NEGOSYO, NOW NA!: Pagtatanim ng tubo at Internet shop
Mga kanegosyo, kilala si Pasencia Iglesia o Nanay Pasing bilang masipag at tapat na Barangay Kagawad sa Brgy. Banay-Banay, Bayawan City, Negros Oriental.
Sa Negros Occidental isinilang si Nanay Pasing ngunit lumipat sa Negros Oriental nang nasa ika-apat na baitang na siya sa elementarya.
Doon na rin natapos ni Nanay Pasing ang high school bago niya nakilala ang mister na si Jonnary.
Upang mabuhay ang apat nilang anak, nagnegosyo ang mag-asawa ng baboy at nagtanim ng tubo, na siyang pangunahing pananim ng Negros.
Naging maayos naman ang takbo ng negosyo ng mag-asawa ngunit noong 2007, matinding pagsubok ang tumama sa kanilang pamilya at kabuhayan.
Matinding tagtuyot o El Niño ang tumama noon sa rehiyon, na nakaapekto nang husto sa kanilang tubuhan.
Sinikap nilang isalba ang mga pananim subalit karamihan sa mga ito ay hindi na napakinabangan dahil natuyo sa sobrang init.
Sa una, sinubukan munang manghiram ng mag-asawa sa buyer ng kanilang tubo para maisalba ang kabuhayan.
Makalipas ang isang taon, naibangon ng mag-asawa ang negosyo at nabayaran ang lahat ng kanilang utang.
***
Makalipas ang ilang taon, muli na namang nalagay sa alanganin ang tubuhan ni Nanay Pasing nang magkulang ang pambili nila ng abono.
Eksakto naman na kabubukas lang ng CARD sa kanilang lugar at inanyayahan siyang sumali ng kaibigan.
Dahil sa ganda ng patakaran, maliban pa sa iba’t ibang benepisyo gaya ng tulong sa pagpapa-aral sa kanyang mga anak, nahikayat si Nanay Pasing na sumali.
Ginamit ni Nanay Pasing ang nahiram na pera bilang pambili ng abono, na siyang muling nagbigay daan sa pagbangon ng kanilang negosyo.
***
Napansin din ni Nanay Pasing ang problema ng kanyang anak sa pag-aaral dahil walang computer shop sa kanilang lugar.
Kailangan pang dumayo ng kanyang anak sa ibang barangay para makagawa ng assignments sa paaralan.
Naisipan ni Nanay Pasing na magtayo ng Internet shop sa kanilang lugar. Sa tulong ng pautang ng CARD, naumpisahan niya ang maliit na computer shop sa kanilang barangay.
Kamakailan lang, nagdagdag pa si Nanay Pasing ng labinlimang computer sa shop na pinatatakbo ng anak na si Joy.
Sa tulong ng CARD, nagsimula na rin ang pagpapatayo sa isa pang negosyo ng mag-asawa — ang Muscovado Milling, na makatutulong sa pagpapalakas ng kanyang negosyong tubo.
Mula sa pagtatanim ng tubo hanggang sa kanilang Internet shop, naging katuwang ni Nanay Pasing ang CARD sa paglalakbay tungo sa pag-asenso.
***
Itinuturing na pinakamalaking microfinance institution sa bansa, nagpapautang ang CARD-MRI ng puhunan sa mga nais magsimula ng negosyo nang walang kolateral at sa mababang interes.
Mayroon na silang iba’t ibang sangay sa Pilipinas, na makikita sa kanilang website na www.cardmri.com at www.cardbankph.com.
***
Ang Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act ang kauna-unahang batas ko bilang senador noong 16th Congress. Layunin nito na maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments