community

BIDA KA!: Pagkakaisa susi sa himala

Lumipas ang mga oras pero marami pa rin sa ating mga kaba­bayan ang hindi inalis ang tainga sa radyo at ang mga mata sa telebisyon.

Nagbunga naman ang matiyagang paghihintay nang bandang alas-tres ng madaling-araw ng Miyerkules nang ianunsiyo ng pamahalaan ng Indonesia ang isang malaking himala.

Ipinagpaliban nila ang pagbitay kay Mary Jane ilang minuto na lang bago ang nakatakda niyang pagharap sa firing squad.

Maituturing na malaking himala ang nangyari dahil ang ­lahat ng indikasyon ay tuloy nga ang pagbitay kay Mary Jane. Katunayan, itinuloy na ng Indonesia ang pagbitay sa walong iba pang drug convicts na nauna kay Mary Jane.

Nagbunyi ang buong bansa, pati na rin ang buong mundo, sa nangyaring himala.

***

Ngunit kung ako ang tatanungin, mas malaking himala ang nangyaring pagkakaisa ng iba’t ibang sektor ng lipunan para mailigtas si Mary Jane.

Mula sa administrasyon, oposisyon at makakaliwang grupo, iisa lang ang naging pagkilos at iisa lang ang isinulong.

Matagal-tagal na rin bago ito nangyari. Isang Mary Jane Veloso ang kinailangan upang muling pag-isahin ang mga sektor na nahati ng pulitika, galit at marami pang isyu.

Palagi kong sinasabi na kapag naupo sa iisang mesa ang iba’t ibang sektor, may positibong resulta o pangyayari. Sa ­sitwasyong ito, malaking himala ang kanilang nakamit.

Sa sama-samang pagsisikap ng maraming sektor, muling napatunayan na walang imposible at maaaring makamit lahat.

***

Pagkatapos nito, mainit ang naging usapan kung sino ang dapat pasalamatan at mabigyan ng credit sa pangyayari.

Mga Bida, hindi mahalaga kung sino ang dapat pasala­matan. Ang mahalaga rito, pansamantalang nabigyan ng panibagong buhay si Mary Jane.

Sa halip na sabihing, “si ganito o si ganyan ang susi sa nangyari at dapat bigyan ng papuri”, mas mainam siguro na papurihan ang lahat dahil sa sama-sama namang kumilos.

Ito ay isang bihirang pagkakataon na lahat ay sama-­samang kumilos tungo sa iisang hangarin. Bakit hindi natin ito kayang gawin para sa mas nakararaming Pilipino?

***

Upang muling mapagsama-sama sa iisang mesa ang kaukulang ahensiya ng pamahalaan at iba’t ibang sektor, naghain tayo ng resolusyon na layong imbestigahan ang kaso ng mga OFW na nahaharap sa death penalty sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nais ko ring malaman kung bakit naaantala ang pag­resolba sa iba pang mga kasong may kinalaman sa OFWs, lalo na pagdating sa illegal recruitment at trafficking.

Sa huling bilang ng Department of Foreign Affairs, 805 overseas Filipino workers (OFWs) ang nakakulong sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Apatnapu’t lima sa kanila ang nasa death row.

Sa nasabing tala, 341 sa kabuuang bilang ng kaso ay nasa Asya, 244 sa Middle East at Africa, 116 sa United States at 104 sa Europe.

Hangarin ng pagdinig na alamin kung hanggang saan ang tulong na ibinibigay ng pamahalaan sa ating OFWs, na nagpapasok ng $22 billion kada taon sa ekonomiya ng bansa.

Kung itinuturing natin bilang bayani ang ating OFWs, dapat natin silang bigyan ng sapat na suporta at proteksyon lalo na’t sila’y nasa ibang bansa.

Malaki ang kanilang kontribusyon sa kaunlaran ng bansa. Huwag natin silang pabayaan!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Maging bayani

Mga Bida, noong Lunes, ­ipinagdiwang natin ang ­National Heroes Day at ginunita ang ma­raming mga bayani na nagbuwis ng kanilang buhay upang matamasa ang kalayaan na ating taglay sa ngayon.

Nagkataon din na sa buwang ito, ginunita rin natin ang pagpanaw ng dalawang tao na malapit sa akin na siyang nagtulak sa ating mga Pilipino para lumaban tungo sa muling pagbalik ng ­demokrasya sa bansa.

