Dep Ed

BIDA KA!: Libreng Internet

Mga bida, marami tayong­ natuklasan sa pagdinig ng ­Committee on Science and ­Technology at ­Committee on Education noong naka­raang linggo.

Sa mga nasabing hearing, tina­lakay natin ang ilang panukalang batas ukol sa paglalagay ng libreng wi-fi sa mga pampublikong lugar at sa ating pampublikong paaralan,­ kasama na ang state colleges at ­universities.

Nagsumite ako ng panukala­ na maglagay ng libreng Internet c­onnection, kasama na ang wi-fi, sa l­ahat ng pampublikong paaralan sa paniniwalang kaila­ngan ito ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral at kailangan din ng mga guro para updated at epektibo ang kanilang materya­les­ sa pagturo.

Subalit nasorpresa at nabahala ako nang malaman mula sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd) na 26 porsiyento lang ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang may Internet connection.

***

Paliwanag ng DepEd, mayroong sapat na pondo ang ahensiya para sa nasabing proyekto subalit ang problema, walang sapat na imprastruktura upang matugunan ang pangangailangan ng mga paaralan.

Ayon sa DepEd, may mga lugar na mahina ang signal ng telcos kaya mabagal din ang Internet connection, bagay na iniiwasan ng ahensiya upang hindi masayang ang ibinabayad nito.

Marami ring lugar sa bansa ang walang Internet connection dahil kulang ang imprastruktura ng telcos, lalo na sa mga liblib na paaralan.

Sa parte naman ng bagong tatag na Department of ­Information and Communications Technology (DICT), plano nilang maglagay ng libreng wi-fi sa mahigit 12,000 lugar sa buong bansa bago mag-Nobyembre 2017.

Ang problema, hindi pa sila nangangalahati dahil din sa kakulangan ng imprastruktura ng telcos.

Nang tanungin ang telcos, isinisi nila ang kakulangan sa imprastruktura sa bagal at higpit ng pagkuha ng permit sa ­local government units (LGUs) kung saan nila ilalagay ang kailangang kagamitan para mapabilis ang serbisyo.

Reklamo ng telcos, nakakasa na ang kanilang planong maglagay ng dagdag na cell sites at iba pang imprastruktura na magpapaganda ng serbisyo ng Internet.

Ngunit hindi umano sila makausad dahil sa bagal ng ­proseso ng pagkuha ng permit. Madalas, hindi bababa sa 25 permit ang kailangan para lang makapaglagay ng cell site.

Binanggit pa ng isang telco na nakalinya na ang paglalagay ng dagdag na 1,000 cell sites sa iba’t ibang bahagi ng bansa­ ngunit sa bagal ng proseso, nasa 500 pa lang ang kanilang naipupuwesto.

Isa pang problema ang mahal at paiba-ibang halaga ng bayad na sinisingil ng LGU sa bawat cell site na kanilang ­inilalagay.

***

Upang masolusyunan ang problema, plano nating isama­ sa pagbalangkas ng batas ang pagpapabilis ng proseso sa ­pagkuha ng permit mula sa LGUs.

Sa paraang ito, mas madali na ang paglalagay ng cell sites at iba pang equipment ng telcos para mapaganda ang Internet connection sa bansa.

Nabanggit din ng DICT na plano ng admi­nistrasyong Duterte na maglabas ng Executive Order na mag-aatas sa LGUs na madaliin ang pagpoproseso ng permits ng telcos.

Inatasan na rin natin ang DepEd, mga telco at iba pang kaukulang ahensiya na magbalangkas ng plano para maisama ang public schools at state colleges at universities sa paglalatag ng libreng wi-fi project ng pamahalaan sa susunod na dalawang taon.

***

Mga bida, ­isinusulong ko na mabigyan ng ma­gandang Internet connection ang ating mga pampublikong paaralan dahil kumbinsido ako na makatutulong ito sa lalo pang paglago ng kaala­man ng mga batang ­Pilipino.

Malaking bagay ang Internet sa kanilang research dahil makaka­kuha sila rito ng mga materyales na puno ng kaalaman at mga ­video na makatutulong sa kanilang pag-aaral.

Mapupunuan nito ang kakulangan sa libro at iba pang materyales na kailangan sa pagpapalago ng kanilang kaalaman.

Kapag may sapat na kaalaman ang ating mga estudyante sa public schools, hindi sila magpapahuli at kaya nilang makipagsabayan sa mga mag-aaral ng pribadong paaralan.

Ito rin ang magbibi­gay sa ating mga estu­dyante ng sapat na kakayahan upang makipag­tagisan para sa trabaho na magbibigay sa kanila ng magandang kinabukasan.

***

Mga Bida, maki­pagkuwentuhan kay Sen. Bam sa fb.com/BenignoBamAquino o sa e-mail bidakacolumn@gmail.com!

Scroll to top