BIDA KA!: Kuwentong snatcher
Mga Bida, habang tuluy-tuloy ang ating pagtatrabaho ukol sa mga adbokasiya at mga panukalang batas sa Senado, diretso pa rin ang pagtutok ng Blue Ribbon Committee sa PDAF scam.
Gaya ng parating sinasabi ng isang sikat na broadcaster, ‘di natin tatantanan ang isyu hanggang lumabas ang buong katotohanan. Ito ang pangako natin sa taumbayan na siyang biktima sa katiwaliang ito.
Kamakailan, sa kasagsagan ng pagdinig ay nakipagkuwentuhan sa akin ang isang youth leader.
Sabi niya, “Kuya, ang mga snatcher, madudungis, madudumi at mukhang palabuy-laboy sa lansangan. At ang nanakawin sa iyo, siguro cellphone o wallet mo lang.”
“Pero ang mga sangkot sa iskandalo sa PDAF, ang aayos tingnan, malilinis, mababango at nakatira sa mga mansyon. Iyon pala ay bilyun-bilyon ang ninakaw sa kaban ng bayan,” dagdag pa ng youth leader.
Nakuha ko agad ang punto ng youth leader. Dapat tayong maging mapanuri sa lahat ng tao, lalo na iyong mga tinitingala sa lipunan.
Gaya na lang ng sinasabing utak sa PDAF scam na si Janet Lim Napoles. Isa siyang iginagalang na miyembro ng alta-sosyedad. Iyon pala, ang perang winaldas niya ay mula pala sa pinaghirapan ng taumbayan.
Nariyan din si Delfin Lee, ang may-ari ng ilang malalaking condominium units at subdivisions sa Kamaynilaan at kalapit-lalawigan.
Sa estado niya sa buhay, hindi mo maiisip na sangkot pala siya sa pagkawala ng halos pitong bilyong pisong pondo ng Pag-IBIG.
Kaya mga Bida, maging mapagbantay tayo sa lahat ng ating nakakasalamuha.
***
May isa pa akong kuwento tungkol sa mga snatcher.
Ang grupo ni Rustie Quintana ay notoryus na mga snatcher at gangster sa Cagayan de Oro.
Dahil sa kanilang mga kalokohan, ilang beses nang naglabas-masok si Rustie at ang mga kasama niya sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga juvenile delinquent.
Nangangarap na magbago, minsang umakyat si Rustie ng puno at tinanaw ang Xavier University-Ateneo de Cagayan, sabay malakas na sinabing “balang araw ay mag-aaral ako diyan.”
Malakas na tawanan lang ang tinanggap ni Rustie mula sa kapwa batang kalye, ngunit hindi nasira ang kanyang loob at ipinangako sa sarili na gagawing katuparan ang kanyang pangarap.
Nabigyan ng pagkakataong mabago ang buhay ni Rustie at ng kanyang mga kasama nang tulungan sila ng youth organization sa Cagayan de Oro na may pangalang Dire Husi.
Sa ilalim ng programang “Arts Ville,” tinitipon ang mga batang kalye at tinuturuan sila ng sining upang mailayo sila sa bisyo at kriminalidad patungo sa kanilang pagbabago.
Nanalo sina Rustie at ang Dire Husi ng Ten Outstanding Youth Organization (TAYO) Awards dahil sa kanilang misyon noong 2012.
Nang parangalan sila sa Malacañang, lumapit sa akin si Rustie at sinabing, “Kuya hindi ko akalain na makakaabot ako dito sa Malacañang at makakamayan ang Presidente.”
Kamakailan lang, napag-alaman kong si Rustie ay kumukuha ng kursong business management sa paaralang pinangarap niyang pasukan — ang Xavier University-Ateneo de Cagayan.
Mga Bida, patunay lang ito na walang imposible sa mundo basta’t determinadong magbago ang isang tao.
Kaya hindi tayo dapat maging mabilis sa paghusga. Hindi porke’t marumi, masama na. Hindi dahil malinis manamit, matino na.
May kasabihan nga, hindi lahat ng kumikinang ay ginto. Mayroon din namang nakakatanso.
First Published on Abante Online
Recent Comments