juvenile justice

BIDA KA!: Kuwento ni Rustie

Mga bida, sa ilang taon kong pagsasagawa ng Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) Awards, isa sa mga kahanga-ha­ngang tao na nakilala ko ay si Rustie Quintana.

Napakaganda ng istorya ni Rustie. Katunayan, ang kuwento niya ay naitampok pa sa isang episode ng drama series sa telebisyon.

Si Rustie ay dating batang kalye, rugby boy at nagpagamit pa bilang “courier” ng mga nagbebenta ng droga sa kanilang lugar sa Cagayan de Oro.

Dahil sa kanyang kalokohan, ilang beses naglabas-masok si Rustie sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga juvenile delinquent.

Sandali ring nakulong si Rustie sa Lumbia City Jail at pinaamin sa kasalanang hindi niya ginawa para lang mailipat sa Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) sa Gingoog City.

Sa nasabing center, dalawang taong nanatili si Rustie at sumailalim sa rehabilitasyon. Nang makalabas, inalis lahat ang anumang record niya.

Kung nahatulan sana si Rustie sa pagiging drug courier, ang parusa sanang ipinataw sa kanya ay labin­dalawa hanggang dalawampung taong pagkabilanggo at multang P12,000 hanggang P20,000.

Paglabas ni Rustie ng center, nagsimula ang tuluy-tuloy na pagbabago ng kanyang buhay. Nakatulong din sa pagbabago ni Rustie ang isang youth organization sa Cagayan de Oro na may pangalang ‘Dire Husi’.

Tinitipon ng ‘Dire Husi’ ang mga batang kalye at tinuturuan sila ng sining upang mailayo sila sa bisyo at kriminalidad patungo sa kanilang pagbabago.

Sa tulong nito, nabago ang takbo ng buhay ni Rustie. Nakatuntong pa nga siya sa Malacañang nang igawad ni Pangulong Noynoy Aquino ang parangal sa ‘Dire Husi’ bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) noong 2012.

Kamakailan lang, na­balitaan kong natapos na ni Rustie ang kursong Development Communications sa Xavier University-Ateneo de Cagayan.

Kung hindi nabigyan si Rustie ng pagkakataong makapagbagong buhay, siguradong dalawang lugar lang ang kanyang kina­hantungan – bilangguan o libingan.

***

Muling bumalik sa akin ang kuwento ni Rustie ngayong umiinit na naman ang isyu ng pag-amyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act o Republic Act 9344 as amended.

Ngayon, may mga panukalang ibaba ang age of criminal liability mula 15-anyos patungong siyam na taong gulang.

Katwiran ng mga nagsusulong na ibaba ang age of criminal liability, nagagamit ang mga batang may edad 15 taong gulang pababa sa paggawa ng krimen at nakakalusot dahil hindi maaaring kasuhan. Hindi ko mailarawan sa aking isipan ang nasabing sitwasyon.

Hindi katanggap-tanggap na ang isang siyam na taong gulang na bata ay papatawan ng parusa na para sa isang matanda.

Baka sa halip na magbagong buhay ay posibleng humantong din sa pagiging kriminal ang mga batang ikukulong kasama ng iba pang masasamang loob.

Isa pa, sa kalunus-lunos na kondisyon ng ating mga bilangguan at detention centers, baka lalo lang mapariwara ang mga batang bilanggo sa halip na magbagong-buhay.

Lalala pa ang sitwasyon kapag nagtagumpay ang mga nagsusulong na ibaba ang age of criminal liability at death penalty.

Kapag nangyari ang dalawang senaryo, posibleng kabilang sa mga bibitayin ay batang siyam na taong gulang na gagawa ng karumal-dumal na krimen kapag sila’y nilitis bilang nasa wastong gulang at hindi menor-de-edad.

***

Naniniwala tayong napakaganda ng layunin ng Juvenile Justice and Welfare Act, basta’t naipa tutupad lang nang tama.

Sa halip na ikulong, ang mga batang 15 taong gulang pababa na may problema sa batas ay ilala gak sa kustodiya ng mga magulang o ipasok sa isang youth care facility o ‘Bahay Pag-asa’.

Sa ‘Bahay Pag-asa’, mabibigyan sila ng panibagong pagkakataon upang makapagbagong buhay nang walang takot at trauma na dulot ng pagkabilanggo.

Pinapatawan din ng mabigat na parusa ng Juvenile Justice and Welfare Act ang mga taong gumagamit ng mga bata sa paggawa ng krimen at ilegal na aktibidad.

