BIDA KA!: Lemon Law napiga rin!
Mga Bida, pangarap ng bawat Pilipino ang makabili ng sariling sasakyan.
Kaya itong si Rudy (‘di tunay na pangalan), proud na proud nang makuha niya ang susi sa kanyang bagong sasakyan.
Sa nakalipas na ilang taon, pigang-piga si Rudy sa pagkayod para lang mapag-ipunan ang nasabing sasakyan.
Sa isip niya, mas mapapadali ang kanyang pagbiyahe ngayong may sarili na siyang sasakyan. Mas maaga na siyang makararating sa kanyang opisina at sa mga meeting.
Iwas-hassle na sa pagsakay sa pampasaherong bus at jeep, hindi pa siya amoy-usok at guwapung-guwapo pa pagdating sa office.
Ngunit sa kasamaang-palad, ilang araw lang na-enjoy ni Rudy ang bagong biling kotse. Habang nagmamaneho sa highway, naramdaman niya na tila kulang sa hatak ang makina ng bagong sasakyan.
Kahit anong apak niya sa selinyador ay hindi pa rin makaarangkada nang maayos ang sasakyan.
Dali-daling ibinalik ni Rudy sa binilhang dealer ang sasakyan upang masilip kung bakit ganoon ang takbo ng makina nito. Ngayon, balik-commute si Rudy habang inaayos ng dealer ang problema.
Ilang linggo na ang lumipas mula nang dalhin niya sa dealer ang kotse ay wala pa siyang natatanggap na anumang abiso na puwede na itong kunin.
Nagpasya si Rudy na daanan ang dealer upang tingnan kung tapos na ang sasakyan. Tila binagsakan siya ng langit at lupa nang makita ang hiwa-hiwalay na bahagi ng bagong biling awto.
Nang tanungin ni Rudy kung bakit tila dinaanan ng super bagyo ang kanyang sasakyan, sinabi ng mekaniko na nahihirapan silang hanapin kung ano’ng diperensiya nito.
Agad pinuntahan ni Rudy ang tanggapan ng pinakamataas na pinuno ng dealer at hiniling na palitan ng bago ang kanyang diperensiyadong awto.
Ngunit tumanggi ang dealer dahil walang anumang batas na nag-aatas sa kanila na palitan ng bago o ‘di kaya’y ibalik ang pera ng nakabili ng sirang kotse.
Dahil matigas ang pagtanggi ng dealer kahit paulit-ulit na siyang kinulit ni Rudy, nagpasya ang huli na dalhin na lang sa korte ang usapin.
Sa bagal ng takbo ng hustisya sa bansa, ilang taon na ang nakalipas ngunit hanggang ngayon ay dinidinig pa rin ang kaso. Balot na ng kalawang ang mga piyesa ng sasakyan ni Rudy sa casa pero hindi pa rin tapos ang kanyang pinaglalaban.
Kaya isa si Rudy sa mga natuwa nang maipasa ang Lemon Law. Aniya, maigi na mayroon nang ganitong batas upang hindi na sapitin ng iba pang bibili ng bagong kotse ang kanyang kapalaran.
***
Halos dalawang dekada rin ang hinintay ng Pilipinas bago napiga sa Kongreso ang Lemon Law.
Sa Estados Unidos, noon pang dekada sitenta naipasa ang Lemon Law, kaya mayroong proteksiyon ang mga Kano laban sa mga palyadong sasakyan.
Sa ilalim ng batas na ito, puwedeng ibalik ang pera o ‘di kaya’y palitan ang isang bago ngunit depektibong sasakyan sa loob ng isang taon o 20,000 kilometro mula sa petsa ng pag-deliver.
Ngunit bago rito, kailangan munang dumaan sa apat na beses na pagsasaayos ang diperensiyadong sasakyan.
Kung sa panahong iyon ay hindi pa rin naresolba ang problema, maaari nang humiling ang nakabili na palitan ang sasakyan ng bago o i-refund ang ibinayad.
Maaaring dalhin ang kaso sa Department of Trade and Industry (DTI) at may apatnapung limang araw para mabigyang solusyon ng dalawang panig ang problema.
Kaya nang mapunta sa aking komite ang panukalang ito, agad ko itong tinutukan at isinulong dahil ito’y makatutulong para protektahan ang mga mamimili.
At ang pirma na lamang ng presidente ang kulang upang ito’y maging ganap na batas.
Asahan ninyo mga Bida, na pipigain natin ang lahat ng kailangang pigain, basta’t ito’y may kinalaman sa interes ng ating mamimili.
First Published on Abante Online
Recent Comments