BIDA KA!: Libreng tuition sa SUCs nasa plenaryo na
Mga bida, noong Martes, nagbigay tayo ng sponsorship speech para sa Senate Bill No. 1304 o ‘Free Higher Education for All Act’.
Kapag ito’y naisabatas, mabibigyan ng libreng tuition ang mga estudyante sa lahat ng SUCs sa buong bansa.
Nakapaloob sa Senate Bill No. 1304 ang Senate Bill No. 177 na aking iniakda at iba pang mga katulad na panukala na may magkakatulad na layunin para sa ating mga estudyante sa SUCs.
Upang mabigyang diin ang kahalagahan ng panukalang ito, bumuo tayo ng senaryo gamit ang karakter nina Liza, Kathy, Norman at Trisha.
Pagkatapos mag-graduate sa Grade 12, binalak nilang pumasok at mag-aral sa isang SUC upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kani-kanilang pamilya.
Pangarap ni Liza na magtrabaho bilang manager sa isang 5-star hotel sa Singapore kapag nakatapos ng pag-aaral.
Plano naman ni Kathy na kumuha ng kursong engineering, na sa kanyang tingin ay isang magandang trabaho upang makatulong sa gastusin at maiangat sa kahirapan ang pamilya.
Determinado naman si Norman na makatapos ng kursong may kinalaman sa media upang mapagtapos sa pag-aaral ang bunsong kapatid.
Todo naman ang pag-aaral ni Trisha para matupad ang pangarap na maging guro sa isang public school.
Sa ganitong paraan, naniniwala si Trisha na makatutulong para mahubog ang kanilang karakter na magagamit upang maging kapaki-pakinabang na mamamayan ng bansa.
Subalit ang masaklap na katotohanan dito, isa lang sa kanila ang makatatapos ng kolehiyo sa SUC habang ang iba’y magda-dropout, batay na rin sa ulat na nakalap ng ating komite habang dinidinig ang panukala.
Sa ganitong sitwasyon, maaaring isa lang sa apat ang magkakaroon ng tsansang gumanda ang buhay habang nakasabit naman sa balag ng alanganin ang kinabukasan ng tatlong iba pa.
Pangunahing dahilan ng kanilang pagtigil sa pag-aaral ay problemang pinansiyal at kahirapan.
***
Ito ang dahilan kaya ipinupursige natin na maisabatas ang Senate Bill No. 1304.
Sa tulong ng panukalang ito, mas mabibigyan ang mas maraming Pilipino na makatuntong sa kolehiyo at makuha ang inaasam na diploma.
Masuwerte naman at marami sa ating mga kapwa senador ang pabor sa pagsasabatas nito upang mabigyan ng libreng tuition ang 1,645,566 estudyante na kasalukuyang naka-enroll sa iba’t ibang SUCs.
***
Naniniwala ako na malaki ang maitutulong nito upang mabigyan ng katuparan ang pangarap nina Liza, Kathy, Norman at Trisha, pati na ang milyun-milyong iba pang estudyante sa SUCs.
Sa tulong ng makukuha nilang diploma, mabibigyan sila ng pagkakataong makahanap ng magandang trabahong may malaking kita, na makatutulong para maiahon sa hirap ang kanilang mga mahal sa buhay.
Kaya naman walang tigil ang pagsusulong natin ng mga kailangang reporma sa edukasyon na makatutulong sa pag-asenso ng mga Pilipino.
Recent Comments