BIDA KA!: Kabataan kontra kalamidad
Sa 2013 Climate Risk Index, una ang Pilipinas sa pinakamatinding naapektuhan ng kalamidad kasunod ng pagtama ng bagyong Yolanda na pumatay nang mahigit 6,000 katao at sumira ng ari-ariang aabot sa $18 billion.
Maliban pa sa bagyo, nakaamba rin ang banta ng malakas na lindol sa bansa. Kamakailan lang, inilabas ng Philippine Institute for Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang Valley Fault Atlas na naglalaman ng mapa kung saan dumadaan ang West Valley Fault sa Greater Metro Manila Area.
***
Sa gitna ng mga nagdaang trahedya at kalamidad sa ating bansa, nakita natin ang ambag ng kabataang Pinoy tuwing may kalamidad.
Mula sa rescue operation, pamamahagi ng relief goods hanggang sa pagbibigay ng iba’t ibang uri ng tulong sa mga biktima ng sakuna at kalamidad, nagbubuhos sila ng oras at lakas para makatulong sa mga kababayan.
Sa Cauayan City, Isabela, ang Red Cross Youth and Junior Rescue Team ay nakagawa ng Disaster Management eco-rafts mula sa recycled plastic bottles na kanilang ipinamahagi sa mga nakatira sa malapit sa ilog at mga lugar na madalas bahain.
Tuwing may bagyo at umaakyat ang tubig, ginagamit ang mga eco-raft na ito ng mga pamilya roon upang makaligtas sa anumang sakuna.
Mahalaga na may alam at kasanayan ang ating mga kababayan sa basic life support, first-aid training at rescue operations lalo na sa panahon ng sakuna. Naranasan ito mismo ng Hayag Youth Organization ng Ormoc, Leyte.
Isinagawa nila ang “Langoy Para sa Kaluwasan” program na isa nilang advocacy sa disaster preparedness. Noong tamaan ng bagyong Yolanda ang Ormoc, lahat ng miyembro ng Hayag na tinuruang lumangoy ay naligtas sa delubyo.
Ang Rescue Assistance Peacekeeping Intelligence Detail o RAPID ay malaki rin ang naitulong kung saan itinuturo nila ang emergency response, first aid, bandaging, evacuation at iba pang kaalaman at kasanayan na kakailanganin tuwing may sakuna.
Ang mga nagtapos sa RAPID ang mga ilan sa first resonders noong bagyong Yolanda, lindol sa Bohol at pati sa lumubog na barko sa Cebu kung saan isinigawa ng mga trainees ang kanilang natutunan na cardiopulmonary resuscitation o CPR na natutunan upang mailigtas ang sanggol na walong buwan pa lamang!
Napakarami na ngayong mga youth group na nagtuturo ng mga kasanayang ito at kumukuha ng mga volunteer para mas maparami ang may kaalaman sa disaster response and rescue — mula sa Hayag Youth Organization sa Ormoc, Leyte, sa Rescue Assistance Peacekeeping Intelligence Detail (RAPID) sa Cebu hanggang sa Muntinlupa Junior Rescue Team at The Responders sa South Central Mindanao.
***
Ngayong higit kailanman, kailangan natin ang tulong ng sektor ng kabataan — mula sa edukasyon, rescue, response, relief at rehabilitasyon — sa posibleng pagtama ng kalamidad.
Dahil subok nang kasama ang mga kabataan sa panahon ng kalamidad, oras na para kilalanin at pagtibayin ang kanilang mahalagang papel pagdating sa disaster risk reduction and management.
Ito’y sa pamamagitan ng inihain kong RESCYouth Act of 2015, na layong palakasin pa ang antas ng partisipasyon ng kabataan at isama sila sa pagpaplano at paghahanda para sa pagdating ng anumang kalamidad.
Layon ng panukala na isama ang National Youth Commission (NYC) chairman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Kasabay nito, isasama rin ang kinatawan ng mga kabataan sa Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC).
Umani ng suporta ang panukalang ito mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), local government units (LGUs), NDRRMC at NYC.
Ayon sa kanila, mahalaga na isama ang mga kabataan mula sa pagpaplano hanggang sa pagsasakatuparan nito.
Sa tulong ng kabataang Pinoy, mas magiging handa tayo sa anumang kalamidad na tatama sa bansa!
First Published on Abante Online
Recent Comments