go negosyo

NEGOSYO, NOW NA!: Pambansang Sanglaan

Mga Kanegosyo, isa sa mga takbuhan ng mga kababayan tuwing nangangailangan ay ang sanglaan.

Dito, maaari tayong makautang kapalit ng ating alahas, gaya ng singsing, kuwintas, hikaw at relo, bilang sangla.

Isa sa mga kilalang sanglaan sa bansa ay ang Cebuana Lhuillier na mayroon nang 1,800 sangay sa buong Pilipinas.

Ang may-ari nito na si Philippe J. Lhuillier ay lumaki sa industriya ng sanglaan. Ang kanyang ama, si Henry Lhuillier, ay gumawa ng marka sa nasabing negosyo nang itatag niya ang Agencia Cebuana sa Cebu noong 1953.

Habang nag-aaral, maraming oras din ang ginugol ni Philippe sa sanglaan ng kanyang ama. Inaral niya ang lahat ng trabahong may kaugnayan dito, mula sa paglilinis ng alahas, vault custodian at counter supervisor.

Sa matagal niyang paglalagi sa sanlaan, natutunan niyang pahalagahan ang negosyo ng ama.

Nang magtapos sa kursong Management noong 1968, sumunod siya sa yapak ng ama at binuksan ang unang sangay ng Agencia Cebuana sa Libertad, Pasay.

Sa gitna ng kaguluhan sa bansa noong dekada sitenta at otsenta, nadagdagan pa ang kanyang mga sanglaan.

Noong 1987, naging pambansa na ang kanyang negosyo, na kanyang binigyan ng bagong pangalan – Cebuana Lhuillier.

Ito ay nagsisilbi sa halos 100,000 customer bawat araw sa lahat ng sangay nito.

***

Bitbit ang aral na natutunan sa ama, tinitiyak niya na ang serbisyo sa customer ay sinasamahan ng totoong pagkalinga sa nangangailangan.

Sinamahan niya ang sanglaan ng iba’t ibang serbisyo para sa mga nagsasangla, tulad ng Renew Anywhere, kung saan puwede nang mag-renew ng transaction saan mang sangay ng Cebuana Lhuillier.

Ngayon, kilala rin ito bilang one-stop shop na nagbibigay ng maraming serbisyo, gaya ng international at domestic remittance service, micro-insurance, rural bank, foreign exchange, bills payment at e-load service.

Maliban sa pawnshop, sinimulan na rin niya ang iba pang negosyo, gaya ng hotel, paggawa ng alahas, information technology, at kalusugan.

***

Malayo na talaga ang narating ng Cebuana Lhuillier.

Ngunit ayon kay Philippe, isa lang ang hindi nagbago sa kanyang negosyo – ang totoong kalinga sa mga customer na sinimulan ng kanyang ama ilang dekada na ang nakalipas.

Aniya, walang halaga ang pagiging matagumpay na negosyante kung babalewalain mo ang pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo sa customer na nangangailangan ng agarang tulong.

Ang marka ng tunay na negosyo ay ang pagbibigay ng magandang serbisyo at ang papasok na kita ay siyang resulta nito.

NEGOSYO, NOW NA!: Big ‘Splash’ sa Merkado

Mga Kanegosyo, sino ba ang mag-aakala na ang isang kick-out sa paaralan ay makakapagbuo ng isang negosyo na ngayo’y nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso?

Muntik nang hindi matupad ni Roland Hortaleza ang pangarap na maging duktor nang paalisin siya ng isang paaralang nakabase sa Morayta dahil sa mababang grade sa kanyang pre-medical course.

Lumipat si Roland sa kalapit na paaralan at tinapos ang pre-medical course bago tuluyang nakuha ang diploma bilang duktor.

Pumasok siya sa larangan ng ophthalmology upang makatulong bigyan ang kanyang pasyente ng mas malinaw na paningin.

Pero para sa kanya, malabo ang kanyang hinaharap bilang duktor.

***

Kung pamilyar kayo sa apelyidong Hortaleza, dahil noong dekada otsenta ay pumatok ang kanilang negosyong, “The Original Hortaleza Vaciador and Beauty Supplies”.

Sa kanilang pitong sangay, makakabili ng gamit pampaganda, lalo na ang pang-manicure gaya ng acetone at nail polish.

Dahil madalas siyang nagpupunta sa tindahan noon para maghatid ng pagkain sa kanyang mga magulang, nagkaroon siya ng interes na gumawa ng sariling acetone.

