Negosyo, Now Na!: Kaagapay sa tagumpay
Mga Kanegosyo, sinimulan natin ang kolum na ito kasama ng Abante upang hikayatin natin ang mga kapwa Pilipinong pumasok sa pagnenegosyo bilang isang paraan para makaahon sa kahirapan.
Sa mga taon natin bilang isang social entrepreneur, marami na tayong nakilalang mga pamilyang lumago ang buhay dahil sa kanilang pagtataya sa pagtatayo ng sariling pangkabuhayan.
Mula sa mga magsasaka sa Nueva Ecija, mga nanay na nagbukas ng bintanang sari-sari store at nagtatahi ng mamahaling bag na gawa sa retaso sa Payatas, hanggang sa mga nagtatanim ng cacao sa Davao, ilan sila sa ating bansa na gumanda ang buhay sa pagnenegosyo.
Isa sa mga umaaalay sa mga nais magsimula o ‘di kaya’y magpalaki ng kasalukuyang negosyo ay ang mga micro finance institutions (MFIs) tulad ng Center for Agriculture and Rural Development Mutually Reinforcing Institutions (CARD-MRI) ni Dr. Aris Alip, na naging panauhin natin sa programang “Status Update” kamakailan.
Sa ngayon, ang CARD-MRI ay itinuturing na pinakamalaking micro finance institution sa bansa na nagbibigay ng puhunan sa napakababang interes at walang kolateral.
Bukod pa roon, nagbibigay sila ng iba pang pautang tulad ng educational loan upang makatapos ang mga anak sa pag-aaral ng mga pamilyang nagnenegosyo.
Mayroon din silang ibinibigay na training sa mga nais magsimula ng sariling negosyo, para magabayan at mabigyan ng tamang payo sa mga gagawin, at hindi masayang ang inutang na puhunan.
Hindi nagtatapos ang kabilang gabay sa pagtatayo ng negosyo. Nagbibigay rin sila ng business counseling at tuluy-tuloy ang kanilang pag-aabiso sa kanilang mga miyembrong negosyante, mula sa marketing, financing, packaging at iba pa hanggang lumago sila.
***
Marami sa mga kliyente ng CARD-MRI ay mga nanay sa kanayunan.
Ang kuwento ni Dr. Alip, nangungutang ng limandaang piso ang mga nanay nang nagsisimula silang magnegosyo. Sa kanilang sipag at dedikasyon, ngayon ay kaya na nilang mangutang ng libu-libo hanggang milyong piso, na siyang senyales ng kanilang paglago.
Ngayon, hindi na umaasa sa bigay ng mayor o ‘di kaya’y barangay chairman ang mga nanay dahil mayroon na silang panggastos para sa araw-araw nilang pangangailangan. Muling naibalik ang kanilang dignidad at tiwala sa sarili dahil sa pagnenegosyo.
Ang ilan pa nga raw sa kanila, nagbabayad na ng buwis dahil nakapagpatayo ng sariling kumpanya habang ang ilan ay nag-e-empleyo pa ng daan-daang manggagawa sa kanilang komunidad.
Kung dati, hindi sila pinapansin sa kanilang lugar, ngayon, isa na sila sa pinagkukunan ng ikinabubuhay ng kanilang mga kababayan.
***
Sinasagip din ng CARD-MRI ang maliliit na negosyante mula sa utang na may mataas na interes, na naihambing sa isang kumunoy na mahirap nang makawala kapag nalubog na.
Sa ngayon, mayroon na silang 1,780 sangay at tatlong milyong pamilya na ang kanilang naabot, katumbas ng labinlimang porsiyento ng populasyon ng bansa.
Sa halos 30 taon ng CARD-MRI, hindi pa rin nagbago ang kanilang pananaw at disiplina sa pagtulong. Hanggang ngayon, nakatutok pa rin sila sa kapakanan at paglago ng mga pamilyang nangangailangan ng tulong.
***
Mga Kanegosyo, mahalagang mayroon tayong tagapagpayo, mentor o guro sa larangan ng pagnenegosyo lalo na malaki ang itinataya natin dito.
Maaaring ito ay maging ang magulang natin, kaibigan o asawa na magiging sandalan sa oras na may pinagdadaanan tayong mga problema o isyu.
Ngunit mahalaga rin na ang ating tatakbuhan ay mahusay at may karanasan sa pagnenegosyo upang mabigyan tayo ng tamang payo sa ating mga hinaharap.
Isa na rito ay mga organisasyong mapagkakatiwalaan at naglalayong tumulong sa atin tulad ng mga grupong micro finance.
Mahalagang pag-aralang mabuti ang mga lalapitan natin at hihingan ng tulong upang ‘di tayo maloko at ituturo sa atin ang landas ng tagumpay!
First Published on Abante Online
Recent Comments