Filipino Peacekeepers

BIDA KA!: Saludo sa Peacekeepers

Mga Bida, bumalik na sa bansa noong Linggo ang 84 na sundalong Pinoy na nagsilbing peacekeepers ng United Nations sa Golan Heights.

Pagdating sa airport, isang heroes’ welcome ang iginawad sa kanila ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ipinamalas nilang katapangan habang ginagampanan ang tungkuling panatilihin ang kapayapaan sa nasabing lugar.

Nag-iwan ng magandang tatak sa buong mundo ang mga kababa­yan nating sundalo nang hindi sila matinag sa harap ng nakaambang panganib sa kanilang buhay mula sa mga rebeldeng Syrian.

Patunay ito na hanggang ngayon, nananalaytay pa rin sa ating mga ugat ang katapangan na ipinamalas ng ating mga ninuno sa paglaban sa mga dayuhang mananakop.

Sa kasaysayan, kilala ang mga Pilipino na hindi sumusuko sa anumang laban kahit higante pa ang kalaban.  Tulad ni Lapu-Lapu na buong tapang na nilabanan ang mga Kastila na pinamunuan ni Ferdinand Magellan.

Kasama rin sina Andres Bonifacio at Apolinario Mabini, at iba pang mga bayani na buong tapang na hinarap ang mga mananakop at ibinuwis ang buhay para sa bayan at para sa kalayaan.

***

Sa kaalaman ng lahat, ang mga Pinoy peacekeepers ay may mahalagang papel sa hangarin ng United Nations na panatilihin ang kapayapaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sa huling bilang, nasa 700 military at police personnel mula sa Pilipinas ang nakakalat sa peacekeeping missions sa Cote d’Ivoire, Haiti, India-Pakistan, Liberia at Middle East.

Sa Golan Heights, katuwang ng UN ang mga sundalong Pinoy upang matiyak na nasusunod ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Syria at Israel.

Kung titingnan, parang madali lang ang misyon ng ating mga kababayan sa Golan Heights ngunit nalagay sa bingit ng alanganin ang kanilang buhay nang salakayin ng mga rebeldeng Syrian ang dalawang posisyon ng UN noong Agosto 28.

Agad nailigtas ang ating mga Pinoy peacekeepers sa Position 68 ngunit nagkaroon ng matinding tensiyon sa Position 69 nang mabihag ng mga rebelde ang apatnapu’t apat na sundalong Fiji at hiniling ang pagsuko ng ating mga kababayan.

Inutusan ng commander ng United Nations Disengagement Observer Force ang apatnapung Pinoy peacekeepers na iwagayway ang puting bandila ng pagsuko at ibigay ang kanilang armas sa rebeldeng Syrian.

Ang hindi alam ng commander na wala sa bokabularyo ng mga Pilipino ang salitang pagsuko.  Nanatiling matigas ang ating mga kababayan at nakipagpalitan ng putok sa mga rebelde na aabot sa mahigit isandaan ang bilang sa loob ng ilang oras.

Sa paghupa ng palitan ng putok, hindi pa rin nawalan ng tapang at diskarte ang ating mga sundalong Pilipino. Sa gitna ng mga nagpapahingang mga rebelde, matapang nilang sinuong ang panganib kahit batid na isang maliit na pagkakamali ay katumbas ng kanilang buhay.

Buo ang loob, nagawang dumaan ng ating mga kababayan sa gitna ng panganib hanggang makarating sa ligtas na lugar.

Kapuri-puri ang ipinakitang tapang ng ating mga Pilipinong sundalo at ito’y nararapat na kilalanin at ipagmalaki nating lahat.

Kaya agad kong inihain ang Senate Resolution No. 877 upang papurihan at kilalanin ang ipinakitang katapangan ng ating mga kababayan sa pagtupad ng tungkulin.

Sa panahon kung saan kay hirap maniwalang may kabutihan pa sa bansa dahil sa mga iskandalong nagaganap, mayroon pa rin tayong mga bayaning puwedeng tingalain.

Mula sa mga sundalong nakikipagsapalaran para sa kapa­yapaan, sa mga kabataan at mga social entrepreneur na nasa mga komunidad, sila ay nasa kanayunan, nasa mga lugar na nasalanta ng bagyo, tahimik silang kumikilos at nakikibahagi sa pagbabago na hindi man lang naibabalita sa mga pahayagan.

Sa gitna ng kaguluhang nararanasan natin ngayon, nagsisilbing simbolo ng kabayanihan ang ating Pinoy peacekeepers.

Sila ang ating real life action heroes.

Kilalanin natin sila. Suportahan. Pasalamatan.

Sa ating Filipino peacekeepers, saludo kaming lahat sa inyong katapangan at patuloy kayong magsilbing inspirasyon sa milyun-milyon nating kababayan.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top