K to 12 Education Program

BIDA KA!: Patok pala ang K to 12

Mga bida, kasabay ng kontrobersiyal na pagdinig ukol sa extrajudicial killings (EJK) sa bansa, tahimik na nagsagawa ng hearing ang Se­nate Committee on Education, Arts and Culture noong Lunes.

Habang siksikan ang session hall sa Senado ng mga panauhin at mga mi­yembro ng media, naging laman naman ng Laurel room ang mga opis­yal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa edukasyon.

Mabuti na lang at nakadalo sa pagdinig ang mga kapwa ko senador na sina Sherwin Gatchalian, Joel Villanueva, Nancy Binay at Alan Peter Cayetano, na tulad ko ay may mga isinusulong ding mga adbokasiya na may kinalaman sa edukasyon.

Sabi nga ng isa nating panauhin na si Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones, hindi kasi seksi ang paksa ng ating pagdinig kung ihahambing sa mabentang isyu ng extrajudicial killings.

Hindi man kasing sexy ng EJK, kung titimbangin ay napa­kahalaga ang ating dinidinig na isyu, lalo pa’t kinabukasan ng ating mga kabataan ang nakasalalay rito.

Kabilang sa mga sinilip ng kumite na ating pinamumunuan ang estado ng K to 12 program sa bansa, na todong ipinatupad ngayong taon.

Naisama rin sa agenda ang iba’t ibang panukalang nagpapa­lakas sa edukasyon sa bansa, kasama na ang nauna na­ting tinakalay sa kolum na ito na Senate Bill No. 170 (Trabaho Center in School Act), Senate Bill No. 172 (Abot Alam Act of 2016) at Senate Bill No. 173 (Free Education for Public School Teacher’s Children Act).

***

Unang natuon ang usapan sa K to 12 program, na inaasahan ng marami na sasablay dahil sa umano’y pahirap na dala nito sa mga estudyante at mga magulang.

Ngunit taliwas sa tantiya ng karamihan, pumatok pala ang K to 12 program dahil mahigit 1.5 milyon ang nag-enroll sa Senior High Schools (SHS) para sa school year 2016-2017.

Sa kabuuang 1,517,610 SHS enrollees, 1,460,970 ay nakakumpleto ng Grade 10, 54,262 ang Balik-Aral students at 2,378 ay nakapasa sa Accreditation and Equivalency (A&E) examination.

Ang 1,460,970 ay 98 porsiyento ng kabuuang bilang ng nagtapos ng Grade 10 na nagpasyang magpatuloy sa SHS.

Ibig sabihin nito, walang katotohanan ang mga ulat sa pahayagan na malalayo at mahihirapan ang mga estudyante na puntahan ang iba’t ibang senior high schools sa bansa.

Sa mataas na bilang ng nag-enroll, patunay ito na sasamantalahin ng mga Pilipino ang pagkakataong  mag-aral basta’t naririyan ang libreng edukasyon at tuluy-tuloy na tulong ng pamahalaan.

Kasabay naman ng mataas na bilang ng nag-enroll, naririyan rin ang hamon ng kakulangan ng classroom at gurong may sapat na kasanayan sa ilalim ng K to 12 program.

Ngunit sa pangunguna ni Sec. Briones ng DepEd, tiwala ako na malalampasan ang mga pagsubok na ito.

***

Isa rin sa mga nabigyang pansin sa pagdinig ang panukala nating bigyan ng scholarship ang mga anak ng public school teachers sa lahat ng SUCs sa buong bansa

Ang panukalang ito ay pagkilala sa kabayanihan ng ating public school teachers na patuloy na nagsisilbi sa mamamayan sa kabila ng maliit na suweldo.

Ito, at iba pa nating mga panukala, ay isinumite na natin sa DepEd para sa kanilang komento at pagbabago, kung mayroon man, upang maisama sa pinal na bersiyon.