Gamit ang puhunang P12,000 at sa tulong ng kanyang asawa, nagtitimpla at nagre-repack sila ng acetone sa mga bote at ibinebenta sa mga tindahan ng Hortaleza.

Nang mauso ang spray net, isa sa mga naunang nagbenta ng lokal na bersiyon nito ang Hortaleza.

Subalit napansin ni Roland na nasa bote lang ang ibinebentang spray net kaya nagpasya siyang ilagay ito sa magandang lalagyan o iyong deo-hair spray at ibenta ito sa mas murang halaga.

Pumatok sa merkado ang ibinentang hair spray ng Hortaleza. Dahil tumaas ang demand, nagpasya si Roland na palitan ang pangalan nito. Doon na isinilang ang “Splash”.

Maliban sa hair spray, pinasok din ng Splash ang merkado ng skin cleanser, na dominado noon ng isang produkto na may mukha ng sikat na aktres.

Upang makaagaw atensiyon, gumawa ang Splash ng produkto na may avocado at pipino, na agad namang pumatok sa mga mamimili.

Sa patuloy na paglaki ng kumpanya, dumating ang panahon na kailangan nang pagandahin niya ang sistema.

Hinawakan ng kanyang asawa ang pinansiyal na aspeto ng negosyo habang si siya naman ay nag-aral ng Management Program sa Estados Unidos upang epektibong mapatakbo ang kumpanya.

***

Ngayon, ang Splash Corporation na ang pinakamalaking negosyong Pilipino sa bansa pagdating sa personal care products.

Ayon sa kanila, kung minsan, ang tagumpay sa negosyo ay hindi nakikita sa mga bagay na ating gusto. Wala sa hinagap na papasukin nila ang ganitong larangan.

Ngunit napukaw ang kanilang interes nang makakita siya ng pagkakataong puwedeng pagkakitaan, tulad ng acetone, spray net at facial cleanser.

Maliban dito, mahalaga rin daw na may matinding determinasyon upang magtagumpay sa negosyo na pinasok.

Sa tulong ng determinasyon, malalampasan ng sinumang negosyante ang mga kabiguan na kanyang sasapitin sa biyahe tungo sa tagumpay.

Kaya naman, malaking “Splash” ang nilikhang negosyo ng mag-asawang Hortaleza sa merkado.

NEGOSYO, NOW NA!: Bagong Tulong sa Negosyante

Mga Kanegosyo, umiinit ang pulitika sa bansa ngayong nagsimula na ang kampanya para sa mga national positions, kabilang ang pagka-pangulo, pangalawang pangulo at mga senador.

Kasabay nito, natuon na rin ang halos buong atensiyon ng taumbayan sa mga kandidato at sa mga isyu at kontrobersiya na kanilang nililikha, na minsa’y wala namang naidudulot na maganda sa bansa.

Kaya naman halos walang nakapansin nang naisabatas ang isa sa mga panukala na isinusulong ng inyong lingkod para sa maliliit na negosyante sa bansa.

Ito ay ang Credit Surety Fund (CSF) Cooperative Act, na ngayo’y kilala na bilang Republic Act 10744.

***

Mga Kanegosyo, ilang ulit na nating nabanggit sa kolum na ito isa sa malaking hadlang na kinakaharap ng mga nais magnegosyo ay ang kawalan ng pagkukunan ng pautang para gamiting puhunan.

Sa kasalukuyan, may microfinance institutions (MFIs) na nagpapautang mula P5,000 hanggang P150,000 para sa maliliit na negosyo gaya ng sari-sari store.

Para naman sa mga medium at large na negosyo, naririyan ang malalaking bangko na nagpapautang ng higit sa limang milyong piso.

Subalit, iilan lang ang nagpapautang sa gitna ng mga ito, ang mga small entrepreneurs na nangangailangan ng puhunang naglalaro mula P200,000 hanggang P5 milyon para makapagsimula ng sariling negosyo.

May iilang financing institutions na nagbibigay ng pautang para sa mga negosyanteng ito, ngunit ito’y nangangailangan ng kolateral, na kadalasan ay titulo ng lupa.

Subalit kakaunti lang ang kumukuha ng nasabing loan sa bangko dahil karamihan sa ating mga negosyante sa estadong ito ay wala pang kolateral na ibibigay bilang garantiya.

Ito ang tinatawag “missing middle”, na layong tugunan ng Republic Act 10744.

***

Itinatakda ng batas na magtulungan ang lokal na pamahalaan, Bangko Sentral ng Pilipinas, Cooperative Development Authority, mga kooperatiba at mga government financing institutions (GFIs).

