coconut

BIDA KA!: Martsa ng mga magniniyog

Para sa kaalaman ng lahat, ang bilyun-bilyong coco levy fund ay nagmula sa iba’t ibang uri ng buwis na ipinataw sa mga magniniyog mula noong 1971 sa bisa ng ilang mga Pre­sidential Decree.

Ang pondo ay inilagay sa pamamahala ng Philippine Coconut Authority (PCA) ngunit hindi naman nagamit para sa kapakanan ng mga magsasaka.

Pero nagamit ang pondo sa ibang bagay, gaya ng pagbili sa United Coconut Planters Bank at sa paglikha ng ilang mga kumpanya, tulad ng United Coconut Oil Mills, isang pede­rasyon o COCOFED, isang insurance company o ang COCOLIFE at marami pang iba.

Sa kabila nito, nanatili pa ring dukha ang mga magniniyog. Sa ulat ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS), kumikita ang mga magniniyog ng P16,842 hanggang P23,000 kada taon lamang, na malayo sa average na P61,000 na kita ng isang ­agricultural household sa bawat taon.

Ayon naman sa National Anti-Poverty Commission (NAPC), 41 porsiyento ng mga magniniyog ay kabilang sa mga mahihirap na pamilya sa bansa.

Noong 2013, nabigyan ng bagong pag-asa ang mga magniniyog nang idineklara ng Korte Suprema na pampublikong pondo ang coco levy funds at ibinigay sa pamahalaan ang ­lahat ng shares ng stocks at iba pang pondong may ­kaugnayan dito.

Subalit isang taon na ang lumipas mula nang ilabas ng Korte Suprema ang desisyon, wala pa ring malinaw na paraan kung paano gagamitin ang nasabing pondo.

Ito ang nagtulak sa mga magniniyog na maglakad mula Davao patungong Maynila. Nais nilang isulong ang pag­likha ng coco levy trust fund para tuluyan nang magamit ang ­nasabing pondo.

***

Nagkaroon naman ng bunga ang pagod at pawis ng mga magniniyog nang mismong si Pangulong Noynoy Aquino ang humarap at nakipagdiyalogo sa kanila.

Sa nasabing pulong, nagkasundo ang dalawang panig sa ilang isyu, tulad ng paggamit sa taunang interes ng coco levy fund sa mga programa para sa industriya.

Kung susumahin, P3 bilyon ang interes na magmumula 2012 hanggang 2014 ang magagamit para sa mga programa sa unang taon.

Upang hindi naman agad maubos ang P73 bilyong pondo, nais naman ng pamahalaan na lumikha ng isang trust fund na mangangailangan ng batas.

***

Bago pa man ang pulong ng mga magniniyog kay Pangu­long Aquino, naghain na tayo ng panukala na layong lumikha ng Coconut Levy Trust Fund upang makatulong sa pagpapaunlad ng industriya ng niyog sa bansa.

Kapag naisabatas, makatutulong ito upang maiangat ang industriya ng niyog pati na rin ang buhay ng mga magniniyog at kanilang mga pamilya.

Sa tulong ng nasabing pondo, gaganda na ang teknolohiya sa pagsasaka at lalakas ang kakayahan ng ating magniniyog na tugunan ang demand sa coco fiber, coco water, coconut oil at marami pang iba.

Nakalatag sa panukalang ito ang mga plano’t programa na magpapalago sa produksyon at kaalaman ng mga magsasaka.

Gagamitin din ang pondo para sa research, pagpapaunlad ng mga negosyong coconut-based, at pagpapatupad ng mga programa na magpapaangat sa kanilang kalagayan.

Sa kabuuan, layon nitong buhayin at gawing moderno ang industriya, palakasin ang produksyon at umakit ng mga mamumuhunan upang ito’y maging magandang pagmumulan ng kabuhayan.

Dahil sesertipikahan ni Pangulong Aquino bilang urgent ang panukalang lilikha ng coco levy trust fund, kaunting panahon na lang ang hihintayin ng mga magniniyog at matitikman na rin nila ang bunga ng kanilang pinaghirapan.

Hinihikayat ko kayo na makibahagi sa pagmartsa ng mga magniniyog tungo sa kaunlaran ng lahat ng Pilipino, lalo na ang mga naghihirap sa kanayunan!

 

First Published on Abante Online

Scroll to top