NEGOSYO, NOW NA!: Negosyong palamuti
Mga Kanegosyo, sa pagdalo ko sa iba’t ibang trade fair at pagbubukas ng Negosyo Center, isa sa mga napansin kong patok na negosyo ay ang mga lokal na fashion accessories kung saan nakikita ang pagiging malikhain ng mga Pilipino.
Natutuwa akong makita na maraming kababayan na natin ang umasenso sa paggawa ng iba’t ibang disenyo ng bracelet, kuwintas, hikaw, at iba pang uri ng palamuti.
Kahit nga misis ko, naaaliw sa pagbili ng mga fashion accessories na produkto ng iba’t ibang mga papausbong na negosyo sa bansa.
Isa sa mga ito si Gladys Sharon Estes sa isang dayuhang kompanya sa Subic, Zambales.
Bago nagnegosyo, si Gladys ay empleyado ng isang dayuhang kompanya sa lalawigan.
Bahagi ng kanyang trabaho ang magsuot ng magagarang kasuotan, lalo na kung humaharap sa mga kliyente at iba pang mga katransaksiyon ng kompanya.
Isang araw, natanong ni Gladys sa sarili kung bakit siya gumagastos ng libu-libo para sa accessories gayong puwede naman siyang gumawa ng sarili niyang mga palamuti.
Mula noon, nabuo na ang pangarap ni Gladys na magtayo ng negosyo na may kinalaman sa paggawa ng fashion accessories.
Nais niyang kilalanin ang negosyo bilang pangunahing gumagawa ng fashion jewelry, fashion accessories at custom design souvenir items sa bansa.
Kasama ang asawang si Gerald, nagsimulang gumawa at magbenta si Gladys ng handmade accessories sa isang beach resort malapit sa kanilang tahanan sa tulong ng puhunang P5,000.
Sinabayan ito ng kanyang asawa ng paggawa ng woodcrafts na isinama niya sa mga ibinebentang fashion accessories.
Sa paglipas ng mga araw, unti-unti nang dinagsa ng mga turista, maging Pinoy man o dayuhan, ang kanyang maliit na tindahan.
Kahit napakarami nang tanong mula sa mga dayuhang bisita, naglaan si Gladys ng panahon upang sila’y kausapin at ipaliwanag ang kanyang mga ibinebentang produkto.
***
Dahil sa magaganda nilang produkto, na sinamahan pa ng maayos na pakikitungo sa mga customer, kumalat ang balita ukol sa negosyo ni Gladys.
Kasabay ng pagdagsa ng mga customer, dinagdagan din ni Gladys ang kanyang mga produkto. Sinamahan na niya ito ng freshwater pearls, chip stone turquoise, jade, at gemstones.
Dahil lumalaki na ang negosyo, naisip ni Gladys na bigyan na ito ng pangalan at iparehistro na sa Department of Trade and Industry (DTI). Nagtungo si Gladys sa Negosyo Center sa Olongapo City upang magpatala ng pangalan sa kanyang negosyo.
Naglagay na rin si Gladys ng sangay sa labas ng Royal Duty Free sa Subic Bay Freeport Zone. Sa kasalukuyan, ito’y gumagawa ng handcrafted fashion accessories tulad ng bracelets, hikaw, kuwintas at anklets.
Maliban dito, mayroon din silang mga produktong gawa sa kawayan, niyog at kahoy, gaya ng frame, pencil holder, at table lamp.
***
Maliban sa pagtulong sa pagpaparehistro, hinikayat din siya ng Negosyo Center na sumali sa Gawang Gapo isang livelihood program para maitaguyod ang mga produktong gawa sa siyudad ng Olongapo.
Dahil dito, nabuksan ang iba pang oportunidad para sa kanyang negosyo. Inalok siya ng DTI at Department of Tourism ng tulong para makasali sa trade fairs.
Habang tumatagal, nadadagdagan ang mga pagkakataon upang makilala pa ang kanyang produkto at negosyo.
Ngayon, kumikita na sila ng P20,000 hanggang P30,000 kada buwan, hindi pa kasama rito ang kita niya sa trade fairs at iba pang event.
***
Dahil unti-unti nang lumalaki ang kanyang negosyo, nadadagdagan ang kanyang mga responsibilidad.
Ngunit kalmado lang si Gladys dahil alam niyang naririyan lang ng DTI at Negosyo Center para tulungan siyang harapin ang mga darating na pagsubok at problema.
***
Higit sa 500 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador.
Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad, at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments