BIDA KA!: May IP Peering na!
Mga bida, laman ng balita kamakailan ang inisyal na usapan sa pagitan ng susunod na peace process officials at mga lider ng National Democratic Front (NDF) sa Norway.
Sa ulat, nagmistulang reunion ng magkakabarkada ang pulong dahil matagal nang magkakilala ang mga miyembro ng dalawang kampo.
Sa nasabing miting, mabilis na nagkasundo ang dalawang panig na ipagpatuloy ang usapan para matuldukan na ang ilang dekadang tunggalian at ipursigi ang inaasam na kapayapaan.
Lingid naman sa kaalaman ng lahat, may nangyari ring pag-uusap sa pagitan ng PLDT at Globe, ang dalawa sa pinakamalaking telecommunication companies sa bansa.
Hindi tulad ng nangyaring pulong sa Norway, dumaan sa butas ng karayom at mabusisi ang naging usapan ng mga negosyador ng PLDT at Globe upang marating ang kasunduan para sa IP Peering.
Inabot ng halos isang taon ang negosasyon upang maabot ang matagal na nating isinusulong na IP Peering sa pagdinig ng aking kumite ukol sa mahal at mabagal na Internet sa bansa.
***
Sa mga nakalipas na hearing ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, lumutang ang IP Peering bilang isa sa mga solusyon upang mapabilis ang koneksiyon ng Internet sa Pilipinas.
Dahil walang IP Peering, kapag nagbukas ng isang website sa Pilipinas, ang data ay nagtutungo pa sa ibang bansa bago bumalik dito. Resulta, mabagal magbukas ng isang website.
Sa tulong ng IP Peering, hindi na lalabas ng bansa ang data kaya mas mabilis nang magbukas ang website na nais nating puntahan.
Sa una, naging mainit na usapin ukol sa IP Peering. Matigas ang naging pagtutol ng mga telcos sa nasabing panukala sa maraming kadahilanan.
Pero nang tumagal, unti-unti rin silang lumambot at pumayag nang silipin ang posibilidad na mangyari ang IP Peering.
***
Kamakailan, nangyari na nga ang matagal nang pinapangarap ng maraming Pilipino nang pumirma sa isang memorandum of agreement ang PLDT at Globe para sa IP Peering.
Ayon sa telcos, ang benepisyo ng kasunduan ay mararamdaman ng halos lahat ng Internet users sa bansa, lalo na ng mobile subscribers na gumagamit ng data, kapag nakumpleto na ang IP peering sa loob ng 30 araw.
Maituturing ito na isang malaking panalo sa hangarin nating mapaganda ang estado ng Internet mula nang buksan natin ang imbestigasyon sa Senado ukol sa mahal at mabagal na serbisyo ng telcos.
Naging matagal man ang proseso, nagpapasalamat tayo na ito’y naging katuparan. Sabi nga nila, better late than never.
Article first published on Abante Online
Recent Comments