NEGOSYO, NOW NA!: Dapat orig
Mga Kanegosyo, may naisip na ba kayong gimik o bagong promo ng inyong negosyo para sa darating na Valentine’s Day?
Isang lugar kung saan tayo puwedeng magbenta ng ating mga produkto o serbisyo ay ang internet kung saan pinag-usapan natin noong nakaraang kolum.
30 milyong Pilipino ang naka-online ngayon kaya napakalaking pagkakataon para sa inyong negosyo kapag ginamit ninyo ang internet, lalo na kapag may espesyal na okasyon.
Mga Kanegosyo, ngunit minsan, may nagtanong sa akin kung paano makakapagsimula ng isang negosyo samantalang kay dami ng nagnenegosyo sa ating bansa.
Paano pa mapapansin at gagawa ng pangalan ang isang bagong produkto kung may mga nauna nang kahalintulad nito sa mga tindahan?
Isa sa mga sagot ay ang pagiging orihinal at kakaiba ng ihahain ng bagong produkto o serbisyo upang maakit ang maraming mamimili.
Napupukaw kasi ang atensyon ng mga mamimili kapag nakakita ng produkto na bago o kakaiba sa kanilang paningin.
Sa panahon ngayon, kung sasabay ka lang sa agos ng karaniwang mga negosyo, tiyak na matatangay ka lang at walang patutunguhan.
Lagyan ng makabagong katangian ang produkto, o kaya’y pabilisin at dagdagan ang karaniwang serbisyo.
Pagsamahin ang mga functions ng iba’t ibang gadget at gawing isang produkto — tiyak na papatok sa merkado.
***
Gaya na lang ng kuwento ng Hop on Hop Off Jeepney Tours na gumagamit ng customized jeepney na may videoke, air-condition at magagandang design para mag-ikot ng mga turista sa Maynila at iba pang lugar.
Mas maganda nga naman ang pagbiyahe at mas malilibang ang mga turista dahil maaari silang magkantahan nang komportable habang naiipit sa gitna ng trapik.
Para sa mas kakaibang karanasan, mayroon din silang culinary tours para sa mga foodie o mahilig kumain na umiikot sa mga masasarap na kainan sa Maynila at iba pang kalapit na lugar.
***
Ang isa pang magandang kuwento ay ang Bibingkinitan, na dinala ang paboritong kakanin ng mga Pinoy sa mga mall at iba pang mga lugar sa malalaking siyudad ng bansa.
Kung dati’y sa mga kanto at palengke lang natin makikita ang bibingka, ngayon ay makakabili na tayo nito sa mga mall.
Niliitan din nila ang putol ng kanilang bibingka upang mas madali ang pagkain nito ‘di tulad ng pangkaraniwang malalaking putol.
Ang mga nakasanayang produkto ay puwedeng gawan pa ng innovation o kakaibang pagbabago.
Buksan ang imahinasyon upang maging angat ang inyong produkto o serbisyo, nang balik-balikan ito!
First Published on Abante Online
Recent Comments