Magsama-sama sila para bumuo ng paunang pondo kung saan maaari itong gamitin na miyembro ng kooperatibang kasamang bumuo ng paunang pondo bilang alternatibong garantiya para sa uutanging puhunan sa bangko.

Sa tulong nito, puwede nang mangutang ang ating mga negosyanteng nangailangan ng kolateral.

Kailangan lang na ang negosyante na nais gumamit nito ay kabilang sa kooperatibang bumuo ng paunang pondo.

Inaalay ko ito sa aking namayapang tiyuhin na si dating senador at congressman Agapito “Butz” Aquino, na siyang ama ng kooperatiba sa Pilipinas.

Mga Kanegosyo, ito na po ang ikawalong batas ng inyong lingkod sa ating unang tatlong taon sa Senado. 

Ang Credit Surety Fund Cooperative Act ay bahagi ng ating pangakong tutulungan ang ating maliliit na negosyante para mapalago nila ang kanilang kabuhayan at makapagbigay na dagdag na trabaho sa ating mga kababayan.

NEGOSYO, NOW NA!: Kalabaw lang ang Tumatanda

Mga Kanegosyo, may ilan tayong kakilalang nais magsimula ng negosyo ngunit nag-aalala dahil sa kanilang edad.

Iniisip nila na baka maging dahilan ang kanilang katandaan para magpatakbo o magsimula ng isang negosyo.

Ika nga ng sikat na kanta, “It’s never too late to start all over again.”

Sa mga ganito ang pananaw, nais nating ibahagi sa inyo ang kuwento ni Julie Gandiongco, may-ari ng sikat na Julie’s Bakeshop.

Ngayon, halos kabi-kabila na ang makikita nating sangay ng Julie’s Bakeshop. Mayroon pa itong mga nag-iikot na tindero na nakasakay ng sidecar na naglalaman ng iba’t ibang uri ng tinapay.

***

Alam ninyo ba, mga Kanegosyo, sa edad na limampung taong gulang sinimulan ni Julie ang kanyang negosyo sa Cebu.

Ngunit bago rito, siya ay tumulong sa asawang si Diegs para magpatakbo ng plantasyon ng tubo ng kanilang kamag-anak sa Leyte.

Dahil maliit ang kita, nagpasya si Diegs na magtrabaho sa isang softdrinks factory habang si Julie naman ang nagsilbi niyang tagabantay ng imbentaryo at benta.

Sa hirap ng buhay, nagpasya silang bumalik sa Cebu at doon nagsimula si Julie ng maliit na tindahan at patahian ng damit.

Ngunit dahil hindi pa rin sapat ang kinikita, nagpasya si Julie na magsimula ng canteen sa isang factory ng rattan.

Isa sa mga mabiling produkto sa canteen ni Julie ay tinapay, na kanyang kinukuha pa mula sa ibang bakery.

Kaya isang panadero ang nagmungkahi na siya na mismo ang gumawa ng tinapay para hindi na magbiyahe pa.

Sa tulong ng panadero, nagsimula silang gumawa at magbenta ng tinapay. Dito na nagsimula ang Julie’s Bakeshop, na nagbukas noong 50 anyos na si Julie.

***

Dahil pumatok na ang bakery, nagpasya si Julie na itigil na ang operasyon ng canteen at tutukan na lang ang bagong negosyo.

Sa kabila ng kanyang edad, mismong si Julie ang tumutok sa operasyon ng unang branch na kanyang binuksan sa Wireless, Mandaue City.

Mula sa supply ng harina, itlog at iba pang pangangailangan, tiniyak niyang sapat na ito upang hindi mabitin sa kanilang order.  

Nang madagdagan na ang sangay ng bakeshop, kinailangan na niya ng tulong mula sa iba pang miyembro ng pamilya. Ang kanyang mga anak noon ay may sari-sariling trabaho ngunit nagpasyang tulungan ang kanilang mga magulang sa negosyo.

Mga Kanegosyo, hindi naman sila nagkamali ng desisyon dahil ang Julie’s Bakeshop sa kasalukuyan ay may halos 500 sangay na sa iba’t ibang bahagi ng bansa!

***

Sa edad na 75, ipinaubaya na ni Julie ang pagpapatakbo ng kanyang negosyo sa mga anak. Ginagamit na lang ni Julie ang kanyang oras sa 22 apo at pagbiyahe sa iba’t ibang lugar kasama ang asawang si Diegs.