Sa halip na pagtuunan ng pansin ang pagpapababa ng tinatawag na age of criminal liability, mas maiging bigyang pansin ang pagpapaganda ng pasilidad ng ating juvenile centers.

Kung mahuhubog sila at magagabayan sa tamang landas, muli silang makakabalik sa lipunan na may positibong pananaw sa buhay at malaki ang maitutulong upang maging produktibong mamamayan ng bansa.

Ganito ang eksaktong nangyari kay Rustie.

Tuwing naaalala ko ang kuwento ni Rustie, nananatiling buo ang aking pag-asa na kayang magbago ng mga kabataang naliligaw ng landas, basta’t panatilihin lang na bukas ang pinto ng pagkakataon para sa kanila.

Kung mayroon mang butas ang batas, puwedeng pag-usapan, pag-aralan at hanapan ng akmang solusyon.

Huwag tayong magpadalus-dalos sa pagkilos dahil baka sa halip na makabuti, lalala pa ang problema.

Article first published on Abante Online

Transcript of Sen. Bam’s Interview in Davao

On Street Children and Juvenile Justice

Q: Sir, salamat po sa panahon. Would you like to share to us, Sir, kung anong ginawa ng Senado, or in your personal capacity, ano ho ang mga nagawa natin para sa mga streetchildren sa bansa?

Sen. Bam: Actually, tuluy-tuloy po ang pagtalakay sa isyu ng streetchildren sa Senado. In fact, iyong last hearing po tungkol diyan, iyong nabalita na noong pagdating ni Pope na may mga nilipon na mga street children tsaka street families.

We had a hearing about that noong nakaraang buwan.

Sa totoo rin lang po, ang isyu po ng street children po natin, nandiyan po iyan sa Committee on children. Hindi po ako ang chairman niyan, tayo po ang chairman ng Committee on Youth.

Kami naman po, we also tackle iyong mga gangsterism, napag-uusapan natin na kung hindi maalagaan ang street children natin, baka umabot sila sa mga gangs.

Tingin ko naman po, at the end of the day, babalik at babalik pa rin po tayo sa economic reasons kung bakit po may street children.

Kung mayroon pong magandang trabaho o negosyo ang kanilang mga magulang, they’ll be less likely to be street children, magkakaroon po sila ng pagkakataon para makapag-eskuwela.

That’s really where they should be.  Kung saan po talaga dapat iyong mga kabataan natin. Hindi ho dapat talaga nasa kalsada. Dapat po nasa eskuwelahan.

Kung mayroon pong mga programa para makakuha ng trabaho ang kanilang mga magulang, magandang negosyo.
In fact, iyong 4Ps program natin, iyong DSWD program, tinatawag po iyang conditional cash transfer, iyong kondisyon po riyan, ang mga anak po ninyo wala dapat sa kalsada, dapat nasa eskuwelahan.

May mga programa naman po tayo, but I guess, pagdating sa implementasyon, kailangan talagang ma-fast track natin na mas maraming trabaho at negosyo iyong ating mga pamilyang Pilipino para less po ang pagkakaroon ng street children sa ating mga lungsod.

Q: Iyon pong mga revision sa juvenile justice law, lalong lalo na sa age, what do you say?

Sen. Bam: Ako, I’m not in favor of that. Alam ko naging mainit na usapin iyan dito. Ngayon po kasi nasa 15 years old iyong age of discernment.

May mga grupong nagbabalak na gawin iyong 12 years old. Pero parang mabigat naman po yata masyado na 12 years old pa lang, bibigyan mo na ng penalties ang isang bata na kaparehas ng penalties ng isang adult.

I think kailangan ho nating ma-implement nang maayos  iyong ating juvenile justice law.

Nakalagay po roon na dapat may mga sentro, mga rehabilitation center para sa mga kabataan natin. Masasabi naman natin na hindi pa gaanong ka-implemented iyon.

Iyong paghihiwalay sa mga bata sa matatanda kapag hinuhuli, hindi naman ito nai-implement sa ibang lugar. Kailangan pong ma-implement iyon nang maayos.

Anyway po, iyong 12 years old to 15 years old, puwedeng tingnan talaga ang krimen ang ginawa. Pero just to bring it down to 12, palagay ko kailangan munang ma-implement ang batas na iyon.

On BBL

Q: May I segue sa hottest na tanong ngayon. Ano ho ang peg ng mga senador natin sa Bangsamoro Basic Law vis a vis sa Board of Inquiry. Mayroon na po ba kayong kopya ng resolusyon?

