kandidato

BIDA KA!: Planot plataporma, hindi porma

Mga Bida, halos isang taon pa bago maghalalan pero ngayon pa lang, mainit na ang usapin ukol sa mga posibleng kandidato sa 2016.

Marami na ang nakaabang sa kung sino ang patok sa mga survey. Pati karaniwang tao ay naging instant political analyst na rin sa pagtantiya sa tsansa ng bawat kandidato.

Sa araw-araw, laman ng mga pahayagan at pinag-uusapan sa radyo at telebisyon ang tungkol sa mga tatakbo sa karera para sa Malacañang. Ramdam na ramdam na talaga ang simoy ng pulitika sa bansa.

Ang nakakalungkot dito, sa sobrang pagtutok ng media sa mga isyung kinakaharap ng mga posibleng kandidato, baka nakakalimutan natin na kailangang pag-isipang mabuti kung sino ang iboboto natin sa 2016 batay sa kung ano ang magagawa nila para sa ating bansa.

Mapapansin na karamihan ng ulat na lumalabas sa media ay nakatuon lang sa mga kontrobersiya at isyu ukol sa isang posibleng kandidato. Mabenta kasi sa publiko ang mga ganitong balita.

***

Mga Bida, mas maganda siguro kung ihain na natin ang mga katanungan sa ating mga kandidato.  Hikayatin natin ang mga manunulat at reporter na humingi na ng mga plano para sa mga nag-iisip na tumakbo.

May kakayahan kaya siyang ipagpatuloy ang malaking pag-angat ng ekonomiya ng bansa at ang kaunlarang ito ay mai­babahagi pa niya sa mas maraming Pilipino?

Sa pagpasa ng Philippine Competition Act, kaya ba niyang tumayo laban sa mga mapang-abusong negosyo, kartel at mga magmamanipula ng mga presyo ng bilihin para matiyak na matibay ang ating mga merkado?

Kaya ba niyang bigyan ng nararapat na kapangyarihan ang pulis at ating sandatahan para mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa ating mga komunidad?

Kikilos ba siya para maresolba ang tumataas na bilang ng walang trabaho sa bansa upang maiparamdam ang kaunlaran sa mas nakararaming Pilipino?

Mabibigyang solusyon ba niya ang pagtaas ng mga kaso ng maagang pagbubuntis at pagkalulong ng kabataan sa droga?

Imbes na tutukan ang imahe o tumingin sa personalidad ng isang kandidato, makagaganda para sa taumbayan kung magtatanong na tayo kung ano ang kinabukasang naghihintay sa atin sa bagong pamahalaan.

Mahalagang malaman ito upang matiyak na tuluy-tuloy ang pag-unlad na tinatamasa ng bansa kahit magpalit pa ng administrasyon.

Kaya, mga Bida, huwag tayong mag-atubiling tanungin ang mga sinasabing tatakbo bilang pangulo kung ano ang kanilang maiaalay para sa bansa.

***

Sa limang taon ng kasalukuyang gobyerno, masasabi na malayo na ang narating ng Pilipinas.

Mula sa pagiging “Sick Man of Asia,” tayo na ang kinikilala bilang ikalawang pinakamalakas na ekonomiya sa rehiyon.

Milya-milya na rin ang naabot natin pagdating sa giyera kontra katiwalian at sa pagsusulong ng mabuti at matapat na pamamahala.

Masasayang lang ang lahat ng ito kung hindi natin titiyakin na may kakayahan ang mga susunod nating pinuno na ito’y ipagpatuloy o ‘di kaya’y higitan pa.

Kaya higit pa sa personalidad, simulan na nating tanungin ang mga tanong na siyang makabubuo ng mga plano ng mga kandidato para sa ating kinabukasan.

Sa pamamagitan nito, mas makakapamili tayo ng karapat-dapat na susunod na mga pinuno ng bansa. Tandaan, kinabukasan natin at ng bansa ang nakataya sa ating magiging pasya!

 

First Published on Abante Online