Bilang chairman ng education committee, tiwala ako na magiging mabunga ang susunod na tatlong taon sa tulong na rin ng masisipag na opisyal ng DepEd at CHED at mga senador na kaisa ko sa pagnanais na pagandahin ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Article first published on Abante Online

BIDA KA!: Garantiyang trabaho pagkatapos ng senior high school

Mga bida, bilang chairman ng Committee on Education ngayong 17th Congress, isa sa ating tinututukan ay ang pagsusulong at lalo pang pagpapalakas ng K to 12.

Ang programang ito ay binuo, isinabatas at isinakatuparan ng nakaraang administrasyon upang maiangat ang estado ng edukasyon sa bansa patungo sa pagiging world-class.

Natutuwa naman tayo na ipinagpatuloy ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing programa dahil alam niya na malaki ang maitutulong nito upang mabigyan ang ating mga estudyante ng de-kalidad na edukasyon.

Sa tulong nito, mas malaki ang pagkakataon nilang magkaroon ng magandang hanapbuhay o ‘di kaya’y kabuhayan para sa kanilang hinaharap.

***

Bago pa man pormal na nagsimula ang K to 12, may ilang paaralan na sa bansa ang nagsilbing “early implementers” ng programa.

Kabilang na rito ang Fidelis Senior High sa Tanauan, Batangas na nagbukas ng pinto noong 2014 sa dalawampu’t anim na Grade 11 students bilang pioneer batch ng Senior High School.

Habang ang iba nilang kaklase ay nagtuloy sa kolehiyo, buong tapang namang hinarap ng 26 ang hamon ng programa, na tumakbo sa ilalim ng sistemang “study now, pay later” at may garantiyang trabaho pagsapit ng graduation.

Sa nasabing paaralan, agad sinabak ang 26 sa mga kasana­yang may kinalaman sa trabaho at entrepreneurship upang maihanda sila sa papasuking hanapbuhay sa hinaharap.

Sa unang taon, kasabay ng pag-aaral ng iba’t ibang paksa ay bumisita rin sila sa mga kumpanya sa science park sa Batangas at Laguna upang malaman ang mga sistema sa paghahanap ng trabaho.

Sa isang kompanya, tinuruan pa sila kung paano mag-fill-up ng application form, kumuha ng exam at humarap sa iba’t ibang interview.

Pagsapit ng Grade 12, ipinadala sila sa iba’t ibang kumpanya para sa on-the-job training.

Noong March 19, 2016, gumawa ng kasaysayan ang dalawampu’t anim bilang unang batch ng graduates ng Fidelis Senior High Grade 12.

Habang ang karamihan sa kanila ay nagpasyang magtuloy sa kolehiyo, ito sa kanila ang nabigyan ng trabaho pagka-graduate.

***

Ito ang pakay ng isinumite nating Senate Bill No. 170 o panukalang magtatag ng Trabaho Centers sa lahat ng Senior High Schools sa buong bansa.

Ang Trabaho Center ay tutulong sa Senior High School graduates, na nais nang maghanapbuhay at huwag nang magpatuloy pa sa kolehiyo, upang makakita ng trabaho.

Kapag naisabatas, tatlong pangunahing aspeto ang tututukan ng Trabaho Center — career counseling services, employment facilitation at industry matching.

Sa ilalim ng career counseling, bibigyan ang mga estudyante ng bagay sa career na kanilang pipiliin sa Senior High School.

Sa Employment Facilitation, bibigyan ng lahat ng kinakailangang tulong ng senior high school student sa paghahanap ng trabaho.

Sa pamamagitan naman ng industry matching, mapupunuan ang pangangailangan ng mga kumpanya sa pagbibigay sa kanila ng listahan ng mga graduate at profile ng bawat estudyante.

Magtutulungan naman ang Public Employment Services Office (PESO) at TESDA sa paglikha ng database ng mga bakanteng trabaho sa lokalidad at kung anong dagdag na training ang hinahanap para sa isang partikular na trabaho.

Naniniwala tayo na edukasyon ang magandang tulay tungo sa pagkakaroon ng hanapbuhay.

Sa tulong ng Trabaho Center, magiging abot-kamay na para sa isang Senior High School student ang inaasam na trabaho.

