BIDA KA!: Mabagal na, mahal pa?!
Mga Bida, marami sa atin ang madalas na gumagamit ng Internet ngayong nagkalat na ang high-tech na bagay gaya ng smart phones, laptop, tablets.
Gumagamit tayo ng Internet sa maraming kadahilanan. Maaaring ito’y may kinalaman sa trabaho, sa pakikipag-chikahan sa mahal sa buhay na nasa malayong lugar o ‘di kaya’y sa pag-update natin sa latest na balita.
Ang iba naman, nakatutok sa Facebook account at nag-like-like ng status ng iba kapag may time. O ‘di kaya’y busy sa online games gaya ng Candy Crush.
Talagang malaking bahagi na ng ating buhay ang paggamit ng computer o cellphone para mag-Internet. Sa huling tala, apat sa 10 Pinoy ang may access sa Internet.
Isang mahalagang sangkap para lubusang ma-enjoy ang bagong teknolohiyang ito ang mabilis, maaasahan at murang koneksiyon sa Internet mula sa telecommunication companies.
Kaya magkahalong lungkot at inis ang naramdaman ko nang mabalitaan kong kulelat pala ang Pilipinas pagdating sa bilis ng Internet sa Southeast Asia at mas mahal pa kumpara sa ilang kalapit-bansa.
Lungkot dahil ito’y makasisira sa imahe ng ating bansa sa gitna ng lumalakas nating ekonomiya.
Inis dahil sa kabila ng estado natin bilang isa sa aktibong bansa pagdating sa Internet at social media ay mabagal pa rin ang ating koneksiyon.
***
Gaya na lang ng sitwasyon ni Bobby (hindi tunay na pangalan) na tubong Iriga sa lalawigan ng Albay.
Sa aking Facebook account, nagpahayag siya ng suporta sa aking planong imbestigahan ang mabagal at mahal na Internet sa bansa.
Sa kanyang kuwento, inilahad ni Bobby na isa siyang entrepreneur at may maliit na Internet shop sa Iriga.
Aniya, sa maliit niyang Internet shop kinukuha ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, gaya ng pagkain.
Para mapaganda ang serbisyo sa kanyang customer, kumuha si Bobby ng mabilis na DSL line mula sa isang kilalang telecom firm.
Ngunit nagkamali pala ng akala si Bobby. Sa halip na ginhawa ay puro perhuwisyo ang ibinigay sa kanya ng mabagal at hindi maasahang DSL connection.
Sa usad-pagong na koneksiyon sa shop ni Bobby, naglipatan na sa mga kalapit na Internet café ang mga regular na customer ni Bobby.
Ang masakit nito, mas mabilis pa sa kuneho kung magputol ng serbisyo ang nasabing telecom kapag naantala ng ilang araw ang bayad.
“Parang sila na lang ang binubuhay ko Sen. Bam dahil kahit walang kitang pumasok sa ating Internet shop, bayad pa rin ako ng bayad sa kanila,” litanya pa ni Bobby.
Kapag hindi nagbago ang sitwasyon, plano ni Bobby na isara ang Internet café at maghanap na lang ng ibang ikabubuhay.
***
Mga bida, ito ang dahilan kung bakit gusto kong malaman ang puno’t dulo ng problema.
Kung hindi natin ito bibigyan ng masusing pansin, marami pang maliliit na negosyante ang sasapitin ang kapalaran ni Bobby at milyun-milyong Pilipino pa ang maaagrabyado.
Antabayanan niyo ang mga susunod pang kabanata, lalo na ang gagawing pagdinig ng isyu ngayong buwan.
Gusto ba ninyo ang hakbang na ito? Mag-like na!
First Published on Abante Online
Recent Comments