Una rito ang ating tiyahin na si Corazon “Cory” ­Aquino, ang itinuturing na ina ng demokrasya na nagsilbing ­inspirasyon ng milyun-milyong Pilipino para harapin ang mga tangke at armadong sundalo sa EDSA noong 1986.

Limang taon na ang nakalilipas mula nang pumanaw si Tita Cory ngunit hanggang ngayon, nananatili pa rin sa puso’t isip ng mga Pilipino ang ginawa niyang kabayanihan para sa atin.

***

Noong Agosto 21 naman, ginunita rin natin ang ika-31 taon ng pagpanaw ng asawa niyang si Ninoy, na siyang nagsindi ng apoy sa damdamin ng mga Pilipino para makamit ang tunay na kalayaan.

Masaya at tahimik na ang buhay ni Tito Ninoy noon sa Amerika kasama si Tita Cory at kanyang mga anak.

Subalit kahit milya-milya ang layo niya sa Pilipinas, patuloy pa ring narinig ni Ninoy ang sigaw para sa tunay na kala­yaan ng kanyang mga kababayan.

Kaya kahit alam niyang may nakaambang panganib sa kanyang buhay, bumalik pa rin si Tito Ninoy sa Pilipinas upang ituloy ang laban para sa kababayan na ilang taon nang dumaranas ng hirap.

Sabi niya, “the Filipino is worth dying for.”

Isang bala ang tumapos sa hangarin niya nang lumapag sa tarmac ng Manila International Airport (MIA) ang ­eroplanong sinakyan niya.

Ang pagkamatay ni Tito Ninoy ay tila naging gasolina na nagpaliyab sa damdamin ng mga Pilipino.

Ito ang naging mitsa upang simulan ang laban para sa ­tunay na kalayaan na ating nakamit tatlong taon ang nakalipas sa pamamagitan ng People Power I.

***

Dalawang taon na rin ang nakalipas mula nang tayo’y iwan ni dating Interior Secretary Jesse Robredo.

Ngunit nawala man si Secretary Jesse sa ating piling, ­naiwan naman niya sa ating alaala ang larawan ng isang tapat at malinis na paglilingkod-bayan.

Noong 1988, si Secretary Jesse ang naging pinakabatang mayor sa Pilipinas sa edad na 29 nang mahalal s­iyang alkalde ng Naga City.

Hindi naging hadlang ang kanyang batang edad para ­umpisahan ang mga kailangang reporma sa lungsod. Kasabay ng pagbura sa mga ilegal na sugal at iba pang bisyo, binuhay rin niya ang ekonomiya ng Naga na naging first-class city sa ilalim ng kanyang termino.

Nang maging DILG chief, si Secretary Jesse ang nagsi­mula ng ‘anti-epal’ campaign sa pagbabawal ng paglalagay ng billboard na nagtataglay ng pangalan ng mga lokal na opisyal.

Tumatak din sa isip ng taumbayan ang ‘tsinelas leadership’ ni Secretary Jesse na nagpakita ng kanyang pagiging simple at kahandaang sumabak sa anumang sitwasyon sa kahit ano pang panahon.

Kaya sa 2016, gamitin nating pamantayan ang ‘matino at mahusay’ sa pagpili na susunod na pinuno ng bansa.

***

Kahit hindi man tayo magbuwis ng buhay para sa bayan, lahat tayo ay maaaring maging bayani tulad nina Tito Ninoy, Tita Cory at Secretary Jesse.

Kailangan lang nating gawin ang ating makakaya para ­tulungan ang bansa upang makamit ang pag-asenso para sa ­lahat ng Pilipino.

Huwag din tayong mangimi na tulungan ang ating kapwa, hindi lang sa oras ng kanilang pangangailangan, kundi sa ­lahat ng panahon.

Sa paraang ito, maipapakita natin sa mga bayani na sulit ang ginawa nilang sakripisyo para sa atin.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: SONA ni PNoy

Mga Bida, marami ang nabigla sa emosyonal na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino noong Lunes.

Malayo ito sa inasahan ng karamihan, na nag-aabang ng mas palaban na pahayag mula sa Pa­ngulo tulad ng nauna niyang apat na SONA.

Sa halip, nagbuhos ang Pangulo ng kanyang nararamdaman sa araw-araw na upak na tinatanggap niya mula sa mga kritiko mula almusal hanggang sa midnight snack.

