Hapee Toothpaste

NEGOSYO, NOW NA!: PWeDs!

Mga Kanegosyo, noong nakaraang linggo, tinalakay natin kung paano ginamit ng Hapee Toothpaste ang isang ma­tinding pagsubok tungo sa kanilang tagumpay at estado ngayon.

Gamit ang masusing pag-aaral ng produktong ibebenta, ang gagamiting raw materials at isasakatuparang marketing plan, kayang makipagsabayan ng isang negosyong Pinoy sa mga malalaking dayuhang kumpanya!

***

Ipagpapatuloy natin ang talakayan natin kasama si Cecilio Pedro, ang may-ari ng Hapee Toothpaste.

Isa pang susi sa kanilang tagumpay ay ang hangarin nilang makatulong sa kapwa, lalo na sa isang sektor na nahihirapang makakuha ng trabaho.

Mga Kanegosyo, tumatanggap sila ng mga empleyadong Persons with Disabilities (PWDs) sa kanilang factory at opisina.

Kahit noong gumagawa pa sila ng toothpaste tubes pa lamang noong 1980s, may empleyado na silang PWDs. Sa kasulukuyan, mayroon silang mga 100 empleyadong bingi, mula sa mga factory workers, mga nasa admin and finance, hanggang sa supervisory level.

Naghahanap nga sila ngayon ng isang bi­nging manager para lalong mapalago ang kanilang negosyo­ at adbokasiya.

Tunay na napakaganda ng kanilang hangarin dahil tumutulong sila na magkaroon ng pangkabuhayan ang isang sektor na nahihirapang mabigyan ng serbisyo ng mas nakararaming negosyo sa ating bansa.

Sa kanilang mga empleyadong PWDs, bini­bigyan nila ito ng training para makasama ang iba pang mga empleyado at makasali sa operasyon ng negosyo. Tinuturuan nila ito ng sign language, bumasa at sumulat nang mas madali silang makapag-adjust sa trabaho.

Nagbigay din ng dor­mitory sa mga empleyadong PWDs upang hindi na sila mahirapan sa pagbiyahe. Sa paraang ito, mas nagiging inspirado at produktibo sila sa trabaho.

***

Mga Kanegosyo, nakakamangha ang programang ito ng Hapee. Ngunit tinanong ko kung gaano kamahal para sa isang negosyo ang kumuha ng mga PWDs.

Ayon sa kanya, mas maraming mabubuting naibibigay ng mga empleyadong PWDs kaysa sa mga nagagastos ng negosyo para sa mga ito.
Sa kanyang obserbasyon, dahil walang distraksiyon ay nakatutok sa trabaho ang mga empleyado niyang PWDs.

Mas madalas nga, tinatalo pa ng PWDs ang ibang mga trabahador pagdating sa dami at kalidad ng output. Nahahamon tuloy ang iba pa nga na mas pagbutihan ang kanilang trabaho at makipagtagisan ng galing sa mga PWDs.

Sa kanilang annual evaluation, pito sa 10 empleyado na nangigibabaw pagdating sa performance ay pawang PWDs.

***

May programa rin ang kumpanya upang tulu­ngan ang mga manggagawa na mag-adjust sa mga kasama nilang PWD.

Regular ang pagbibi­gay nila ng seminar ukol sa sign language upang matuto ang mga emple­yado upang maintindihan ang mga PWDs ng kumpanya.

***

Mga Kanegosyo, matututunan natin sa programa ng Hapee Toothpaste na susi sa negosyo ang isang matibay at magandang sistema sa produksyon.

Sa pagkuha ng mga PWDs, naayos nila ang kanilang produksyon para mas makatulong pa ang mga empleyadong PWDs sa kalidad at bilis ng output.

Hindi balakid ang mga PWDs sa pagnenegosyo. Mahalaga na may kakayahan tayong mapatibay ang ating sistema, at bukas na isip at puso para magawan ng paraan ang pagpasok ng mga PWDs sa ating negosyo, at maging susi sila sa ating tagumpay!

 

First Published on Abante Online

 

 

Scroll to top