NEGOSYO, NOW NA!: Positibong ambisyon
Mga Kanegosyo, maligayang Pasko ng Pagkabuhay sa ating lahat! Nawa’y naging makabuluhan ang ating pagninilay sa Semana Santa at muli tayong nagkaroon ng isang postibong pananaw sa ating mga buhay.
Ayon nga sa kilalang manunulat na si Napoleon Hill, “Weak desires bring weak results, just as a small amount of fire makes a small amount of heat.” Ang ibig sabihin nito ay kung mahina ang ating pagnanais maabot ang isang bagay, malaki ang posibilidad na wala tayong mapapala.
Ngunit kung itotodo natin ang lahat para maabot ang mga pangarap at mga hangarin sa buhay, tiyak na malaki rin ang magiging pakinabang.
Hindi masamang mangarap na umasenso para sa sarili at sa ating pamilya magkaroon ng sariling bahay, makabili ng sasakyan at mapagtapos ng pag-aaral ang ating mga anak.
Kung walang positibong ambisyon, tiyak na kabiguan lang ang sasapitin ng bawat gagawin.
Sa negosyo, mahalaga ang pagkakaroon ng positibong ambisyon para umasenso.
Ito ang magtutulak sa atin para maging unconventional, mag-isip ng makabagong diskarte at maging malikhain para kumita at lumago.
Gamit ang positibong ambisyon, matututo rin tayong gumawa ng mga de-kalidad na produkto upang mapasaya ang ating mamimili.
***
Halimbawa nito ang kuwento ni Desiree Duran, isang dating tindera ng fish ball.
Hindi man nakatuntong ng high school, nagpursige pa rin siya upang maabot ang kanyang pangarap na umasenso at matupad ang pangarap na mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.
Sa una, nagsimula siya bilang tindera ng fish ball. Habang ginagawa niya ito, dumalo siya sa ilang training na ibinigay ng Bulacan Agricultural State College para sa pagsasaka.
Nang matuto, sinimulan niyang magtanim ng grafted tomato noong 2003 sa isang maliit na lupain ng kanilang pamilya.
Mula sa kanyang unang tanim, kumita siya ng P70,000, na malaki na para sa isang baguhan sa industriya.
Sa taon ding iyon, sinimulan din niya ang pagbebenta ng binhi sa iba pang nagtatanim ng gulay sa lugar na walang panahon para mag-training.
Doon sinimulan niya ang San Ildefonso Vegetables Multipurpose Cooperative kasama ang ilang vegetable growers para makakuha ng mas malaking kita mula sa kanilang pananim.
Sa tulong ng Department of Agriculture, naiugnay sila sa mga bagsakan at food terminals nang hindi na dumadaan pa sa middleman. Naging mas malaki ang kanilang kita dahil dito.
Nagtanim pa siya ng iba’t ibang gulay dahil sa paglaki ng kanyang merkado. Sa paglago ng kanyang negosyo, nakabili siya ng dagdag na lupa, truck, owner-type jeep, motorsiklo at 4×4 pick-up truck.
Napatapos niya sa pag-aaral ang kanyang mga anak at nakapagbigay pa siya ng kabuhayan at trabaho sa kanyang komunidad.
Kung nawalan ng ambisyon si Desiree, marahil ay hindi niya naabot ang tagumpay na nararanasan ng kanyang negosyo ngayon at ang pag-asensong naranasan ng kanyang pamilya.
Lahat ng pangarap ay posibleng maabot, manatili lamang sa pagkamit ng positibong ambisyon!
First Published on Abante Online
Recent Comments