Kung nagpatalo lang si Julie sa kanyang edad noon, hindi niya sana mararanasan ang ganitong tagumpay.

***

Tulad ni Julie, hindi tayo dapat mag-alala sa ating edad. Habang kaya pa natin, simulan ang pinapangarap na negosyo.Tandaan, kalabaw lang ang tumatanda!

NEGOSYO, NOW NA!: Negosyong Internet Shop

Mga Kanegosyo, itutuloy po natin ngayong linggo ang pagsagot sa mga katanungan na pumapasok sa ating e-mail at Facebook accounts.

Tayo po’y natutuwa sa dami ng mga pumapasok na katanungan sa ating e-mail na nagpapahayag ng interes na magtayo ng negosyo.

Ito po ang ating matagal nating isinusulong, bago pa man tayo maging senador. Nais nating mabigyan ng pagkakataon ang lahat na magkaroon ng sariling negosyo para sa kanilang ikabubuhay.

Naririto ang isa pang tanong na pumasok sa aming e-mail:

***

TANONG: Kanegosyong Bam, good morning po.  Nais ko po sanang magtanong tungkol sa mga pautang ninyo para sa negosyo. Ako po ay dating OFW sa Doha, Qatar at umuwi ako ng Pilipinas last 2009.  

Nagtayo ako ng piggery ngunit hindi nag-success dahil sa kalamidad o bagyo na humagupit sa probinsiya namin.

Sa ngayon po gusto ko sanang magsimula ng maliit na computer shop para naman makatulong ako sa pag-aaral ng mga anak ko.  Sana po ay matulungan ninyo ako.

Maraming Salamat po. Gumagalang, Arnel

***

SAGOT: Arnel, bilang tugon sa iyong katanungan ukol sa pagtatayo ng isang Internet shop, ilang beses ko nang nabanggit dito na sa pagtatayo ng negosyo, ang unang dapat tingnan ay ang lokasyon kung saan ito ilalagay.

Kung Internet shop ang balak mong itayo, maganda itong ilagay sa mataong lugar na mayroong malaking pangangailangan para rito, lalo na kung malapit ito sa paaralan.

Ngunit sa aking pagkakaalam, may mga regulasyong sinusunod ang isang Internet shop kung ito’y ilalagay mo malapit sa isang paaralan, lalo na pagdating sa oras ng pagpapapasok ng estudyante.

Pagdating naman sa puhunan, may ilan tayong tanggapan o grupo na maaaring lapitan para mautangan ng gagamiting kapital sa pagsisimula ng Internet shop.

Bilang isang OFW, maaari kang lumapit sa Land Bank dahil mayroon silang tinatawag na OFW Reintegration Program (OFW-RP).

Ito’y isang loan program para sa OFWs upang sila’y mabigyan ng alternatibong pagkakakitaan upang hindi na muling mangibang-bansa.

Sa programang ito, maaari kang mangutang ng minimum na P300,000 hanggang P2 milyon.

Para sa dagdag na impormasyon, maaari mo silang tawagan sa 405-7146 at 551-2200 local 2655.

***

May isa pang tanggapan na nagbibigay ng iba’t ibang klase ng pautang at ito ay ang Small Business Corporation (SBC).

Nagbibigay ang SBC ng pautang sa micro, small and medium-sized enterprises (MSME) sa pamamagitan ng Credit Delivery Strategy.

Sa ganitong paraan, iniaakma ng SBC ang pautang batay sa potensiyal ng isang negosyo na lumago, mula sa magiging micro patungong small hanggang medium.

Matatagpuan ang kanilang tanggapan sa 17th at 18th Floors, 139 Corporate Center, 139 Valero St., Salcedo Village, Makati City. Puwede rin silang tawagan sa 751-1888 para sa detalye.

***

Ang isa pang korporasyon na nagbibigay ng pautang sa SMEs ay ang

Negosyong Pinoy Finance Corporation (NPFC).

Nagsimula ang kanilang operasyon sa Rizal ngunit lumaki na ang kanilang sakop at tumutulong na sa MSMEs sa Metro Manila, Region 2, Region 3, Region 4A at Region 7.

Ang tanggapan ng Negosyong Pinoy ay nasa 6th Floor Semicon Bldg. Marcos Highway, Brgy. Dela Paz, Pasig City. Maaari rin silang tawagan sa 358-5779. 

Sana’y magtagumpay ang iyong Internet shop!

NEGOSYO, NOW NA!: Q&A ng Kanegosyong OF

Mga Kanegosyo, muli nating sasagutin ang mga tanong na ipinadala ninyo sa amin sa aming e-mail at social media sites.

Ito’y bahagi ng ating adhikain at pangako na sisikapin nating matulungan kayo sa pagtatayo ng negosyo.

Naririto ang ilan sa mga tanong na pumasok sa ating e-mail. Hindi na po natin babanggitin ang kanilang pangalang bilang pag-iingat.

***

Isang mapagpalang araw sa inyo, Kanegosyong Bam!

Isa po ako sa mga masugid na sumusubaybay sa iyong makabuluhang kolum. Ang sarap basahin ng mga naibabahagi ninyong mga tagumpay ng ating mga kababayan.

Sa kabila ng hirap at sakripisyo nila ay laging naka-agapay ang tagumpay. Sa mga tiis at paghihintay ay darating ang tamang panahon ng tagumpay.  Ako po ay OF na nakabase dito sa Doha, Qatar ng halos walong taon na.

Nais ko po sanang malaman ang mga training schedule ninyo sa parteng Maynila o sa siyudad ng Quezon para maibahagi ko sa aking mga anak na ngayon ay nag-aaral sa kolehiyo.

Hihikayatin ko sila na makibahagi sa inyong mga pagsasanay at naniniwala po ako na malaki ang maitutulong ng inyong adbokasiya sa kaalaman ng aking mga anak at sa mga kabataang Pilipino sa larangan ng pagnenegosyo.

Mayroon po akong kaunting ipon na puwede naming mapagsimulan at sa tulong ng inyong mga trainings ay maihuhubog ang tamang kaisipan sa pagpapalakad ng isang negosyo  patungo sa tagumpay.

Nawa’y pagpalain at patuloy kayong gabayan ng Poong Maykapal.

Sumasainyo at maraming salamat,

Edward

***

Kanegosyong Edward,

Una sa lahat, nais kong papurihan ang kahanga-hanga mong kasipagan, lalo pa’t nakawalong taon ka na sa Qatar. Batid ko ang hirap ng ating mga kababayan na malayo sa kanilang mahal sa buhay.

Kaya naman pinagsisikapan ng ating tanggapan na maituro sa ating mga kababayan, lalo na sa mga nagtatrabaho sa ibang bansa, ang iba’t ibang kaalaman sa pagnenegosyo.

Sa pamamagitan nito, hindi ninyo na kailangan pang bumalik sa ibang bansa para lang may maipantustos sa pangangailangan ng inyong pamilya.

Sa kasalukuyan, ang tanging Negosyo Center sa National Capital Region ay matatagpuan sa siyudad ng Mandaluyong sa Maysilo Circle sa Plainview.

Ngunit maaari rin kayong magtungo sa ikalawang palapag ng Metro House Building sa Gil Puyat sa Makati kung saan itinatayo ang isa pang Negosyo Center. Kahit ito’y ginagawa pa, pero may mga tao na roon para tumulong sa mga gustong magnegosyo.

Sa mga susunod na linggo, inaasahan natin ang sunud-sunod na pagbubukas ng Negosyo Center sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan.

May ilan nang naka-schedule na training at seminar na binibigay ang Negosyo Center sa Mandaluyong, sa tulong ng Department of Science and Technology (DOST), kabilang dito ang may kinalaman sa Food Safety Act sa March 16, June 24, Sept 24 at Nov. 16.

Mayroon din silang consultation ukol sa packaging at labeling ng mga produktong pagkain sa July 13. Maliban dito, marami pang training na ibinibigay ang Negosyo Center para sa mga nais magsimula ng negosyo.

Kaya maaaring magtungo ang inyong mga anak sa Negosyo Center sa Mandaluyong upang malaman ang iba’t ibang uri ng negosyo na kanilang puwedeng simulan at mapaunlad sa mga susunod na taon.

Sa tulong nito, puwede na kayong hindi bumalik sa ibang bansa para magtrabaho.

Gumagalang,

Kanegosyong Bam

NEGOSYO, NOW NA!: May Pera sa Ube

Mga Kanegosyo, minsan ang tagumpay sa negosyo ay hindi lang pagsisikap ng isang tao.  Kailangang din ng tulong ng ibang tao, pribadong grupo o ahensiya ng gobyerno para magkaroon ng maasahang pagkukunan ng kita.

Ganito ang kuwento ng mga magsasaka sa Brgy. Catigan sa Toril, Davao del Sur, na nagsimula bilang tenant ng mga lupaing pinagtatamnan nila ng kamatis.

