filipino heroes

BIDA KA!: Buwan ng mga Bayani

Mga Bida, kilala ang Agosto bilang buwan ng mga bayani.

Sa panahong ito, ginugunita natin ang alaala ng mga bayani na nagbuwis ng buhay para makamit ang kalayaan na ating tinatamasa ngayon.

Sa buwan ding ito, sinasariwa natin ang alaala at mga nagawa ng tatlong tao na itinuturing nating mga bagong bayani dahil sa iniwan nilang tatak sa demokrasya at malinis na pamamahala.

Anim na taon na mula nang pumanaw ang aking tiyahin na si Corazon “Cory” Aquino noong Agosto a-uno, subalit hanggang ngayon, buhay na buhay pa rin ang kanyang alaala sa ating puso’t isipan.

Hindi natin makakamit ang demokrasya na tinatamasa ng kasalukuyang henerasyon kung wala si Tita Cory.

Nagsilbi siyang inspirasyon at lakas ng milyun-milyong Pilipino para tumayo at kalabanin ang diktadurya na namayani sa bansa ng mahigit dalawang dekada.

Kaya naman hanggang sa huling sandali niya sa ating piling, ipinamalas ng buong bansa ang mainit na pagmamahal sa itinutu­ring na ina ng demokrasya.

Inabot ng halos isang araw bago naihatid siya sa kanyang huling himlayan dahil napuno ang mga kalsada ng nagluluksang mga Pilipino.

Marami nga ang nagsasabi na sa inspirasyon niya nabuo ang ating kampanyang “matuwid na daan” para sa ating bayan.

***

Bukas naman, gugunitain natin ang ika-32 taon ng pagpaslang kay Tito Ninoy.

Ang kamatayan niya noong 1983 ang nagtulak sa mga Pilipino na lumabas at labanan ang diktadurya, maghanap ng pagbabago at kumawala sa kuko ng mapaniil na pamahalaan.

Kaya tatlong taon pagkatapos ng kanyang pagkamatay, nakamit ng mga Pilipino ang tunay na kalayaan sa People Power 1.

***

Noong nakaraang Agosto 17, sumakabilang buhay ang isa ko pa pong tiyuhin na si Butz Aquino. 

Naging malaki ang papel ni Tito Butz sa tagumpay ng People Power Revolution noong 1986. Noong una, wala siyang interes na pumasok sa pulitika ngunit nagbago ang kanyang pananaw kasunod ng pagpaslang sa kanyang kapatid na si Ninoy.

Isa siya sa mga nagtatag ng August Twenty-One Movement (ATOM) at Bansang Nagkakaisa sa Diwa at Layunin (BANDILA) at nanguna sa mga rally at martsa kontra sa diktadurya.

Nang pumutok ang EDSA Revolution, isa siya sa mga unang nanawagan sa taumbayan na magmartsa sa EDSA at suportahan ang mga sundalong nag-aklas laban sa diktadurya.

Tapos noong 1987 at 1992, nanalo siya bilang senador at nanungkulan hanggang 1995. Ilan sa mga iniakda niyang batas ay ang Magna Carta for Small Farmers, Seed Act at Cooperative Code of the Philippines, na siyang nagbigay buhay sa mga kooperatiba sa bansa.

Mga Bida, hanggang namatay siya ngayong taon, naging aktibo s’ya sa pagtulong sa mga kooperatiba sa ating bansa. Naniwala s’ya na sa pagtatag ng mga kooperatiba, mas makakamit ang kaunlaran para sa mga pinakanangangailangan.

***

Mga Bida, sa ngayon, hindi na kailangang magbuwis ng buhay para maituring o ‘di kaya’y matawag na bayani. Sa maliit na pamamaraan, kaya nating sumunod sa yapak nina Tito Ninoy, Tita Cory at Tito Butz.

Kailangan lang na tayo’y magtulungan at magkaisa upang isulong ang lalo pang pag-asenso ng bansa para sa lahat ng Pilipino. Maituturing ding kabayanihan ang pagtulong sa kapwa, kahit sa maliit na paraan, sa lahat ng panahon at pagkakataon.

Sa pamamagitan nito, mabibigyan ng kabuluhan ang pagbubuwis ng buhay ng ating mga bayani at maipagpapatuloy natin ang pag-unlad ng ating bayan!

 

First Published on Abante Online

 

 

Scroll to top