equality

BIDA KA!: Aksiyon kontra diskriminasyon

Mga Bida, bibigyang daan ko sa ating kolum ang sulat ni Mang Reynaldo Vargas, na dating Overseas Filipino Worker na ngayo’y naghahanap ng trabaho sa edad na limampu’t limang taong gulang.

Noong una, akala ko’y isa lang ito sa maraming sulat na dumara­ting sa ating tanggapang humihingi ng tulong o ‘di kaya’y nagsusumbong sa mapait na karanasan sa opisina ng gobyerno.

Subalit nagbago ang aking pananaw at pag-aakala nang mabasa ko ang kabuuang liham ni Mang Reynaldo.

Maliban sa paghingi ng tulong, ang sulat ni Mang Reynaldo ay sumasalamin sa malalim na problema ng bansa na nararasan ng marami — ang talamak na diskriminasyon sa lipunan.

Para sa kaalaman ng ating mambabasa, narito ang kabuuan ng sulat ni Mang Reynaldo:

 

Dear Senator Aquino,

 

Good day Sir, gusto ko po sanang humingi ng tulong hindi po pera kung hindi po sa tulong makapaghanap ng mapapasukan sa edad kong 55 years old.

Tapos po ako ng Economics, at naka-2nd year college sa College of Law sa UE Manila. For the past 20 years ay nakapagtrabaho ako sa Libya kasa-kasama ang aking may bahay na hanggang ngayon ay naroon pa rin sa Tripoli bilang nurse.

Napakahirap maghanap ng trabaho rito sa atin sa edad ko dahil na rin sa panuntunan ng mga kompanyang ilimita ang maximum age sa 45 years old.

Bakit po ganoon kung ang mag-a-apply naman ay kakaya­nin pa ang trabahong gusto niyang pasukin. Sa US, ang mga senior citizen ay binibigyan pa nila ng mga magaang na trabaho para rin sa kanilang edad o katayuan sa buhay, making people useful to society.

At kung mayroong pakinabang sa gobyerno ang isang tao mas gagaan ang kanyang pamumuhay kaysa mabinbin lamang sa bahay at hintayin na lang ang paglubog ng araw.

Bakit wala po tayong batas na alisin na ang age limit sa mga trabahong puwede naman kahit lampas ng maximum age of 45. Sa US kahit 70 ay nakapagtatrabaho pa sila. Bakit wala po tayong policy na ganito?

Marami pong salamat.

***

Nakakalungkot mang sabihin, Mang Reynaldo, pero sa kasalukuyan ay wala tayong batas na nagtutulak sa mga kompanya na tanggalin ang limit sa edad sa pagkuha ng empleyado.

Sa edad na 55 na taon, sigurado akong kaya pang magtrabaho ni Mang Reynaldo at marami sa ating mga kababayan. Ano nga ba ang dahilan ng mga kompanyang ilimit ang edad sa 45 na taon?

Para sa kaalaman ng ating mga mambabasa, tinututukan na natin ang isyu ng diskriminasyon bago pa man dumating ang sulat ni Mang Reynaldo.

Naghain tayo ng panukalang batas — ang Senate Bill No. 2122 — na layong labanan ang anumang uri ng diskriminasyon sa lahat ng sektor ng lipunan.

Sa nasabing panukala, isasama natin na alisin ang edad bilang isa sa panuntunan sa paghahanap ng trabaho na ipinatutupad ng mga kompanya.

Kahit ano pa ang edad, basta kaya pang magtrabaho ay dapat bigyan ng pagkakataon para kumita.

Maganda nga ito dahil hindi na magiging pabigat ang ating nakatatandang mamamayan sa kanilang mga kasama sa buhay at makakatulong pa sila sa gastusin sa bahay.

Maliban dito, tututukan din ng ating panukala ang diskrimi­nasyon ukol sa lahi, kasarian, relihiyon at iba pa.

Moderno na ang ating panahon at marami nang nabago pero hanggang ngayon, nagkalat pa rin ang mga mahilig mang-api ng kapwa.

Panahon na upang tapusin ang baluktot na gawaing ito. Samahan ninyo ako sa aking laban kontra diskriminasyon!

 

 

First Published on Abante Online

Scroll to top