BIDA KA!: Libreng kolehiyo
Mga bida, isa sa mga mahalagang panukalang batas na ating isinusulong bilang chairman ng Committee on Education ay ang libreng edukasyon sa state universities and colleges (SUCs).
Maliban sa inyong lingkod, lima pang senador ang nagsumite ng panukalang gawing libre ang pag-aaral sa SUCs.
Magkakaiba man ang nilalaman at detalye ng mga panukalang ito, iisa lang ang direksiyon na tinutumbok ng mga ito – ang bigyan ng libreng pag-aaral sa SUCs ang mga kapus-palad nating mga kababayan na nais magtapos ng kolehiyo.
***
Noong nakaraang Miyerkules, nagsagawa ng pagdinig ang ating kumite sa mga nasabing panukala. Ang pagdinig na ito ay dinaluhan ng iba’t ibang sektor na nagbigay ng kanilang komento at suhestiyon ukol sa panukalang batas.
Nagpahayag ng pangamba ang ilang sektor, lalo na sa pag-alis ng mga estudyante mula pribadong paaralan kapag ginawang libre ang tuition sa SUCs.
Isa pang pangamba ay kung paano epektibong ipatutupad ang panukala. May mga nagsabing dapat naka-target siya sa tipo ng kurso at may iba namang nagpanukala na nakatuon siya sa kakayahan ng estudyante na magbayad.
May nagbanggit naman na maging may kaya man o wala, basta nasa loob ng SUCs, ay dapat libre na ang edukasyon.
Maliban sa tuition fee, pabor din ang iba na isama sa saklaw ng panukala ang miscellaneous expenses, living expenses at iba pang bayarin upang lubos na makatulong sa mga nangangailangan.
Ito ang ilan lang sa mga isyu na kailangang resolbahin upang matiyak na matutupad nito ang hangarin nating mabigyan ng libreng edukasyon sa kolehiyo ang mahihirap ngunit determinado nating mga kababayan.
Kaya nakatakda pang magsagawa ng ilang technical working group ang kumite kasama ang iba’t ibang sektor upang mapag-usapan at maplantsa ang mga mabusising isyu.
***
Subalit sa dami ng mga sumusuporta sa libreng edukasyon sa kolehiyo, tiwala ako na maisasabatas ito sa loob ng isang taon.
Sa huling tala, nasa P9 bilyon ang koleksiyon ng SUCs mula sa tuition fee ngunit sa aking palagay, hindi ito ang dapat tingnan.
Mas dapat bigyang bigat ng pamahalaan ay tulungan ang mga kabataan nating kapus-palad ngunit determinadong mag-aral na makatapos ng kolehiyo.
Sabi nga, dapat pagbuhusan ng pondo ang mga prayoridad na proyekto at programa ng gobyerno.
At kung mahalaga ang edukasyon, nararapat nga itong paglaanan ng pondo upang ang lahat ay makinabang, lalo na ang mahihirap.
***
Maliban sa libreng edukasyon sa kolehiyo, isa pa nating adbokasiya ay ang lalo pang pagpapaganda ng kalidad ng edukasyon sa ating mga SUCs.
Kumbaga, ang libreng edukasyon sa SUCs ay nakatuon sa pagbibigay ng access o pagkakataon sa mga mahihirap na makatapos ng kolehiyo.
Subalit hiwalay nating isinusulong ay ang lalo pang pagpapaganda sa sistema ng edukasyon sa SUCs sa pamamagitan ng mahahalagang reporma.
Kabilang sa mga repormang ito ay ang paglalaan ng pondo para sa mga dagdag na suweldo at benepisyo para sa mga guro at kailangang pasilidad at kagamitan ng SUCs.
Maliban pa rito, dapat ding tiyakin na ang mga kursong iaalok ng SUCs ay nakakonekta sa mga industriya upang mas madali ang paghahanap ng trabaho ng graduates.
Ito’y ilan lang sa ating mga tututukan at tatrabahuin bilang chairman ng Committee on Education ngayong 17th Congress.
Recent Comments