BIDA KA!: We Generation
Mga Bida, nakakalungkot mang banggitin pero tinagurian nang “me generation” ang ating mga kabataan sa kasalukuyan.
Ito’y dahil sa tingin na karamihan sa kanila ay puro na lang selfie, gimik, video games at party na lang ang ginagawa at wala nang pakialam sa pagpapaunlad ng bansa.
Ito rin ang ipinintang imahe sa mga kabataan sa mga pelikula at babasahing tumatak nang malalim sa isipan ng karamihan.
Ngayon, kahit maganda ang intensyon sa pagtulong ay nahihirapan na ang mga grupo ng kabataan na burahin ang itinatak sa kanila ng lipunan.
Ngunit hindi ito naging hadlang para sa maraming grupong kabataan na maglunsad ng mga programa para sa kapakanan ng kapwa at kaunlaran ng bayan.
***
Halimbawa na lang nito ang Gualandi Volunteer Service Program, Inc., isang non-government organization ng mga kabataan na nakabase sa Cebu City.
Ito ay binuo ng ilang mga kabataan noong 2005 upang isulong ang kapakanan ng mga kababayang may kapansanan sa pandinig.
Maliban dito, pinangungunahan din ng grupo ang laban kontra sa pang-aabuso sa mga kabataan na walang kakayahan para maipagtanggol ang sarili.
Sa ilalim ng programang Break the Silence Network Project, tinutulungan ng grupo ang mga bata at kababaihang biktima ng pang-aabuso.
Itinataguyod din ng grupo ang pagsusulong sa Filipino Sign Language (FSL) bilang pambansang sign language ng mga kababayan nating may depekto sa pandinig.
Bilang suporta, ako’y naghain ng Senate Bill No. 2118 o Filipino Sign Language (FSL) Act of 2014, na kapag naisabatas ay magtatakda sa FSL bilang opisyal na wikang gagamitin ng pamahalaan sa lahat ng transaksyon sa mga kababayan nating bingi.
***
Magandang halimbawa rin ang ipinakita ng TC Youth Laboratory Cooperative (Mindanao), na nakabase naman sa Tagum City.
Apat na taon na ang nakalipas, sinimulan ng grupo ang proyektong “Financial Literacy for Youth Program” kung saan nag-ikot sila sa mga paaralan sa Tagum City upang turuan ang mga estudyante ng kaalaman ukol sa financial literacy at hinikayat silang sumali sa kooperatiba.
Nagsimula ang TCYLC na mayroong 48 miyembro na may P8,000. Sa ngayon, mayroon na silang mahigit 1,000 miyembro na may mahigit P2.4 milyon.Ang programang ito ng TCYLC ay isa sa naging inspirasyon ko sa paghahain ng Youth Entrepreneurship Act, kung saan itinuturo sa mga kabataan ang kaalaman sa tamang pagba-budget, pagtitipid, pag-i-invest at iba pang kasanayan sa financial literacy.
Kahanga-hanga ang ginawa ng dalawang grupong ito dahil hindi sila nagpapigil sa kanilang hangaring makatulong sa kapwa sa kabila ng malaking pagsubok.
***
Hindi man napansin ng karamihan sa lipunan ang kanilang nagawa, nabigyang halaga naman ang kanilang mga pagsisikap nang mapabilang sila sa mga nagwagi sa 11th Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) Awards noong 2013.
Maliban sa dalawa, kabilang din sa mga nagwagi noong nakarang taon ay ang Association of Locally Empowered Youth-NM sa Initao, Misamis Oriental, Hayag Youth Organization sa Ormoc City, Leyte, Kawil Tours sa Coron, Palawan, Tanay Mountaineers sa Rizal, Tulong sa Kapwa Kapatid sa Culiat, Quezon City, United Architects of the Philippines Student Auxiliary Foundation University Chapter sa Dumaguete City, Negros Oriental, at University of San Carlos-Pathways at Volunteer Service Provider sa Mandaue City, Cebu.
Tulad nila, mabibigyan din ng pagkakataon ang iba pang youth organizations na makilala ang kanilang ambag sa lipunan ngayong bukas na ang pagpapatala para sa TAYO 12 na tatagal hanggang September 30.
Ang pagpapatala ay bukas sa lahat ng mga grupo at organisasyon na binubuo ng 15 o higit pang miyembro na may edad 15 hanggang 30 taon.
Maaaring magsumite ang mga interesadong grupo ng katatapos o nagpapatuloy na programa o ‘di kaya’y entry na nakumpleto na o ang malaking bahagi ay tapos na bago ang deadline.
Ang mga sumusunod na pamantayan ay gagamitin sa pagpili: 1 Bigat ng proyekto sa stakeholders; 2. Pagpapalakas ng diwa ng volunteerism at citizenship; 3. Pagiging malikhain at kakaiba, 4. Sustainability ng proyekto; at 5. Ang mainam na paggamit ng mga resources.
Para sa mga nais sumali, ang iba pang impormasyon at ang online entry form ay makikita sa www.tayoawards.net. Para sa katanungan, maaaring mag-text sa TAYO Secretariat sa 0917 TXT-TAYO (898-8296) o mag-e-mail sa tayo.secretariat@gmail.comThis email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. .
Para sa kabatiran ninyo mga Bida, ang TAYO Awards ay sinimulan noong 2002 ng inyong lingkod at ni dating senador at ngayo’y agriculture czar Kiko Pangilinan.
Sa mga nakalipas na taon, mahigit 2,000 youth organizations mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang lumahok sa nasabing parangal.
Nais ninyo bang mapabilang sa hanay ng “we generation”? Sali na!
First Published on Abante Online
Recent Comments