Dahil mahina ang kita, nabaon sila sa utang sa mga middleman na nagdadala ng kanilang produkto sa merkado.

Nagkaroon ng malaking pagbabago sa kanilang buhay noong 2006 nang magpasya ang isa sa mga may-ari ng lupa na ibigay na lamang sa kanila ang lupa.

***

Pumasok ang Gawad Kalinga at nagtayo ng mga bahay doon. Maliban dito, pinalakas din ng GK ang pagsasaka at tinuruan pa sila ng mga modernong pagsasaka.

Nagkataong naghahanap ng lupaing may malamig ang klima ang ilang malalaking negosyo para makapagtanim ng kamoteng ube.

Akmang-akma ang kanilang lupain para sa ube kaya namuhunan sa plantasyon ng ube at nangakong bibilhin ang ani ng mga magsasaka ng nasabing negosyo.

***

Hindi nagtagal ang malaking kumpanya at umalis din sa kanilang partnership.

Patuloy na umasa ang mga magsasaka sa kanilang ube. Patuloy silang nangarap na balang araw ay may bibili ng kanilang tanim na ube.

Tamang-tama at dumating ang Purple Passion para tulungan ang komunidad ng mga magsasaka.

Sinimulan nila ang Enchanted Jams.  Kumuha sila ng farming technician na nakagawa ng paraan kung paano aani ng ube ng buong taon.

Maliban sa pagbili ng ube sa mga magsasaka, binigyan din ng Purple Passion ang mga asawa ng mga magsasaka ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagtuturo ng paggawa ng jam na kanilang ibebenta.

Ngayon, maliban sa pagbebenta ng kanilang produkto sa iba’t ibang bahagi ng Davao, nagsu-supply din sila sa isang bakery ng 100 kilo ng ube jam kada buwan.

Tinitingnan din nila kung magiging mabenta ang powdered ube. May naghihintay ng exporter sa kanila upang bilhin ang kanilang produtko at dalhin sa ibang bansa ito.

***

Nakakatuwa ang kanilang kuwento, mga Kanegosyo.

Ang mga magsasakang dating naghihirap ay nagkaroon sila ng regular na kita at pangkabuhayan para sa kanilang mga pamilya.

Ang maganda sa kuwentong ito, maraming mga tao at grupo ang nagtulong-tulong sa ikatatagumpay ng negosyo.

Maliban sa Gawad Kalinga, nakatulong din ang Department of Science and Technology (DOST) sa pagbibigay ng training sa paggawa ng jam.

Nagbigay naman ang Department of Agriculture (DA) ng isang processing facility, isang cacao nursery at greenhouse para sa pagtatanim ng gulay upang magamit nang husto ang lupain.

Sa bahagi naman ng Department of Trade and Industry (DTI), binigyan sila ng kagamitan sa paggawa ng ube powder at kinonekta sila sa mga exporter na handang bumili ng kanilang produkto.

***

Kaya sa mga nais magnegosyo, huwag tayong matakot lumapit at humingi ng tulong sa mga mabubuting pribadong organisasyon gaya ng Gawad Kalinga, mga microfinance institution at mga ahensiya ng pamahalaan.

Makatutulong sila para mapalago ang ating negosyo at makapagbigay ng kabuhayan sa komunidad!

NEGOSYO, NOW NA!: Giyera ng mga Tsaa

Mga Kanegosyo, paksa ng ating nakaraang kolum ang “Bayani Brew” ni Ron Dizon, na isa sa pumapatok na produktong inumin sa bansa ngayon.

Ngayon, tatalakayin naman natin ang mga hamong hinarap ni Ron at kanyang mga kasama upang maihatid ang kanilang produkto sa mga outlet at maabot ang mamimili.

Bilang kumpanyang nagtitinda ng inumin, aminado si Ron na isa sa mga hamon ay ang kawalan nila ng sariling tindahan o stall.

Kaya malaking bagay ang relasyon nila sa mga partner outlets, lalo na ang malalaking clients.

Aniya, malaking bagay din ang tulong ng kapwa social entrepreneurs at kapwa mga bagong negosyante upang maipakilala ang kanilang produkto.

Mas maganda sa ibang partner, kaunting patong lang sa orihinal na presyo ang kanilang inilalagay sa produkto upang maakit pa ang mamimili na tikman ang “Bayani Brew”.

Isa sa mga haligi ng “Bayani Brew” ay ang kanilang distribution system, na sa ngayon ay kinakaya nilang gawin sa tulong ng isang van.

