BIDA KA!: Pinoy freelancers
Mga bida, dumarami na ang freelancers sa buong bansa.
Wala silang mahabang kontrata sa isang kumpanya at nagtatrabaho lang para sa isang partikular na proyekto.
Ang bayad naman nito ay nakadepende sa kasunduan sa pagitan ng freelancer at nagpagawa ng trabaho.
Dahil mas kontrolado ng freelancer ang kanyang oras at kondisyon ng trabaho, marami sa ating mga kababayan ang naeengganyong pumasok bilang freelancer.
***
Kabilang na rito si Marvin, isang freelance professional photographer at video editor.
Bilang freelancer, maraming kumukuha sa serbisyo ni Marvin, mula sa paggawa ng simpleng video o photo coverage sa kasal at iba pang malalaking event.
Maganda man ang bayad bilang freelancer, ngunit inaangal ni Marvin na ilang ulit na rin siyang naloko at hindi nabayaran ng mga kliyente.
May ilang sitwasyon na inabot ng taon bago siya mabayaran kahit tapos na niya ang kanyang bahagi sa kasunduan.
Sa sitwasyon naman ni Paolo, marami siyang nakukuhang kliyente na nagpapagawa ng graphics at iba pang disenyo para sa kanilang kumpanya, website at mga produkto.
Problema naman ni Paolo, may ilang kliyente na nanghihingi ng official receipt na nakukuha lamang sa BIR kung nakarehistro siya bilang isang negosyo.
Nahihirapan siyang makatugon sa maraming requirements ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at dahil doon, kailangan niyang tanggihan ang ibang proyekto at trabaho.
Ang masaklap na karanasang ito nina Marvin at Paolo ay karaniwan nang nangyayari sa mga Pinoy freelancers.
***
Mga bida, ito ang dahilan kung bakit inihain natin ang Senate Bill No. 351 na layong protektahan ang karapatan at kapakanan ng freelancers, ngayong isa na silang lumalaking sektor sa bansa.
Naniniwala ako na ngayong dumarami na ang freelancers sa bansa, nararapat lang na sila’y protektahan ng pamahalaan at tulungan sa mabilis na pagkuha ng kailangang dokumento sa pamahalaan, lalo na sa BIR.
Kapag naisabatas ang panukala, may kapangyarihan na ang freelancers na hingin sa employer ang mga nararapat na bayad at benepisyo sa ilalim ng kanilang kasunduan.
Kapag tumanggi ang employer na bayaran ang freelancer para sa serbisyong ibinigay, maaaring maghain ng reklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE), na puwedeng magpataw ng multa na aabot sa P250,000 kapag napatunayang hindi tumupad sa usapan ang isang panig.
May dagdag pang multa sa bawat araw na nabigong bayaran ng employer ang freelancer. Magkakaroon din ng karapatan ang freelancer na magsampa ng civil case upang mahabol ang bayad para sa kanyang serbisyo.
Layon ng panukala na gawing simple para sa freelancers ang proseso pagdating sa pagpapatala sa BIR at gawin na lang itong taunan.
Mabibigyan din sila ng tax exemption sa unang tatlong taon kung ang kanilang taxable income at hindi lalampas sa P300,000 at 10 porsiyento kung ang taxable income naman ay nasa pagitan ng P300,000 hanggang P10 milyon bawat taon.
***
Kung hindi natin bibigyan ng karampatang suporta ang sektor na ito, sayang ang oportunidad, lalo na ang pagkakataong mabigyan ng kabuhayan ang marami nating kababayan.
Oras nang tulungan natin ang mga kababayan nating freelancers na umasenso!
Recent Comments