Sen. Bam: Wala pa po. Tuluy-tuloy pa po ang mga imbestigasyon. Sa amin po sa Senado, natapos na po ang hearing. I think the committee report of the committee on public order, lalabas na po iyon in the next couple of weeks.

Marami pong nag-aabang ngayon doon. Doon sa committee report na iyon, talagang mapagdu-dugtong dugtong iyong mga kuwento at masasabi ho natin kung sino ba ang accountable at ano pa po ang kailangang next steps para makakuha tayo ng hustisya para sa ating kapulisan.

Pagdating naman po sa BBL, tuluy-tuloy naman po iyong pag-uusap tungkol diyan. I think iyong isang misconception ng maraming mga kapwa Pilipino po natin, na all or nothing itong batas na ito.

Kumbaga po, either 100 percent o zero percent. But the truth is, ang proseso po ng pagtalakay nito ay dadaan talaga sa tamang proseso.

So magkakaroon pa po iyan ng amendments, magkakaroon ng mga  pagbabago, papalakasin, lilinawin, ang ibang kataga at salita diyan.

Even the Senate President po natin, sinabi rin niya na kailangang maayos ang constitutionality issues.

Kung mayroong mga bagay-bagay na hindi tumutugma sa ating Constitution, kailangan talaga munang ayusin bago lumabas.

So, I predict ho na mahaba-haba pa po ang prosesong iyan. Kailangan talagang talakayin. In fact, bago pa po nangyari ang trahedya sa Mamasapano, marami na pong IP groups ang lumapit sa amin.

Alam ninyo, adopted po ako ten tribes ng Davao City. Kaya malapit na malapit po ang IPs sa akin. Sabi nila, Senator Bam, siguraduhin mo naman sa BBL, hindi mapeperhuwisyo ang ating indigenous people.

Marami naman po talagang mga pagdadaanan pa. Ang mahalaga po ngayon, kung ang taumbayan nga nakatutok po dito, huwag lang po sanang all or nothing.

Tingnan po muna natin kung ano sa mga probisyon ang dapat ituloy, dapat baguhin, dapat palakasin o di kaya’y dapat tanggalin.

I think that process, kung lahat po ng taumbayan nakatingin po, posible pong mas magandang batas ang ilalabas ng Senado at Kongreso.

Q: I hope the MILF also acknowledges the need na siyempre may mga amendments din naman.

Sen. Bam: I think, at the end of the day, kung dadaan ka sa proseso ng Senado at Kongreso, wala namang lumalabas diyan na as is. Kaya nga kami nandito, kung as is yan, nagka-Senado at Kongreso ka pa.

Kailangan talagang dumaan iyan sa proseso and ngayon nga pong mainit ang usapin, maganda pong mag-voice out ang mga kababayan po natin tungkol dito.

Iyong mommy ko po taga-Davao so iyong Mindanao bloc po ng mga senador, nandiyan po si Senator Pimentel na Cagayan de Oro, si Sen. Guingona ng Bukidnon and I consider myself as part of Davao.

Sabi ko, siyempre dapat taga-Mindanao din ang nagli-lead dito, sa usaping ito. Hindi naman maganda na ang BBL, na ang apektado ay taga-Mindanao, ay mga taga-Metro Manila iyong nag-uusap.

I think, the voice of Mindanao should really come out, hindi lang sa Muslim areas natin kundi sa buong Mindanao talaga. The voice should come out para mas maayos na batas ang BBL.

Q: Would you like to react on those who call for the President to say I’m sorry and even to the extent of resigning.

Sen. Bam: Unang una po, I think within a few days, sinabi naman po ni Presidente Aquino na he is responsible for everything. Sinabi na ho niya iyan. Ako ang responsable dito, ako ang commander in chief.

Baka nakalimutan lang ho nakalimutan lang ng mga taong nagtatawag na he takes accountability na nasabi na ho niya iyan. Sabi nga ho nila, action speaks louder than words.

Makikita naman po natin iyong dami ng oras na talagang binigay niya doon sa ating SAF, doon sa pamilya ng ating fallen policemen. Tingin ko naman po, the sincerity is there.

Doon naman po sa pagtawag ng pag-resign o ouster o coup d’etat, palagay ko naman po hindi iyan ang solusyon para makakuha ng hustisya sa ating kapulisan. Hindi po iyon ang solusyon para makakuha ng kapayapaan.

To be very frank rin, if we’re looking at our country, iyong takbo po ng ekonomiya, ito pong Davao City, booming na booming po talaga, napakaganda po ng takbo. Hindi po talaga makakabuti ang ganoong klaseng instability.

