BIDA KA!: Positibo tayo ngayong 2017 By Bam Aquino
Mga bida, bago ang lahat, nais ko kayong batiin ng isang Manigong Bagong Taon. Sana’y maging maligaya, malusog at masagana tayong lahat sa susunod na labindalawang buwan.
Kung ang iba’y may New Year’s Resolution tuwing nagpapalit ng taon, tayo nama’y may listahan ng mga nais nating gawin para sa ikabubuti ng buhay ng taumbayan ngayong 2017.
Sa gitna ng mga negatibong pangyayari sa bansa at pagkalat ng paninira at mga pekeng balita sa social media, nangako ako na mas magiging positibo ang pananaw ngayong taon.
Imbis na bigyang pansin at pagbuhusan ng pagod at oras ang mga masasamang balita, mas mabuti na ituon na lang ang atensiyon sa paglilingkod sa bayan.
Ngayong 2017, magiging abala ang Senado sa pagtalakay sa mahahalagang panukala, tulad ng pagbabago sa Saligang Batas at death penalty.
Nais ng kasalukuyang administrasyon na magpasok ng amyenda sa 1987 Constitution upang mabago ang sistema ng pamahalaan mula democratic patungong pederalismo.
Tututukan din ng Senado ang pagbusisi sa panukalang ibalik ang death penalty sa bansa.
Lubhang napakabigat nito kaya mahalagang paglaanan ito ng sapat na oras upang mahimay ang mga positibo at negatibong aspeto ng dalawang nabanggit na panukala.
Bilang chairman ng Senate Committee on Education, sisikapin nating makumpleto ang mga reporma sa edukasyon na ating inilatag noong nakaraang taon.
Pag-aaralan din natin ang iba pang mahalagang panukalang may kinalaman sa agham at teknolohiya bilang chairman ng Committee on Science and Technology.
***
Una sa listahan ng mga prayoridad natin ay ang panukalang libreng tuition fee sa state colleges at universities (SUCs).
Ngayong taon, nakalaan na sa pambansang pondo ang P8.3 billion para sa libreng tuition fees sa SUCs.
Ngunit layunin ng mga panukalang pinag-aaralan ng ating kumite ay maisabatas na ito upang regular nang makasama sa pambansang budget taun-taon.
Tinitingnan din ng kumite kung paano matutulungan ang ating mga estudyante sa SUCs pagdating sa iba pang gastusin sa pag-aaral, tulad ng miscellaneous fees at iba pang pabigat na bayarin.
Isa pang panukala na ating tututukan ay ang Pagkaing Pinoy Para sa Batang Pinoy Act, na makakatulong tugunan ang kagutuman sa mga estudyante sa pampublikong paaralan at bigyan ng dagdag na kabuhayan ang mga magsasaka’t mangingisda.
Kapag naisabatas, magsasagawa ng epektibong feeding program para sa mga estudyante sa tinatawag na basic education at ang produktong gagamitin dito ay kukunin mula sa lokal na magsasaka at mangingisda upang mabigyan sila ng dagdag na kita.
Maliban dito, nakatakda nang pag-usapan sa plenaryo ang Senate Bill No. 1277 o ang “Free Internet Access in Public Places Act” na layong lagyan ng libreng koneksiyon sa internet ang iba’t ibang pampublikong lugar.
Kabilang dito ang lahat ng national at local government offices, public schools, public transport terminals, public hospitals at public libraries.
Bilang chairman ng Committee on Science and Technology, pinangunahan po natin ang pagdinig ng mga nasabing panukala at pagbalangkas sa bersiyon nito na isinumite kamakailan sa plenaryo.
Isusulong din natin ang Abot Alam Bill, na magpapatibay sa alternative learning system upang mabigyan ng pagkakataon ang out-of-school youth (OSY) sa bansa na makapag-aral.
Kahit hindi na natin hawak ang committee on trade, commerce and entrepreneurship, tuloy pa rin ang ating pagtulong sa sektor ng micro, small and medium enterprises sa pamamagitan ng pagsusulong ng Startup Bill.
Mga bida, ito’y ilan lang sa ating mga gagawing pagkilos bilang bahagi ng ating layuning palakasin ang edukasyon at pagnenegosyo sa bansa.
Recent Comments