BIDA KA!: Patok pala ang K to 12
Mga bida, kasabay ng kontrobersiyal na pagdinig ukol sa extrajudicial killings (EJK) sa bansa, tahimik na nagsagawa ng hearing ang Senate Committee on Education, Arts and Culture noong Lunes.
Habang siksikan ang session hall sa Senado ng mga panauhin at mga miyembro ng media, naging laman naman ng Laurel room ang mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa edukasyon.
Mabuti na lang at nakadalo sa pagdinig ang mga kapwa ko senador na sina Sherwin Gatchalian, Joel Villanueva, Nancy Binay at Alan Peter Cayetano, na tulad ko ay may mga isinusulong ding mga adbokasiya na may kinalaman sa edukasyon.
Sabi nga ng isa nating panauhin na si Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones, hindi kasi seksi ang paksa ng ating pagdinig kung ihahambing sa mabentang isyu ng extrajudicial killings.
Hindi man kasing sexy ng EJK, kung titimbangin ay napakahalaga ang ating dinidinig na isyu, lalo pa’t kinabukasan ng ating mga kabataan ang nakasalalay rito.
Kabilang sa mga sinilip ng kumite na ating pinamumunuan ang estado ng K to 12 program sa bansa, na todong ipinatupad ngayong taon.
Naisama rin sa agenda ang iba’t ibang panukalang nagpapalakas sa edukasyon sa bansa, kasama na ang nauna nating tinakalay sa kolum na ito na Senate Bill No. 170 (Trabaho Center in School Act), Senate Bill No. 172 (Abot Alam Act of 2016) at Senate Bill No. 173 (Free Education for Public School Teacher’s Children Act).
***
Unang natuon ang usapan sa K to 12 program, na inaasahan ng marami na sasablay dahil sa umano’y pahirap na dala nito sa mga estudyante at mga magulang.
Ngunit taliwas sa tantiya ng karamihan, pumatok pala ang K to 12 program dahil mahigit 1.5 milyon ang nag-enroll sa Senior High Schools (SHS) para sa school year 2016-2017.
Sa kabuuang 1,517,610 SHS enrollees, 1,460,970 ay nakakumpleto ng Grade 10, 54,262 ang Balik-Aral students at 2,378 ay nakapasa sa Accreditation and Equivalency (A&E) examination.
Ang 1,460,970 ay 98 porsiyento ng kabuuang bilang ng nagtapos ng Grade 10 na nagpasyang magpatuloy sa SHS.
Ibig sabihin nito, walang katotohanan ang mga ulat sa pahayagan na malalayo at mahihirapan ang mga estudyante na puntahan ang iba’t ibang senior high schools sa bansa.
Sa mataas na bilang ng nag-enroll, patunay ito na sasamantalahin ng mga Pilipino ang pagkakataong mag-aral basta’t naririyan ang libreng edukasyon at tuluy-tuloy na tulong ng pamahalaan.
Kasabay naman ng mataas na bilang ng nag-enroll, naririyan rin ang hamon ng kakulangan ng classroom at gurong may sapat na kasanayan sa ilalim ng K to 12 program.
Ngunit sa pangunguna ni Sec. Briones ng DepEd, tiwala ako na malalampasan ang mga pagsubok na ito.
***
Isa rin sa mga nabigyang pansin sa pagdinig ang panukala nating bigyan ng scholarship ang mga anak ng public school teachers sa lahat ng SUCs sa buong bansa
Ang panukalang ito ay pagkilala sa kabayanihan ng ating public school teachers na patuloy na nagsisilbi sa mamamayan sa kabila ng maliit na suweldo.
Ito, at iba pa nating mga panukala, ay isinumite na natin sa DepEd para sa kanilang komento at pagbabago, kung mayroon man, upang maisama sa pinal na bersiyon.
Bilang chairman ng education committee, tiwala ako na magiging mabunga ang susunod na tatlong taon sa tulong na rin ng masisipag na opisyal ng DepEd at CHED at mga senador na kaisa ko sa pagnanais na pagandahin ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Article first published on Abante Online
Recent Comments