I think ang mahalaga po diyan, iyong ating institutions, kung mature na po tayo na demokrasya, kailagang ipakita na ang institusyon natin, may kakayahang magdulot ng hustisya para sa ating kapulisan.

They should be able to provide the justice, and at the end of the day, iyong iba’t ibang institusyon, nandiyan naman po ang Senado, Kongreso, BOI po ng PNP, tuluy-tuloy naman po iyong aming pagtatrabaho.

We will ensure that there is justice for the SAF 44 and at the same time, magkaroon po tayo ng lasting peace. Hindi po ang pag-resign ng presidente ang solusyon diyan.

On Duterte 2016

Q: You see Mayor Duterte in the horizon in 2016 perhaps. Anong tsansa na may isang Mindanaoan na sasali naman?

Sen. Bam: Alam ninyo, ako pangarap ko talaga na lahat ng tumatakbo para pagka-presidente, lahat ho magagaling. At iyong taumbayan, pipili na lang sila kung ano ang gusto nila.

Usually ho ang eleksyon sa Pilipinas, sino ba dito ang magnanakaw, sino iyong ang hindi magnanakaw.

It talks of mature democracy kung iyong mga tumatakbo iba iba talaga ang maibibigay nila sa ating bayan.

I think si Mayor po, pag andito naman ako sa Davao, lagi naman po kaming nagkikita rin. Iyong mommy ko po, naging teacher iyong nanay niya. Iyong lolo’t lola ko, naging teacher din niya.

If he throws his hat into the ring, I think it will be a welcome addition. At least iyong taumbayan po natin, magkakaroon ng options, magkakaroon ng pagpipilian na magagaling.

Of course, sasabihin ko lang po na kasama po ako sa partido but kung tatakbo po siya, it would be very welcome sa ating bansa.

Q: Any parting word po para sa mga taga-Davao, who’s watching the Senate in action?

Sen. Bam: Kadalasan po, kung babasahin po natin iyong diyaryo, feeling ho natin na ang trabaho ng Senado, puro lang imbestigasyon.

But actually marami naman po kaming tinatalakay. Last year, napasa po natin ang Go Negosyo Act, iyong isang batas na tutulong sa ating maliliit na entrepreneur.

Sabi nga natin kanina, iyong mga street children, kung may mga trabaho at negosyo ang kanilang pamilya, walang street children tayo. So may focus pa rin po tayo pagdating sa economic benefits ng ating bayan.

Napasa rin po naming ang Philippine Lemon Law, ang batas na nagpoprotekta sa mga bumibili ng kotse.

This year, may mga napasa na rin tayo on third reading. Hinihintay na lang po natin ang Congress version.

Iyong Youth Entrepreneurship Bill na magbibigay ng tulong sa mga kabataan na makapag-negosyo, malapit na pong maging batas, pagdasal po natin.

Iyong Competition Bill, iyon ho, anti-monopoly, anti-trust bill. Seventy years in the making na po iyan, napasa po natin iyan sa Senado.

Iyong batas po na magbubukas ng ports natin sa foreign ships, napasa po namin iyan sa Senado.

If that becomes law at magkaroon po ng Congress version, iyong ating Davao port dito, puwede nang puntahan ng foreign ships. Mas magmumura ang ating importing at exporting. Posible pong magmura ang presyo ng ating mga bilihin.

These are important laws, aside from the investigations, lahat po iyan ginagawa po naming para sa taumbayan.

Q: One follow up sir, SK reform?

Sen. Bam: Yes, napasa rin po natin iyan. Alam ninyo po, dahil nga po sa trahedya sa Mamasapano, hindi na po napag-uusapan ang ginagawa ng Senate.

We passed on third reading napasa na po sa Senado, hinihintay na lang po naming ang Congress version.

Iyong SK Reform Bill, tinataas po iyong edad from 15 to 17 to 18 to 24. Naglagay po kami ng anti-dynasty provision sa SK, hindi na po puwede na anak ng barangay captain or anak ng councilor o mayor.

Mandatory training tsaka ang tinatawag nating Local Youth Development Council na tutulong sa SK para magawa ang kanyang trabaho.  Iyon po, composed ng youth leaders mula sa eskuwelahan, simbahan at iba’t ibang community organizations.

Kung maging batas po ito, next time  na magkaroon tayo ng SK, which is 2016, mas magiging epektibo po sila at mas mapoprotektahan sila sa traditional politics.

Scroll to top