Column

BIDA KA!: Libreng Internet

Mga bida, marami tayong­ natuklasan sa pagdinig ng ­Committee on Science and ­Technology at ­Committee on Education noong naka­raang linggo.

Sa mga nasabing hearing, tina­lakay natin ang ilang panukalang batas ukol sa paglalagay ng libreng wi-fi sa mga pampublikong lugar at sa ating pampublikong paaralan,­ kasama na ang state colleges at ­universities.

Nagsumite ako ng panukala­ na maglagay ng libreng Internet c­onnection, kasama na ang wi-fi, sa l­ahat ng pampublikong paaralan sa paniniwalang kaila­ngan ito ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral at kailangan din ng mga guro para updated at epektibo ang kanilang materya­les­ sa pagturo.

Subalit nasorpresa at nabahala ako nang malaman mula sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd) na 26 porsiyento lang ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang may Internet connection.

***

Paliwanag ng DepEd, mayroong sapat na pondo ang ahensiya para sa nasabing proyekto subalit ang problema, walang sapat na imprastruktura upang matugunan ang pangangailangan ng mga paaralan.

Ayon sa DepEd, may mga lugar na mahina ang signal ng telcos kaya mabagal din ang Internet connection, bagay na iniiwasan ng ahensiya upang hindi masayang ang ibinabayad nito.

Marami ring lugar sa bansa ang walang Internet connection dahil kulang ang imprastruktura ng telcos, lalo na sa mga liblib na paaralan.

Sa parte naman ng bagong tatag na Department of ­Information and Communications Technology (DICT), plano nilang maglagay ng libreng wi-fi sa mahigit 12,000 lugar sa buong bansa bago mag-Nobyembre 2017.

Ang problema, hindi pa sila nangangalahati dahil din sa kakulangan ng imprastruktura ng telcos.

Nang tanungin ang telcos, isinisi nila ang kakulangan sa imprastruktura sa bagal at higpit ng pagkuha ng permit sa ­local government units (LGUs) kung saan nila ilalagay ang kailangang kagamitan para mapabilis ang serbisyo.

Reklamo ng telcos, nakakasa na ang kanilang planong maglagay ng dagdag na cell sites at iba pang imprastruktura na magpapaganda ng serbisyo ng Internet.

Ngunit hindi umano sila makausad dahil sa bagal ng ­proseso ng pagkuha ng permit. Madalas, hindi bababa sa 25 permit ang kailangan para lang makapaglagay ng cell site.

Binanggit pa ng isang telco na nakalinya na ang paglalagay ng dagdag na 1,000 cell sites sa iba’t ibang bahagi ng bansa­ ngunit sa bagal ng proseso, nasa 500 pa lang ang kanilang naipupuwesto.

Isa pang problema ang mahal at paiba-ibang halaga ng bayad na sinisingil ng LGU sa bawat cell site na kanilang ­inilalagay.

***

Upang masolusyunan ang problema, plano nating isama­ sa pagbalangkas ng batas ang pagpapabilis ng proseso sa ­pagkuha ng permit mula sa LGUs.

Sa paraang ito, mas madali na ang paglalagay ng cell sites at iba pang equipment ng telcos para mapaganda ang Internet connection sa bansa.

Nabanggit din ng DICT na plano ng admi­nistrasyong Duterte na maglabas ng Executive Order na mag-aatas sa LGUs na madaliin ang pagpoproseso ng permits ng telcos.

Inatasan na rin natin ang DepEd, mga telco at iba pang kaukulang ahensiya na magbalangkas ng plano para maisama ang public schools at state colleges at universities sa paglalatag ng libreng wi-fi project ng pamahalaan sa susunod na dalawang taon.

***

Mga bida, ­isinusulong ko na mabigyan ng ma­gandang Internet connection ang ating mga pampublikong paaralan dahil kumbinsido ako na makatutulong ito sa lalo pang paglago ng kaala­man ng mga batang ­Pilipino.

Malaking bagay ang Internet sa kanilang research dahil makaka­kuha sila rito ng mga materyales na puno ng kaalaman at mga ­video na makatutulong sa kanilang pag-aaral.

Mapupunuan nito ang kakulangan sa libro at iba pang materyales na kailangan sa pagpapalago ng kanilang kaalaman.

Kapag may sapat na kaalaman ang ating mga estudyante sa public schools, hindi sila magpapahuli at kaya nilang makipagsabayan sa mga mag-aaral ng pribadong paaralan.