Dati, kung may usapang toll fee na, hirap sila sa pagde-deliver ng kanilang produkto sa malalayong lugar.

Ngayon, nakahanap na rin sila ng mga partner na magdadala at magbebenta ng produkto sa Metro Manila, Cebu at Davao.

***

Isa rin sa target nila ang maipakalat ang produkto sa buong Pilipinas at madala ito sa ibang bansa.

Sa ngayon, malaking hamon ang dalawang buwang shelf life ng “Bayani Brew” na nagiging hadlang sa pagdadala ng produkto sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Pero pinag-iisipan na nilang makipagtulungan sa mga probinsiya upang doon na mismo gawin ang kanilang iced tea.

Sa pamamagitan nito, mas madali na ang pagdadala at distribution ng produkto hanggang sa malalayong lugar sa bansa.

Pinag-aaralan na rin nila ang pagkakaroon ng iba pang flavor na mula rin sa lokal na mga halaman.

 

***

Ayon sa kanya, sa pamamagitan ng “Bayani Brew,” natupad niya ang pangarap na tumulong sa maraming manggagawa, lalo na sa magsasaka.

Sa kanilang kumikitang pangkabuhayan, buong taon na ang kita ng mga magsasaka dahil madali lang itanim at tumubo ang tanglad at talbos ng kamote.

Ang maganda pa rito, ang pagtatanim ng tanglad at talbos ng kamote ay puwedeng isabay ng mga magsasaka sa kanilang karaniwang tanim gaya ng palay o mais.

***

Sa kabila ng mga pagsubok, hamon at hirap, wala siyang katiting na pagsisisi nang umalis siya sa IT company at sinimulan ang “Bayani Brew”.

Aniya, punumpuno ng kagalakan ang kanyang buhay sa ngayon, lalo pa’t marami siyang natutulungang mga tao sa pamamagitan ng kanilang negosyo!

NEGOSYO, NOW NA!: Tsaang Pambayani

Mga Kanegosyo, sa nakaraan nating kolum, napag-usapan natin ang tungkol sa innovation at ang kahalagahan nito sa ikatatagumpay ng negosyo.

Isa sa magandang kuwento ng innovation ay ang Bayani Brew, na sinimulan ni Ron Dizon noong October 2012 kasama sina Xilca Alvarez at Shanon Khadka.

Kamakailan ay nakakuwentuhan natin si Ron at ibinahagi niya ang kanilang karanasan sa pagnenegosyo.

***

Isa siyang manager sa isang multinational IT company sa loob ng siyam na taon kaya wala sa dugo niya ang pagiging social entrepreneur.

Gusto niyang makapasok sa isang trabahong makatutulong sa marami, lalo na sa nangangailangan. Doon pumasok sa kanya ang konsepto ng social entrepreneurship.

Mga Kanegosyo, bago marahil sa marami ang social entrepreneurship. Ito’y isang uri ng pagnenegosyo kung saan sabay na kumikita ang negosyo pati ang mga komunidad na tinutulungan nito.

Bago tayo naging senador, isa tayong social entrepreneur. Tumutulong ang itinayo nating negosyo sa mga nanay na may-ari ng mga sari-sari store na palakihin ang mga ito noon.

***

Mabalik tayo kay Ron.  Nag-research siya tungkol sa kung ano ang social entrepreneurship at nalaman niyang marami palang grupong may kinalaman sa ganoong uri ng pagnenegosyo sa bansa at maraming nagbibigay ng seminar at forum tungkol dito.

Una niyang pinuntahan ang Center for Social Innovation ng Gawad Kalinga. Doon niya nakilala ang marami pa na hindi nabibigyan ng atensiyon at hindi napapakinggan ang kuwento.

Sa laki ng inspirasyong nakuha niya, umalis siya sa trabaho at nag-volunteer sa Gawad Kalinga.

Doon niya natuklasan ang “tsaang bukid,” na gawa sa lokal na sangkap, na ibinibigay ng mga komunidad sa mga bumibisita sa farm.

Ang isang uri nito ay pinagsamang tanglad at pandan at ang isa naman ay mula sa talbos ng kamote.

Nagkaroon siya ng ideya mula sa panukala ni Gawad Kalinga founder Tito Tony Meloto, na i-package ang “tsaang bukid” sa isang bottled iced tea na patok sa mga mamimili.

Sa paraang ito, makatutulong ng malaki sa mga magsasaka na nagtatanim ng tanglad, pandan at talbos ng kamote.

Sa una, iba-iba ang ginawa nila bago tuluyang naisa-pinal ang mga ibebentang flavor sa merkado.