Ako mismo ay naantig at napaluha dahil ramdam ko ang saloobin ng Pangulo. Natural lang na makaramdam siya ng sama ng loob. Tao rin siya na may puso’t laman. Mayroong damdamin at marunong ding masaktan.

Sa kabila kasi ng pagsusumikap na magpatupad ng reporma at mga mahahalagang programa at proyekto, may nasasabi pa rin ang mga kritiko. Lahat ng kanyang kilos at galaw, binabantayan at binabatikos.

Maihahalintulad natin ang sitwasyon ng Pangulo sa isang estudyante na nagsusunog ng kilay sa pag-aaral, magtatapos ng may honors, ngunit sa huli, wala siyang makuhang trabaho.

Ang ating Pangulo ay katulad din ng isang Tatay na nagsusumikap sa kanyang trabaho para matustusan ang panga­ngailangan ng kanyang pamilya. Ngunit sa dulo pala, kulang pa rin ang pawis at dugong nilaan niya dahil sa laki ng gastusin.

Ganito ang kapalaran ng ating Pangulo sa unang apat na taon niya sa posisyon. Kahit ibinuhos na niya ang lahat ng panahon para sa pagpapaunlad ng bayan at buhay ng mga Pilipino, naririyan pa rin ang mga kritiko at nagpapaulan ng batikos.

Ito ang lubusan kong hinahangaan sa ating Pangulo. Matibay pa rin ang kanyang loob at determinado sa kabila ng mga tinatanggap na batikos. Dire-diretso pa rin ang kanyang hangarin na linisin ang pamahalaan at bigyan ng magandang buhay ang bawat Pilipino.

Subalit, gaya ng aking unang nabanggit, tao lang ang ating Pangulo. Hindi niya kayang pasanin ng nag-iisa ang problema ng bayan.

Kailangan niya ng tulong mula sa ating lahat para maisakatuparan ang mga pagbabago na kanyang inumpisahan.

***

Ang ipinakitang emosyon ng Pangulo sa kanyang SONA noong Lunes ay pakiusap sa taumbayan, lalo na sa kanyang mga kritiko, na isantabi muna ang pamumulitika at paghahati-hati at magkaisa tungo sa kaunlaran ng bansa.

Hindi gaya ng mga nauna niyang SONA kung saan harap-harapan niyang binatikos ang katiwalian, hindi siya nagsalita ukol sa mga kontrobersiyal na isyu gaya ng pork barrel scam.

Sa halip, ginamit niya ang pagkakataong ito upang ilatag ang mga nagawa niya para sa bayan, mula sa trabaho, imprastruktura, turismo, ekonomiya, edukasyon at sandatahang lakas.

Ngunit iginiit ng Pangulo na marami pang dapat gawin at kailangan niya ang tulong ng lahat upang ito’y marating bago matapos ang kanyang termino sa 2016.

***

Sa unang apat na taon, tinutukan ng Pangulo ang pagpapaganda ng ekonomiya ng bansa.

Ngayong itinuturing na ang Pilipinas bilang isa sa pinakamalakas na ekonomiya sa Asya, kailangan namang pagtuunan ng pansin sa huling dalawang taon kung paano maibababa ang paglagong ito sa mga karaniwang Pilipino.

Sa kasalukuyan, kailangan natin ng mga panukalang batas na magpapalakas pa ng tinatawag na inclusive growth o tunay na kaunlaran upang maramdaman ng lahat ang tinatamasang pag-unlad ng bayan.

Kamakailan lang, naipasa na ang Go Negosyo Act na magpapalakas sa tinatawag na micro, small and medium entrepreneurs at lilikha ng dagdag na trabaho at iba pang kabuhayan sa mga Pilipino.

Nakalinya na rin ang iba pang panukalang batas na inihain ng ating opisina sa Senado gaya ng Poverty Reduction through Social Entrepreneurship Bill, Youth Entrepreneurship Bill, Credit Surety Fund Bill at marami pang iba. Sana ay hindi ito mahaluan ng kulay pulitika at maipasa na sa lalong madaling panahon.

***

Ang pag-unlad ng bayan ay hindi kayang gawin nang nag-iisa ng Pangulo. Kailangan niya ang tulong ng lahat ng Pilipino upang ito’y maging ganap.

Kumbaga sa basketball, nasa fourth quarter na tayo. Hindi kaya ng isang tao na ipanalo ang laban. Kailangan ng teamwork para manalo.

