GNP

BIDA KA!: Biyaheng New Zealand

Mga Bida, ang trabaho ng mambabatas ay hindi lang limi­tado rito sa ating bansa. Minsan, kailangan din naming magtungo ng ibang bansa upang makakuha ng bagong ideya at programa na makatutulong sa pag-unlad ng ating mga kababayan.

Kaya kamakailan, ­nagtungo ako sa dalawang bansa, hindi para magbakasyon, kundi para pag-aralan ang galaw ng maliliit na negosyo roon at maikumpara sa sistemang umiiral sa ating bansa.

Una kong pinuntahan ang New Zealand at bumisita sa mga kumpanya ng kape, tsokolate, peanut butter at ice cream na pawang pag-aari ng maliliit na negosyante roon.

Sa pagdalaw ko sa lokal na kumpanya ng kape, na tinatawag na Mojo Coffee, napag-alaman ko na kahit ito’y ­maliit at tubong New Zealand, kaya niyang makipagsabayan sa ­higante at sikat na Starbucks.

Sa Wellington nga na siyang kabisera ng New Zealand, mas marami na ang branches ng Mojo Coffee kaysa sa Starbucks. Totoo nga ang kasabihang maliit nga pero nakaka­puwing naman.

Dinalaw ko rin ang isang kumpanyang gumagawa ng ­peanut butter na pag-aari ng isang abogado.

Hilig niya ang paggawa ng peanut butter at napagdesisyunan niyang magtayo ng isang negosyo.

Mga Bida, parang sari-sari store sa atin ang kanyang tindahan dahil sa isang bintana lang siya nagtitinda ng kanyang peanut butter, ngunit patok na patok ito.

Sa pagpasok ko naman sa isang chocolate company, lalo kong ipinagmalaki ang pagiging Pilipino nang malaman ko na kumukuha sila ng cacao mula sa Pilipinas sa paggawa ng iba’t ibang uri ng produktong tsokolate.

Nakilala ko rin ang isang dating IT professional na umalis sa kanyang trabaho matapos ang 25 taon para magtayo ng sari­ling tindahan ng ice cream malapit sa tila baywalk nila roon.

Ang maganda sa mga ito, tagumpay ang kanilang mga negosyo kahit pa walang nakukuhang anumang suporta mula sa pamahalaan, maging pautang, training o kahit pagko­nekta man lang sa merkado.

Anila, nabubuhay sila sa suporta ng kanilang mga kaba­bayan na walang sawang tumatangkilik sa kanilang de-kalidad na produkto kahit pa medyo may kamahalan.

***

Sa pag-iikot kong ito, namulat ang aking mga mata sa ilang bagay.

Kahit walang suporta mula sa pamahalaan, kayang-kaya mabuhay at umasenso ng maliliit na negosyo basta’t tinatangkilik lang ng publiko.

Isa pa, handang magbayad at bumili ang publiko kahit mahal ang presyo, basta’t maganda ang kalidad ng produkto.

Kaya itong maipatupad sa Pilipinas ngunit marami pang kailangang gawin at baguhin bago ito maging matagumpay.

Una na rito ang pagbabago ng kaisipan ng taumbayan. ­Natatak na kasi sa mga Pilipino na basta’t gawa ng maliit na negosyante, mababa ang kalidad.

Kaya dito lumilitaw ang tinatawag na colonial mentality o pagtangkilik sa mga produktong galing ibang bansa sa pag-aakalang matibay ang mga ito.

Hindi rin natin masisi ang maliliit na negosyante sa sitwasyong ito. Kailangang mura ang kanilang produkto upang manatiling buhay. Nasasakripisyo tuloy ang kalidad.

Ito ang malaking hamon para sa atin. Dapat magsikap na pagandahin ang kalidad ng produkto upang mabigyang katwiran sakaling mas mahal man ang benta nito.

Sa huli, makikita ng mamimili na sulit ang kanilang ibi­nayad kung maganda at matibay ang kalidad ng nabiling produkto.

Sa pamamagitan ding ito, makukumbinsi natin na tangkilikin ang ating mga sariling produkto kung ito’y mas matibay kumpara sa gawang abroad.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top