabaho para sa taumbayan sa pamamagitan ng pagpasa ng mga batas na tututok sa kanilang kapakanan.
Noong siya’y nabubuhay pa, hindi lang kalayaan at demokrasya ang pinaglaban ni Tito Ninoy, pati na rin ang kapakanan at kasaganaan ng bawat pamilyang Pilipino ay naging mahalagang ipaglaban din.
First Published on Abante Online
Recent Comments