Mahalaga ang bawat galaw. Isang maling kilos ay maaaring ikatalo ng koponan kaya mahalaga na nagkakaisa sa paghakbang tungo sa tagumpay.

Ngayon, hindi na mahalaga kung tayo’y kaalyado o oposisyon. Ang mahalaga sa pagkakataong ito ay isantabi ang anumang kulay pulitika at magtulungan para sa kaunlaran ng bansa.

Sabi nga ng Pangulo, “the Filipino is worth fighting for”. Samahan natin si PNoy sa labang ito!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Panalo ang taumbayan

Noong Linggo, inanunsiyo ng Malacañang na kabilang ang Go Negosyo Act na aking iniakda at Lemon Law na aking matinding sinuportahan sa mga inaprubahan ni Pangulong Noynoy Aquino na maging batas.

Ngayong pirmado na ng Pa­­ngulo, ang magiging buong pamagat ng Go Negosyo Act (Republic Act 10644) ay “An Act Promoting Job Generation and Inclusive Growth Through the Development of Micro, Small, and Medium Enterprises”.

Ito’y maituturing na malaking tagumpay para sa ating mga negosyante, lalo na ang kabilang sa micro, small at medium enterprises (MSMEs).

Ang Go Negosyo Act ay katuparan ng isa sa ating mga pangako noong kampanya na palaguin ang MSME sector, na susi sa pagsulong ng tunay na kaunlaran ng bansa.

Ngayong ganap nang batas, inaasahan ko ang mas mabilis pang paglago ng MSME sector dahil mayroon nang aayuda sa kanila pagdating sa proseso, puhunan, training at iba pang pangangailangan.

Sa tulong ng Go Negosyo Act, mas mapapadali na ang pagtatatag ng bagong negosyo o pagpapalawak ng mga kasalukuyan nang nakatayong negosyo.

Kasabay ng paglakas na ito ng MSME sector, maraming trabaho ang malilikha at maraming kabuhayan ang lilitaw para sa mga Pilipino.

Sabi nga, sa Go Negosyo, lahat ng Pilipino, panalo!

***

Sabay ring pinirmahan ng Pangulo ang Philippine Lemon Law, na ilang dekada rin ang hinintay bago tuluyang naging batas.

Sa pagsasabatas nito, mayroon nang proteksyon ang mga mamimili laban sa mga bago ngunit depektibong sasakyan.

Sa panahon natin ngayon, mahalaga ang pagkakaroon ng sariling sasakyan.

Kung dati, itinuturing na malaking luho ang pagkakaroon ng kotse, ngayon ito’y itinuturing nang malaking pangangailangan, lalo na ng mga negosyante at entrepreneurs, para makasabay sa mabilis na takbo ng buhay.

Sa aking sponsorship speech para sa Lemon Law, binigyang diin ko na dapat bigyan ng karampatang proteksiyon ang mga consumer na gumagamit ng kotse araw-araw.

Dapat ang kalidad ng kotseng ginagamit nila ay katumbas ng trabaho na kanilang ibinigay para magkaroon ng ikabubuhay.

Ito ang hatid ng Philippine Lemon Law o Republic Act 10642 o “An Act Strengthening Consumer Protection in the Purchase of Brand New Motor Vehicles”.

Sa ilalim ng batas na ito, puwedeng ibalik ang pera o ‘di kaya’y palitan ang isang bago ngunit depektibong sasakyan sa loob ng isang taon o 20,000 kilometro mula sa petsa ng pag-deliver.

Bago rito, kailangan munang dumaan sa apat na beses na pagsasaayos ang diperensiyadong sasakyan.

Kung sa panahong iyon ay hindi pa rin naresolba ang problema, maaari nang humiling ang nakabili na palitan ang sasakyan ng bago o balik o refund.

Kapag nagmatigas ang dealer, maaaring dumaan sa proseso ng mediation o arbitration ang dalawang panig na tatagal nang hindi hihigit sa apatnapu’t limang araw.

Pagkatapos nito, magpapasya na ang Department of Trade and Industry (DTI) kung dapat nga bang palitan o hindi ang isang sasakyan.

Umasa kayo mga Bida, na hindi matatapos sa dalawang batas na ito ang ating pagtutok sa kapakanan ng mamamayan. Umpisa pa lang ito, mga Bida!

 

First Published on Abante Online

Scroll to top