***

Nang mabuo nina Ron, Xilca at Shanon ang sangkap para sa ibebentang tsaa, doon na nabuo ang “Bayani Brew”.

Maliban sa sangkap, tinutukan din nina Ron ang packaging ng “Bayani Brew” upang gumawa ito ng marka na dominado ng iba’t ibang produktong iced tea.

Inilagay din ng tatlo ang logo ng “Bayani Brew” sa disenyo ng bote ng produkto upang lalo pang makilala na ito’y gawa sa Pilipinas.

Nakatataba ng puso na mayroon isang produkto sa merkado na iced tea na galing sa mga komunidad natin ang mga sangkap, hindi gaya ng iba na mula sa ibang bansa ang ingredients.

Dagdag pa rito, maraming magsasaka ang nabibigyan ng kabuhayan dahil sa kanila direktang kinukuha ang sangkap na gamit ng “Bayani Brew”.

NEGOSYO, NOW NA!: Pinoy Pried Patatas

Mga Kanegosyo, may panahon sa ating buhay pagnenegosyo na kailangang gumawa ng isang napakalaking desisyon.

Sa mga nagsisimulang magnegosyo, darating ang punto na kailangan nating pumili, ang manatili sa trabaho natin at pumapasok ang sweldo, o ang iwan ang karera para ibuhos ang lahat sa sinimulang negosyo.

Nakakatakot, nakakakaba, pero kung mapagtagumpayan, sulit.

Ito ang naging kuwento ng Potato Corner, isang sikat na negosyong nagsimula dalawampu’t tatlong taon na ang nakalipas.

***

Sa ating pag-uusap ni Jose Magsaysay o “JoeMag”, may ari ng Potato Corner, sa programang “Status Update”, ikinuwento niya ang susi sa tagumpay ng negosyong sinimulan niya kasama ang tatlo pang kaibigan noong 1992.

Noong panahong iyon, nagtatrabaho siya sa isang international burger chain. Nang magkaanak, naisip niya kung paano niya ito mapag-aaral sa magandang eskuwelahan at mabibigyan nang maayos na kinabukasan.

Naisip niyang maghanap ng sideline para magkaroon ng dagdag na kita. Nagkataon naman na inimbitahan siya ng tatlong kaibigang magtayo ng negosyo.

Kumuha sila ng inspirasyon sa kanyang bayaw na yumaman dahil sa paglalagay ng iba’t ibang flavor sa popcorn.

Kaya inisip nilang magkakaibigan kung anong produkto pa ang maaaring pumatok kung lalagyan ng iba’t ibang flavor.

Napagdesisyunan nilang lagyan ng iba’t ibang lasa ang French fries, gaya ng cheese at barbeque.

Doon na nga isinilang ang Potato Corner, na masasabing kauna-unahang flavored fries sa mundo.

Bilang panimula, nag-ambag sila ng tig-P37,500 para masimulan na ang unang outlet ng Potato Corner.

Ibinenta nila ang kanilang french fries sa iba’t ibang laki, mula sa regular fries hanggang sa tera fries, na siyang napakarami!

Dalawang buwan matapos magbukas ang unang outlet, ipinatawag siya ng kanyang boss sa burger chain. Doon, pinapili na siya kung mananatili sa kumpanya o tututok sa Potato Corner.

Kinailangang pumili ni JoeMag.  Iiwan ba niya ang kanyang trabaho, na may siguradong buwanang suweldo ngunit baka hindi matutustusan ang pangangailangan ng pamilya?

O iwan ito at sumugal sa maliit na negosyo na maaaring magtagumpay o matalo?

Napakahirap na panahon para sa kanya.  Ngunit sa kanyang pagmahahal sa pamilya at nais niyang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga ito, sumugal siya.

Pinili niya ang Potato Corner. Kahit na dalawang buwan pa lamang ito, tumalon na siya rito.

***

Mga Kanegosyo, hindi siya nagkamali dahil sa unang buwan pa lang ng operasyon, nabawi na nila ang kanilang puhunan. Bihira itong mangyari, lalo pa’t ang ibang negosyo ay inaabot ng taon bago mabawi ang puhunan.

Nang makita ang tagumpay ng Potato Corner, marami na ring nagsulputang iba’t ibang French Fries stand. Sa unang dalawang buwan pa lang, ang dami nang gumaya!

Sa susunod na linggo, talakayin natin ang naging kumpetisyon at ang kanilang mga hakbang para lalong makalaban sa merkado!

Scroll to top