Ito’y isa lang sa marami pa nating plano upang mapalakas ang edukasyon sa bansa at makalikha ng marami pang trabaho para sa ating mga kababayan.

Article first published on Abante Online

BIDA KA!: Go K to 12!

Mga Bida, kasabay ng muling pagbabalik-eskuwela ng milyun-mil­yong kabataang Pinoy, mainit din ang usapin ukol sa K to 12 Basic Education Program na naisabatas noong 2013.

Layon ng batas na ito na maisabay ang Pilipinas sa modernong sistema ng edukasyon sa ginagamit na sistema ng mundo. Bago kasi ang K to 12, tayo na lang ang bansa sa Asya na gumagamit ng 10-year pre-university cycle.

Sa buong mundo, isa tayo sa tatlong bansa  kasama ang Angola at Djibouti – na gumagamit pa ng 10-year basic education system.

Sa programang ito, magkakaroon ng dagdag na Grades 11 at 12 na magbibigay ng sapat na kaalaman sa mga estudyante kung nais na nilang magtrabaho agad o ‘di kaya’y magtayo ng sari­ling negosyo.

***

Subalit malaking hamon ang kinakaharap ng programa dahil ilang sektor ang kumukuwestiyon sa kahandaan ng pamahalaan na ipatupad ito.

Bago naging batas, masusing pinag-aralan ang K to 12 Education Program ng mga pribado at pampublikong sektor, batay na rin sa pagsasaliksik at karanasan sa edukasyon.

Kaya hindi na kailangang pagdebatehan ang kahalagahan ng K to 12 sa kaunlaran ng edukasyon sa Pilipinas at sa paghubog ng mas magaling at mas handang mga mag-aaral sa kinabukasan.

Mga Bida, ang mas nararapat na tanong ay kung kaya ba na­ting maipatupad ang repormang ito sa buong bansa.

***

Mga Bida, kung pag-uusapan natin ang mga naabot ng DepEd sa nakalipas na limang taon, masasabing marami na ang kanilang nagawa sa pagpaangat ng kalidad ng edukasyon sa bansa.

Noong 2010, may backlog na 66,000 classrooms ang bansa. Sa nakalipas na limang taon, nakapagpatayo ang DepEd ng 142,149 na silid-aralan.

Sa limang taon ding iyon, kumuha ang DepEd ng 167,121 guro dahil na rin sa lumalaking populasyon ng mga mag-aaral.

Kung pondo naman ang pag-uusapan, itinaas ng Senado ang budget ng DepEd sa P364.66 bilyon ngayong taon, na mahigit doble sa pondo ng ahensiya noong 2010 na P174 bilyon.

Sa mga datos na ito, marami nang nagawa ang DepEd at malaki na ang ikinaganda ng edukasyon sa bansa sa nakalipas na limang taon.
Mga Bida, makikita ang kakayahan ng DepEd at ng iba pang stakeholders na ilatag ang kailangang paghahanda at pagpapaganda upang maipatupad nang husto ang programa.

Aminado tayong marami pang dapat ayusin sa pagpapatupad ng K-12 system, kabilang ang pagkuha ng mga bagong guro at mga tauhan sa iba’t ibang posisyon, training sa transition, paglalathala ng mga libro at pagdaragdag pa ng mga imprastruktura.

Sa kabila ng mga hamong ito, mayroon pa tayong isang taon bago ang tuluyang pagpapatupad ng K-12 Program.

May isang taon pa upang makahanap ng mga solusyon sa mga nakaambang isyu at para matugunan ang mga pangamba ng ating publiko sa bagong programa.

Ang mahalaga rito, huwag tayong mag-iwanan at huwag bumitiw habang papalapit na tayo sa buong katuparan ng programang K to 12.

Ituloy natin ang pag-aalalay, paghahanda, at pagbibigay suporta sa DepEd, sa ating mga paaralan at mga guro.
Ngunit ang pinakamahalaga, ito’y para sa mas magandang kinabukasan ng ating kabataang Pinoy at ng buong bansa!

 

First Published on Abante Online

 

 

Scroll to top