Ito rin ang magbibi­gay sa ating mga estu­dyante ng sapat na kakayahan upang makipag­tagisan para sa trabaho na magbibigay sa kanila ng magandang kinabukasan.

***

Mga Bida, maki­pagkuwentuhan kay Sen. Bam sa fb.com/BenignoBamAquino o sa e-mail bidakacolumn@gmail.com!

BIDA KA!: Garantiyang trabaho pagkatapos ng senior high school

Mga bida, bilang chairman ng Committee on Education ngayong 17th Congress, isa sa ating tinututukan ay ang pagsusulong at lalo pang pagpapalakas ng K to 12.

Ang programang ito ay binuo, isinabatas at isinakatuparan ng nakaraang administrasyon upang maiangat ang estado ng edukasyon sa bansa patungo sa pagiging world-class.

Natutuwa naman tayo na ipinagpatuloy ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing programa dahil alam niya na malaki ang maitutulong nito upang mabigyan ang ating mga estudyante ng de-kalidad na edukasyon.

Sa tulong nito, mas malaki ang pagkakataon nilang magkaroon ng magandang hanapbuhay o ‘di kaya’y kabuhayan para sa kanilang hinaharap.

***

Bago pa man pormal na nagsimula ang K to 12, may ilang paaralan na sa bansa ang nagsilbing “early implementers” ng programa.

Kabilang na rito ang Fidelis Senior High sa Tanauan, Batangas na nagbukas ng pinto noong 2014 sa dalawampu’t anim na Grade 11 students bilang pioneer batch ng Senior High School.

Habang ang iba nilang kaklase ay nagtuloy sa kolehiyo, buong tapang namang hinarap ng 26 ang hamon ng programa, na tumakbo sa ilalim ng sistemang “study now, pay later” at may garantiyang trabaho pagsapit ng graduation.

Sa nasabing paaralan, agad sinabak ang 26 sa mga kasana­yang may kinalaman sa trabaho at entrepreneurship upang maihanda sila sa papasuking hanapbuhay sa hinaharap.

Sa unang taon, kasabay ng pag-aaral ng iba’t ibang paksa ay bumisita rin sila sa mga kumpanya sa science park sa Batangas at Laguna upang malaman ang mga sistema sa paghahanap ng trabaho.

Sa isang kompanya, tinuruan pa sila kung paano mag-fill-up ng application form, kumuha ng exam at humarap sa iba’t ibang interview.

Pagsapit ng Grade 12, ipinadala sila sa iba’t ibang kumpanya para sa on-the-job training.

Noong March 19, 2016, gumawa ng kasaysayan ang dalawampu’t anim bilang unang batch ng graduates ng Fidelis Senior High Grade 12.

Habang ang karamihan sa kanila ay nagpasyang magtuloy sa kolehiyo, ito sa kanila ang nabigyan ng trabaho pagka-graduate.

***

Ito ang pakay ng isinumite nating Senate Bill No. 170 o panukalang magtatag ng Trabaho Centers sa lahat ng Senior High Schools sa buong bansa.

Ang Trabaho Center ay tutulong sa Senior High School graduates, na nais nang maghanapbuhay at huwag nang magpatuloy pa sa kolehiyo, upang makakita ng trabaho.

Kapag naisabatas, tatlong pangunahing aspeto ang tututukan ng Trabaho Center — career counseling services, employment facilitation at industry matching.

Sa ilalim ng career counseling, bibigyan ang mga estudyante ng bagay sa career na kanilang pipiliin sa Senior High School.

Sa Employment Facilitation, bibigyan ng lahat ng kinakailangang tulong ng senior high school student sa paghahanap ng trabaho.

Sa pamamagitan naman ng industry matching, mapupunuan ang pangangailangan ng mga kumpanya sa pagbibigay sa kanila ng listahan ng mga graduate at profile ng bawat estudyante.

Magtutulungan naman ang Public Employment Services Office (PESO) at TESDA sa paglikha ng database ng mga bakanteng trabaho sa lokalidad at kung anong dagdag na training ang hinahanap para sa isang partikular na trabaho.

Naniniwala tayo na edukasyon ang magandang tulay tungo sa pagkakaroon ng hanapbuhay.

Sa tulong ng Trabaho Center, magiging abot-kamay na para sa isang Senior High School student ang inaasam na trabaho.

Ito’y isa lang sa marami pa nating plano upang mapalakas ang edukasyon sa bansa at makalikha ng marami pang trabaho para sa ating mga kababayan.

Article first published on Abante Online

Scroll to top